24 November 2012

PAG-IBIG AT KATOTOHANAN

Solemnidad ni Kristong Hari
Jn 18:33b-37 (Dn 7:13-14 / Slm 92 / Pg 1:5-8)



Ngayong araw pong ito, hindi lamang natin pinagpupugayan ang isang Hari.  Tiklop-tuhod natin Siyang sinasamba dahil hindi lamang Siya Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.  Siya po mismo ang Anak ng Diyos: si Jesukristong Hari.

Subalit nililitis ang ating Hari.  O Siya nga ba ang  nililitis?

Sa lahat ng bersyon ng pasyon ng Panginoon Jesukristo, itong kay San Juan ang pinakamadrama.  Kaya nga po, ang bersyon niya ring ito ang paborito ng mga senakulo kapag Mga Mahal na Araw.  Sa katunayan, kung susuriin pong mabuti, ang buong Ebanghelyong isinulat o ipinangalan kay San Juan ay tila isang dula: ang mundo ang entablado; ang kuwento ay tungkol sa pagtutungalian ng liwanag at kadiliman, ng mabuti at masama, ng Diyos at ng dyablo; si Jesus ang hukom; at ang Espiritu Santong ipinangakong isusugo ang Tagapagtanggol ng mga kapanig ng liwanag, ng mabuti, ng Diyos.

Pero, parang hindi yata hukom ang dating ni Jesus sa Ebanghelyo natin ngayon.  Dakilang kapistahan pa naman Niya ngayon bilang Hari.

Tapat sa kanyang istilong tila panteatro, ang entablado ng kuwento ni San Juan sa atin ngayong araw na ito ay ang praetorio ni Pilato.  May dalawang tauhan: si Jesus at si Pilato.  Iisa ang tema: ang pagiging hari ni Jesus.  Sa mga pagtatanong ni Pilato, sa pagpuputong ng mga kawal ng koronang tinik sa ulo ni Jesus, at sa kahulugan ng ipinasulat ni Pilato para ipako sa ulunan ni Jesus – sa tatlong wika pa: Hebreo, Latin, at Griyego (ang tatlong pangunahing lenguahe noon), na ang kahulugan ay “Ito si Jesus na Taga-Nazareth, Hari ng Mga Judyo” – naku, wala pong kaduda-duda, ang isyu ay ang pagkahari ni Jesus.

Subalit, para kay Juan Ebanghelista, si Jesus ay hindi biktima ng kamatayang gusto sana Niyang takasan.  Hindi po.  Sa halip, hinarap ni Jesus ang Kanyang kamatayan nang buong-giting.  Sa hardin pa lang sa Gethsemane, nakipagtitigan na Siya sa kamatayan, mata-sa-mata.  At bagamat pinagpawisan Siya ng pinaghalong pawis at dugo dahil sa sindak at lumbay, hindi pa rin umatras si Jesus.  Sa halip, hindi po ba ang mga kawal, na dumating para dakpin Siya, ang napaatras at napabulagta pa raw sa lupa nang sagutin Niya sila: “Ako si Jesus na inyong hinahanap”?

Napakagiting ng Hari natin!  Palibhasa ang lakas Niya ay nagmumula sa Amang Diyos.  Nagtiwala Siyang kahit pa Siya ay maghirap at mamatay, hindi Siya Nito pababayaan.  At gayon nga po ang nangyari, hindi ba?  Tatlong araw, matapos Siyang mamatay sa krus, Siya ay maluwalhating magmuling-binuhay ng Ama.

Tayo, magiting po ba tayo?  Magiting po ba tayo sa pagsasabuhay ng pananampalatayang tinanggap natin mula sa mga apostol?  Magiting po ba tayo sa pagsunod sa mga yapak ni Jesus?  Magiting po ba tayong maninidigan para sa Diyos?  Kung hindi po, bakit?  Saan nagmumula ang ating karuwagan?  O baka baliw naman ang ating kagitingan: Iyon po bang hindi naman kailangang mamatay pero dahil hindi nangingilatis kaya napapahamak.

Tularan natin ang Hari natin: Ang Kanyang kagitingan ay bunga ng matibay na pananalig na mahal na mahal Siya ng Diyos Ama.  Wala Siyang bata-batalyong kawal pero Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat.  Wala Siyang mga ginto at pilak pero nasa Kanya na ang lahat.  Wala Siyang armas maliban sa walang-maliw na pag-ibig ng Diyos.

Tayo po, saan tayo humuhugot ng kapangyarihan?  Ano ang kayamanan ng ating buhay?  Armado ba tayo ng pag-ibig ng Diyos?

Bukod po sa pag-ibig ng Diyos, lakas din ni Jesus ang katotohanan.  Anupa’t hindi ba Siya mismo ang Katotohanan (Tg. Jn 14:6)?  Tingnan po ninyo ang tagpong ito sa Ebanghelyo:

“Ikaw ba ang Hari ng mga Judyo?” tanong ni Pilato kay Jesus.

Pero binato rin ni Jesus si Pilato ng tanong: “Iyan ba’y galing sainyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?”

“Judyo ba ako?” bato ulit ni Pilato kay Jesus.  Pero sa punto pong ito, medyo nakakatawa na ang batuhan nila ng tanong.  Si Jesus ba talaga ang nililitis o si Pilato?  Si Jesus pa ba talaga ang tinatanong ni Pilato o ang sarili na niya ang tinatanong ni Pilato?

Ganyan po talaga kapag ayaw nating tingnan ang katotohanan, hindi ba?  Nakakalito.  Hindi na natin malaman kung ano ba talaga.  Minsan kakagatin na nga tayo ng katotohanan, hindi pa natin Makita-kita; pero mas mapanganib kapag kitang-kita naman natin pero ayaw pa nating tanggapin ang katotohanan.

Pagkatapos ng batuhan nila ng mga tanong, inilarawan ni Jesus kay Pilato ang Kanyang kaharian.  “Ang kaharian Ko’y hindi sa sanlibutang ito,” wika ni Jesus.  “Kung sa sanlibutang ito ang Aking kaharian, ipinakipaglaban sana Ako ng Aking mga tauhan at hindi nipagkanulo sa mga Judyo.  Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”  Kaya ba ayaw tanggapin ni Pilato ang katotohanan tungkol kay Jesus kasi baka hindi niya ito talaga makita o baka nakikita naman niya pero hindi niya masakyan, hindi maunawaan, dahil ibang-iba ito sa kanyang nakasanayang kahulugan ng pagiging hari.  Para kay Pilato, ang Emperador sa Roma ang salamin ng tunay na hari at itong Jesus sa kanyang harapan – bubog sarado, duguan, may koronang tinik pero hari daw Siya -  ay mistulang larawan ng kabaliwan.  Bulag si Pilato sa katotohanan hindi dahil hindi niya ito makita; hindi niya ito makita kasi kakaiba ito sa karaniwan at nakasanayan niya.

Pero, may mga katotohanang hindi pangkaraniwan, hindi po ba?  Marami rin pong mga katotohanang humahamon at kumukwestyon sa ating mga nakasanayan.  Sa kasalukuyang “Taon ng Pananampalataya”, mabuti pong diskubrihin, suriin, at pagnilayan kung ano ang mga katotohanang ito – mapatungkol man sa Diyos o sa tao – sapagkat ang mga katotohanang ito ay nangangailangan ng pananampalataya para makita at matanggap natin.

“Kung gayon, Ikaw ay hari?”  Pansinin po ninyo, nagtatanong pa rin si Pilato!  Nakakatawa na siya.  At kung ilalagay po natin sa kasalukuyan nating paraan ng pagsasalita, sinagot siya ni Jesus: “Oo na nga!  Sabi mo eh.  Sabi mo ‘yan ha!”  Palagay ko po, kung kapanahunan pa natin si Pilato, baka nagtanong pa siya ulit: “Weh, di nga, hari ka?  Di kaya.”  Batid kaya ni Pilato na noong mismong sandaling iyon ay nagpalit na sila ng lugar ni Jesus?  Si Pilato na ang nililitis ni Jesus!

“Ito ang dahilan kung bakit Ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan.  Nakikinig sa Aking tinig ang sinumang nasa katotohanan,” sabi ni Jesus.  Kaya pala: Pilate heard Jesus but he did not listen to Him.

Sayang, sinayang ni Pilato ang pagkakataon.  Nakilala na nga niya si Jesus nang malapitan pero hindi pa siya sumampalataya sa Kanya.  Puwede sana siyang manindigan para kay Jesus, pero hindi niya ginawa.  Nang iharap nga niyang muli si Jesus sa taumbayan, inamin na ni Pilato sa kanila: “Wala akong makitang sala sa Taong ito” (Tg. Jn 19:6).

Pero bakit ipinapako pa rin niya si Jesus?  Kasi binantaan nila siyang ipasisipa siya sa Emperador kung hindi niya hahatulan ng kamatayan si Jesus: “Kapag pinakawalan mo Siya, hindi ka kaibigan ng Cesar, sapagkat sino mang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Cesar” (Jn 19:12).  Iyan, iyan po!  Para kay Pilato, ang katapat ng katotohanan ay ang pananatili niya sa poder!

Para sa atin po, ano ang katapat ng katotohanan?  Tayo po, sa ano o kanino natin kayang ipagpalit si Kristo?  Kaya ba nating ipagpalit si Jesus sa iba?  Please, huwag po nating ipagpapalit si Kristo sa kahit ano at kahit kanino.

Pag-ibig at katotohanan – ito ang armas ni Kristong Hari.  Pagsikapan po nating laging mamuhay sa pag-ibig at katotohanan.  Papaghariin po natin sa mundo ang pag-ibig at katotohanan ni Kristo.  Makita nawa ang ating katapatan kay Kristong Hari sa ating pagiging mapagmahal at pagiging tutoo.  Kung hindi po, Hari pa rin si Kristo, pero baka tayo po ang mga payaso ng dyablo.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home