PATUNAYAN ANG PAG-IBIG
Ika-anim na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 14:15-21
Nagpadala si Garry ng love letter kay Alvira:
Dear Alvira,
Mahal na mahal kita. Dahil sa pagmamahal ko sa iyo,
aakyatin ko ang pinakamataas na bundok, sisisirin ko
ang pinakamalalim na karagatan, susungkitin ko ang buwan,
at susuungin ko ang anumang kahirapan. Kahit pa ang pinakamabangis
na hayop sa balat ng lupa ay haharapin ko para lamang
patunayan kung gaano kita kamahal. Ganyan kita kamahal,
at ipaglalaban ko ang pag-ibig ko sa iyo kahit pa kanino.
Mahal na mahal kita, Alvira, maniwala ka sana. Magpakasal na tayo.
Ang lalaking handang mamatay para sa iyo,
Garry
P.S. Dadalawin kita sa inyo sa Linggo kung hindi uulan.
Kung tanga si Alvira, magpapakasal siya kay Garry. Pero kung hindi, hindi siya magdadalawang-isip na magpakalayu-layo sa bolerong Garry na yun.
Kailangan ko pa po bang maghomiliya para maunawaan ninyo na ang tunay na pag-ibig ay hindi nasusukat sa pamamagitan ng matatamis na salita kundi sa pamamagitan ng gawa? Ang pag-ibig na puro salita at hanggang salita lamang ay walang pinag-iba sa isang bulang walang laman kundi puro hangin lamang. Kaya nga “bulaan” ang tawag sa mga taong wala naman talagang laman ang mga pinagsasasabi. At ang bulaang mangingibig ay isang “bolero”.
Bolero ka ba? May laman ba ang pag-ibig mo? Sana naman hindi puro hangin lang. Kung susukatin ang pag-ibig mo, babaha ba ng mga salita o aapaw ng mga gawa?
Gawa – ito rin ang patunay natin sa pag-ibig natin kay Jesus. “Kung iniibig ninyo Ako,” bungad Niya sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, “tutupdin N’yo ang utos Ko.” Tinutupad nga ba natin ang utos ni Jesus? Kung paminsan-minsan, e di paminsan-minsan lang din natin Siya minamahal. Kung hindi, e di hindi nga natin Siya tunay na minamahal. May gawa nga ba ang pag-ibig natin kay Jesus o puro salita lang tayo?
Madaling-araw noon at maginaw ang dampi ng banayad na hangin sa loob ng isang bilanguan. Isang preso ang nakatakdang barilin ng firing squad: isang pari na sinentensyahan ng mga Portuguese ng death penalty dahil sa kanyang aktibong paglaban sa pangangalakal ng mga alipin. Matapang at buo ang loob, nakatayo ang paring bilanggo – nakatalikod sa malamig na pader, nakaharap sa pitong kawal ng firing squad.
Bago siya piringan ng punong-kawal, tinanong siya nito, “May huling hiling ka ba?”
Sagot ng paring bilanggo, ““Nais ko po sana, sa huling pagkakataon, matugtog ko ang aking plawta bago ako mamatay.”
Iniutos ng punong-kawal na dalhin sa paring bilanggo ang plawta nito at pinaghintay ang firing squad habang tumutugtog ng plawta ang paring babarilin nila. Samantalang tumutugtog ang pari, unti-unting napupuno ng kanyang napakagandang musika ang buong bilangguan. Nilalamon ng banayad na tunog ng kanyang musika ang disin sana’y nakabibinging katahimikan ng bilangguang yaon, at habang patuloy siya sa pagtugtog higit pang nagiging napakaganda ng kanyang musika sa kakaibang lugar na iyon. Nagsimulang mangamba ang punong-kawal sapagkat sa lalong pagpapatuloy ng musika ng paring dapat nilang patayin ay lalo rin naman niyang nararamdaman na may mali sa gagawin nila sa paring bilanggo. Kaya, pinatigil na ng punong-kawal ang pari sa pagtugtog, piniringan, dumistansya, at sumigaw sa wikang Portuguese: “Preparar! Apontar! Fogo!”
Bumulagta ang pari sa semento. Patay agad. Ngunit hindi ang kanyang musika. Litung-lito ang mga kawal at ang tanong nila sa sarili: “Sa harap ng tiyak na kamatayan, saan nanggagaling ang musika ng paring ito?”
Sa ikalawang pagbasa ngayong araw na ito, bilin sa atin ni San Pablo Apostol na dapat daw palagi tayong handang ipaliwanag sa mga taong nagtatanong sa atin kung ano ang dahilan ng ating pag-asa. Ano nga ba?
Pag-ibig ang dahilan ng ating pag-asa. At ang pag-ibig na ito ay hindi lamang salita kundi gawa. Sa katunayan, naging tao ang pag-ibig na ito. Siya si Jesukristo, ang Pag-ibig ng Diyos sa atin. Si Jesus ang ating pag-asa. Nararapat Siya sa ating pagtitiwala. Karapat-dapat Siyang asahan dahil si Jesus ang tapat na pag-ibig sa atin ng Diyos – hindi nagbabago, hindi naluluma, hindi nababawasan, hindi na nananakaw, hindi huwad, hindi lamang puro salita bagkus punung-puno ng gawa.
Ang tugatog ng kaligayahan ng isang alagad ay ang matulad sa kanyang guro. At dahil mga alagad tayo ni Jesus, nais nating matulad sa Kanya. Nais nating maging pag-ibig din ng Diyos para sa isa’t isa. Nais nating maging dahilan ng pag-asa ng ating kapwa. Sukdulan ang ating kaligayahan kung matutulad tayo kay Jesus. Ngunit paano nga ba iyon?
Isang mag-aaral ng kilalang mahusay na manlililok ang nag-akalang ang sekreto ng kanyang guro ay nasa mga kasangkapan nito sa paggawa. Lumapit ito sa kanyang guro at ang sabi, “Pangarap ko pong maging kasinghusay ninyo. Maaari ko po bang mahiram ang inyong mga gamit sa paglililok?” Ipinahiram ng guro ang kanyang mga gamit sa paglililok.
Agad lumilok ang lalaki sa isang pirasong kahoy. Araw at gabi, lumilok siya. Ngunit nauwi sa wala ang kanyang pagpapagal. Kaya’t nagpasiya siyang isauli na sa kanyang guro ang mga kasangkapan nito.
“Guro, narito na po ang mga gamit ninyo. Hindi ako magiging katulad ninyo,” malungkot na sabi ng lalaki.
Inabot ng guro ang mga gamit sa paglililok, ngumiti sa kanyang alagad, at sinabi, “Ngayon, hijo, alam mo na: ang sekreto para maging katulad ng guro ay wala sa paggamit sa mga kasangkapan niya kundi nasa pagkakamit ng diwa niya.”
Ang sekreto sa pagtulad kay Jesus ay nasa pagkakamit ng diwa Niya. Kung nais ninuman na matulad kay Jesus, dapat mapasakanya ang Espiritu ni Jesus. Walang ibang paraan, walang ibang sekreto. Kaya naman, ito ang ipinangako ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito: “Hihilingin ko sa Ama, at ipagkakaloob Niya sa inyo ang isa pang Tagatulong na makakasama ninyo magpakailanman….” Ang Tagatulong na ito ay ang Espiritu Santo, na naaayon na rin ay Jesus, ay hindi lamang natin kasa-kasama kundi nasa sa atin mismo. If the Father is the God-for-us and the Son, who is Emmanuel, is the God-with-us, the Holy Spirit is the God-in-us. Kung wala Siya sa atin, hindi tayo matutulad kay Jesus at ang pag-ibig atin ay magiging parang bula lamang o isang plawtang hangin lamang ang laman at hindi musika.