06 March 2016

ANG HAMON NG LINGGO NG "LAETARE"

Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Lk 15:1-3, 11-32 (Jos 5:9, 10-12 / Ps 34 / 2 Cor 5:17-21)

Ngayon po ay Laetare Sunday.  Kung hindi po tayo umawit ng entrance song kanina, babasahin po natin ang entrance antiphon para sa Banal na Misang ito.  At ito po ang entrance antiphon ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma: “Laetare Jerusalem: et conventum facite omnes qui diligitis eam: gaudete cum laetitia, qui in tristitia fuistis: ut exsultetis, et satiemini ab uberibus consolationis vestrae.” Sa Ingles: “Rejoice, O Jerusalem: and come together all you that love her: rejoice with joy, you that have been in sorrow: that you may exult, and be filled from the breasts of your consolation.”  At sa atin pa po: “Magalak ka, O Jerusalem, at kayong magtipon kayong lahat na nagmamahal sa kanya: magalak kayo nang may kaligayahan, kayong nagsipagtangis, upang kayo ay magsipagtalon sa tuwa at managana mula sa dibdib ng inyong kaaliwan.”  Kaya po ang tawag sa Linggong ito ay Laetare Sunday.  Matapos po nating makalahati ang mapagtimping panahon ng Kuwaresma, pinalulundag tayo sa di mapigil na kagalakan at pinasisigaw sa malaking kaligayahan.  Sa gitna ng kadilimang bumabalot sa Kuwaresma ng ating pag-amin, pagsisisi, at pagkamuhi sa ating mga kasalanan, nababanaag na po natin ngayon ang liwanag ng mapanligtas at masaganang kapatawarang tila sumasambulat mula sa hindi na kalayuang Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay.  Magalak ka, mahal na mahal ka ng Diyos!  Hindi ka Niya pababayaan.  Matuwa ka, pinatatawad na ng Diyos ang inyong mga kasalanan.  Magsimula ka nang muli.  Kung dati bawal pumalakpak nang hindi mabasag ang banal na katahimikan ng Kuwaresma, ngayon po naman palakpakan natin ang kabutihang-loob ng Diyos sa atin.  Sagot pa nga po natin sa Salmo ngayong Linggong ito: “Taste and see the goodness of the Lord.”  Huwag mo lang tingnan, namnamin mo, kapatid, ang kabutihan ng Panginoon.  Bago mo pa nga makita, nalalasap mo na ang Kanyang kabaitan.  Kaya mo nga nakilala ang kagadahang-loob ng Panginoon ay sapagkat naranasan mo ito.  Taste and see the goodness of the Lord!

Sa ilang, natikman ng ating mga ninuno ang kabutihan ng Diyos nang pakanin Niya sila ng manna araw-araw.  Hindi po Niya sila pinabayaan.  Hindi Niya sila pinalaya sa Ehipto para lamang mamatay nang dilat ang mga mata sa ilang.  At nang marating nila ang Lupang Pangako, gaya ng isinasalaysay sa atin ng unang pagbasa ngayon, pinakain naman sila ng Diyos ng bunga ng lupang iyon.

Ang kabutihang-loob ng Diyos ay laging malinamnam at nakabubusog.  Nalalasap pa po ba natin ito?  Ganito pa rin po ba ang turing natin sa kabaitan ng Diyos?  Naipalalasap din po ba natin sa ibang tao ang kagandahang-loob na ito ng Diyos?  Baka naman tayo lang po ang busog samantalang ang iba ay gutom.  Baka rin po panis na ang naibabahagi natin sa iba?  Ipatikim natin sa ating kapwa, lalo na sa mga dukha sa marami at iba’t ibang aspeto ng buhay, ang tamis ng pagkalinga ng Diyos.

Kaya nga po, gitna ng kagalakan ngayong Linggo ng Laetare, dalangin nating patuloy tayong baguhin ng Diyos.  Gaya ng sinasabi ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa ngayon, tayong na kay Kristo Jesus nawa ay maging mga bagong nilikha.  Sana po ang luma nating pagkatao na batbat ng anumang pag-uugaling taliwas sa binyag na ating tinanggap ay tuluyan na nating iwaksi at lubusan na nating yakapin ang buhay na bago, ganap, at higit na kawangis ni Jesus.  Mabilis po ang paalala ni San Pablo, baka sakali po kasing isipin nating magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating sariling kakayahan o galing: “Ang lahat ng ito,” wika ng Apostol, “ay gawa ng Diyos, na, sa pamamagitan ni Kristo, ay pinagkasundo tayo sa Kanya at pinagkatiwala sa atin ang paglilingkod ng pakikipagkasundo.”  Bilang mga bagong nilikha kay Kristo, tayo po, katulad ng turing ni San Pablo sa kanyang sarili, ay mga sugo ng pagkakasundo sa ngalan ni Kristo.

Tingnan po nating mabuti ang ating sarili upang makita ang katotohanan kung sugo nga tayo ng pagkakasundo o mitsa tayo ng pag-aaway-away.  Tayo po ba ay daan ng kapayapaan o balakid tayo sa tunay na pagmamahalan.  Sa salita at gawa kitang-kita po bang sugo tayo sa ngalan ni Kristo o halatang-halatang kampon tayo ng kalaban ni Kristo?  Isabuhay na po natin nang lubusan ang ating pagiging bagong nilikha.

Hindi katulad ng nakatatandang kapatid sa Talinhaga ng Alibughang Anak.  Akala po natin iba siya sa nakababata niyang kapatid.  Akala po natin siya na sana ang ulirang anak ng kanilang ama.  Iyon po pala hindi.  Wala rin siyang pinag-iba sa bunso.  Hindi n’ya nga iniwan ang ama.  Pero malayo naman po pala ang kanyang puso sa kanya.  Nakatira pa rin siya sa bahay nila at masunurin sa ama.  Pero matagal na po pala siyang naglayas – baka nauna pa sa bunso – dahil hindi pala puso ng anak ang sumusunod sa mga utos ng ama kundi isip ng isang alipin.  Wala na po palang pag-ibig sa kanyang puso kundi makasariling pakay na lang.  Oo nagpaka-alipin siya pero balang-araw ay maniningil siya.  “Look, All these years,” sumbat pa niya sa ama, “I have slaved for you.  Never have I disobeyed your orders.  Yet you have never given me even a young goat to celebrate with my friends.”  Sounds familiar?  Kaya pala mabait kasi may hidden agenda.  Kaya pala ubod nang pagkamasunurin kasi may hinihintay na kapalit.  At dahil naunahan siya ng bunsong kapatid, yamot na yamot siya.  Palagay ko po, dagdag na lang sa galit niya yaong pagkawaldas ng kapatid sa manang naunahan siyang makuha.  Walang pagbabago.  Walang pinag-iba.  Pareho lang silang magkapatid.

Tayo rin po, pare-pareho tayo.  Pare-pareho po tayong bagsak.  At gaya nang madalas kong sabihin, tanging awa ng Diyos lamang ang nagpapasa sa atin.  Sabi ni San Pablo Apostol sa Rom 3:23, lahat daw po tayo ay may atraso sa Diyos at salat na salat sa Kanyang kaluwalhatian.  Sa larangan ng pagkawalang-bahid, wala po sa ating mas malinis kaysa iba.  Wala po sa ating mas magaling kaysa iba kung pagiging masunurin sa Diyos ang pag-uusapan.  Ang pagkamatuwid ay hindi paligsahang isa laban sa isa.  Bagsak po tayong lahat.  Pero pumapasa!  Kasi nga po pinapasa ng awa ng Diyos.  Lahat tayo ay pasang-awa.  Kaya nga po nagagalit si Jesus sa mga Pariseo at mga eskriba na ang tingin sa sarili ay pasado sila samantalang ang mga publikano at ibang makasalanan ay bagsak.  Baka naman ganyan din po ang tingin natin sa ating sarili.  Pasang-awa din lang tayong lahat.

Kung ang grado mo ay 75 – iyan po ang grado ng pasang-awa, hindi ba? – hindi ba ang laki na ng pasasalamat mo na hindi ka bumagsak?  Kung pinasa ka pa rin sa kabila ng dapat sana ay bagsak ka, hindi ka ba lulundag sa tuwa?  Kung 74 ang marka mo, manghihinayang ka, at, naku, hinayang na hinayang ka talaga dahil isang puntos na lang ay pasado ka pa sana.  Pero kung 75, kahit pa menos isang puntos ay bagsak ka na sana, naku, tuwang-tuwa ka na at abu’t abot ang pasasalamat mo dahil nakapasa ka pa.  Kaya, laetare!  Magalak ka!

Pero sana huwag kang sakim sa kagalakan mo.  Alalahanin mo rin sana ang mga nangangailangan ng kapatawaran mo.  Sana po ang handog na ating tinanggap mula sa Diyos ay handog din natin sa iba nang bukal sa loob at taus sa puso.  Sa ating pagkatao, sana po, malasap at makita ng lahat ang kabutihan ng Diyos.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home