MAHAL MO BA AKO?
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 21:1-19 (Mga Gawa
5:27b-32, 40b-41 / Sm 29 / Pahayag 5:11-14)
Talaga po bang may
mga bagay na mahirap sabihin? Halimbawa,
gaya po ng “Mahal kita.” Tingnan ninyo
si Sir Chef, araw-araw po yata ninyong inaabangan kung kelan niya sasabihin ang
“I love you, Maya” pero mag-iisang taon na, wala pa rin siyang sinasabing
ganun. Kung inip na inip na kayo, eh di
mas lalo na pong inip na inip na siguro si Maya. Parami nang parami na tuloy ang “feeling Maya”. Huwag na po kayong mainip, kasi parang
malapit na ninyong marinig si Sir Chef na magsabi ng “Maya, I love you.” Hmmm…kilig much!
Kung mahirap pong masibihin ang “I
love you”, mas mahirap po kayang itanong ang “Mahal mo ba ako?” Baka ang isagot sa iyo, “Hindi”. Basted.
Baka rin po hindi ka sagutin.
Bitin.
Pero ang tanong na mas mahirap pang
itanong kaysa sa “Labs mo ba ako?” ay “Mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal
sa akin ng iba?” Naku po, demanding! Baka mabara ka lang, hindi ba?
Kung mahirap itanong kung minamahal ka
nang higit sa pagmamahal ng iba sa iyo, mas mahirap pa pong itanong ang “Mahal
mo ba ako nang higit sa pagmamahal mo sa iba?”
Ayan, patindi nang patindi po!
Masakit din ‘yan kapag sinalubong ng sagot na “Hindi.”
Pero ito po ang pinakamahirap na
itanong: “Mahal mo ba ako at ako lang?” Hala,
kung hindi po kayo handa sa anumang isagot sa inyo, wag na wag na po kayong
magtangkang itanong ito. May mga tao
pong nagpapakamatay kapag nagigising sila sa katotohanang hindi sila nag-iisa
sa puso ng minamahal nila. Kasi naman
po, may mga taong sanay na sanay talagang mamangka sa dalawang ilog. Ang iba pa nga tatlo, apat, limang ilog pa!
Sa Ebanghelyo po ngayong araw na ito,
may ilang mga alagad ni Jesus na namamangka hindi sa dalawang ilog kundi sa
Lawa ng Tiberias, isang lawa na pamilyar na pamilyar sa kanila. At hindi po sila basta namamangka lang,
nangingisda sila dahil ito ang hanapbuhay nila.
Sa aking
pagninilay, nang marinig ko po si Simon Pedro na sabihing “Mangingisda ako”, ang
nakita ko sa aking isip ay hindi lamang ang gagawin at pupuntahan niya. Hindi ko po siya nakinitang nagpapaalam sa
kanyang mga kasama na aalis muna siya at maghahanap ng maipapakain sa kanyang
mag-iina. Hindi ko po mailarawan sa isip
ko na parang nagsabing, “Mangingisda ako, baka hanapin ninyo ako ha.
Alam n’yo na kung saan n’yo ako makikita. Mangingisda ako.” Sa halip, nang mabasa ko po ang sinabi ni
Simon Pedro – “Mangingisda ako” – ang pumasok sa isip ko ay “Oo nga pala,
mangingisda siya.” Sa dami na po ng mga
nangyari sa kuwento ni Jesus at ng Kanyang mga alagad, parang ipinaaalala ni
San Juan sa kanyang mga mambabasa, sakaling nalimutan na nila, na itong si
Simon Pedro, bago siya tinawag ni Jesus, bago siya nabighani kay Kristo, bago
tuluyan nang napamahal sa kanya ang Panginoon, ay isang mangingisda. Sinabi ni Simon Pedro, “Mangingisda ako” –
higit pa sa “I am going fishing”; “I am a fisherman” din po ito. At isinasalugar po agad ng pahayag na ito ang
buong kuwento ng Ebanghelyo ngayong araw na ito: ang pamilyar, ang karaniwan,
ang mundo ni Simon Pedro. At nang
sabihin ng mga kasamahan niya, “Sasama kami”, ipinaaalala rin po sa atin na
karamihan nga sa mga alagad ni Jesus ay mga mangingisda rin: si Tomas, si Natanael
na taga-Cana, ang mga anak ni Zebedeo, at ang dalawa pa nilang kasama.
Malamang po akala ng mga alagad na ito
ay tapos na ang kuwento nila ni Jesus. Pero
‘yun po pala nagsisimula pa lang.
Nabuhay na ngang magmuli si Jesus.
Kung baga sa pelikula, panalo na ang bida; eh di ending na! Ang ganda-ganda
ng kuwento ng kanilang pinagsamahang kasama si Jesus – puwedeng-puwedeng
i-teleserye – pero ngayong tapos na ang lahat, may mga pamilya pa rin silang
dapat pakanin, may mga hanapbuhay na kailangang atupagin, may mga mundong
maaaring balikang muli.
Kaya lang po, nang balikan nila ang
mundong pamilyar sa kanila, ang sumalubong po sa kanila ay kawalan. “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” tanong ni
Jesus na hindi nila agad nakilala. “Wala
po,” tugon nila. Kakaiba na ang dating
gamay na gamay nila. Hindi na pareho ang
iniwan nilang mundo.
Pero, iyon nga po bang iniwan nilang
mundo ang nabago o sila ang bagong tao na?
Ang dati nilang mundo ay dating mundo pa rin na ngayo’y binalikan nila
para mangisda gaya nang dati, ngunit sila po – hindi na sila ang dating mga
mangingisda. Binago sila ng kanilang
karanasan kay Jesus. Hindi na lamang
sila mga mangingisda; mga mamalakaya na nga po sila ng tao. Hindi na lamang ang maipakakain sa
kani-kanilang pamilya ang dapat nilang pagkaabalahan; pananagutan na rin po nilang
pakanin ng Ebanghelyo ni Kristo ang buong sankatauhan, kabilang ang dating
mundong pamilyar sa kanila. Hindi na
lamang po ang pang-araw-araw na paghahanapbuhay ang hamon sa kanila; bakus,
paulit-ulit silang inaatasang magbigay-buhay sa lahat ng tao.
Sa karanasan nila ng kawalan natagpuan
nilang muli ang Kristong magmuling-nabuhay.
Doon sa kanilang kawalan – maging doon nga po mismo ay naroroon si Jesus
upang ipaalalang muli sa kanila ang kuwento ng kanilang pagmamahalan. Anong laki ng binago ni Jesus sa
kani-kanilang buhay anupa’t gustuhin man pero hindi na po sila ang dating mga
mangingisda! Mangingisda man sila,
ngunit iba na silang mga mangingisda: sila ay mga mangingisda na ni Kristo.
Ganito rin po ang karanasan natin, hindi
ba? Binago tayo ng karanasan natin kay
Jesus, at patuloy pang binabago nito.
Pareho man pa rin ang mundong ating ginagalawan at paulit-ulit man nating
bisitahin ang iba pang mumunting mundo natin, tayo po ay iba na sa dating tayo dahil
binago ni Jesus ang lahat sa atin. Sabi
pa nga po ni San Pablo Apostol sa 2 Cor 5:17, “Samakatuwid, ang sinumang na kay
Kristo ay bagong nilikha na: ang luma ay wala na, narito na ang bago!” Bagong tao na nga po tayo. Sana nga po.
Ang sarap pong marinig ang patutoo ng
ilan: “Nang makilala ko ang Panginoon, nagbago ang lahat sa buhay ko. Bagong tao na ako!” Kaya lang po meron din sa mga ito ang madali
ring maluma. Ngayong bagong tao pero
bukas luma na ulit. Bagong tao raw kasi
tinanggap si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas pero konting pagsubok lang
luma na agad. Bagong tao na raw at wagas
sa pagtulad kay Jesus pero lumang tao agad pagdating ng mga di-pagkakaunawaan. Ang sekreto po para hindi maluma ang bagong
tao: dapat po hayaan nating pagpanibaguhin tayo ni Jesus araw-araw sa
pananalangin, sa pagninilay sa Salita ng Diyos, at lalong-lalo na sa Banal na
Eukaristiya. Kung hindi po, ang bagong
tao ay parang tinapay na ngayon ay mainit pero bukas panis.
May mga pagkakataon ding hindi lamang
natin binabalikan ang dating mundong kilala natin, pamilyar sa atin, gamay
natin; minsan po tayo mismo ang bumabalik sa dating tayo. Madalas at malamang ito po ang dahilan kung
bakit dumaranas tayo ng matinding kahungkagan, basyong-basyo tayo,
nakababalisang kawalan. Kasi po, hindi
na talaga tayo makababalik sa dating tayo dahil ibang tao na nga po tayo kay
Kristo Jesus. Sa ganitong mga
pagkakataon – na pinagdaraanan maging ng mga santo - wari baga’y maririnig natin
ang tinig ng Panginoon, nagtatanong, “Anak, may huli ka ba?” At matatanto natin ang ating pagkakamali,
“Wala po, Panginoon. Wala po akong
huli. Ako po ang nahuli ng kawalan.”
Sa gitna ng ating kawalan, naroroon pa
rin si Jesus upang ipakita sa atin na, magbalik man tayo sa mundong pamilyar sa
atin, hindi na tayo makababalik doon na para bang hindi natin Siya nakilala,
hindi natin Siya sinundan, hindi natin Siya pinaniwalaan, hindi natin Siya
minahal. Aakayin Niya tayo pabalik sa
kabaguhang kaloob ng Espiritu Santo sa Kanyang mga alagad. At, palagay ko po maging kay Jesus, mahirap
man tanungin, tatanungin Niya tayong muli, “Mahal mo ba Ako? Minamahal mo ba Ako nang higit sa pagmamahal
ng iba? Mahal mo ba Ako nang higit sa
pagmamahal mo sa iba? Mahal mo ba Ako at
Ako lang?”
Gabi-gabi, bago po ako matulog, simula
maging pari ako, ito ang huling panalangin ng puso ko, ang huling mga katagang namumutawi
sa aking labi: “Panginoon, nalalaman po Ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman Ninyong
iniibig ko Kayo.” Amen.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home