10 January 2015

PUPUNIT

Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoong Jesukristo
Mk 1:7-11 (Is 42:1-4, 6-7 / Slm 28 / Gawa 10:34-38)

Isa muna pong paglilinaw tungkol sa kapistahang ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito.  Ang pagbibinyag sa Panginoon Jesukristo ay hindi po katulad ng binyag na tinanggap natin.  Ang binyag na tinanggap po natin ay isang sakramento samantalang ang tinanggap ni Jesus mula kay Juan Bautista ay isa lamang sagisag.  Ibig sabihin, nang tayo po ay binyagan, aktuwal na nahugasan ang kasalanang minana natin mula sa unang nilikhang tao at tinanggap natin ang buhay ng Diyos.  Ngunit ang pagbibinyag ni Juan Bautista, na siyang tinanggap nga po ni Jesus, ay sagisag lamang na nagpapahiwatig ng pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan.  Kaya nga po higit na tumitingkad ang pagbibinyag sa Panginoon, sapagkat wala naman talaga Siyang kasalanan subalit pumila si Jesus at nagpabinyag kasama ng mga makasalanan.  Minsan pa po, nahahayag ang kababaang-loob ng Panginoon.

Iyan din po ang kailangang-kailangan nating lahat, hindi ba?  Kababaang-loob.  Nang isinilang Siya sa sabsaban at maging anak sa isang maralitang pamilya, kababaang-loob na po agad ang hatid na mensahe at halimbawa ni Jesus sa atin.  Nasusulat pa nga po sa Fil 2:8, “At sa Kanyang pagiging tao, nagpakababa Siya sa pamamagitan ng pagiging masunurin magpahanggang kamatayan – maging kamatayan sa krus!”  Meron po ba tayo n’yan?  May kababaang-loob po ba tayo?  Naku po, kung wala, paano natin natatawag ang sarili natin na Kristiyano?  Mabuti pa sa atin ang mga kambing.

Masdan po ninyo ang mga kambing.  Magandang halimbawa sila sa atin.  Nakakita na po ba kayo ng dalawang kambing na nagkasalubong sa isang makipot na daan?  Wala pong aatras sa kanila!  Wala pong aatras sa dalawang kambing na nagkasalubong sa isang makipot na daan sapagkat, hindi katulad ng tao na kayang lumakad nang patalikod, ang kambing ay hindi marunong lumakad nang paatras.  Pero may kakaiba po silang solusyon sakaling magkasalubong ang dalawa sa kanila sa isang makipot na daan.  Humihiga o dumadapa po ang isa sa kanila upang makahakbang naman ang isa sa gitna ng kanyang katawan.  Sa gayong paraan, makapagpapatuloy silang pareho sa kani-kanilang patutunguhan.  Ang galing, hindi po ba?

Naalala ko po tuloy noong mga musmos pa kami.  Kapag nahakbangan namin ang nakatatanda, naku po, talagang pinagagalitan kami!  Kabastusan daw po iyon.  Tapos pinababalik kami.  Kaya lang sa pagbalik namin sa aming pinanggalingan, hindi ba hahakbang din naman po ulit kami sa dapat sana ay bawal hakbangan?  Hindi raw po dapat hinahakbangan ang nakatatanda, pero kapag naman namatay na ang matanda inihahakbang ang mga bata sa mga labi bago ilibing.  At kapag may buntis, huwag na huwag kang magpapahakbang: maglilihi ka rin!  Hay, naku po!

Pero ang mga kambing, kapag magkasalubong sila sa makipot na daan, nagpapahakbang.  Larawan po sila ng pagpaparaya na hindi posible kung walang kapakumbabaan.  Para nga pong binigyan ng Diyos ang mga kambing ng pusong mapagkumbaba at mapagparaya!  Pero ganyang din naman po talaga ang pusong ibinigay sa atin ng Diyos.  Kaya lang po, hindi katulad ng mga kambing, marunong (at magaling din!) tayong umatras.  Madalas po, sa halip na magparaya tayo, umaatras na lang tayo agad (at may pabulung-bulong pa!) kaya hindi tayo nasasanay sa kababaang-loob.  Opo, minsan ang pag-atras ay pahiwatig din ng pagpaparaya, pero, alam po natin, madalas din naman ay hindi, lalo na kung may pabulung-bulog pa nga habang umaatras.

Tularan po natin si Kristo sa Kanyang kapakumbabaan sapagkat tayo ay mga Kristiyano.  Sa halip na mag-unahan, magparaya po tayo.  Sa halip na mag-agawan, magbigayan po tayo.  Sa halip na mag-punahan, mapunuan po tayo.  Sa halip na magpataasan, magpakumbaba po tayo.

Pero, isang babala po: minsan hindi ka lang hahakbangan, aapakan ka pa!  Handa ka bang magpahakbang?  Kaya mo bang magpatapak?  Mapagkumbaba ka ba?  Kristiyano ka, hindi ba?  Tularan mo si Kristo.

Ang pakikiisa, pakikipila, at pakikitulad ni Jesus sa tao ay hindi po pakitang-tao kundi pakikipagkapawa-tao.  Wala pong ibang paraan tungo sa pakikipagkapwa-tao maliban sa inihalimbawa sa atin ni Kristo.  Kaya nga po sa pasimula ng Kanyang hayagang ministeryo, minarapat ni Jesus na makiisa, makipila, at makitulad sa mga taong makasalanan na nagpapabinyag kay Juan Bautista.

Sa wikang Ingles, may magandang kataga pong nagpapahiwatig ng gawing ito ni Jesus: solidarity.  Solid” po si Jesus sa Kanyang pakikipagkapwa-tao sa atin.  Solid, buung-buo, wagas, “tagos sa buto”, ang pagtulad sa atin ni Jesus, maliban po sa paggawa ng kasalanan.

Kayo, solid po ba kayo kay Jesus?

Sa sobrang pagka-solid sa atin ni Jesus, napunit ang langit.  Alam po ninyo, sa wikang Griyego, ang orihinal na pagkakasulat ng Ebanghelyo, ang ginamit na kataga para ipahiwatig ang sinasabing “nabuksan ang kalangitan” pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig matapos Siyang binyagan ni Juan Bautista ay “schizo”.  Schizo rin po ang pinag-ugatan ng katagang “schizophrenia”, pangalan ng isang sakit sa pag-iisip.  Ang taong schizophrenic ay dumaranas po ng hindi pangkaraniwang pakakawatak-watak ng mga ugnayan ng kanyang iniisip, nararamdaman, at ginagawa, namumuhay po siya sa delusyon, at ayaw makisalamuha sa mga tao.  Ang taong schizophrenic ay mistulang may “punit” na pagkatao sapagkat hindi nga po magkakaugnay ang kanyang iniisip sa kanyang sinasasabi sa kanyang ginagawa.  Kaya po, doble ang personalidad niya; minsan, higit pa sa doble.

“Punit” – sa wikang Griyego, schizo.  Iyan po ang ginamit na kataga sa orihinal na teksto ng Ebanghelyo ngayon: “Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig ay nakita Niyang na-schizo ang kalangitan.”  Napunit daw po ang langit!

Kapansin-pansin po ang paglalakip sa Ebanghelyo ayon kay San Marko.  Kung paanong may schizo sa pasimula ng hayagang ministeryo ni Jesus, nagbabalik po ito sa katapusan.  Sa Mk 15:38, sinasabing nang malagutan daw po ng hininga si Jesus, ang tabing na nagtatakip sa Holy of Holies o “Banal ng Mga Banal” sa Templo ay na-schizo o napunit mula itaas hanggang ibaba.  Binuksan ni Jesus ang langit at nagtagpo muli ang Diyos at tao hindi sapagkat nagtatago ang Diyos sa tao kundi, ayon sa Gen 3:8, ang tao ang nagtago sa Diyos.

Ang napakamapagkumbabang pagtulad ni Jesus sa ating mga makasalanan nang hindi gumagawa ng kasalanan at ang Kanyang pagkanapakamasunuring Anak ng Diyos ang pumunit ng langit at nagpanumbalik sa mabuting ugnayan ng Diyos at tao.  Ito rin po ang pupunit sa anumang naghihiwalay sa atin sa isa’t isa at muling lilikha ng magagandang ugnayan para sa ating lahat: mapagkumbabang pakikipagkapwa-tao at wagas na pag-aalay ng buhay.

Baka may kailangan po kayong pahakbangin.  Baka may kailangan din po kayong punitin. Baka lang.  Baka lang naman po.  Tumigil po tayo nang sandali, manahimik, at isipin na baka nga!








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home