28 April 2013

PATI MGA PAA NI JUDAS


Ikalimang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 13:31-33a, 34-35 (Gawa 14:21b-27 / Slm 114 / Pahayag 21:1-5a)

Ang ganda ng Ebanghelyo ngayon: bungad na bunga pa lang po, binabanggit na kaagad si Judas!  Pero papasok pa lang po tayo sa silid ng Huling Hapunan, papalabas na siya.  Mistulang nasalubong natin siya habang papasok tayo at papalabas naman siya sa piging ng pag-ibig.  Baka nga po nagkabanggaan pa tayo sa may pintuan ng hapunan ng Panginoon.

Pero maganda pa rin po talaga ang simula ng Ebanghelyo: ipinakita agad sa atin ang mukha ng taong walang pag-ibig.  Sa wakas nga po ng Ebanghelyo, sinabi ni Jesus, makikilala raw ng lahat na tayo ay mga alagad Niya kung tayo ay mag-iibigan.  Ito po ang tinalikuran ni Judas: ang pagiging alagad ni Jesus.  At ang tanging naiwan na lang sa ating alaala ay ito: si Judas ang nagkanulo sa Panginoon.  Hindi na po siya kinikilala bilang alagad ni Jesus.  Ang alam ng lahat: siya ang nagbenta kay Jesus sa halagang tatlumpung pirasong pilak.  Wala na pong nababakas na pag-ibig sa kanya.  Sa anumang larawan ng Huling Hapunan, ang palatandaan na lang po natin kay Judas ay ang supot na naglalaman ng kanyang kinita sa pagkakanulo sa Panginoon.

Pero maganda po talagang nagsisimula ang Ebanghelyo ngayong araw na ito sa pagbanggit kay Judas.  At maganda nga po ito hindi dahil kay Judas kundi dahil kay Jesus.  Dahil sa pag-ibig ni Jesus.

Ang Ebanghelyo po ng Misang ito ay hango sa ikalabintatlong kapitulo ng Ebanghelyo ayon kay San Juan.  Ito po ang kabanata ng paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng mga apostol.  Ang Ebanghelyo po ngayong araw na ito ay mula ikatatlumpu’t isang bersikulo hanggang ikatatlumpu’t lima.  Ang paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng mga apostol ay mababasa naman po natin mula unang bersikulo hanggang ikalabing-anim ng kapitulo ring ito.  Sa madaling sabi, nang hugasan po ng Panginoon ang mga paa ng mga apostol, naroroon pa’t kasama nila si Judas.  Hindi pa siya umaalis.  Umalis po siya sa ikatatlumpu’t isang bersikulo pa.  Samakatuwid, meron po tayong madalas na hindi nabibigyang pansin sa kuwento ng paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng Kanyang mga apostol: hinugasan po ng Panginoon pati ang mga paa ni Judas!  Pinaglingkuran din po ni Jesus si Judas na magkakanulo sa Kanya.

Malaon pa, ipinahihiwatig ng ikadalawampu’t isang bersikulo hanggang ikatatlumpo, na siyang kagyat na sinusundan ng mga bersikulo ng Ebanghelyo natin ngayon, na alam na alam po ni Jesus ang malagim na balak ni Judas.  Batid na po ng Panginoon, habang hinuhugasan Niya ang mga paa ni Judas, na ang mga pang yaon ang nagparu’t parito sa mga kaaway Niya upang Siya ay ibenta at ang mga paa rin pong iyon ang susundo sa mga kawal na dadakip sa Kanya.  Ang mga paa ring yaon ang maglalakad patungong Hardin ng Gethsemane para ituro sa mga kawal na sinundo kung sino si Jesus na dapat nilang dakpin.  Ang mga pang yaon ay marumi!  Kung marurumi ang mga paa ng mga apostol nang hugasan sila ng Panginoon, ang kay Judas ang pinakamarumi.  Hindi lamang mga alikabok ang dumi ng mga paa ni Judas kundi pati rin ng kasamaan laban sa kapwa niya, na sa pagkakataong yaon ay ang Panginoong Jesus.  Pero, biro po ninyo, hinugasan pa rin ni Jesus ang mga paang iyon!  Naku po, kung tayo si Jesus, baka, sa halip na hugasan ng tubig, asido ang ibuhos natin sa mga paa ni Judas.  Imbes na sabon ang gamitin nating panlinis, sand paper ang ipangkuskos natin sa mga paa ni Judas.  Baka nga lumpuhin na lang natin si Judas eh, kung tayo po si Jesus, para hindi na niya matuloy ang maitim na balak niya laban sa atin.

Sabihin po ninyo sa akin, kapag binabasa natin ang kuwento ng paghuhugas ng Panginoon ng mga paa ng mga apostol, hindi naman po natin talagang nabibigyan ng pansin ang katotohanang pati ang mga paa ni Judas ay hinugasan Niya.  Ni hindi pa po siguro ninyo napagninilayan na hinugasan ng ni Jesus pati ang mga paa ni Judas samantala’t bagamat alam na alam ni Jesus na ipinagbili na Siya nito sa mga kaaway.  Kadalasan po, ang binibigyang-diin lamang natin sa kuwento ng paghuhugas ng Panginoon ng mga paa ng Kanyang mga apostol ay ang mapagkumbabang paglilingkod na inihahalimbawa at inaasahan Niya sa ating lahat.  Bibihira po, kung sakali man, na binabanggit natin na ang mapagkumbabang paglilingkod na ito ay hinihingi ni Jesus na ipagkaloob din natin maging sa mga taong may masamang binabalak gawin sa atin o may pakanang manlaglag sa atin o may ikinakalat na paninira sa atin o maging may planong tayo ay itumba at iligpit.  Ang mapagkumbabang paglilingkod na ito – na siyang matingkad na patunay ng pag-ibig katulad ni Jesus – ay hindi lamang po para sa mga taong madali, masaya, at masarap paglingkuran.  Ang pag-ibig na iniaatas sa atin ni Jesus ay pag-ibig para sa lahat ng uri ng tao, hindi lamang po para sa mga kapamilya lang natin, kaibigan na natin, at kakilala natin.  Ang pag-ibig na siyang nagpapakilala na tayo nga ay mga alagad ni Jesus ay pag-ibig din para sa kaaway, kasamaan ng loob, katungali, at karibal.  Ang umibig tulad ni Jesus ay ang umibig hindi lamang sa mga marunong magpasalamat at magpahalaga sa ginagawa o binibigay mo sa kanila, kundi maging sa mga walang utang-na-loob sa ‘yo, abusado sa ‘yo, at papatay sa ‘yo.

Kahit pa si Judas ay Judas, mahal siya ni Jesus.  Kahit pa manghu-Judas si Judas, pinaglingkuran pa rin siya ni Jesus nang buong kababaang-loob.  At kahit pa nang-Judas si Judas, patatawarin pa rin sana siya ni Jesus.  Pero si Judas, hindi lamang walang pagmamahal sa kapwa, wala rin po siyang pagmamahal sa sarili niya kaya’t nagpatiwakal.  Kung walang pag-ibig si Judas sa kapwa at sa sarili, masasabi po ba nating may tunay pa siyang pag-ibig sa Diyos?  Kung sa kapwa at sarili na kitang-kita mo ay wala kang pag-ibig, paano mo masasabing iniibig mo ang Diyos na hindi mo pa nakikita?

Pag-ibig na tulad ng kay Jesus ang tema ng mga pagbasa ngayong araw na ito.  Sa katunayan po, paulit-ulit na tema ito ng mga pagbasa at liturhiya sa buong taon.  Yaon ay sapagkat makikila nga tayong mga alagad ni Jesus sa pamamagitan lamang ng ating pag-ibig natin sa isa’t isa at sa lahat ng tao.

Sa Banal na Misang ito, ipanalangin po natin ang mga nang-Judas sa atin at mga kasalukuyang Judas sa buhay natin.  Mahalin natin sila gaya ng pagmamahal ni Jesus sa Judas Niya.  At magbantay po tayo na hindi tayo maging Judas kay Jesus at kaninuman.  Sa halip, tulad nila Pablo at Bernabe sa unang pagbasa, patatagin po natin ang kalooban ng sinumang humaharap sa pagsubok at tulungang manatiling tapat sa pananampalataya sa Diyos ang dumaranas ng kapighatian.  Sa pamamagitan ng ating pag-ibig nang tulad ni Jesus, baguhin nga po sana natin ang lahat ng bagay.

Hindi nakasalo si Judas sa unang Misa sapagkat umalis nga po siya sa silid ng Huling Hapunan.  Nahugasan man ni Jesus ang mga paa niya, hindi naman po niya natanggap ang Panginoon sa Banal na Eukaristiya.  Kayo po, nagmamadali rin ba kayong umalis?  Hindi n’yo na po masasalubong si Judas.  Pero, tiyak, makakasabay n’yo siya.

21 April 2013

MAKINIG AT TUMALIMA

Ika-apat na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 10:27-30 (Gawa 13:14, 43-52 / Slm 99 / Pahayag 7:9, 14b-17)

Ngayon po ay Linggo ng Mabuting Pastol.  At limampung taon na po ang nakararaan nang ideklara ng Santa Iglesiya na tuwing Linggo ng Mabuting Pastol ay Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon.  Ang bokasyong tinutukoy po ay ang tawag sa pagpapari.  Si Jesus na Siyang Mabuting Pastol ay hindi lamang huwaran ng lahat ng mga tinawag sa bokasyong binanggit; Siya rin po, unang-una sa lahat, ang tumawag sa kanila.  At kaya po sila naging pari ay dahil nakinig sila at tumugon sa tawag ng Mabuting Pastol.

Iyon din po ang tema ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, hindi ba?  Ang pakikinig.  Sa Ebanghelyo, sinabi po ng ating Mabuting Pastol na ang Kanyang mga tupa ay nakikinig at sumusunod sa Kanya.  Kilala raw Niya sila at binibigyan daw po Niya sila ng buhay na walang-hanggan.  Hindi raw po sila mapapahamak at hindi maaagaw ninuman sa Kanya.  Kapansin-pansin din po, ang mga tupa ni Jesus ay hindi nag-apply para mapabilang sa Kanyang kawan, ni hindi rin aksidenteng sila ay mga tupa Niya, sapagkat, ayon mismo sa Kanya, ang Ama raw Niya ang nagbigay sa kanila sa Kanya.  Kaya’t kung tutuusin po, pananagutan ni Jesus sa Diyos Ama ang Kanyang mga tupa.

Ang mga pari ay tupa rin bago pastol.  Kabilang po sila sa kawan ni Jesus at mula sa kawang yaon ay tinawag at hinirang.  Pagkatapos na sila ay hubugin, sila po ay ibinabalik sa kawan upang pagpastulan ito sa ngalan ni Jesus na Mabuting Pastol.  Napakahalagang huwag kalilimutan ng mga pari ang katotohanang ito sapagkat kapag malimutan niyang tupa rin siya, hindi lamang pastol, nagiging “asong-lobo” sila at pagsasamantalahan ang kawan sa halip na alagaan at mahalin ito.

Mahal ni Jesus ang bawat-isang pari nang may katangi-tanging pag-ibig.  Pananagutan po Niya silang lahat sa Diyos Ama na Siyang nagkaloob sa kanila sa Kanya.  Wala, ni isa man, sa kanila ang nais ni Jesus na mawala at magwala.  Kaya huwag po natin aagawin ang mga pari kay Jesus.  Marami pong nang-aakit sa pari.  At sa halos labinwalong taon ko na pong pari, nakita ko na po na hindi lang ganda ang ginagamit ng mga gustong mang-akit ng pari.  Minsan, pera.  Minsan din po, pati kabaitan – isang katangiang tila walang kamalis-malisya, pero meron din pala minsan.  Subalit ang pari ay hindi po inaakit.  Hindi siya parang hinog na prutas na masarap sungkitin at tikman.  Ang pari po ay ipinagdarasal.  Sa tutoo lang po, siya ay fragile kaya please handle him with care.  Don’t give him any kind of care except the care of Jesus.  Don’t handle him by any other way except the way Jesus handles him.  Don’t love him in just any way; love him not only as Jesus loves him, love him, too, like Jesus.  Ang pari ay hindi inaagaw kay Jesus.  Ang pari po ay higit pang inilalapit kay Jesus.

Ang pari ay ipinagdarasal.  Subalit dapat ding nagdarasal ang pari mismo.  Kailangan po niyang makinig sa tinig ng Mabuting Pastol araw-araw.  Dapat siyang tumulad sa Kanya.  Ipagdasal po natin ang mga pari na lagi sana silang nagdarasal.  Ipagdasal po nating hindi lamang sila makapanatiling pari kundi makapanatiling mga paring banal.  At para sa mga magpapari pa lang, huwag po tayong dasal nang dasal lang na marami sanang magpari; sa halip, ang dasalin po natin sa tuwina ay sana banal ang lahat ng mga magpapari pa.

Subalit ang mga pari nga po ay tinawag at hinirang na tumayong mga pastol sa kawan ni Jesus na ipinagkakatiwala sa kanila upang mahalin, paglingkuran, at pagpastulan.  Ang mga tupa kaya sa kawan ay nakikinig pa talaga sa kanila?  Sumusunod po kaya ang mga tupa sa kanila?  Baka naman po kahit anong pagsisikap ng mga pari na huwag mapahamak ang mga tupang ipinagkakatiwala sa kanila, ang mga tupa na mismo ang humahanap ng ikapapahamak nila.  Pananagutan din nga po ng mga paring-pastol ang mga tupang ibinigay sa kanila ng Ama, ngunit hindi rin naman maaaring idahilan iyon kung ang tupa mismo ay sobrang tigas ng ulo at puso kaya’t naaagaw ng mga huwad na pastol o nasasakmal ng mga asong lobo.  Maniwala din po kayo o hindi, meron ding mga tupang nawawala na ayaw naman talagang matagpuan sila.  At meron din pong mga tupang sinasadyang magwala talaga kasi akala nila sikat sila kapag palagi silang hinahanap.

Ngayong Linggo po ng Mabuting Pastol at Ikalimampung Taon ng Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon, samantalang ipinagdarasal po natin sa May-ari ng ubasan na magsugo pa Siya ng maraming banal na manggagawa sa Kanyang ubasan, magkaisa rin po tayong hilingin sa natatanging Mabuting Pastol na si Jesukristo ang biyaya ng pakikinig.  Matuto po sana tayong makinig sa Kanya na nasa bawat-isa sa atin: pastol at tupa.  Sana po, makinig muna tayong tutoo bago tayo magsalita, makinig tayo nang may kababaang-loob, at makinig tayo para tumalima hindi para kumontra.

Alam po ba ninyong mahina ang mga mata ng tupa?  Tila ang kita lang po nila ay hanggang dulo ng kanilang ilong.  Pero kung ano naman po ang hinina ng kakayahan nilang makakita ay siya namang nilakas ng kanilang pandinig.  Kaya nga po, ang mga pastol ng kawan ay gumagawa ng tunog na katangi-tanging kanila o kaya ay nagsasabit ng patunog sa kanilang tungkod na siya namang pinakikinggan ng tupa at sinusundan.

Kaya nga’t sadya pong napakahalaga para sa tupa ang pakikinig.  Kapag hindi siya nakinig at sumunod sa kanyang pastol, siya po ay tiyak na maliligaw at mapapawalay sa kawan.  Magugutom din siya dahil hindi niya kita kung saan ang luntiang pastulan at mauuhaw siya dahil hindi rin niya kita kung saan ang batis na inuman.  At ang nakasisindak po sa lahat, mamamatay siya sa pangil ng mababangis na hayop.

Subalit ang pastol ay dapat ding makinig sa tupa.  Ang iyak ng tupa ay dapat niyang pinakikinggan upang kanyang mahanap kung naligaw, mapakain kung nagugutom, at maipagtanggol kung nasa panganib.  Kung paanong ang tupang ayaw makinig sa kanyang pastol ay masamang tupa, masamang pastol din ang hindi nakikinig sa kanyang tupa.

Mahirap pong makinig, hindi ba?  (Maniwala po kayo, kahit sa pari minsan ay mahirap din  ang pakikinig.)  Kaya, magdasal po tayo.

13 April 2013

MAHAL MO BA AKO?

Ikatlong Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 21:1-19 (Mga Gawa 5:27b-32, 40b-41 / Sm 29 / Pahayag 5:11-14)

Talaga po bang may mga bagay na mahirap sabihin?  Halimbawa, gaya po ng “Mahal kita.”  Tingnan ninyo si Sir Chef, araw-araw po yata ninyong inaabangan kung kelan niya sasabihin ang “I love you, Maya” pero mag-iisang taon na, wala pa rin siyang sinasabing ganun.  Kung inip na inip na kayo, eh di mas lalo na pong inip na inip na siguro si Maya.  Parami nang parami na tuloy ang “feeling Maya”.  Huwag na po kayong mainip, kasi parang malapit na ninyong marinig si Sir Chef na magsabi ng “Maya, I love you.”  Hmmm…kilig much!

Kung mahirap pong masibihin ang “I love you”, mas mahirap po kayang itanong ang “Mahal mo ba ako?”  Baka ang isagot sa iyo, “Hindi”.  Basted.  Baka rin po hindi ka sagutin.  Bitin.

Pero ang tanong na mas mahirap pang itanong kaysa sa “Labs mo ba ako?” ay “Mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal sa akin ng iba?”  Naku po, demanding!  Baka mabara ka lang, hindi ba?

Kung mahirap itanong kung minamahal ka nang higit sa pagmamahal ng iba sa iyo, mas mahirap pa pong itanong ang “Mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal mo sa iba?”  Ayan, patindi nang patindi po!  Masakit din ‘yan kapag sinalubong ng sagot na “Hindi.”

Pero ito po ang pinakamahirap na itanong: “Mahal mo ba ako at ako lang?”  Hala, kung hindi po kayo handa sa anumang isagot sa inyo, wag na wag na po kayong magtangkang itanong ito.  May mga tao pong nagpapakamatay kapag nagigising sila sa katotohanang hindi sila nag-iisa sa puso ng minamahal nila.  Kasi naman po, may mga taong sanay na sanay talagang mamangka sa dalawang ilog.  Ang iba pa nga tatlo, apat, limang ilog pa!

Sa Ebanghelyo po ngayong araw na ito, may ilang mga alagad ni Jesus na namamangka hindi sa dalawang ilog kundi sa Lawa ng Tiberias, isang lawa na pamilyar na pamilyar sa kanila.  At hindi po sila basta namamangka lang, nangingisda sila dahil ito ang hanapbuhay nila.

Sa aking pagninilay, nang marinig ko po si Simon Pedro na sabihing “Mangingisda ako”, ang nakita ko sa aking isip ay hindi lamang ang gagawin at pupuntahan niya.  Hindi ko po siya nakinitang nagpapaalam sa kanyang mga kasama na aalis muna siya at maghahanap ng maipapakain sa kanyang mag-iina.  Hindi ko po mailarawan sa isip ko na parang nagsabing, “Mangingisda ako, baka hanapin ninyo ako   ha.  Alam n’yo na kung saan n’yo ako makikita.  Mangingisda ako.”  Sa halip, nang mabasa ko po ang sinabi ni Simon Pedro – “Mangingisda ako” – ang pumasok sa isip ko ay “Oo nga pala, mangingisda siya.”  Sa dami na po ng mga nangyari sa kuwento ni Jesus at ng Kanyang mga alagad, parang ipinaaalala ni San Juan sa kanyang mga mambabasa, sakaling nalimutan na nila, na itong si Simon Pedro, bago siya tinawag ni Jesus, bago siya nabighani kay Kristo, bago tuluyan nang napamahal sa kanya ang Panginoon, ay isang mangingisda.  Sinabi ni Simon Pedro, “Mangingisda ako” – higit pa sa “I am going fishing”; “I am a fisherman” din po ito.  At isinasalugar po agad ng pahayag na ito ang buong kuwento ng Ebanghelyo ngayong araw na ito: ang pamilyar, ang karaniwan, ang mundo ni Simon Pedro.  At nang sabihin ng mga kasamahan niya, “Sasama kami”, ipinaaalala rin po sa atin na karamihan nga sa mga alagad ni Jesus ay mga mangingisda rin: si Tomas, si Natanael na taga-Cana, ang mga anak ni Zebedeo, at ang dalawa pa nilang kasama.

Malamang po akala ng mga alagad na ito ay tapos na ang kuwento nila ni Jesus.  Pero ‘yun po pala nagsisimula pa lang.  Nabuhay na ngang magmuli si Jesus.  Kung baga sa pelikula, panalo na ang bida; eh di ending na!  Ang ganda-ganda ng kuwento ng kanilang pinagsamahang kasama si Jesus – puwedeng-puwedeng i-teleserye – pero ngayong tapos na ang lahat, may mga pamilya pa rin silang dapat pakanin, may mga hanapbuhay na kailangang atupagin, may mga mundong maaaring balikang muli.

Kaya lang po, nang balikan nila ang mundong pamilyar sa kanila, ang sumalubong po sa kanila ay kawalan.  “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” tanong ni Jesus na hindi nila agad nakilala.  “Wala po,” tugon nila.  Kakaiba na ang dating gamay na gamay nila.  Hindi na pareho ang iniwan nilang mundo.

Pero, iyon nga po bang iniwan nilang mundo ang nabago o sila ang bagong tao na?  Ang dati nilang mundo ay dating mundo pa rin na ngayo’y binalikan nila para mangisda gaya nang dati, ngunit sila po – hindi na sila ang dating mga mangingisda.  Binago sila ng kanilang karanasan kay Jesus.  Hindi na lamang sila mga mangingisda; mga mamalakaya na nga po sila ng tao.  Hindi na lamang ang maipakakain sa kani-kanilang pamilya ang dapat nilang pagkaabalahan; pananagutan na rin po nilang pakanin ng Ebanghelyo ni Kristo ang buong sankatauhan, kabilang ang dating mundong pamilyar sa kanila.  Hindi na lamang po ang pang-araw-araw na paghahanapbuhay ang hamon sa kanila; bakus, paulit-ulit silang inaatasang magbigay-buhay sa lahat ng tao.

Sa karanasan nila ng kawalan natagpuan nilang muli ang Kristong magmuling-nabuhay.  Doon sa kanilang kawalan – maging doon nga po mismo ay naroroon si Jesus upang ipaalalang muli sa kanila ang kuwento ng kanilang pagmamahalan.  Anong laki ng binago ni Jesus sa kani-kanilang buhay anupa’t gustuhin man pero hindi na po sila ang dating mga mangingisda!  Mangingisda man sila, ngunit iba na silang mga mangingisda: sila ay mga mangingisda na ni Kristo.

Ganito rin po ang karanasan natin, hindi ba?  Binago tayo ng karanasan natin kay Jesus, at patuloy pang binabago nito.  Pareho man pa rin ang mundong ating ginagalawan at paulit-ulit man nating bisitahin ang iba pang mumunting mundo natin, tayo po ay iba na sa dating tayo dahil binago ni Jesus ang lahat sa atin.  Sabi pa nga po ni San Pablo Apostol sa 2 Cor 5:17, “Samakatuwid, ang sinumang na kay Kristo ay bagong nilikha na: ang luma ay wala na, narito na ang bago!”  Bagong tao na nga po tayo.  Sana nga po.

Ang sarap pong marinig ang patutoo ng ilan: “Nang makilala ko ang Panginoon, nagbago ang lahat sa buhay ko.  Bagong tao na ako!”  Kaya lang po meron din sa mga ito ang madali ring maluma.  Ngayong bagong tao pero bukas luma na ulit.  Bagong tao raw kasi tinanggap si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas pero konting pagsubok lang luma na agad.  Bagong tao na raw at wagas sa pagtulad kay Jesus pero lumang tao agad pagdating ng mga di-pagkakaunawaan.  Ang sekreto po para hindi maluma ang bagong tao: dapat po hayaan nating pagpanibaguhin tayo ni Jesus araw-araw sa pananalangin, sa pagninilay sa Salita ng Diyos, at lalong-lalo na sa Banal na Eukaristiya.  Kung hindi po, ang bagong tao ay parang tinapay na ngayon ay mainit pero bukas panis.

May mga pagkakataon ding hindi lamang natin binabalikan ang dating mundong kilala natin, pamilyar sa atin, gamay natin; minsan po tayo mismo ang bumabalik sa dating tayo.  Madalas at malamang ito po ang dahilan kung bakit dumaranas tayo ng matinding kahungkagan, basyong-basyo tayo, nakababalisang kawalan.  Kasi po, hindi na talaga tayo makababalik sa dating tayo dahil ibang tao na nga po tayo kay Kristo Jesus.  Sa ganitong mga pagkakataon – na pinagdaraanan maging ng mga santo - wari baga’y maririnig natin ang tinig ng Panginoon, nagtatanong, “Anak, may huli ka ba?”  At matatanto natin ang ating pagkakamali, “Wala po, Panginoon.  Wala po akong huli.  Ako po ang nahuli ng kawalan.”

Sa gitna ng ating kawalan, naroroon pa rin si Jesus upang ipakita sa atin na, magbalik man tayo sa mundong pamilyar sa atin, hindi na tayo makababalik doon na para bang hindi natin Siya nakilala, hindi natin Siya sinundan, hindi natin Siya pinaniwalaan, hindi natin Siya minahal.  Aakayin Niya tayo pabalik sa kabaguhang kaloob ng Espiritu Santo sa Kanyang mga alagad.  At, palagay ko po maging kay Jesus, mahirap man tanungin, tatanungin Niya tayong muli, “Mahal mo ba Ako?  Minamahal mo ba Ako nang higit sa pagmamahal ng iba?  Mahal mo ba Ako nang higit sa pagmamahal mo sa iba?  Mahal mo ba Ako at Ako lang?”

Gabi-gabi, bago po ako matulog, simula maging pari ako, ito ang huling panalangin ng puso ko, ang huling mga katagang namumutawi sa aking labi: “Panginoon, nalalaman po Ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman Ninyong iniibig ko Kayo.”  Amen.

06 April 2013

NAGDUDUDANG TOMAS, TOMAS NA WAGAS

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 20:19-31 (Gwa 5:12-16 / Slm 118 / Pg 1:9-11a, 12-13, 17-19)

Halos lahat po ng alam natin tungkol kay Jesus ay galing sa mga sipi natin ng Ebanghelyo.  Pero hindi po sinasabi ng mga siping ito ang lahat ng nais nating malaman tungkol kay Jesus.  Bakit?  Kasi raw po, ayon kay Jn 21:25: “Marami pang ibang bagay na ginawa si Jesus, na kung isusulat nang isa-isa ay inaakala kong hindi magkakasiya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na susulatin.”  Gayunpaman, hindi po tayo napipigilan nito na magtanong sa halos bawat pahina ng mga sipi ng Ebanghelyo.  Pero, batid po natin na marami sa ating mga tanong ang hindi talaga masasagot, at least dito po sa lupa.  Siguro, pagdating natin sa langit, tsaka na lang natin itanong kay Jesus.

Hindi lamang po tungkol kay Jesus ang ikinukuwento ng mga Ebanghelyo.  Kahit paano’y nakikilala rin natin ang mga alagad ni Jesus sa pamamagitan ng nila.  Nangunguna sa Kanyang mga alagad ang mga apostol – “Ang Labindalawa” kung sama-samang tukuyin – at isa po sa kanila ay si Tomas.

Kakaunti po ang sinasabi ng mga Ebanghelyo tungkol kay Tomas.  Sa kasawimpalad pa nga po, sa kakaunting nalalaman natin tungkol sa kanya, yaon pang pagdududa niya ang hindi nating malimut-limutan.  Anupa’t binansagan na siyang “The Doubting Thomas” o “Ang Nagdududang Tomas”.

Wala po kasi si Tomas nang unang magpakita ang Panginoon sa mga apostol.  Kung nasaan man siya, hindi ko po alam.  Tahimik kasi ang mga Ebanghelyo tungkol sa kung nasaan nga si Tomas nang unang magpakita ang Panginoon sa mga apostol.

Naroon na ang sobrang kalungkutan at kalituhan ni Tomas.  Pero malakas ang palagay ko po na hindi lang siya lungkot na lungkot at litung-lito.  Malamang, guilting-guilty rin siya.  Paano ba naman po, nang sabihin ni Jesus sa mga alagad na sila ay tutungong Jerusalem at doo’y papatayin, ang ketapang-tapang na hikayat ni Tomas sa kanila sa Jn 11:15 ay “Tara na, mamatay tayong kasama Niya!”  Tapos, ‘yun po pala, isa rin siya sa mga kakaripas ng takbo, magtatago, at mang-iiwan kay Jesus nang Ito ay dakpin, pahirapan, at patayin.

Maaari pong sabihin ng ilan sa inyo, “Bakit?  Si Simon Pedro rin naman ha.  Hindi nga niya iniwan ang Panginoon at sa halip ay sinundan-sundan pa nga niya, pero nang kilalanin siyang alagad Niya, hindi ba tatlong beses pa niya Siya itinatwa?  Kung may “Doubting Thomas”, aba, si Simon Pedro naman ang “Denial King”!  Tama po, pero, at least, di tulad ni Tomas, hindi naman hinikayat ni Simon Pedro ang ibang mga alagad na mamatay kasama ni Jesus.  Lingid sa pansin ng marami sa atin ang sinabi ni Tomas sa Jn 11: 16 kaya kakaunti po ang may alam na hindi lang nagyabang si Tomas, nang damay pa!  “Tara na, mamatay tayong kasama Niya!” hikayat ni Tomas.  Kaya po, matapos ang mga kaganapan noon Biyernes Santo, hindi ngayon malaman kung saang lupalop nagtago si Tomas.

Pahiyang-hiya.  Guilting-guilty.  Supalpal.  Walang mukhang maiharap.  Kaya nagtago na lang.  Nagmukmok sa kung saan.  Humiwalay.  Hindi po ba ganyang-ganyan din tayo minsan?  Ang dami-rami kasi nating sinasabi eh.  Ang dami-rami nating ipinapangakong hindi naman natin alam kung talagang kaya nating tupdin o wala talaga tayong kabalak-balak tupdin.  Ang dami-rami kasi nating mga pa-pogi at mga pasiklab, pero kapag mahirap na, peligroso na, nakasisindak na, nag-uunahan nang kumaripas ng takbo.  Ang gaganda ng pananalita natin, makabagbag-damdamin, kapani-paniwala, pero kapag hinihingi na ang mabigat na patunay mula sa ating mga gawa, patay-malisya tayong parang walang ibinida.  Tapos po kapag malinaw nang pahiyang-pahiya tayo, tatakas tayo.  Meron pa nga po, kapag wala nang mukhang maiharap, manghihiram ng mukha sa iba.  Sa puso po ng bawat-isa sa atin ay may Tomas.

At nang magkalakas na ng loob itong si Tomas na magpakita sa mga apostol, aba, nagmatigas pa siyang ayaw niyang maniwala at siya pa ang may ganang magbigay ng mga kondisyon para maniwala siya.  “Hindi ako maniniwala,” wika ni Tomas, “hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa Kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangg’at hindi ko naipapasok ang aking kamay sa Kanyang tagiliran.”

May pagkaganyan din po tayo minsan, hindi ba?  Tayo na nga ang absent, tayo pa ang demanding pag-present na tayo.  Ikaw na nga ang hindi um-attend ng meeting, ikaw pa ang maraming kondisyones ngayon.  Tayo na nga ang pinagmamalasakitang balitaan ng magandang balita, ang bilis pa nating magsuspetsa.  Ako na nga dapat ang walang mukhang maiharap, pero ako pa ang nagmamatigas.

Ngunit sa kabila po ng lahat, si Santo Tomas Apostol ay napakabuting halimbawa pa rin po para sa ating nagsisikap sumunod kay Jesus.  Ang maganda po kasi kay Santo Tomas, ang pagtanggi niyang maniwala ay wagas.  Hindi po siya nag-i-inarte lang para magkaroon ng moment sa Ebanghelyo.  Talaga pong hindi siya makapaniwala hangga’t hindi niya nakikita ang mga pruwebang hinahanap niya.  Hindi rin po siya nagbibiro lang na tulad ng ibang halos lahat ay ginagawang biro na lang.  Palagay ko naman po batid ni Tomas na wala nang kasinseryoso ang balitang si Jesus ay nabuhay nang magmuli.  Mas lalo naman pong hindi rin plastik si Tomas na “oo” na lang nang “oo” kahit “hindi” naman pala ang tutoong nasa puso.  Hindi rin siya patangay na lang sa agos para lang hindi na maiba.  Hindi niya sasakyan na lang basta-basta ang kagustuhan ng nakararami para lang matanggap agad ng grupo.  Hindi po.  Hindi ngingiti si Tomas kung nagluluksa pa ang kanyang puso.  Nagmamatigas man siya, nagdududa man siya, nagkakamali man siya, pero hindi manloloko si Tomas.  Kahit sa kanyang pag-aalinlangan, wagas po si Tomas.

Sana po ganyan din tayo: wagas, hindi mahilig mag-inarte para lang magka-moment, hindi ginagawang biro-biro lang ang lahat, hindi plastik, hindi patangay sa agos, hindi sakay na lang nang sakay sa gusto ng nakararami para lang matanggap ng grupo, hindi manloloko.  Sana po tulad ni Tomas, mapahiya man tayo dahil sa ating kayabangan, magmatigas man tayo dahil sa ating pag-aalinlangan, at mawalan man tayo ng mukhang maiharap dahil sa ating kapalpakan, manatili pa rin sana tayong tutoo.  Kahit sa ating pagkakamali, sana tutoo tayo.  Sana po hindi tayo tulad ng mga taong maling-mali na nga, nagmamagaling pa sa halip na makinig para matuto; bukung-buko na nga, lumulusot pa sa halip na umamin at humingi ng tawad; absent na nga nang absent, reklamo pa nang reklamo sa halip na atupagin ang maging present palagi; hirap na hirap na nga ang grupo, moment pa nang moment sa halip na magsakripisyo para sa ikabubuti ng lahat.

Kung paanong may nagdududang Tomas sa bawat-isa sa atin, sana po meron ding Tomas na wagas sa puso nating lahat.  Hanggang meron pong Tomas na wagas sa bawat-isa sa atin, makikilala pa rin natin si Jesus na magmuling-nabuhay at makapaniniwala pa rin tayo sa Kanya sa kabila ng lahat.  At ang Tomas na wagas sa atin ang makapagpapanalig sa nagdududang Tomas sa atin na gaano man kalaki ang ating pagkakasala, gaano man kadalas ang ating pagkakamali, at gaano man katindi ang ating pag-aalinlangan, makatatagpo pa rin tayo ng awa kay Kristo Jesus.  Kaya nga po, maganda na ngayong Linggo ring ito ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Awa na laging nakalaan sa mga taong wagas kahit pa marami silang mga kapalpakan sa buhay.

May duda po ba tayo?  Ayos lang ‘yan, basta po wagas.  Sa awa ng Diyos, maliliwanagan din po tayo at makapaniniwala, kung kahit sa ating pagdududa, nananatili po tayong wagas.