PAG-IBIG AT KATOTOHANAN
Solemnidad ni Kristong Hari
Jn
18:33b-37 (Dn 7:13-14 / Slm 92 / Pg 1:5-8)
Ngayong araw pong ito, hindi lamang natin pinagpupugayan ang isang
Hari. Tiklop-tuhod natin Siyang sinasamba
dahil hindi lamang Siya Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Siya po mismo ang Anak ng Diyos: si
Jesukristong Hari.
Subalit nililitis ang ating Hari. O Siya nga ba ang nililitis?
Sa lahat ng bersyon ng pasyon ng Panginoon Jesukristo,
itong kay San Juan ang pinakamadrama.
Kaya nga po, ang bersyon niya ring ito ang paborito ng mga senakulo
kapag Mga Mahal na Araw. Sa katunayan,
kung susuriin pong mabuti, ang buong Ebanghelyong isinulat o ipinangalan kay
San Juan ay tila isang dula: ang mundo ang entablado; ang kuwento ay tungkol sa
pagtutungalian ng liwanag at kadiliman, ng mabuti at masama, ng Diyos at ng
dyablo; si Jesus ang hukom; at ang Espiritu Santong ipinangakong isusugo ang
Tagapagtanggol ng mga kapanig ng liwanag, ng mabuti, ng Diyos.
Pero, parang hindi yata hukom ang dating ni Jesus sa
Ebanghelyo natin ngayon. Dakilang kapistahan
pa naman Niya ngayon bilang Hari.
Tapat sa kanyang istilong tila panteatro, ang entablado ng
kuwento ni San Juan sa atin ngayong araw na ito ay ang praetorio ni Pilato. May dalawang tauhan: si Jesus at si
Pilato. Iisa ang tema: ang pagiging hari
ni Jesus. Sa mga pagtatanong ni Pilato,
sa pagpuputong ng mga kawal ng koronang tinik sa ulo ni Jesus, at sa kahulugan
ng ipinasulat ni Pilato para ipako sa ulunan ni Jesus – sa tatlong wika pa:
Hebreo, Latin, at Griyego (ang tatlong pangunahing lenguahe noon), na ang
kahulugan ay “Ito si Jesus na Taga-Nazareth, Hari ng Mga Judyo” – naku, wala
pong kaduda-duda, ang isyu ay ang pagkahari ni Jesus.
Subalit, para kay Juan Ebanghelista, si Jesus ay hindi
biktima ng kamatayang gusto sana Niyang takasan. Hindi po.
Sa halip, hinarap ni Jesus ang Kanyang kamatayan nang buong-giting. Sa hardin pa lang sa Gethsemane,
nakipagtitigan na Siya sa kamatayan, mata-sa-mata. At bagamat pinagpawisan Siya ng pinaghalong
pawis at dugo dahil sa sindak at lumbay, hindi pa rin umatras si Jesus. Sa halip, hindi po ba ang mga kawal, na
dumating para dakpin Siya, ang napaatras at napabulagta pa raw sa lupa nang sagutin
Niya sila: “Ako si Jesus na inyong hinahanap”?
Napakagiting ng Hari natin!
Palibhasa ang lakas Niya ay nagmumula sa Amang Diyos. Nagtiwala Siyang kahit pa Siya ay maghirap at
mamatay, hindi Siya Nito pababayaan. At
gayon nga po ang nangyari, hindi ba?
Tatlong araw, matapos Siyang mamatay sa krus, Siya ay maluwalhating magmuling-binuhay
ng Ama.
Tayo, magiting po ba tayo?
Magiting po ba tayo sa pagsasabuhay ng pananampalatayang tinanggap natin
mula sa mga apostol? Magiting po ba tayo
sa pagsunod sa mga yapak ni Jesus?
Magiting po ba tayong maninidigan para sa Diyos? Kung hindi po, bakit? Saan nagmumula ang ating karuwagan? O baka baliw naman ang ating kagitingan: Iyon
po bang hindi naman kailangang mamatay pero dahil hindi nangingilatis kaya napapahamak.
Tularan natin ang Hari natin: Ang Kanyang kagitingan ay
bunga ng matibay na pananalig na mahal na mahal Siya ng Diyos Ama. Wala Siyang bata-batalyong kawal pero Siya
ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Wala
Siyang mga ginto at pilak pero nasa Kanya na ang lahat. Wala Siyang armas maliban sa walang-maliw na
pag-ibig ng Diyos.
Tayo po, saan tayo humuhugot ng kapangyarihan? Ano ang kayamanan ng ating buhay? Armado ba tayo ng pag-ibig ng Diyos?
Bukod po sa pag-ibig ng Diyos, lakas din ni Jesus ang
katotohanan. Anupa’t hindi ba Siya mismo
ang Katotohanan (Tg. Jn 14:6)? Tingnan
po ninyo ang tagpong ito sa Ebanghelyo:
“Ikaw ba ang Hari ng mga Judyo?” tanong ni Pilato kay
Jesus.
Pero binato rin ni Jesus si Pilato ng tanong: “Iyan ba’y
galing sainyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?”
“Judyo ba ako?” bato ulit ni Pilato kay Jesus. Pero sa punto pong ito, medyo nakakatawa na
ang batuhan nila ng tanong. Si Jesus ba
talaga ang nililitis o si Pilato? Si
Jesus pa ba talaga ang tinatanong ni Pilato o ang sarili na niya ang tinatanong
ni Pilato?
Ganyan po talaga kapag ayaw nating tingnan ang katotohanan,
hindi ba? Nakakalito. Hindi na natin malaman kung ano ba talaga. Minsan kakagatin na nga tayo ng katotohanan,
hindi pa natin Makita-kita; pero mas mapanganib kapag kitang-kita naman natin
pero ayaw pa nating tanggapin ang katotohanan.
Pagkatapos ng batuhan nila ng mga tanong, inilarawan ni
Jesus kay Pilato ang Kanyang kaharian.
“Ang kaharian Ko’y hindi sa sanlibutang ito,” wika ni Jesus. “Kung sa sanlibutang ito ang Aking kaharian,
ipinakipaglaban sana Ako ng Aking mga tauhan at hindi nipagkanulo sa mga
Judyo. Ngunit hindi sa sanlibutang ito
ang aking kaharian!” Kaya ba ayaw
tanggapin ni Pilato ang katotohanan tungkol kay Jesus kasi baka hindi niya ito talaga
makita o baka nakikita naman niya pero hindi niya masakyan, hindi maunawaan,
dahil ibang-iba ito sa kanyang nakasanayang kahulugan ng pagiging hari. Para kay Pilato, ang Emperador sa Roma ang
salamin ng tunay na hari at itong Jesus sa kanyang harapan – bubog sarado, duguan,
may koronang tinik pero hari daw Siya - ay
mistulang larawan ng kabaliwan. Bulag si
Pilato sa katotohanan hindi dahil hindi niya ito makita; hindi niya ito makita
kasi kakaiba ito sa karaniwan at nakasanayan niya.
Pero, may mga katotohanang hindi pangkaraniwan, hindi po
ba? Marami rin pong mga katotohanang
humahamon at kumukwestyon sa ating mga nakasanayan. Sa kasalukuyang “Taon ng Pananampalataya”,
mabuti pong diskubrihin, suriin, at pagnilayan kung ano ang mga katotohanang ito
– mapatungkol man sa Diyos o sa tao – sapagkat ang mga katotohanang ito ay
nangangailangan ng pananampalataya para makita at matanggap natin.
“Kung gayon, Ikaw ay hari?”
Pansinin po ninyo, nagtatanong pa rin si Pilato! Nakakatawa na siya. At kung ilalagay po natin sa kasalukuyan
nating paraan ng pagsasalita, sinagot siya ni Jesus: “Oo na nga! Sabi mo eh.
Sabi mo ‘yan ha!” Palagay ko po,
kung kapanahunan pa natin si Pilato, baka nagtanong pa siya ulit: “Weh, di nga,
hari ka? Di kaya.” Batid kaya ni Pilato na noong mismong
sandaling iyon ay nagpalit na sila ng lugar ni Jesus? Si Pilato na ang nililitis ni Jesus!
“Ito ang dahilan kung bakit Ako ipinanganak at naparito sa
sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa Aking tinig ang sinumang nasa
katotohanan,” sabi ni Jesus. Kaya pala: Pilate heard Jesus but he did not listen to
Him.
Sayang, sinayang ni Pilato ang pagkakataon. Nakilala na nga niya si Jesus nang malapitan
pero hindi pa siya sumampalataya sa Kanya.
Puwede sana siyang manindigan para kay Jesus, pero hindi niya ginawa. Nang iharap nga niyang muli si Jesus sa
taumbayan, inamin na ni Pilato sa kanila: “Wala akong makitang sala sa Taong
ito” (Tg. Jn 19:6).
Pero
bakit ipinapako pa rin niya si Jesus?
Kasi binantaan nila siyang ipasisipa siya sa Emperador kung hindi niya
hahatulan ng kamatayan si Jesus: “Kapag pinakawalan mo Siya, hindi ka kaibigan
ng Cesar, sapagkat sino mang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Cesar” (Jn
19:12). Iyan, iyan po! Para kay Pilato, ang katapat ng katotohanan ay
ang pananatili niya sa poder!
Para
sa atin po, ano ang katapat ng katotohanan?
Tayo po, sa ano o kanino natin kayang ipagpalit si Kristo? Kaya ba nating ipagpalit si Jesus sa iba? Please, huwag po nating ipagpapalit si Kristo sa kahit ano at kahit kanino.
Pag-ibig at katotohanan – ito ang armas ni Kristong
Hari. Pagsikapan po nating laging mamuhay
sa pag-ibig at katotohanan. Papaghariin po
natin sa mundo ang pag-ibig at katotohanan ni Kristo. Makita nawa ang ating katapatan kay Kristong Hari
sa ating pagiging mapagmahal at pagiging tutoo.
Kung hindi po, Hari pa rin si Kristo, pero baka tayo po ang mga payaso ng
dyablo.