28 September 2014

SI KUYA (D’ BEST TALAGA SIYA!)

Ikadalawampu’t Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 21:28-32 (Ez 18:25-28 / Slm 24 / Fil 2:1-11)


Ako po ay nag-iisang anak na lalaki ng aking ama at ina.  Pero hindi po nila ako nag-iisang anak.  May tatlo pa po akong kapatid na babae ngunit wala akong kapatid na lalaki.

Sapagkat ako nga po ay nag-iisang anak na lalaki, wala akong choice kundi gawin ang mga gawaing pambahay na panlalaki habang kaming magkakapatid ay sama-sama pang nasa-poder ng aming mga magulang.  Maniwala po kayo, ayos lang sa akin yun.  Ako po ay napakamasunuring anak.

Pero huwag po sana kayong magkamali tungkol sa akin.  Masunuring nga ako sa aking mga magulang ngunit kahit minsan ay hindi po sumagi sa isip ko na ang pagkamasunurin ay isa sa aking mabubuting katangian.  Palibhasa, meron pong mga pagkakataong sumunod nga ako pero kailangan pa akong pukpukin.  Meron din pong mga pagkakataong sumunod nga ako pero pabulung-bulong naman.  Natatandaan ko pa po ang sermon ng aking ina sa aming magkakapatid: “Hay, naku, mas mabuting ako na lang ang gumawa kesa ginawa n’yo nga ang iniutos ko pero bumubulong-bulong naman kayo riyan.”  Ngayong nagka-edad na po ako, nauunawaan ko na na hindi lamang pala nais ng nanay kong sundin namin siya kundi, higit sa lahat, sundin namin siya nang maligaya.

Lumaki po akong nagdarasal na sana ay magkaroon ako ng kapatid na lalaki.  Dati nga po, inggit na inggit ako sa mga kaibigan kong may mga kuyang nakalalaro nila at napagsasabihan ng mga pinagdaraanan ng isang nagbibinata.  Pero hindi ko naman po maintindihan kung bakit ang mga kaibigan ko ring iyon ay naiinggit din sa akin sapagkat wala raw po akong kuyang kakompitensya, kaagaw, at karibal sa iba’t ibang bagay.  Sa palagay ko po ngayon, sa karanasan ng mga kaibigan kong iyon, ang unang bully nila ay ang mga kapatid nilang lalaki.  Pero anuman pong sinasabi nila noon, basta, lagi akong humihinggi sa Diyos ng kahit isang baby brother.

Dalawa pong magkapatid na lalaki ang nasa talinhaga ngayong araw na ito.  Kung kumusta naman po ang trato nila sa isa’t isa, tahimik ang Ebanghelyo rito.  Subalit makulay pong ipinipinta sa atin ang kanilang mga personalidad: ang una ay tila matigas ang ulo at ayaw sundin ang kalooban ng kanyang ama subalit sa kalaunan ay nagbago naman ang isip at sumunod na rin, samantalang ang ikalawa naman po ay parang masunurin nga pero, sa tutoo lang, binalewala ang nais ng ama.  Malinaw po na ang talinhagang ito ay hindi tungkol sa kung sino sa dalawang magkapatid na ito ang naunang sumunod sa kanilang ama kundi kung sino sa kanila ang, sa kabila ng lahat, tumupad pa rin sa kalooban ng tatay nila.

Hindi po sinasang-ayunan ni Jesus ang nakatatandang humindi agad sa ama, pero hinding-hindi rin naman Niya pinupuri ang nakababata na umoo nga pero hindi naman tumupad.  Sa katanuyan, ang aral ng talinhagang ito ay laban po sa pagbabalatkayo ng mga kausap Niya: ang mga punong saserdote at ang matatanda ng bayan na mahilig magmatuwid nang sarili samantalang salat naman sa gawa ang magagandang salita.  Ganito po ang simula ng Ebanghelyo ngayon: “Sinabi ni Jesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan….”  Sila – ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan – ang kuya sa talinhaga ngayong Linggo samantalang ang mga itinuturing naman po nilang makasalanan ang bunso.  Gayunpaman, ang aral ng talinhaga ay para sa lahat ng tao.

Karaniwan pong pinamamagatan ang kuwentong ito na “Ang Talinhaga ng Dalawang Anak na Lalaki.”  Sa hanay ng mga talinhaga ni Jesus, isa po ang talinhagang ito sa mga maigsi.  Maigsi lang po ito sapagkat napakasimple naman talaga ng nais nitong ituro.  Sa matitigas ang ulo: Magbago na kayo at sumunod!  Sa mga mapagkunwari: Magpakatutoo na kayo at tupdin ang salita ninyo!  Pagsikapan ang pagiging taus-puso; itakwil ang pagbabalatkayo.

Kahit kailan hindi po natin sinasang-ayunan ang kasalanan; subalit, wala pong kaduda-duda, ang isang makasalanang sitwasyon ay maaaring maging mapalad na pagkakataon para magsisi, magbagong-buhay, at magbalik sa Ama.  Ang kasalanan ay maaari pong maging okasyon ng grasya – nakabubulagang grasya, di-masukat na grasya, kamangha-manghang grasya!  Ang Santa Iglesiya ay may napakahaba pong talaan ng mga talambuhay ng mga santong hindi lamang mga patunay nito kundi mga inspirasyon din sa atin: si Simon Pedro na maka-ikatlong beses itinatwa si Jesus, si Mateo na dating maniningil ng buwis para sa mga Romanong nagpapahirap sa mga kapwa niyang Judyo, si Agustin na dating pariwara ang pamumuhay, si Fransisco ng Assisi na noong una ay laki sa layaw, si Ignacio ng Loyola na pakikidigma lamang ang dating kaabalahan, si Camillus de Lellis na naligaw din ang landas bago naging banal, at marami pang iba.

Ang unang pagbasa ngayong araw na ito, hango sa Aklat ni Propeta Ezekiel, ay nagpapatutoo po sa pampalagiang posibilidad na ang isang taong nagkaliku-liko ang pamumuhay ay maaaring pa ring mamuhay nang matuwid at maligtas.  “Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama,” wika ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel. “mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya.  At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay.  Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”

Isang matandang himno ng Santa Iglesiya, ipinagdiriwang ng Exultet kung paanong ang kasalanan ay naging daan ng di-malirip na biyaya.

O mira circa nos tuæ pietátis dignátio! 
O inæstimábilis diléctio caritátis:
ut servum redímeres, Fílium tradidísti!
O certe necessárium Adæ peccátum,
quod Christi morte delétum est!
O felix culpa, quæ talem ac tantum méruit habére Redemptórem!

“Ama,” ika ng himno, “kamangha-mangha po ng Iyong pagkalinga sa amin!  Ang Iyong mahabaging pag-ibig ay walang-hangganan!  Para tubusin ang alipin, ipinagkaloob Mo po ang Iyong Anak.  O pinagpalang pagkakamali, O mahalagang kasalanan ni Adan, na nagkaloob sa amin ng napakadakilang Manunubos!”

Ang Manunubos pong ito, na ipinagdiriwang ng Exultet, ay si Jesukristo, ang mapagtalimang Anak ng Ama.  At ayon po sa ating ikalawang pagbasa ngayon, na hango sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos, ang Jesus ito ay walang-kupas na huwaran ng pagkamasunurin kahit pa kamatayan ang kapalit.  Sinaid daw po ng Jesus na ito ang Kanyang sarili at nagpakababa nang lubusan.  Ang pag-uugali raw pong ganito ng Jesus na ito, atas sa atin ni San Pablo Apostol, ay dapat na maging pag-uugali rin natin.  Palibhasa, tinatawag nga natin ang ating mga sarili na mga Kristiyano, kaya dapat lang na tumulad tayo kay Kristo.  Gaya ni Jesus, kayo po at ako ay dapat na magsumikap maging gaya ni Jesus – hindi makasarili, hindi mapagmataas, at mapagtalima.

Sino po ba tayo sa dalawang magkapatid sa “Talinhaga ng Dalawang Anak na Lalaki”?  Tayo po ba ang kuya na unang nagsabing ayaw niyang sumunod sa Ama ngunit nagbago ang isip at sumunod din naman?  O tayo po ba ang bunso na uoo-oo pero hindi hanggang salita lang naman pala?  Huwag po tayong magsisinungaling, aminin po natin ang katotohanang minsan ay katulad din po tayo ng nakatatanda at minsan din naman ay katulad tayo ng nakababata.  May mga pagkakataon pong humihindi tayo sa Diyos pero sa kalauna’y nagsisisi tayo at nagbabalik-loob sa Kanya, hindi ba?  Pero may mga pagkakataong din naman pong umu-oo tayo sa Kanya pero hindi naman po natin talaga tinutupad ang Kanyang kalooban, tama?  Opo, batid nating lahat at, sa katunayan, nasubukan na rin po nating lahat na gampanan ang papel ng parehong magkapatid sa talinhagang ito.  Ang mundo ay hindi po nahahati sa dalawang magkapatid na ito: ang mundo ay magkahalong ugali ng magkapatid na ito!  Nararanasan po natin na tayo mismo ay magkasanib na mga katangian ng dalawang magkapatid na lalaki sa talinhaga ni Jesus.

Para sa ating pagbabagong-buhay, purihin ang Diyos!  Para sa ating pagkasuwail at pagbabalatkayo, patawarin nawa tayong lahat ng Diyos.

Subalit, may ikatlo pa pong anak na lalaki!  Sa katunayan, ang Ebanghelyo pong ito ay dapat pamagatang “Ang Talinhaga ng Tatlong Anak na Lalaki!”  Sa mismong kuwento ng talinhaga, hindi po natin makita ang ikatlong Anak subalit damang-dama naman po natin Siya, sapagkat Siya po ang nagkukuwento ng talinhaga.  Ang ikatlong Anak na lalaki ay si Jesus Mismo.

Samantalang ang unang anak ay higit na mabuti kaysa sa ikalawa, pareho pa rin po nilang binigyang-kalungkutan ang ama: ang una ay dahil sa kawalang-modo samatalang ang ikalawa naman ay dahil sa pagbabalatkayo.  Pareho po sila – ang kani-kanilang mga salita ay hindi nagtutugma ang kani-kanilang mga gawa.

Ang pagtutugmang ito ng salita at gawa ay na kay Jesukristo.  Si Jesus po ang Anak na ang bawat Niyang salita ay tapat na katugma ng bawat Niyang gawa.  Siya po Mismo ang Katotohanan sapagkat makatotohanan ang Kanyang mga salita sa Kanyang pamumuhay at ang pamumuhay naman Niya sa Kanyang mga salita.  Sa 2 Cor 1:19, sabi po ni Apostol San Pablo, “Ang Anak ng Diyos, si Jesukristo, na aming ipinangaral sa inyo, ay hindi Oo at Hindi; Siya ay laging Oo.”  Sa Mk 14:36 naman po, ang buong buhay ni Jesus ay nilalagom ng Kanyang pinakamasidhing pagnanais: “Ama,” wika Niya, “hindi po ang Aking kalooban, kundi kung ano ang Iyo pong nais.”  At sa Jn 4:34, ganito po kahalaga para kay Jesus ang Kanyang pag-oo sa Ama: “Ang Aking pagkain,” wika Niya, “ay ang tupdin ang kalooban Niyang nagsugo sa Akin….”  Si Jesus ang “Oo” ng Diyos.

Kapatid po natin si Jesus.  Maaaring ang iba po sa atin ay walang kapatid na babae, subalit wala ni isa po sa atin ang walang kapatid na lalaki.  Sa tuwina, si Jesus po ang kuya nating lahat.  Sa katunayan, Siya po ang pinaka-d’ best na Kuya.

Sa kabila po ng mga nagdaan nang mga taon, nananatili pa ring sariwa sa aking alaala ang panalangin ko noong ako ay batang paslit pa.  Kinukulit ko po noon ang Diyos para sa kahit man lamang isang kapatid na lalaki.  Dahil wala akong sinundan na kuya, kahit baby brother na lang po, ika ko sa Diyos noon, at pangako ko po sa Kanya na ako ay magiging mabait na kuya.  Hindi po ipinagkaloob ng Diyos ang aking hinihingi ngunit tinupad Niya ang aking panalangin.  Sa mga huling taon ko sa seminaryo, higit ko pong napagtantong may Kuya pala ako.  Ang pangalan niya ay Jesus.  At Siya po ang Bugtong na Anak ng Diyos.  Magmula po noon, nagbago ang dasal ko: sa halip na “O God, please give me a brother”, naging “O Diyos, tulungan N’yo po akong maging katulad ni Kuya.”





0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home