ANG PUSO NG MAGMULING-PAGKABUHAY NI KRISTO
Pasko ng
Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoong Jesuskristo
Jn
20:1-9 (Gwa 10:34a, 37-43 / Slm 117 / 1 Cor 5:7b-8a)
Happy Easter po sa inyong lahat! Purihin natin ang Panginoon, magmuli Siyang
nabuhay, aleluya! Happy Easter!
Talaga po bang happy kayo?
Kung talaga pong happy kayo, mabuti naman. Salamat sa Diyos! Purihin ang Panginoon!
Magpasalamat po kayo dahil masaya kayo, kasi, alam ba
ninyo, may ilang mga taong gumising kanina na mabigat na mabigat ang loob. Siguro pa nga kung puwede lang sana ayaw na
nilang gumising ngayon. Mabigat ang loob
nila. Masama ang loob nila. Punong-puno rin ng takot. Para silang pinagtakluban ng langit at lupa. Kundi man nahirapang matulog, malamang ang iba
sa kanila ay hindi talaga nakatulog. At tatlong araw na silang ganyan.
Noong
nakaraang Linggo lang, masayang-masaya silang lahat. Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, hindi mapigilan
sa pagpupugay ang madla. At dahil
kadikit nila si Jesus, siguro pakiramdam ng mga apostol, sikat na sikat na rin
sila. Pinalagay nilang yaon na ang
hinihintay nilang pagkakataon para patunayan ni Jesus na walang binatbat ang
mga naninira at umaaway sa Kaniya. Marahil
po ang ilan pa sa kanila ang nag-akalang sisimulan na ni Jesus ang armadong
rebolusyon laban sa mga mananakop na Romano – sa wakas, lalaya na ang Israel! Pero, iba po ang naging takbo ng kuwento. Walang nangyaring armadong rebolusyon. Meron mga armadong kawal na humuli kay Jesus
sa halamanan ng Gethsemane. Naging
trahedya ang lahat. Mistulang si Jesus
ang walang binatbat: hinuli Siya, binugbog, ipinako sa krus, namatay tulad ng
isang kriminal. At ngayon, tatlong araw
nga ang nakalipas. Ayaw man nilang
tanggapin pero alam po nila na ang nilibing nila Jose ng Arimathea ay isa nang
malamig at matigas na bangkay. Malamang
po nangangamoy na nga iyon at nagsisimula nang maagnas. At dahil sa naghalong kalituhan at takot,
nagkawatak-watak sila, samantalang ang mga pumatay kay Jesus ay nag-iinuman
na’t masayang pinupulutan ang kuwento kung paano nila ibinagsak si Jesus.
Tatlo
sa mga alagad na ito ni Jesus ang binabanggit sa Ebanghelyo natin ngayon: si
Maria Magdalena, si Simon Pedro, at si Juan.
Ayon
po sa Ebanghelyo, madilim-dilim pa ng unang araw ng Linggo ay pumaroon na si
Maria Magdalena sa libingan ni Jesus. Subalit, laking gulat niya! Wala ang bangkay ni Jesus doon. Hindi po iyon matanggap ni Maria
Magadalena. Nasurpresa siya. Sinurpresa siya ng Diyos. At hindi niya iyon masakyan, hindi niya
matanggap, hindi niya makuhang magalak.
Di
po ba, minsan ganyan din tayo? Hindi
natin masakyan ang mga surpresa ng Diyos sa buhay natin. At dahil hindi natin masakyan, ayaw nating
tanggapin. Kundi man kalituhan, takot ang
naghahari sa puso natin kapag sinusurpresa tayo ng Diyos. At hindi natin maranasan ang kagalakang dapat
sana’y mapasaatin dahil sa magandang surpresa ng Diyos. Ang problema, madalas po tayong supresahin ng
Diyos. Mahilig ang Diyos sa mga
supresa. Ganun po kasi ang grasya: mga
supresa ng Diyos sa buhay natin. Kaya
lang hindi natin nasasalo lahat ng grasyang isinusurpresa sa atin ng Diyos kasi
nga po mas gusto natin ang pamilyar, ang alam na natin, ang gamay na natin, ang
madali sa atin, ang masarap sa atin, ang kumportable sa atin, ang mahigpit na
nakaayon sa metodo at lohika, ang laging nasa loob ng ating comfort zones. Eh hindi po ganun ang grasya, hindi rin ganun
ang himala – mga surpresa sila ng Diyos sa atin. Pero may mga taong ayaw sinusurpresa.
Ang
libingang walang laman – hindi po ba malaking surpresa iyon? Kaya’t tumakbo agad si Maria Magdalena
patungo kina Simon Pedro at Juan. At
hindi naman po niya alam talaga kung ano ang tutoong kuwento, heto ang balita
niya sa kanila: “Kinuha nila ang Panginoon sa libingan at hindi namin nalalaman
kung saan Siya inilagay.” Kinuha
agad? Kinuha agad? Porke wala, kinuha agad? Porke nawawala, ninakaw agad? Porke hindi mo makita, wala agad? Baka hindi mo lang makita kasi iba ang
hinahanap mo. Baka kaya hindi mo makita,
sabi ng nanay ko po, kasi bibig at hindi mata ang pinanghahanap mo. Baka kaya nawawala kasi hindi na Siya ang
bangkay na hinahanap mo: Siya’y nabuhay nang magmuli!
Madalas,
ganyan din po tayo: mahilig mag-imbento ng kuwento. Marami nga po sa atin ang talent ay iyan: ang
mag-imbento ng kuwento. At hindi lang sa
marami sila, magagaling sila!
Kapani-paniwala kung magkuwento sila, pero hindi naman pala tutoo ang
sinasabi kasi hindi naman talaga nila alam kung ano ang katotohanan ng
kinukuwento nila. Pakiramdam lang nila
na alam nila at gusto rin nilang paniwalaan sila ng lahat. Bakit?
Kasi sikat kapag ikaw ang unang nakapagkuwento, sikat ka kapag maraming
naniwala sa kuwento mo, sikat ka kapag ikaw ang pinupuntahan at kinukunsulta ng
mga mahilig ding makinig at maniwala sa mga kuwentu-kuwento. At masarap ang ganyang pakiramdam!
Pero
hindi naman po ganun si Maria Magdalena.
Hindi po niya sinadyang mag-imbento ng kuwento. Palagay ko po, litung-lito siya at
alalang-alala: patay na nga si Jesus, pati ba naman bangkay Niya ay ipagkakait
sa amin? Palagay ko po, kaya nakagawa si
Maria Magdalena ng ganung konkulusyon kasi sobra-sobra ang kanyang pagdaramdam;
napakasakit para sa kanya ang kamatayan ni Jesus na, ayon sa Ebanghelyo, ay
nagpalaya sa kanya mula sa pang-aalipin ng pitong demonyo. Binago ni Jesus ang buhay niya, subalit hindi
niya nabago ang sinapit ni Jesus.
Napakasakit, hindi po ba? At ang
tanging magagawa na lamang sana niya ay ang dalawin ang mga labi ni Jesus at tapusin
ang kostumbre ng mga Judyo para sa paglilibing ng bangkay na hindi raw nila
natapos gawin dahil nagsisimula na raw ang Shabbat noong inilibing nila
Siya. Kaya naman po, nang hindi niya
matagpuan ang bangkay ni Jesus, ang pumasok agad sa isip ni Maria Magdalena na
malamang yaon ay ninakaw ng mga kaaway: kahit sa kamatayan, ayaw patahimikin ng
mga kaaway si Jesus.
Para
naman po kay Simon Pedro, sukdulan ang pait ng mga pangyayari. Alam po nating lahat kung paano at makailang
ulit niya itinatwa si Jesus. Nagsisisi nga
siya sa kanyang ginawa, pero hindi naman siya makapag-sorry kay Jesus nang
personal. Paano pa nga ba, eh tatlong
araw na ngang nakalibing si Jesus.
Maaari tayong humingi ng tawad sa harap ng isang bangkay, pero hindi
tayo puwedeng patawarin ng bangkay na.
Naisin man ni Pedro ang tangisan ang bangkay ni Jesus, saan pa siya
ngayon pupunta? Nawawala nga po ang
bangkay!
Kaya pagkarinig sa kuwento ni Maria Magdalena, kumaripas
daw ng takbo itong si Pedro patungong libingan ni Jesus. Tumakbo rin daw si Juan, ang minamahal na
alagad, at nauna pang nakarating sa libingan.
Ngunit nauna man siya sa libingan, hindi naman nagpatiunang pumasok si
Juan. Si Pedro ang pinuno nila, hindi
siya. Siya man ang pinakamamahal na
alagad, hindi siya abusado sa pribilehiyong iyon: sa kabila ng kapusukan ng
kanyang pagiging pinakabata sa mga alagad, marunong kumilala’t gumalang si Juan
hindi lamang sa nakatatanda kundi sa nakatataas sa kanya. Pumasok lang siya sa libingan nang makapasok
na si Pedro. Pero huli pa ring narating
ni Pedro ang mensaheng nakatambad sa kanilang dalawa ni Juan.
Si Juan ang unang nakarating sa libingan at siya rin ang
unang nakarating sa puso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus. Sa pagtatapos ng Ebanghelyo ngayong araw na
ito, sinasabing nakita ni Juan ang nakita rin ni Pedro at siya ay
sumampalataya. Tahimik ang Ebanghelyo
kung ano ang naging reaksyon ni Pedro sa libingang walang laman, subalit
malinaw naman ang ulat nito tungkol kay Juan: “nakita niya ito at siya ay
naniwala.” Si Pedro nga ang unang
pumasok sa libingan, pero si Juan ang unang nakapasok sa diwa ng magmuling-pagkabuhay
ni Jesus. Si Maria Magdalena nga ang
unang pinagpahayagan ng balita ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus, ngunit si Juan
naman ang unang nanalig. Si Juan nga
po ang unang nakaranas ng magmuling-pagkabuhay ni Kristo. Bakit?
Ang mga minamahal na alagad ay laging nauuna. Pag-ibig ang puso ng magmuling-pagkabuhay –
pag-ibig ng Diyos – kaya ang pinakamamahal na alagad ang unang nakararating sa
puso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus.
Sabi pa nga po, “If love can persuade it will bring you to the point
quicker.”
Magbunga nawa sa ating buhay ang magmuling-pagkabuhay ni
Jesus. Sana po, higit tayong maging
mapagmahal sa Diyos at sa kapwa. At kung
nais nga po nating maunawaan ng iba ang mensahe ng ating pamumuhay, higit pa
natin silang mahalin. Ang problema po
kasi, kapag mahirap kausapin, mahirap pakisamahan, mahirap umintindi, mahirap
makatrabaho, mahirap mapaliwanagan, mahirap pakiusapan, mahirap mahalin, ayaw
na natin. Dapat po siguro mas lalo natin
siyang mahalin, hindi layuan o siraan o pabayaan o pagkaisahan. Tanging pag-ibig po lamang ang
makapagpapabago sa kaninuman, kung paanong pag-ibig ang nakapagpabago sa
bangkay ni Jesus at ito’y maluwalhating nabuhay nang magmuli, kung paanong
pag-ibig ni Jesus ang nakapagpabago kina Maria Magdalena at Simon Pedro, kung
paanong pag-ibig ni Jesus ang nakapagpaniwala kay Juan kahit ang tanging nakita
niya ay isang libingang walang laman.