SI KUYA (D’ BEST TALAGA SIYA!)
Ikadalawampu’t Anim na Linggo sa
Karaniwang Panahon
Mt 21:28-32 (Ez 18:25-28 / Slm 24 / Fil 2:1-11)
Ako po ay nag-iisang anak
na lalaki ng aking ama at ina. Pero
hindi po nila ako nag-iisang anak. May
tatlo pa po akong kapatid na babae ngunit wala akong kapatid na lalaki.
Sapagkat ako nga po ay nag-iisang anak na lalaki, wala akong choice kundi gawin ang mga gawaing
pambahay na panlalaki habang kaming magkakapatid ay sama-sama pang nasa-poder
ng aming mga magulang. Maniwala po kayo,
ayos lang sa akin yun. Ako po ay
napakamasunuring anak.
Pero huwag po sana kayong
magkamali tungkol sa akin. Masunuring
nga ako sa aking mga magulang ngunit kahit minsan ay hindi po sumagi sa isip ko
na ang pagkamasunurin ay isa sa aking mabubuting katangian. Palibhasa, meron pong mga pagkakataong
sumunod nga ako pero kailangan pa akong pukpukin. Meron din pong mga pagkakataong sumunod nga
ako pero pabulung-bulong naman.
Natatandaan ko pa po ang sermon ng aking ina sa aming magkakapatid:
“Hay, naku, mas mabuting ako na lang ang gumawa kesa ginawa n’yo nga ang
iniutos ko pero bumubulong-bulong naman kayo riyan.” Ngayong nagka-edad na po ako, nauunawaan ko
na na hindi lamang pala nais ng nanay kong sundin namin siya kundi, higit sa
lahat, sundin namin siya nang maligaya.
Lumaki po akong nagdarasal na sana ay magkaroon ako ng kapatid na
lalaki. Dati nga po, inggit na inggit
ako sa mga kaibigan kong may mga kuyang nakalalaro nila at napagsasabihan ng
mga pinagdaraanan ng isang nagbibinata. Pero hindi ko naman po maintindihan kung bakit
ang mga kaibigan ko ring iyon ay naiinggit din sa akin sapagkat wala raw po
akong kuyang kakompitensya, kaagaw, at karibal sa iba’t ibang bagay. Sa palagay ko po ngayon, sa karanasan ng mga
kaibigan kong iyon, ang unang bully nila ay ang mga kapatid nilang lalaki. Pero anuman pong sinasabi nila noon, basta,
lagi akong humihinggi sa Diyos ng kahit isang baby brother.
Dalawa pong magkapatid na lalaki ang nasa talinhaga ngayong araw na
ito. Kung kumusta naman po ang trato
nila sa isa’t isa, tahimik ang Ebanghelyo rito.
Subalit makulay pong ipinipinta sa atin ang kanilang mga personalidad:
ang una ay tila matigas ang ulo at ayaw sundin ang kalooban ng kanyang ama
subalit sa kalaunan ay nagbago naman ang isip at sumunod na rin, samantalang
ang ikalawa naman po ay parang masunurin nga pero, sa tutoo lang, binalewala
ang nais ng ama. Malinaw po na ang
talinhagang ito ay hindi tungkol sa kung sino sa dalawang magkapatid na ito ang
naunang sumunod sa kanilang ama kundi kung sino sa kanila ang, sa kabila ng
lahat, tumupad pa rin sa kalooban ng tatay nila.
Hindi po sinasang-ayunan ni Jesus ang nakatatandang humindi agad sa ama,
pero hinding-hindi rin naman Niya pinupuri ang nakababata na umoo nga pero
hindi naman tumupad. Sa katanuyan, ang
aral ng talinhagang ito ay laban po sa pagbabalatkayo ng mga kausap Niya: ang
mga punong saserdote at ang matatanda ng bayan na mahilig magmatuwid nang
sarili samantalang salat naman sa gawa ang magagandang salita. Ganito po ang simula ng Ebanghelyo ngayon:
“Sinabi ni Jesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan….” Sila – ang mga punong saserdote at matatanda
ng bayan – ang kuya sa talinhaga ngayong Linggo samantalang ang mga itinuturing
naman po nilang makasalanan ang bunso.
Gayunpaman, ang aral ng talinhaga ay para sa lahat ng tao.
Karaniwan pong
pinamamagatan ang kuwentong ito na “Ang Talinhaga ng Dalawang Anak na
Lalaki.” Sa hanay ng mga talinhaga ni
Jesus, isa po ang talinhagang ito sa mga maigsi. Maigsi lang po ito sapagkat napakasimple
naman talaga ng nais nitong ituro. Sa
matitigas ang ulo: Magbago na kayo at sumunod!
Sa mga mapagkunwari: Magpakatutoo na kayo at tupdin ang salita ninyo! Pagsikapan ang pagiging taus-puso; itakwil
ang pagbabalatkayo.
Kahit kailan hindi po
natin sinasang-ayunan ang kasalanan; subalit, wala pong kaduda-duda, ang isang
makasalanang sitwasyon ay maaaring maging mapalad na pagkakataon para magsisi,
magbagong-buhay, at magbalik sa Ama. Ang
kasalanan ay maaari pong maging okasyon ng grasya – nakabubulagang grasya, di-masukat
na grasya, kamangha-manghang grasya! Ang
Santa Iglesiya ay may napakahaba pong talaan ng mga talambuhay ng mga santong
hindi lamang mga patunay nito kundi mga inspirasyon din sa atin: si Simon Pedro
na maka-ikatlong beses itinatwa si Jesus, si Mateo na dating maniningil ng
buwis para sa mga Romanong nagpapahirap sa mga kapwa niyang Judyo, si Agustin
na dating pariwara ang pamumuhay, si Fransisco ng Assisi na noong una ay laki
sa layaw, si Ignacio ng Loyola na pakikidigma lamang ang dating kaabalahan, si
Camillus de Lellis na naligaw din ang landas bago naging banal, at marami pang
iba.
Ang unang pagbasa ngayong araw na ito, hango sa Aklat ni Propeta
Ezekiel, ay nagpapatutoo po sa pampalagiang posibilidad na ang isang taong nagkaliku-liko
ang pamumuhay ay maaaring pa ring mamuhay nang matuwid at maligtas. “Kapag ang isang taong matuwid ay
nagpakasama,” wika ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel. “mamamatay
siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At
ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan
noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”
Isang matandang himno ng Santa Iglesiya, ipinagdiriwang ng Exultet kung paanong ang kasalanan ay
naging daan ng di-malirip na biyaya.
O mira
circa nos tuæ pietátis dignátio!
O inæstimábilis diléctio
caritátis:
ut servum redímeres,
Fílium tradidísti!
O certe necessárium Adæ
peccátum,
quod Christi morte
delétum est!
O felix
culpa, quæ talem ac tantum méruit habére Redemptórem!
“Ama,” ika ng himno, “kamangha-mangha po ng Iyong pagkalinga sa
amin! Ang Iyong mahabaging pag-ibig ay
walang-hangganan! Para tubusin ang
alipin, ipinagkaloob Mo po ang Iyong Anak.
O pinagpalang pagkakamali, O mahalagang kasalanan ni Adan, na nagkaloob
sa amin ng napakadakilang Manunubos!”
Ang Manunubos pong ito, na ipinagdiriwang ng Exultet, ay si Jesukristo, ang mapagtalimang Anak ng Ama. At ayon po sa ating ikalawang pagbasa ngayon,
na hango sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos, ang Jesus ito ay walang-kupas
na huwaran ng pagkamasunurin kahit pa kamatayan ang kapalit. Sinaid daw po ng Jesus na ito ang Kanyang
sarili at nagpakababa nang lubusan. Ang
pag-uugali raw pong ganito ng Jesus na ito, atas sa atin ni San Pablo Apostol,
ay dapat na maging pag-uugali rin natin.
Palibhasa, tinatawag nga natin ang ating mga sarili na mga Kristiyano,
kaya dapat lang na tumulad tayo kay Kristo.
Gaya ni Jesus, kayo po at ako ay dapat na magsumikap maging gaya ni
Jesus – hindi makasarili, hindi mapagmataas, at mapagtalima.
Sino po ba tayo sa dalawang magkapatid sa “Talinhaga ng Dalawang Anak na
Lalaki”? Tayo po ba ang kuya na unang nagsabing
ayaw niyang sumunod sa Ama ngunit nagbago ang isip at sumunod din naman? O tayo po ba ang bunso na uoo-oo pero hindi
hanggang salita lang naman pala? Huwag
po tayong magsisinungaling, aminin po natin ang katotohanang minsan ay katulad
din po tayo ng nakatatanda at minsan din naman ay katulad tayo ng nakababata. May mga pagkakataon pong humihindi tayo sa
Diyos pero sa kalauna’y nagsisisi tayo at nagbabalik-loob sa Kanya, hindi ba? Pero may mga pagkakataong din naman pong
umu-oo tayo sa Kanya pero hindi naman po natin talaga tinutupad ang Kanyang
kalooban, tama? Opo, batid nating lahat
at, sa katunayan, nasubukan na rin po nating lahat na gampanan ang papel ng
parehong magkapatid sa talinhagang ito.
Ang mundo ay hindi po nahahati sa dalawang magkapatid na ito: ang mundo
ay magkahalong ugali ng magkapatid na ito!
Nararanasan po natin na tayo mismo ay magkasanib na mga katangian ng
dalawang magkapatid na lalaki sa talinhaga ni Jesus.
Para sa ating pagbabagong-buhay, purihin ang Diyos! Para sa ating pagkasuwail at pagbabalatkayo,
patawarin nawa tayong lahat ng Diyos.
Subalit, may ikatlo pa pong anak na lalaki! Sa katunayan, ang Ebanghelyo pong ito ay dapat
pamagatang “Ang Talinhaga ng Tatlong Anak na Lalaki!” Sa mismong kuwento ng talinhaga, hindi po
natin makita ang ikatlong Anak subalit damang-dama naman po natin Siya,
sapagkat Siya po ang nagkukuwento ng talinhaga.
Ang ikatlong Anak na lalaki ay si Jesus Mismo.
Samantalang ang unang
anak ay higit na mabuti kaysa sa ikalawa, pareho pa rin po nilang binigyang-kalungkutan
ang ama: ang una ay dahil sa kawalang-modo samatalang ang ikalawa naman ay
dahil sa pagbabalatkayo. Pareho po sila
– ang kani-kanilang mga salita ay hindi nagtutugma ang kani-kanilang mga gawa.
Ang pagtutugmang ito ng
salita at gawa ay na kay Jesukristo. Si
Jesus po ang Anak na ang bawat Niyang salita ay tapat na katugma ng bawat
Niyang gawa. Siya po Mismo ang
Katotohanan sapagkat makatotohanan ang Kanyang mga salita sa Kanyang pamumuhay
at ang pamumuhay naman Niya sa Kanyang mga salita. Sa 2 Cor 1:19, sabi po ni Apostol San Pablo,
“Ang Anak ng Diyos, si Jesukristo, na aming ipinangaral sa inyo, ay hindi Oo at
Hindi; Siya ay laging Oo.” Sa Mk 14:36
naman po, ang buong buhay ni Jesus ay nilalagom ng Kanyang pinakamasidhing pagnanais:
“Ama,” wika Niya, “hindi po ang Aking kalooban, kundi kung ano ang Iyo pong
nais.” At sa Jn 4:34, ganito po kahalaga
para kay Jesus ang Kanyang pag-oo sa Ama: “Ang Aking pagkain,” wika Niya, “ay
ang tupdin ang kalooban Niyang nagsugo sa Akin….” Si Jesus ang “Oo” ng Diyos.
Kapatid po natin si
Jesus. Maaaring ang iba po sa atin ay
walang kapatid na babae, subalit wala ni isa po sa atin ang walang kapatid na
lalaki. Sa tuwina, si Jesus po ang kuya
nating lahat. Sa katunayan, Siya po ang
pinaka-d’ best na Kuya.
Sa kabila po ng mga
nagdaan nang mga taon, nananatili pa ring sariwa sa aking alaala ang panalangin
ko noong ako ay batang paslit pa.
Kinukulit ko po noon ang Diyos para sa kahit man lamang isang kapatid na
lalaki. Dahil wala akong sinundan na
kuya, kahit baby brother na lang po,
ika ko sa Diyos noon, at pangako ko po sa Kanya na ako ay magiging mabait na
kuya. Hindi po ipinagkaloob ng Diyos ang
aking hinihingi ngunit tinupad Niya ang aking panalangin. Sa mga huling taon ko sa seminaryo, higit ko
pong napagtantong may Kuya pala ako. Ang
pangalan niya ay Jesus. At Siya po ang Bugtong
na Anak ng Diyos. Magmula po noon,
nagbago ang dasal ko: sa halip na “O God, please give me a brother”, naging “O
Diyos, tulungan N’yo po akong maging katulad ni Kuya.”