24 January 2015

BITIWAN ANG SARANGGOLA: HARAPIN ANG TAWAG NI JESUS

Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 1:14-20 (Jon 3:1-5, 10 / Slm 24 / 1 Cor 7:29-31)


Isa po sa napakamakulay na kuwento sa Banal na Biblya ay ang kuwento tungkol kay Jonas, ang propetang tumatakas.  Inutusan po siya ng Diyos na pumunta sa lungsod ng Nineveh at bigyang-babala ang mga tao na wawasakin sila ng Diyos matapos ang apatnapung araw. Kaya lang, alam na alam po ni Jonas na napakamahabagin ng Diyos kaya ayaw niyang maniwalang tototohanin ng Diyos ang pagpuksa sa mga taga-Nineveh.  Dahil dito, nakikini-kinita na ni Jonas na magmumukha lang siyang tanga kapag ginawa niya ang ipinagagawa sa kanya ng Diyos sa Nineveh.  Kaya, hayun po, pilit niyang tinakasan ang Diyos.  Sa halip na magpunta sa Nineveh, naglayag si Jonas patungong Espanya, sa pag-aakalang mapagtataguan niya ang Diyos doon.

Ngunit nagkamali si Jonas.  Akala niya may hindi kayang abutin ang Diyos.  Pero iyon po pala, sa gitna pa ng dagat siya sasalubungin ng Diyos.  Basang-basa si Jonas!

Samantalang natataranta na ang mga kasama niya sa barko, natutulog daw po itong si Jonas.  Hindi kapani-paniwala.  Nakakatawa, hindi ba?  Paano po makatutulog si Jonas habang hinahagupit ng napakalakas na bagyo ang barkong sinasakyan nila?  Sa tindi pa nga po ng takot nila, hindi malaman ng mga kasama niya kung anong dasal ang dapat nilang dasalin.  Pero natutulog si Jonas?  Panic mode na nga po ang lahat sa barko at itinatapon na nila ang mga kagamitan nila sa dagat para hindi sila lumubog.  Pero si Jonas natutulog pa rin?  Di nga?  Ah, baka nagtutulug-tulugan lang!

Ginising nila si Jonas at pinagsabihan daw pong magdasal din siya sa Diyos niya.  Pero paano po magdarasal si Jonas sa Diyos gayong pinagtataguan nga niya ang Diyos?  Paano kakausapin ang Diyos kung tumatakas ka nga sa kanya?

Kaya umamin na lang po itong si Jonas: “Ako.  Ako na.  Ako ang nagdala ng trahedyang ito sa inyo.  Itapon na lang ninyo ako sa dagat.”  Sa una raw po ay ayaw gawin ng mga kasama ni Jonas ngunit nang higit pang tumindi ang hagupit ng bagyo sa barkong sinasakyan nilang lahat, napilitan din sila.  Inihulog nila si Jonas at humupa ang bagyo.  Samantala si Jonas daw po ay nilamon ng isang dambuhalang isda na siyang nagluwal sa kanya sa mismong dalampasigan ng lungsod ng Nineveh.  Wala siyang kawala!

Nasubukan n’yo na po bang takasan ang Diyos?  Hanggang saan po kayo nakalayo sa kanya?  Hindi kalayuan, hindi ba?  Saan Niya po kayo naabutan?  Tinatakasan n’yo pa po ba ang Diyos?  Bakit?  Hanggang kailan po ninyo gagawin iyan?

Sa inyo pong personal na pakikipag-usap ninyo sa Diyos, ano ang mga topic na sadyang iniiwasan ninyong mapag-usapan ninyo?  Kelan at saang bahagi ng pag-uusap ninyong dalawa ninyo nililihis ang topic?

Nakakapagod po ang iwas nang iwas, hindi ba?  Nakakahapo ang takbo nang takbo.  Nakakapagod ang takas ng takas.  Lalo na po kung sa Diyos tayo umiiwas at tumatakas sapagkat hindi tayo makapagtatago at wala rin tayong maitatago sa Kanya.  Pahuli ka na sa Diyos.

Ilang beses na rin po kaya tayong nagtulug-tulugan, nagbingi-bingihan, nagbulag-bulagan sa Diyos?  Hanggang kailan po natin balak gawin iyan?

Sino po ba ang mas mahirap gisingin: ang taong tutoong tulog o ang taong nagtutulug-tulugan lang?  May mga taong tutoong tulog-mantika – naku po, talaga namang napakahirap nilang gisingin!  Pero paano po ba gigisingin ang taong nagtutulug-tulugan lang gayong gising naman siya?

Sabi nila para magising ang natutulog na ayaw magising, buhusan mo ng tubig.  Ilang baldeng tubig po kaya ang kailangang ibuhos taong tulog-mantika?  Pero kapag nagtutulug-tulugan lang, makuha po kaya sa patubig-tubig lang?  Kay Jonas epektib!  Sa atin po kaya?  Ano po ang gigising sa taong umiiwas sa Diyos?

Sa kanyang pamamalagi ni Jonas nang tatlong araw sa loob tiyan ng dambuhalang isda, parang nag-retreat po siya.  Kaya hinarap na rin niya ang misyong ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanya.  Kung tutuusin po, si Jonas mismo ang unang nakaranas ng talagang gustong mangyari ng Diyos sa mga taga-Nineveh: magsisi at magbalik-loob sa Kanya, hindi wasakin at parusahan.  Kung tutuusin, ang mensahe ni Jonas ay ang mismo niyang karanasan.

Gayun din naman po ang kay San Pablo Apostol.  Ang mensahe po niya sa atin mula sa ikalawang pagbasa ngayon ay nilalagom ng larawan ng pagbitiw.  Pinapayuhan po tayo ng Apostol na huwag tayong maging alipin ng anumang relasyon gaano man ito kabuti, ng anumang damdamin gaano man ito kainam, at ng anumang bagay gaano man ito kaganda.  “Sapagkat ang lahat ng bagay na ito’y mapaparam” (ika ni San Pablo) matuto tayong bumitiw at manatiling malaya para sa Diyos.  Anuman po ang ating bokasyon, gawin nating panuntunan sa buhay ang panuntunan ni Apostol San Pablo: “…ang lahat ng bagay na aking pinakikinabangan noong una ay pinawawalng-kabuluhan ko ngayon alang-alang kay Kristo.  Sa katunayan, ang lahat ng bagay ay inaari kong walang halaga, kung ihahambing sa pinakamahalagang bagay, ang makilala si Kristo Jesus, na aking Panginoon.  Alang-alang sa Kanya tinanggap ko ang pagkawala ng lahat ng bagay at itinuturing kong dumi ang lahat makamtan ko lamang si Kristo at mapisan sa Kanya…” (Fil 3:7-9).  Ang kahandaan pong ito ni San Pablo Apostol na bumitiw sa lahat ay bunga ng malalim niyang karanasan ng awa at malasakit ng Diyos.  Dati rin po siyang makasalanan, alam natin iyan.  Sa 1 Tim 1:16, buong kababaang-loob na pahayag ni Apostol San Pablo, “Kinahabagan ako upang sa akin – akong sukdulang makasalanan – ay maipamalas ni Kristo Jesus ang Kanyang hindi malirip na pagmamalasakit sa mga sasampalataya sa Kanya at tatanggap sa buhay na walang hanggan.”  Dahil sa kapatawarang tinanggap niya, handa si San Pablo Apostol na bumitiw sa lahat.

Tayo po, ano ang kaya nating bitiwan para kay Jesus?

May batang dukhang-dukha.  Iisa lang po ang kanyang laruan: isang saranggola.  Dahil gusto po niyang maipaabot sa Diyos ang mga kahilingan niya para sa isang simple pero maginha-ginhawa sanang buhay, naisip niyang sumulat sa Diyos at ikabit ito sa buntot ng kanyang saranggola.  Nang pinalipad na niya ang saranggolang kinabitan niya ng sulat niya para sa Diyos, napansin po niyang mababa ang lipad nito.  Kaya, hinabaan niya ang tali ng kanyang saranggola.  Ngunit kapos pa rin po at hindi makaabot sa langit ang sulat niya.  Sapagkat ito nga pong saranggola niya ang nag-iisang laruan niya, mahal na mahal niya ito.  Subalit, ibinulong niya, “Jesus, napakahalaga para sa akin ng saranggolang ito, ito po ang nag-iisa kong laruan, kaya mahal na mahal ko ito, pero bibitiwan ko na po ang tali nito at pakakawalan kung iyan ang kinakailangan para ang sulat kong ito ay makarating sa iyo.”

Ano po kaya ang saranggola natin sa buhay na kailangan nating bitiwan?  Sa ano po kaya o baka kanino po kaya natin kailangang palayain ang ating sarili upang makatugon tayo sa tawag ng Diyos ayon sa nararapat?  Sa anu-ano at kani-kanino po kaya tayo kailangang bumitiw upang matupad natin ang kalooban ng Diyos?

May binitiwan din po sila Simon, Andres, Juan, at Santiago nang sundan nila si Jesus.  Ang mga saranggola po nila ay yari sa lambat at hugis nang kani-kanilang pamilya.  Hindi man sila mayayamang tao, napakalaki rin po ng kanilang itinaya sa pagharap sa misyong ibinigay sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus.  Binitiwan nila ang lahat.  Itinaya nila ang kanilang buong-buhay.

Tayo po, ano na ba talaga ang binitiwan natin para kay Jesus?  Kung wala pa, paano natin nasasabing mahal na mahal natin Siya?  Ano ang itinataya natin para sa Kanya?  Ang sagot natin ang susukat sa katotohanan ng ating pagiging mga alagad Niya.

Huwag po tayong tatakas.  Magsisi at magbalik-loob sa Diyos.  Matuto po tayong bumitiw sa mga dapat nating bitiwan.  At sumunod tayo kay Jesus.








17 January 2015

EVEN US! (Kami rin po!)

Kapistahan ng Señor Santo Niño
Mk 10:13-16 (Is 9:1-6 / Slm 97 / Ef 1:3-6, 15-18)


Noong Setyembre nang nakaraang taon, pinasimulan po nila ang kanilang letter-writing campaign na pinamagatang “Even us!”  At nang magtungo sa Vatican ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Kardinal Tagle, Arsobispo ng Maynila, para sa Synod on Family nang sumunod na buwan, bitbit po niya ang kanilang isanlibong sulat at isang video na naglalahad ng kanilang pamumuhay sa mga kalsada sa kamaynilaan at iba pang lugar sa Pilipinas.  Sila po ang tatlondaang bata na dating mga palaboy sa kalye na ngayon ay kinakalinga at binibigyan ng bagong pagkakataon sa buhay ng Anak-Tulay Ng Kabataan Charitable Foundation dito sa Arkediyosesis ng Maynila.

Pagkatapos niya pong mag-Misa noong Biyernes, si Papa Francisco ay hindi agad nakita ng mga taong nag-aabang sa kanya sa labas ng Manila Cathedral.  Kaya po pala, meron pa siyang dinalaw.  Tumawid pala siya patungong gusali sa tapat ng gilid na bahagi ng katedral: ang tahanan ng Anak-Tulay ng Kabataan Charitable Foundation.  Binisita ni Papa Francisco ang mga dating batang-kalye na nagsabing “Even us!”

Sa Ebanghelyo po natin ngayong Kapistahan ng Señor Santo Niño, napagalitan ni Jesus ang mga alagad.  Pinagbabawalan po kasi nila ang mga bata na lumapit kay Jesus.  Sa halip na sila ang maging daan para makalapit ang mga bata sa Panginoon, sila pa po ang pumipigil sa kanila.  Sa halip na hikayatin nila ang mga gustong makalapit kay Jesus, pinagsabihan pa po nila sila.  Marahil, hindi naman po sa pinagdadamot ng mga alagad ang Panginoon sa mga batang nais makapiling si Jesus.  Marahil, wala naman po silang balak na masama o makasarili kung bakit pinagbabawalan nila ang mga bata na lumapit kay Jesus.  Siguro, nakita po nilang pagod si Jesus at kailangan nang magpahinga.  Siguro, batid po nilang kailangan muna ni Jesus ng katahimikan.  Siguro, alam po nilang nagdarasal si Jesus.  Ayaw po nilang maistorbo si Jesus kaya pinagsabihan nila ang mga bata at ang mga nagdala sa kanila na huwag maingay, huwag makulit, huwag mapilit, huwag mangarap makalapit sa Kanya.

Ngunit sabi ng mga dating batang-palaboy na ngayon ay nasa Anak-Tulay ng Kabataan Charitable Foundation: “Even us!”

Para sa ating bansang ipinagmamalaki ang mga kabataan bilang pag-asa ng bayan at para sa ating iglesiya-lokal na masidhi ang debosyon sa Niño Jesus, ano nga po ba ang dating ng “Even us!” mula sa mga batang-kalye?  Hindi po kaya sa tindi ng mga dagok sa buhay na, sa murang edad, ay nalasap na ng mga batang ito sa paglaboy nila sa mga lansangang mabangis para sa sinuman, ang “Even us!” nila ay pahayag ng sama ng loob dahil sila ay napabayaan natin?  Hindi po kaya dahil, sa mga lansangan natin, naging napakapangkaraniwan na nila sa ating paningin kaya hindi na natin sila nakikita at kailangan pa nilang ipagsigawan ang “Even us!” upang tingnan naman natin sila talaga?  Hindi po kaya ang “Even us!” ng mga batang ito ay pagsusumamong maaalala, mapansin, at maibilang natin sila?

At hindi nga po sila binigo ni Papa Francisco.  Narinig niya sila.  Dininig niya sila.  Napansin niya sila.  Pinansin niya sila.  Sinadya sila ng Santo Papa.  Binulaga niya sila.  “Even us!” sabi ng mga dating batang-kalye mula sa Anak-Tulay ng Kabataan Charitable Foundation.  Sa biglang pagdating ni Papa Francisco sa piling nila, wari’y sinasabi niya sa kanila, “Yes, even you!  All are my children, even you!  All I pray for, even you!  All I love, even you!”  At ginawa po niya ito nang lingid sa mga mata ng tagahanga.  Sila lamang nang mga bata.  Personal at wagas ang pagmamalasakit ni Papa Francisco.

“Even us!”  Bagay din po sa atin ang pahayag na ito.  Ngunit hindi para tawagin ang pansin ng Santo Papa.  Hindi para magpahiwatig ng sama-ng-loob, pagdududa, o pagsusumamong pansinin at ituring na kabilang.  Kundi upang tumugon sa hamong sundan ang halimbawa ni Papa Francisco.  Even us, dapat dinggin, pansinin, at sadyain ang maliliit at mga minamaliit ng lipunan.  Even us, dapat lagyan ng malasakit ang habag.  Even us, dapat gawing personal at wagas ang pagmamalasakit sa kapwa.  What Pope Francis does, even us should do.  Even us, dapat tularan si Jesus na tinutularan din naman ni Papa Francisco: “Pabayaan ninyong lumapit sa Akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin….”

Bilang mga alagad ni Jesus, pagsikapan po nating huwag maging hadlang kaninuman sa paglapit sa Kanya.  Sa halip na maging mga pader sa pagitan ni Jesus at ng ating kapwa, maging tulay po tayo sa salita at gawa.  Kung hindi po, pagagalitan ni Jesus hindi lamang ang mga alagad noong unang panahon kundi even us!








10 January 2015

PUPUNIT

Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoong Jesukristo
Mk 1:7-11 (Is 42:1-4, 6-7 / Slm 28 / Gawa 10:34-38)

Isa muna pong paglilinaw tungkol sa kapistahang ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito.  Ang pagbibinyag sa Panginoon Jesukristo ay hindi po katulad ng binyag na tinanggap natin.  Ang binyag na tinanggap po natin ay isang sakramento samantalang ang tinanggap ni Jesus mula kay Juan Bautista ay isa lamang sagisag.  Ibig sabihin, nang tayo po ay binyagan, aktuwal na nahugasan ang kasalanang minana natin mula sa unang nilikhang tao at tinanggap natin ang buhay ng Diyos.  Ngunit ang pagbibinyag ni Juan Bautista, na siyang tinanggap nga po ni Jesus, ay sagisag lamang na nagpapahiwatig ng pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan.  Kaya nga po higit na tumitingkad ang pagbibinyag sa Panginoon, sapagkat wala naman talaga Siyang kasalanan subalit pumila si Jesus at nagpabinyag kasama ng mga makasalanan.  Minsan pa po, nahahayag ang kababaang-loob ng Panginoon.

Iyan din po ang kailangang-kailangan nating lahat, hindi ba?  Kababaang-loob.  Nang isinilang Siya sa sabsaban at maging anak sa isang maralitang pamilya, kababaang-loob na po agad ang hatid na mensahe at halimbawa ni Jesus sa atin.  Nasusulat pa nga po sa Fil 2:8, “At sa Kanyang pagiging tao, nagpakababa Siya sa pamamagitan ng pagiging masunurin magpahanggang kamatayan – maging kamatayan sa krus!”  Meron po ba tayo n’yan?  May kababaang-loob po ba tayo?  Naku po, kung wala, paano natin natatawag ang sarili natin na Kristiyano?  Mabuti pa sa atin ang mga kambing.

Masdan po ninyo ang mga kambing.  Magandang halimbawa sila sa atin.  Nakakita na po ba kayo ng dalawang kambing na nagkasalubong sa isang makipot na daan?  Wala pong aatras sa kanila!  Wala pong aatras sa dalawang kambing na nagkasalubong sa isang makipot na daan sapagkat, hindi katulad ng tao na kayang lumakad nang patalikod, ang kambing ay hindi marunong lumakad nang paatras.  Pero may kakaiba po silang solusyon sakaling magkasalubong ang dalawa sa kanila sa isang makipot na daan.  Humihiga o dumadapa po ang isa sa kanila upang makahakbang naman ang isa sa gitna ng kanyang katawan.  Sa gayong paraan, makapagpapatuloy silang pareho sa kani-kanilang patutunguhan.  Ang galing, hindi po ba?

Naalala ko po tuloy noong mga musmos pa kami.  Kapag nahakbangan namin ang nakatatanda, naku po, talagang pinagagalitan kami!  Kabastusan daw po iyon.  Tapos pinababalik kami.  Kaya lang sa pagbalik namin sa aming pinanggalingan, hindi ba hahakbang din naman po ulit kami sa dapat sana ay bawal hakbangan?  Hindi raw po dapat hinahakbangan ang nakatatanda, pero kapag naman namatay na ang matanda inihahakbang ang mga bata sa mga labi bago ilibing.  At kapag may buntis, huwag na huwag kang magpapahakbang: maglilihi ka rin!  Hay, naku po!

Pero ang mga kambing, kapag magkasalubong sila sa makipot na daan, nagpapahakbang.  Larawan po sila ng pagpaparaya na hindi posible kung walang kapakumbabaan.  Para nga pong binigyan ng Diyos ang mga kambing ng pusong mapagkumbaba at mapagparaya!  Pero ganyang din naman po talaga ang pusong ibinigay sa atin ng Diyos.  Kaya lang po, hindi katulad ng mga kambing, marunong (at magaling din!) tayong umatras.  Madalas po, sa halip na magparaya tayo, umaatras na lang tayo agad (at may pabulung-bulong pa!) kaya hindi tayo nasasanay sa kababaang-loob.  Opo, minsan ang pag-atras ay pahiwatig din ng pagpaparaya, pero, alam po natin, madalas din naman ay hindi, lalo na kung may pabulung-bulog pa nga habang umaatras.

Tularan po natin si Kristo sa Kanyang kapakumbabaan sapagkat tayo ay mga Kristiyano.  Sa halip na mag-unahan, magparaya po tayo.  Sa halip na mag-agawan, magbigayan po tayo.  Sa halip na mag-punahan, mapunuan po tayo.  Sa halip na magpataasan, magpakumbaba po tayo.

Pero, isang babala po: minsan hindi ka lang hahakbangan, aapakan ka pa!  Handa ka bang magpahakbang?  Kaya mo bang magpatapak?  Mapagkumbaba ka ba?  Kristiyano ka, hindi ba?  Tularan mo si Kristo.

Ang pakikiisa, pakikipila, at pakikitulad ni Jesus sa tao ay hindi po pakitang-tao kundi pakikipagkapawa-tao.  Wala pong ibang paraan tungo sa pakikipagkapwa-tao maliban sa inihalimbawa sa atin ni Kristo.  Kaya nga po sa pasimula ng Kanyang hayagang ministeryo, minarapat ni Jesus na makiisa, makipila, at makitulad sa mga taong makasalanan na nagpapabinyag kay Juan Bautista.

Sa wikang Ingles, may magandang kataga pong nagpapahiwatig ng gawing ito ni Jesus: solidarity.  Solid” po si Jesus sa Kanyang pakikipagkapwa-tao sa atin.  Solid, buung-buo, wagas, “tagos sa buto”, ang pagtulad sa atin ni Jesus, maliban po sa paggawa ng kasalanan.

Kayo, solid po ba kayo kay Jesus?

Sa sobrang pagka-solid sa atin ni Jesus, napunit ang langit.  Alam po ninyo, sa wikang Griyego, ang orihinal na pagkakasulat ng Ebanghelyo, ang ginamit na kataga para ipahiwatig ang sinasabing “nabuksan ang kalangitan” pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig matapos Siyang binyagan ni Juan Bautista ay “schizo”.  Schizo rin po ang pinag-ugatan ng katagang “schizophrenia”, pangalan ng isang sakit sa pag-iisip.  Ang taong schizophrenic ay dumaranas po ng hindi pangkaraniwang pakakawatak-watak ng mga ugnayan ng kanyang iniisip, nararamdaman, at ginagawa, namumuhay po siya sa delusyon, at ayaw makisalamuha sa mga tao.  Ang taong schizophrenic ay mistulang may “punit” na pagkatao sapagkat hindi nga po magkakaugnay ang kanyang iniisip sa kanyang sinasasabi sa kanyang ginagawa.  Kaya po, doble ang personalidad niya; minsan, higit pa sa doble.

“Punit” – sa wikang Griyego, schizo.  Iyan po ang ginamit na kataga sa orihinal na teksto ng Ebanghelyo ngayon: “Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig ay nakita Niyang na-schizo ang kalangitan.”  Napunit daw po ang langit!

Kapansin-pansin po ang paglalakip sa Ebanghelyo ayon kay San Marko.  Kung paanong may schizo sa pasimula ng hayagang ministeryo ni Jesus, nagbabalik po ito sa katapusan.  Sa Mk 15:38, sinasabing nang malagutan daw po ng hininga si Jesus, ang tabing na nagtatakip sa Holy of Holies o “Banal ng Mga Banal” sa Templo ay na-schizo o napunit mula itaas hanggang ibaba.  Binuksan ni Jesus ang langit at nagtagpo muli ang Diyos at tao hindi sapagkat nagtatago ang Diyos sa tao kundi, ayon sa Gen 3:8, ang tao ang nagtago sa Diyos.

Ang napakamapagkumbabang pagtulad ni Jesus sa ating mga makasalanan nang hindi gumagawa ng kasalanan at ang Kanyang pagkanapakamasunuring Anak ng Diyos ang pumunit ng langit at nagpanumbalik sa mabuting ugnayan ng Diyos at tao.  Ito rin po ang pupunit sa anumang naghihiwalay sa atin sa isa’t isa at muling lilikha ng magagandang ugnayan para sa ating lahat: mapagkumbabang pakikipagkapwa-tao at wagas na pag-aalay ng buhay.

Baka may kailangan po kayong pahakbangin.  Baka may kailangan din po kayong punitin. Baka lang.  Baka lang naman po.  Tumigil po tayo nang sandali, manahimik, at isipin na baka nga!








03 January 2015

GUSTO MO RING MATAGPUAN ANG DIYOS?

Solemnidad ng Epifania ng Panginoon
Mt 2:1-12 (Is 60:1-6 / Slm 71 / Ef 3:2-3, 5-6)


Mapaghanap po ba kayo?  Kanino?  Ano po ba ang madalas ninyong hanapin?  Sino ang palagi ninyong hinahanap?  Mahusay naman po ba kayong maghanap?

Alam n’yo po ba na ang unang tanong ng Diyos ay tanong ng paghahanap?  Sa ikatlong kabanata ng Aklat ng Genesis, isinasalaysay na matapos suwayin ng unang nilikhang mga tao ang utos ng Diyos agad po silang nagtago.  Sa una, tinakpan muna nila ang kanilang kahubaran: nahiya.  Tapos, tuluyan na po silang nagtago: natakot.  Pinagtaguan nila ang Diyos.  At dahil mahal na mahal sila ng Diyos, hinanap po Niya sila.

Ang mga mahal natin, lagi natin silang hinahanap, hindi po ba?  Ang mga hindi naman, kahit katabi na, hindi pa rin napapansin o hindi pinapansin.  Nakasalubong na sa daan, pero parang hindi nakita.  Yung iba pa nga, sadyang iniiwasan.  Pero kapag mahal, naku po, konting kibo, miss na miss na raw agad!  Ang mga mahal natin, gusto nating laging makita, laging makasama, laging makaulayaw.

Si Jesus – talaga po ba nating mahal?  Hinahanap n’yo rin po ba Siya?  Madalas n’yo rin po ba Siyang hanapin?  Eh, natatagpuan n’yo naman po ba Siya?  Baka hindi kasi hindi naman talaga Siya ang hinahanap ninyo.  Baka akala n’yo lang po Siya ang hinahanap ninyo pero hindi naman pala talaga.  Baka rin ang hinahanap ninyo ay ang binuo ninyong konsepto tungkol kay Jesus at hindi si Jesus talaga.  Nakakalungkot po iyan kasi kadalasan, ni wala kayong kamalay-malay na hindi na pala talaga si Jesus ang ninanais n’yo kundi ang konsepto ninyo tungkol sa Kanya.

Kapag talaga po nating hinanap si Jesus, lagi natin Siyang natatagpuan.  Bakit?  Kasi po hindi naman Niya tayo pinagtataguan.  Siya nga po itong laging naghahanap sa atin eh.  Hindi po ba si Jesus ang Mabuting Pastol?  Isa sa mga pangunahing gawain ng pastol ay ang hanapin ang tupa.

Sa Gen 3:9, nasusulat po ang unang tanong ng Diyos sa tao.  “Nasaan ka?” tanong ng Diyos kay Adan.  Sinagot po ba ni Adan ang tanong ng Diyos?  Hindi.  Sinabi lang po ni Adan sa Diyos na nagtatago nga siya dahil siya ay hubad.  Hindi po niya sinabi sa Diyos kung saan siya nagtatago.  Ang sinabi lang niya sa Diyos ay ang alam na ng Diyos: nagtatago siya.  Hiyang-hiya po siya kaya nagtakip ng katawan; tapos sa sobrang takot, nagtago siya.

At nagsimula ng paghahanap ng Diyos sa tao.

Nang niloob ng Diyos na putulin ang kasamaang lumaganap sa sandaigdigan, naghanap po Siya ng pagmumulan ng bagong sankatauhan.  Sa Gen 6, natagpuan ng Diyos si Noah.  Nang maghanap ang Diyos ng magiging ama ng mga nananampalataya sa Kanya, natagpuan po niya si Abraham sa Gen 12.  Nang maghanap ang Diyos ng lahing panggagalingan ng bayang Israel, natagpuan po niya si Jacob sa Gen 25.  Nang maghanap ang Diyos ng magliligtas sa Israel mula sa matinding taggutom, natagpuan po niya si Jose sa Gen 37.  Nang maghanap po ang Diyos ng magpapalaya sa Kanyang Bayan mula sa pagkakaalipin sa Ehipto, natagpuan Niya si Moises sa Ex 3.  Tapos ang Diyos naman po ang hinanapan ng mga Israelita: gusto nila ng hari!  Natagpuan po ng Diyos, sa 1 Sam 9, si Saul.  Ngunit sa kalaunan, ang pamumuhay ni Haring Saul ay naging hindi kalugud-lugod sa Diyos kaya naghanap ang Diyos ng ibang hari para sa Kanyang Bayan.  Natagpuan po Niya si David sa 1 Sam 16.  Nais ni Haring David ipagtayo ang Diyos nang magarang tahanan, subalit hindi po pala iyon ang kalooban ng Diyos para sa kanya.  Sa 1 Hari 1:30, natagpuan po ng Diyos ang kahalili ni David na siyang nagtayo ng Templo para sa Diyos: si Haring Solomon.

Sa kasaysayan ng kaligtasan, napakarami pa pong hinanap ang Diyos hanggang sa makahanap Siya ng babaeng magdadalantao at magsisilang sa Kanyang Anak na si Jesus.  Sa Lk 1:26-38, natagpuan ng Diyos si Maria gaya po ng Kanyang inihanda bago pa ito isilang.  Pero hinanap naman po ni Jose ang ama ng batang ipinagdadalantao ng katipan niyang si Maria.  At sapagkat ito pong si Jose ay isang taong matuwid at marunong manahimik, natagpuan niya ang Diyos.  Ngunit nang isisilang na po ang Anak ng Diyos, natatarantang naghanap si Jose ng disenteng lugar subalit isang hamak na sabsaban lamang ang kanyang natagpuan para sa Diyos.

At umigting po ang kuwento ng paghahanap.

Sa takdang panahon, hindi na lamang po ang Diyos ang naghahanap sa tao; bagkus, hinahanap na rin ng tao ang Diyos.  At isang kabalintunaan sapagkat pagsapit ng Pasko, gayong ang Diyos ay nasa piling na mismo ng mga tao, umigting ang paghahanap ng tao sa Kanya.  Hinahanap ng tao ang Diyos hindi sapagkat pinatataguan siya ng Diyos kundi sapagkat bagamat kapiling na nga niya ang Diyos ang Diyos ay hindi niya agad makilala dahil tao na rin pala ang Diyos!

At ang mga aba at mababang-loob ang unang nakatagpo sa Kanya.

Matapos balitaan ng mga anghel, sa Lk 2:16, natagpuan ng mga pastol ang Anak ng Diyos, sa sabsaban, kasama ng Kanyang inang si Maria.  Sila po ang mga unang saksi na ang Diyos ay naging kapwa-tao nila.  At higit pa sa pagiging kalahi nila, ang Diyos pala ay katulad nila: abang-aba, dukhang-dukha, walang-wala.

Silang mga walang ibang kinakapitan kundi ang Diyos – sila po ang agad nakakikita sa Diyos.  Ngunit ang mga maraming kinakapitan maliban sa Diyos – gaya ng kayamanan, katanyagan, kapangyarihan – paano po nila makikita ang Diyos kung silaw na silaw na sila sa ibang bagay?  Kung ang tao ay binulag na ng mundo, paano po niya makikita ang Diyos?

Subalit hindi naman po kayamanan talaga ang hadlang para matagpuan ang Diyos.  Ang kayamanan mang ito ay sa anyo ng salapi, pinag-aralan, estado sa lipunan, impluwensya, mga pribilehiyo, at iba pa, sapagkat ang kayamanan ay maaari rin pong gamitin para matagpuan ang Diyos.  Tulad ng mga mago o pantas mula sa Silangan – mga taong may sinasabi – nakita rin nila ang Anak ng Diyos.

Pero kaya po nakita ng mga mago ang Diyos ay sapagkat hinanap nila Siya.  At para sa mga taong sintaas ng estado sa lipunan tulad ng mga magong ito, kailangan ng kapakumbabaan para maghanap, magtanong, mangapa, magtaya, at magpagabay.  Paano nga po ba maghahanap ng ibang tao ang isang taong punung-puno na ng kanyang sarili? Paano magtatanong ang taong mayabang?  Paano magtataya at magpapagabay ang taong hambog?  Kaya nga po, nakakalungkot, paano maliligtas ang taong napakataas ng tingin sa sarili?  Paano po makikita ang Diyos ng taong ayaw magpakumbaba?

Anuman ang ating kinalalagyan sa buhay, anuman ang ating posisyon sa lipunan, anuman ang ating pinag-aralan, anuman ang meron tayo, tayo po ba ay abang tanging Diyos lamang ang kinakapitan?  At sapagkat meron din naman pong dukhang-dukha na nga pero ketataas pa ng ere, mapagkumbaba rin ba tayo?

Kaya nga po, ngayon ay hindi kapistahan ng mga mago.  At mas lalo rin naman pong walang “Feast of the Three Kings” sa ating mga liturhikal na pagdiriwang.  Kapistahan po ngayong ng maluwalhating pagpapakita o “epifania” ng Panginoon.  At itinuturo po sa atin ng kapistahang ito at, sa katunayan, ng buong kapaskuhan, kung paano natin makikita, matatagpuan, makikilala, at mararanasan ang Diyos sa buhay natin.  Kung tutoo pong Siya lang ang kinakapitan natin at wagas ang ating kababaang-loob, hinding-hindi po tayo maghahanapan ng Diyos.