31 March 2013

ANG PUSO NG MAGMULING-PAGKABUHAY NI KRISTO


Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoong Jesuskristo
Jn 20:1-9 (Gwa 10:34a, 37-43 / Slm 117 / 1 Cor 5:7b-8a)

Happy Easter po sa inyong lahat!  Purihin natin ang Panginoon, magmuli Siyang nabuhay, aleluya!  Happy Easter!

Talaga po bang happy kayo?  Kung talaga pong happy kayo, mabuti naman.  Salamat sa Diyos!  Purihin ang Panginoon!

Magpasalamat po kayo dahil masaya kayo, kasi, alam ba ninyo, may ilang mga taong gumising kanina na mabigat na mabigat ang loob.  Siguro pa nga kung puwede lang sana ayaw na nilang gumising ngayon.  Mabigat ang loob nila.  Masama ang loob nila.  Punong-puno rin ng takot.  Para silang pinagtakluban ng langit at lupa.  Kundi man nahirapang matulog, malamang ang iba sa kanila ay hindi talaga nakatulog. At tatlong araw na silang ganyan.

Noong nakaraang Linggo lang, masayang-masaya silang lahat.  Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, hindi mapigilan sa pagpupugay ang madla.  At dahil kadikit nila si Jesus, siguro pakiramdam ng mga apostol, sikat na sikat na rin sila.  Pinalagay nilang yaon na ang hinihintay nilang pagkakataon para patunayan ni Jesus na walang binatbat ang mga naninira at umaaway sa Kaniya.  Marahil po ang ilan pa sa kanila ang nag-akalang sisimulan na ni Jesus ang armadong rebolusyon laban sa mga mananakop na Romano – sa wakas, lalaya na ang Israel!  Pero, iba po ang naging takbo ng kuwento.  Walang nangyaring armadong rebolusyon.  Meron mga armadong kawal na humuli kay Jesus sa halamanan ng Gethsemane.  Naging trahedya ang lahat.  Mistulang si Jesus ang walang binatbat: hinuli Siya, binugbog, ipinako sa krus, namatay tulad ng isang kriminal.  At ngayon, tatlong araw nga ang nakalipas.  Ayaw man nilang tanggapin pero alam po nila na ang nilibing nila Jose ng Arimathea ay isa nang malamig at matigas na bangkay.  Malamang po nangangamoy na nga iyon at nagsisimula nang maagnas.  At dahil sa naghalong kalituhan at takot, nagkawatak-watak sila, samantalang ang mga pumatay kay Jesus ay nag-iinuman na’t masayang pinupulutan ang kuwento kung paano nila ibinagsak si Jesus.

Tatlo sa mga alagad na ito ni Jesus ang binabanggit sa Ebanghelyo natin ngayon: si Maria Magdalena, si Simon Pedro, at si Juan.

Ayon po sa Ebanghelyo, madilim-dilim pa ng unang araw ng Linggo ay pumaroon na si Maria Magdalena sa libingan ni Jesus.  Subalit, laking gulat niya!  Wala ang bangkay ni Jesus doon.  Hindi po iyon matanggap ni Maria Magadalena.  Nasurpresa siya.  Sinurpresa siya ng Diyos.  At hindi niya iyon masakyan, hindi niya matanggap, hindi niya makuhang magalak.

Di po ba, minsan ganyan din tayo?  Hindi natin masakyan ang mga surpresa ng Diyos sa buhay natin.  At dahil hindi natin masakyan, ayaw nating tanggapin.  Kundi man kalituhan, takot ang naghahari sa puso natin kapag sinusurpresa tayo ng Diyos.  At hindi natin maranasan ang kagalakang dapat sana’y mapasaatin dahil sa magandang surpresa ng Diyos.  Ang problema, madalas po tayong supresahin ng Diyos.  Mahilig ang Diyos sa mga supresa.  Ganun po kasi ang grasya: mga supresa ng Diyos sa buhay natin.  Kaya lang hindi natin nasasalo lahat ng grasyang isinusurpresa sa atin ng Diyos kasi nga po mas gusto natin ang pamilyar, ang alam na natin, ang gamay na natin, ang madali sa atin, ang masarap sa atin, ang kumportable sa atin, ang mahigpit na nakaayon sa metodo at lohika, ang laging nasa loob ng ating comfort zones.  Eh hindi po ganun ang grasya, hindi rin ganun ang himala – mga surpresa sila ng Diyos sa atin.  Pero may mga taong ayaw sinusurpresa.

Ang libingang walang laman – hindi po ba malaking surpresa iyon?  Kaya’t tumakbo agad si Maria Magdalena patungo kina Simon Pedro at Juan.  At hindi naman po niya alam talaga kung ano ang tutoong kuwento, heto ang balita niya sa kanila: “Kinuha nila ang Panginoon sa libingan at hindi namin nalalaman kung saan Siya inilagay.”  Kinuha agad?  Kinuha agad?  Porke wala, kinuha agad?  Porke nawawala, ninakaw agad?  Porke hindi mo makita, wala agad?  Baka hindi mo lang makita kasi iba ang hinahanap mo.  Baka kaya hindi mo makita, sabi ng nanay ko po, kasi bibig at hindi mata ang pinanghahanap mo.  Baka kaya nawawala kasi hindi na Siya ang bangkay na hinahanap mo: Siya’y nabuhay nang magmuli!

Madalas, ganyan din po tayo: mahilig mag-imbento ng kuwento.  Marami nga po sa atin ang talent ay iyan: ang mag-imbento ng kuwento.  At hindi lang sa marami sila, magagaling sila!  Kapani-paniwala kung magkuwento sila, pero hindi naman pala tutoo ang sinasabi kasi hindi naman talaga nila alam kung ano ang katotohanan ng kinukuwento nila.  Pakiramdam lang nila na alam nila at gusto rin nilang paniwalaan sila ng lahat.  Bakit?  Kasi sikat kapag ikaw ang unang nakapagkuwento, sikat ka kapag maraming naniwala sa kuwento mo, sikat ka kapag ikaw ang pinupuntahan at kinukunsulta ng mga mahilig ding makinig at maniwala sa mga kuwentu-kuwento.  At masarap ang ganyang pakiramdam!

Pero hindi naman po ganun si Maria Magdalena.  Hindi po niya sinadyang mag-imbento ng kuwento.  Palagay ko po, litung-lito siya at alalang-alala: patay na nga si Jesus, pati ba naman bangkay Niya ay ipagkakait sa amin?  Palagay ko po, kaya nakagawa si Maria Magdalena ng ganung konkulusyon kasi sobra-sobra ang kanyang pagdaramdam; napakasakit para sa kanya ang kamatayan ni Jesus na, ayon sa Ebanghelyo, ay nagpalaya sa kanya mula sa pang-aalipin ng pitong demonyo.  Binago ni Jesus ang buhay niya, subalit hindi niya nabago ang sinapit ni Jesus.  Napakasakit, hindi po ba?  At ang tanging magagawa na lamang sana niya ay ang dalawin ang mga labi ni Jesus at tapusin ang kostumbre ng mga Judyo para sa paglilibing ng bangkay na hindi raw nila natapos gawin dahil nagsisimula na raw ang Shabbat noong inilibing nila Siya.  Kaya naman po, nang hindi niya matagpuan ang bangkay ni Jesus, ang pumasok agad sa isip ni Maria Magdalena na malamang yaon ay ninakaw ng mga kaaway: kahit sa kamatayan, ayaw patahimikin ng mga kaaway si Jesus.

Para naman po kay Simon Pedro, sukdulan ang pait ng mga pangyayari.  Alam po nating lahat kung paano at makailang ulit niya itinatwa si Jesus.  Nagsisisi nga siya sa kanyang ginawa, pero hindi naman siya makapag-sorry kay Jesus nang personal.  Paano pa nga ba, eh tatlong araw na ngang nakalibing si Jesus.  Maaari tayong humingi ng tawad sa harap ng isang bangkay, pero hindi tayo puwedeng patawarin ng bangkay na.  Naisin man ni Pedro ang tangisan ang bangkay ni Jesus, saan pa siya ngayon pupunta?  Nawawala nga po ang bangkay!

Kaya pagkarinig sa kuwento ni Maria Magdalena, kumaripas daw ng takbo itong si Pedro patungong libingan ni Jesus.  Tumakbo rin daw si Juan, ang minamahal na alagad, at nauna pang nakarating sa libingan.  Ngunit nauna man siya sa libingan, hindi naman nagpatiunang pumasok si Juan.  Si Pedro ang pinuno nila, hindi siya.  Siya man ang pinakamamahal na alagad, hindi siya abusado sa pribilehiyong iyon: sa kabila ng kapusukan ng kanyang pagiging pinakabata sa mga alagad, marunong kumilala’t gumalang si Juan hindi lamang sa nakatatanda kundi sa nakatataas sa kanya.  Pumasok lang siya sa libingan nang makapasok na si Pedro.  Pero huli pa ring narating ni Pedro ang mensaheng nakatambad sa kanilang dalawa ni Juan.

Si Juan ang unang nakarating sa libingan at siya rin ang unang nakarating sa puso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus.  Sa pagtatapos ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, sinasabing nakita ni Juan ang nakita rin ni Pedro at siya ay sumampalataya.  Tahimik ang Ebanghelyo kung ano ang naging reaksyon ni Pedro sa libingang walang laman, subalit malinaw naman ang ulat nito tungkol kay Juan: “nakita niya ito at siya ay naniwala.”  Si Pedro nga ang unang pumasok sa libingan, pero si Juan ang unang nakapasok sa diwa ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus.  Si Maria Magdalena nga ang unang pinagpahayagan ng balita ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus, ngunit si Juan naman ang unang nanalig.  Si Juan nga po ang unang nakaranas ng magmuling-pagkabuhay ni Kristo.  Bakit?

Ang mga minamahal na alagad ay laging nauuna.  Pag-ibig ang puso ng magmuling-pagkabuhay – pag-ibig ng Diyos – kaya ang pinakamamahal na alagad ang unang nakararating sa puso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus.  Sabi pa nga po, “If love can persuade it will bring you to the point quicker.”

Magbunga nawa sa ating buhay ang magmuling-pagkabuhay ni Jesus.  Sana po, higit tayong maging mapagmahal sa Diyos at sa kapwa.  At kung nais nga po nating maunawaan ng iba ang mensahe ng ating pamumuhay, higit pa natin silang mahalin.  Ang problema po kasi, kapag mahirap kausapin, mahirap pakisamahan, mahirap umintindi, mahirap makatrabaho, mahirap mapaliwanagan, mahirap pakiusapan, mahirap mahalin, ayaw na natin.  Dapat po siguro mas lalo natin siyang mahalin, hindi layuan o siraan o pabayaan o pagkaisahan.  Tanging pag-ibig po lamang ang makapagpapabago sa kaninuman, kung paanong pag-ibig ang nakapagpabago sa bangkay ni Jesus at ito’y maluwalhating nabuhay nang magmuli, kung paanong pag-ibig ni Jesus ang nakapagpabago kina Maria Magdalena at Simon Pedro, kung paanong pag-ibig ni Jesus ang nakapagpaniwala kay Juan kahit ang tanging nakita niya ay isang libingang walang laman.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home