AWA ANG "PASSION" NI KRISTO
Ikalimang
Linggo ng Kuwaresma
Jn
8:1-11 (I 43:16-21 / Slm 126 / Phil 3:8-14)
May
tsismis po ako. Ayon po sa pinakamatanda
at mapagkakatiwalaang mga kasulatan, gayun din sa mga sinaunang patutoo, ang Jn
7:53 hanggang 8:11 ay wala sa dating sipi ng Ebanghelyo ayon kay San Juan. Napapaloob po sa mga bersikulong ito – Jn
7:53 hanggang 8:11 – ang Ebanghelyo ngayong Ikalimang Linggo ng Kuwaresma: ang
kuwento ng pagtatagpo ng kasalanan at habag, ng babaeng nahuling nakikiapid at
ni Jesus.
Hindi
po ba kayo nababagabag o na-iintriga man lang?
Ang binasa nating Ebanghelyo ngayong Linggong ito ay wala sa sinaunang
ebanghelyo ayon kay San Juan! Pero wala
nga po ba o nawawala o nawala? Hindi
kaya winala?
Ang
sabi ng ilang mga dalubhasa sa Banal na Bibliya, hindi raw po agad isinama sa Ebanghelyo
ayon kay San Juan ang kuwentong ito ng pagpapatawad ni Jesus sa babeng nahuling
nakikipid at ang kadahilan ika ay sapagkat tila nahihirapan ang maraming mga
Kristiyano noon na tanggapin ang mistulang pagkamaluwag ni Jesus sa babaeng
nagkasala. At ang pagka-alibughang ito
ni Jesus sa Kanyang pakikitungo sa babaeng makasalanan ay taliwas na taliwas
naman po sa napakahigpit at marahas na pagpepenetensya ng marami noon sa
sinaunang Iglesya. Eh iyan nga po ang
problema ng maraming tao kay Jesus, hindi ba?
Napaka-weird ng Kanyang habag. Napakadali
Niyang magpatawad. Napakamaawain po Niya
sa mga makasalanan.
Napakaraming
beses ko na pong ikinuwento ito, isa po kasi ito sa mga paborito ko, kaya’t
hayaan n’yo po sana akong muli itong isalaysay sa inyo. Sa gitna raw po ng isang matinding digmaan,
may isang batang kawal na Frances ang tumiwalag sa hanay ng mga mandirigma ni
Napoleon. Ngunit agad din naman daw po
siyang nadakip ng sariling tropa. Patay
siyang batang siya! Sapagkat kamatayan
daw po ang parusa ni Napoleon sa mga kawal niyang nahuhuli matapos tumitiwalag sa
digmaan.
Nang
marinig daw po ng ina ng kawal na ang kanyang anak ay pinatawan ng parusang
kamatayan, nagmamadali itong pumunta kay Napoleon at ipagmakaawa ang buhay ng
anak.
“Mahabag
po kayo, O Ginoo,” pagsusumamo ng babae.
“Patawarin n’yo na po sana ang anak ko.
Maawa po kayo sa kanya.”
“Awa?” tanong ni Napoleon. “Ginang, ang anak mo ay hindi dapat pamarisan
at lalong hindi siya karapatdapat kaawaan.”
“Opo, Ginoo,” wika ng ina, “ang anak ko ay hindi karapatdapat
kaawaan. Sapagkat kung sa awa siya ay
karapatdapat, hindi na po iyon awa.”
Natauhan daw po si Napoleon at noong araw ding iyon ay
naligtas mula sa tiyak na kamatayan ang isang nagkasala.
Noong nakaraang Linggo lang po, pinakita na ito sa atin
ng Salita ng Diyos: ang dapat sana sa atin ay kaparusahan subalit ang iginawad
sa atin ay kapatawaran; nararapat tayo sa kamatayan ngunit ang ibinigay sa atin
ay habag. Lahat po tayo ay bagsak pero
nakapapasa pa rin dahil sa awa ng Diyos.
Tayong lahat, opo, tayong lahat, walang exempted, ay mga pasang-awa.
At hindi po tayo karapatdapat sa awang ito.
Ang awa ay para lamang po sa mga hindi karapatdapat. Ang dapat po sa mga karapatdapat ay
gantimpala. At hindi po gantimpala ang
awa. Bakit mo kaaawaan ang
karapatdapat? Bigyan mo siya ng
premyo! Sabitan mo siya ng medalya! Ipagpagawa mo siya ng rebulto! Ngunit ang nagkasala, gagawaran mo siya ng
premyo, aabutan mo ba siya ng plake, ipagtatayo mo ba siya ng bantayog? Hindi.
Lilitisin mo siya.
Hahatulan. Parurusahan. Ang nararapat sa nagkasala ay parusa. Subalit maaari mo rin siyang patawarin,
tulungang bumangon, at bigyan ng pagkakataong magsimulang muli. Awa po ang tawag doon. At malinaw na ang awa ay hindi gantimpala
kaya naman po, ang awa ay para lamang sa mga hindi karapatdapat sa awa.
Ikaw, karapatdapat ka ba sa awa? Hindi.
Huwag mo po sanang sabihing dapat ka lang kaawaan dahil madasalin ka,
mapag-ayuno, mapanlimos. Hindi gantimapala
ang awa ng Diyos. Huwag mo po sanang
isiping dapat ka ngang kaawaan dahil malaki ang bigay mong tulong sa
simbahan. Hindi nabibili ang awa ng
Diyos. Huwag mo po sanang ipangalandakang
mas dapat kang patawarin kaysa iba sapagkat mas kaunti at mas magaan ang mga
kasalanan mo kaysa sa kanila. Pasang-awa
ka rin, maniwala. Wala pong nakapapasok
sa langit na summa cum laude ang
grado ng buhay. Tanging awa po ng Diyos
ang nagpapapasok sa atin sa langit. Ikaw
at ako ay mga pasang-awa ng Diyos.
Ito po ang nalimutan ng mga eskriba at mga Pariseo na
kumaladlad sa babaeng nahuling nakiapid para hatulan ni Jesus. Ito rin po ang madalas nating malimutang
lahat. May hawak silang bato para
batuhin ang babaeng nagkasala hanggang sa ito ay mamatay. Tayo, ano ba ang hawak-hawak natin? Madalas, patago pa natin itong
tangan-tangan. Ayon sa batas, ang mga
babaeng katulad ng nahuli ng mga eskriba at Pariseo sa Ebanghelyong binasa
natin ngayon ay dapat batuhin sa labas ng bayan hanggang sa mamatay. Pero ayon sa Panginoon, “Ang sinumang walang
sala sa inyo, siya ang unang pumukol ng bato.”
Kamatayan ang hatol ng tao at ang bukambibig pa ay dura lex sed lex (“marahas ang batas pero iyan ang batas”). Ngunit ang ang tugon ng Diyos ay kapatawaran at
ang hamon Niya sa pinatawad ay “Humayo ka at huwag nang magkasalang muli.” Ang gustong-gusto ng mga tao ay parusahan ang
nagkasala subalit ang ninanais ng Diyos ay tulungan ang nagkasala na mabuong
muli ang nawasak nitong pagkatao.
Tayo
po, ano gusto natin? Madalas kung tayo
ang nagkasala, ang nais natin ay kaawaan tayo, pero kapag iba na ang nagkasala,
lalo na po kung tayo ang naagrabyado, ang sigaw natin ay katarungan. Baka may nalilimutan po tayo.
Sa tuwing babasahin ko ang Ebanghelyong ito, hindi ko
maalis sa isip ang ilang tanong.
Sino po kaya ang maninilip o mga maninilip? Nahuli raw po kasi sa mismong akto ng
pakikiapid ang babaeng babatuhin nila.
Kung gayon, may nanonood o mga nanonood samantalang nangyayari ang
mismong akto ng pangangalunya. Nasaan
ang mga maninilip na ito? Hindi kaya
kasama rin sila sa mga may hawak ng bato?
At nasaan din naman po kaya ang lalaking kalaguyo ng babaeng
ito? Memoryado ng mga eskriba at mga
Pariseo ang sinasabi ng Batas ni Moises sa mga babaeng katulad ng nahuli nila –
batuhin hanggang mamatay – subalit tila limot nila ang hatol ng parehong Batas
sa lalaking kalaguyo. Nasasaad sa Deut
22:22, “Kung ang isang lalaki ay makipagtalik sa asawa ng iba, pareho silang
dapat mamatay, nakiapid at nagpa-apid, at nang gayon ay mawala sa Israel ang
peste.” Nasaan ang kalaguyong ito? Hindi po kaya isa rin siya sa mga may hawak
ng bato?
Ang Ikalimang Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag pong
“Passiontide”. Paigting nang paigting na
po kasi ang mga sirkumstansya ng pasyon ni Jesus. Parang kati o tide, pataas nang pataas na po ang tension. Pero kitang-kita po nating lahat na ang
paigting nang paigting na pasyon ni Jesus ay hindi ang paghihirap Niya kundi
ang pagkamahabagin Niya. Awa ang passion
ni Kristo. Itinuro Niya po ito sa atin noong
nakaraang Linggo sa Talinhaga ng Alibughang Anak. Ipinakita Niya po ito sa atin ngayong araw na ito
sa pagpapatawad Niya sa babaeng nakiapid. At sa Kalbaryo, paulit-ulit Niya po itong sasambitin
at gagawin: “Ama, patawarin Mo po sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang
ginagawa”; “Tunay na tunay Kong sinasabi sa iyo, ‘Ngayong araw ding ito, makakasama
Kita sa paraiso.’” Passion po ni Jesus na maawa.
Passion Niya pong magpatawad. Passion
Niya pong magbigay ng maraming pagkakataon sa mga makasalanan. Kayo po, ano ba ang passion n’yo? Is mercy your passion, too? Gayun di po ba kayo ka-passionate kung mahabag at magpatawad?
Para n’yo na pong awa, maawa tayo. Una tayong kinaawaan ng Diyos. Magpatawad po kung paanong pinatatawad Niya
tayo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home