24 April 2016

I LOVE YOU, LORD?

Ikalimang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 13:31-33a, 34-35 (Gawa 14:21-27 / Slm 144 / Pahayag 21:1-5a)

Noon pong makalawang Linggo, tinanong tayo ni Jesus: “Iniibig mo ba Ako?”  Hindi lamang isang beses; tatlong beses pa po!  At nang ipagpatuloy ko ang aking pagninilay sa sumunod na mga araw, napagtanto ko pong nang tanungin ni Jesus, sa ikatlong beses, “Iniibig mo ba Ako nang higit sa mga ito”, ang ‘ito’ pala roon ay hindi ang ibang mga umiibig sa Kanya kundi ang ibang mga iniibig ko pa.  Hindi po pala inihahambing ni Jesus ang pag-ibig ko sa pag-ibig ng iba.  Bagkus, ikinukumpara ni Jesus ang pag-ibig ko sa Kanya sa pag-ibig ko sa iba pa.  At tila binigyang-diin po ito sa pagtatapos ng kabanatang iyon mula sa Ebanghelyo ayon kay San Juan.  Sapagkat matapos tanungin ni Jesus si Simon Pedro nang tatlong beses tungkol sa pag-ibig nito sa Kanya, ipahiwatig kay Simon ang paraan kung paano ito magbubuwis ng buhay para sa pananampalatay niya sa Kanya, at muli itong sabihan ng “Sumunod ka sa Akin,” luminga-linga pa raw po itong si Simon Pedro at nakita si Juan.  Siya naman daw po ang nagtanong kay Jesus samantalang tinutukoy si Juan, ang tinaguriang “minamahal na alagad”: “Eh, Lord, paano naman po siya?”  Sinagot po siya ni Jesus na parang binara: “Kung gusto Kong buhay pa siya pagbalik Ko, eh ano naman sa ‘yo?  Mind your own business: sumunod ka sa Akin.”  Kaya naunawaan ko po, ang pagmamahal pala sa Panginoon ay hindi isang kompetisyon.  Hindi tayo nakikipagpaligsahan sa isa’t isa sa pagmamahal natin sa Panginoon.  Dapat po hindi natin ikinukumpara ang pag-ibig natin sa Panginoon sa pag-ibig ng iba sa Kanya.  At huwag na huwag po nating iisiping mas higit ang pag-ibig natin sa Panginoon kaysa sa pag-ibig ng iba sa Kanya.  Sa halip, ang dapat po pala nating tingnan ay kung may kakompetensya ang pag-ibig natin kay Jesus.  Sa buhay natin, may kumakaribal po ba Panginoon?  Sa puso natin, may kaagaw po ba si Jesus?  “Iniibig mo ba Ako nang higit sa mga ito?” tanong ni Jesus sa ating lahat.

Mulat sa ating sariling mga kahinaan, tanggap ang ating karupukan, at umaamin sa iba’t ibang pahiwatig ng ating kayabangan, lakas-loob ngunit buong-kapakumbabaan po nating sinagot si Jesus, kasama ni Simon Pedro: “Panginoon, nalalaman Mo po ang lahat ng bagay.  Nalalaman po Ninyong iniibig ko Kayo.”  Alam po ninyo, magandang ulit-ulitin po natin ang sagot nating iyan kay Jesus.  Mabuti pong gawin nating panalangin iyan sa araw-araw.  Ipaalala po natin iyan hindi kay Jesus kundi sa ating sarili.  Iniibig natin sa Jesus sa kabila ng lahat ng Kanyang nalalaman tungkol sa atin.

Ngayong Linggong ito naman po, hindi tayo tinatanong ni Jesus.  Inuutusan N’ya po tayo.  Bagamat, sa pagkakasulat po ng Ebanghelyo ayon kay San Juan, nauuna ang kuwento ngayon kaysa sa kuwento noong makalawang Linggo, tila sinasabi pa rin sa atin ni Jesus: “Kung tutoong mahal mo Ako, mahalin mo ang kapwa mo.  Kung talagang iniibig ninyo Ako, mag-ibigan kayo.”  Muli pong ipinapaalala sa atin ni Jesus na hindi posibleng mahalin Siya nang hindi minamahal ang kapwa.  Ang nagsasabing “I love You, Lord!” pero walang paki sa iba ay sinungaling.  At nagsisinungaling po siya hindi sa kanyang kapwa kundi kay Lord.

Sabihin nga po ninyo sa sarili ninyo: “Mahal ako ni Lord.”  Siguro naman po naniniwala kayo sa sinabi ninyo sa sarili n’yo.  Ngayon, sabihin n’yo naman po sa katabi ninyo: “Mahal ka rin ni Lord.”  Palagay ko naman po naniniwala rin kayo sa sinabi n’yo sa katabi ninyo.  Ngayon, bumaling po kayo ulit sa katabi ninyo at sabihan n’yo sa kanya: “Pero hindi kita mahal.”  Nasabi n’yo po ba nang makatotohanan?  O nasabi n’yo pa ba?  Hindi n’yo po masabi, hindi ba?  Kasi ayaw maniwala ng puso ninyo.  Hindi posible.  Ganun din po sa pag-ibig natin sa Panginoon.  Paano natin maaatim sabihin kay Lord na mahal natin Siya pero hindi natin mahal ang ating kapwa?  Ang taong kayang magsabi sa Panginoon na mahal niya Siya pero hindi naman niya minamahal ang kanyang kapwa ay hindi lamang malakas ang sikmura, makapal din ang mukha.

Ngunit kung tutuusin, wala naman pong bago sa utos na tayo ay magmahalan.  Kahit po ang ibang mabubuting guro na nauna pang nangaral sa lupa kaysa kay Jesus ay ganyan din ang bilin sa kanilang mga alagad.  Palibhasa ang relihiyong walang pag-ibig ay relihiyong walang kaluluwa.  Ang espirituwalidad na walang walang pag-ibig ay huwad.  Kung gayon, ano po ang bago sa utos ni Jesus?

“Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo,” wika ni Jesus, “magmahalan kayo gaya ng pag-ibig Ko sa inyo.”  GAYA NG PAG-IBIG KO SA INYO – aha, iyan po ang bago sa utos na iyan.  Hindi lang po tayo inuutasang magmahal.  Inuutusan po tayong tumulad.  Tumulad kay Jesus.  Inuutusan po tayong maging mapagmahal gaya ni Jesus.  Inuutusan po tayong umibig sa paraan ni Jesus.  Love like Jesus.  Kung tunay po tayong alagad ni Jesus, si Jesus ang batayan ng ating pagmamahal.

Gaya ni Jesus, mamahalin po natin hindi lang ang mga nagmamahal sa atin kundi pati ang mga nanghu-Judas sa atin.  Pansin n’yo po ba, nagsisimula ang Ebanghelyo ngayong araw na ito sa pagbanggit kay Judas?  Nagsimula raw pong magsalita si Jesus at ibinigay ang Kanyang bagong utos sa mga alagad, kelan?  Nang makalabas si Judas.  Nang umalis na si Judas.  Nang iwan na sila ni Judas.  Ang mga Judas po kasi kaya nanghu-Judas kasi tumatalikod sila sa pag-ibig na wagas.  Pero kahit po sila dapat nating mahalin at paglingkuran kung paanong maging mga paa ni Judas ay hinugasan din ni Jesus.  Ganun po magmahal si Jesus.  Gayon din po tayo dapat magmahal.

Napakaganda pong halimbawa ng pag-ibig ang konteksto ng unang pagbasa ngayon.  Sayang nga po at hindi binabanggit kung sino ang tinutukoy sa pagbasa.  Si Bernabe at Pablo po ang sinasabing nagbalik sa Lystra, Iconium, at Antioch.  Binabaybay po ng unang pagbasa ang misyonaryong paglalakbay ni Pablo at Bernabe at nilalagom ang naging masaganang bunga ng kanilang magkatuwang na pagsisikap alang-alang sa Ebanghelyo.  Partners po kasi sila sa misyon.  Bakit po sila ang partners sa misyon?  Bukod po sa silang dalawa kasi ang isinugong magkasama ng mga apostol mula sa Jerusalem, hindi ko po talaga alam ang dahilan.  Subalit may kutob akong posibleng isa sa mga dahilan ay sa simula walang gustong makipag-partner kay Pablo.  Siguro po takot pa sila sa kanya sapagkat si Pablo – na dating si Saul – ay maraming inusig na mga Kristiyano.  Subalit, sa daan sa Damasco, nagkaroon po siya ng karanasan ng pagbabagong-loob at nakapanampalataya kay Kristo.  Pero sino nga naman po ba ang maniniwala agad na ang dating mang-uusig ay kapanalig na?  Wala.  Maliban kay Bernabe.  Sa Gawa 9:27, nasusulat na si Bernabe raw po ang sumundo kay Pablo, dinala ito sa Jerusalem, at tumayong guarantor kumbaga para kay Pablo.  Nagmalasakit po si Bernabe kay Pablo.  Siguro po, maaari nating sabihin na bukod sa kamay ng Diyos sa Damasco, kaya may Pablo ay dahil sa mala-Jesus na pag-ibig ni Bernabe kay Pablo.  Sayang lang nga po kasi bibihirang bigyang-pansin ang papel na ito ni Bernabe sa sinaunang sambayanang Kristiyano at sa pagkakabilang ni Pablo sa mga “apostol”.

Hindi katakataka na sa ayon sa Gawa 11:26, sa Antioch daw po – kung saan si Bernabe ang punong-lingkod at si Pablo ang kanya ngang kaagapay – una tayong tinawag na mga Kristiyano.  Doon po sa Antioch nagsimulang iugnay ng ating pagkakakilanlan o identity sa mismong pagkakakilanlan kay Jesus, ang Kristo.  Marahil nakita po kasi ng mga tao roon ang pag-uugali ni Kristo, ang pag-ibig ni Kristo, ang larawan ni Kristo sa leaders nila.  Iyan din po ba ang nakikita natin sa leaders natin?  Iyan din po kaya ang nakikita sa atin kapag tayo naman ang leaders?

Kung darami pa sana ang mga Bernabe sa mundo, siguradong mararanasan na natin ang pagdating ng bagong langit at bagong lupa – na binabanggit sa ikalawang pagbasa – ngayon at dito mismo.  Kung mawawala ang mga Judas na tumatalikod sa Hapunan ng Panginoon kung kaya’t hindi natatanggap ang utos na magmahal gaya ni Jesus, makikita po natin nang lubusan ang sinasabi ng Diyos sa pangitain ni San Juan sa ikalawang pagbasa: “See I make all things new!

Wala pong ibang paraan para sa ating nagsasabing iniibig si Jesus nang higit sa ano at sino pa man.  Kailangan po nating ibigin ang lahat ng tao katulad ng pag-ibig ni Jesus sa atin.  At hanggang hindi tayo nagmamalasakit sa kapwa, nang walang kinikilingan, kuwestyonableng-kuwestyonable pa rin po ang pa-“I love-I love You, Lord” natin.







17 April 2016

NAKIKINIG

Ika-apat na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 10:27-30 (Gawa 13:14, 43-52 / Slm 99 / Pahayag 7:9, 14b-17)

Ngayon po ay Linggo ng Mabuting Pastol.  Ang Linggo ng Mabuting Pastol ay siya rin pong Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon.  Ang bokasyong tinutukoy po ay ang bokasyon sa pagpapari.

Ang katagang “bokasyon” ay mula po sa salitang Latin, “vocare”, na ang ibig sabihin ay “tawagin”.  Ang pari ay tinawag ni Jesus na ating Mabuting Pastol.  Kaya po may pari ay sapagkat may mga tinatawag si Jesus para magpastol sa Kanyang kawan sa ngalan Niya.  Subalit kapag walang nakinig sa tawag ni Jesus, wala pong magiging pari.  Kaya po may pari ay sapagkat may nakikinig at tumutugon sa tawag ni Jesus.  Dapat ang pari ay huwaran sa kawan ng pakikinig sa tinig ng Panginoon.

Iyan nga po ang tema ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, hindi ba?  Ang pakikinig.  At kung ang Ebanghelyo ngayon ang siyang Ebanghelyo kapag ika-apat na Linggo ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon, puwede rin po nating bigyan ng palayaw ang Linggong ito: Ang Linggo ng Pakikinig.

Sabi po ni Jesus, naririnig daw ng Kanyang mga tupa ang Kanyang tinig.  Subalit hindi lang naririnig, bagkus nakikinig pa.  “…they follow Me,” sabi pa ni Jesus tungkol sa Kanyang mga tupa.  His sheep do not only hear His voice.  His sheep listen to Him.  Kapag nakikinig na po kasi – hindi lang naririnig – ang nakaririnig ay aktibo na pong kumikilos para tupdin ang sinasabi ng naririnig.  Ang pakikinig ay dapat dumaloy sa pagtalima.  Ang pakikinig na hindi po humahantong sa pagtalima ang masasabi nating “pasok sa isang tainga tapos labas sa kabila.”  Hindi po ganoon ang tunay na kabilang sa kawan ni Jesus.

“Kaya ka nagkaganyan,” sabi ng magulang sa anak, “kasi hindi mo ako pinakikinggan.  Tingnan mong nangyari sa ‘yo: hindi ka nakatapos ng pag-aaral mo.  Pero kung nakinig ka sana sa akin, eh di nakatapos ka sana.  Narinig mo nga ako, pero pinakinggan mo ba ako?  Hindi.  Pasok sa isang tainga, labas sa kabila.”

Ganyan din po ba tayo kay Jesus na kung tawagin pa natin ay Mabuting Pastol natin?  Naririnig po ba natin Siya?  Pero nakikinig ba tayo talaga sa Kanya?  Sabi ni Jesus, “…I give them eternal life” at “…no one will ever steal them from me.”  Ang pakikinig po kay Jesus ay kaligtasan.  Ang pagbibingi-bingihan sa Kanya ay kapahamakan.

 Sabi nila, ang kahuli-hulihang nawawala sa tao bago siya pumanaw ay pandinig.  Bakit po kaya?  Dahil kaya bihira talaga natin itong gamitin?  Madalang tayong makinig kaya hindi masyadong gamit?  Minsan nga po nakatitig pa sa ‘yo at akala mo’y nakikinig talaga, yung pala lumilipad ang isip sa kung saan.  Yung iba naman, tahimik na nakatingin sa ‘yo habang nagsasalita ka, mukhang pinakikinggan ka talaga pero ‘yun pala, sa isip n’ya, inihahanda n’ya ang isasagot n’ya sa ‘yo kundi man sinasagot ka na pala n’ya sa isip n’ya.  Kailan po kaya tayo makikinig talaga?  Kapag hindi na tayo makagalaw at agaw-buhay na?

Ang kabilang sa kawan ni Jesus ay nakaririnig at nakikinig sa Kanya.  Ganun po ang mga tupa.  Mahina ang kanilang paningin pero malakas ang kanilang pandinig.  Kailangan po nilang marinig ang tunog o tinig ng kanilang pastol at dapat po silang makinig sa kanya kung ayaw nilang mapawalay sa kawan, maligaw ng daan, at humantong sa tiyan ng kung anong mabangis na hayop.  Kawawa naman po ang tupang ayaw makinig sa kanyang naririnig.  Mamamatay siya.

Subalit ang tupang nawawala ay laging nahahanap ng mabuting pastol.  Iyon po kasi ang isa sa napakahalagang gawain ng mabuting pastol: ang hanapin ang nawawalang tupa.  At kung si Jesus nga ang ating Mabuting Pastol, tiyak matatagpuan Niya tayo sakaling tayo ay mawala.  Kaya po, payong kapatid: Kapag naramdaman mong nawawala ka na, huwag ka nang pagala-gala pa, huwag kang palipat-lipat, huwag kang pabago-bago, huwag kang magulo; sa halip, tumigil ka, manahimik, at maghintay sapagkat tiyak na may darating para ikaw ay matagpuan.  Lagi pong nagpapadala si Jesus ng mabubuting pastol para ikaw ay hanapin, matagpuan, at ibalik sa kawan.  Kapag magulo ka, pagala-gala, palipat-lipat, pabago-bago, paano ka niya matatagpuan?

Kaya lang po, hindi naman kasi lahat ng tupang hinahanap ay talagang nawawala.  Meron pong sadyang nagwawala lang talaga.  KSP: Kulang Sa Pansin.  Meron din pong ayaw talagang pahanap.  Hindi po sila nawawala; nagtatago sila.  Pinagtataguan ka nila.  Suriin po natin ang ating sarili at baka tayo ay alinman sa dalawang uri ng tupang ito.

Ngayong ika-apat ng Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon, ipagdasal po natin ang isa’t isa – pari at layko – na tutoong laging nakikinig kay Jesus na ating Mabuting Pastol.  Sana po hindi lamang natin Siya naririnig kundi talaga natin Siyang pinakikinggan.  Lumago po sana ang bokasyon sa pagpapari.  Dumami sana ang mga pari at laykong wagas sa pakikinig kay Diyos.  Sa kabila ng kani-kanilang mga kahinaan, maging banal po sana ang lahat ng pari.  Sa kabila ng ating kani-kaniyang mga kasalanan, kay Jesus ay huwag po sana tayong magbingi-bingihan.  Ipanalangin po natin ang isa’t isa sa Mabuting Pastol  ng ating kaluluwa.

Sana ang pumasok sa kanang tainga nating ngayon huwag lumabas sa kaliwa.


10 April 2016

NALALAMAN KO ANG LAHAT NG BAGAY (PERO MAHAL NA MAHAL PA RIN KITA)

Ikatlong Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 21:1-19 (Gawa 5:27-32, 40-41 / Slm 30 / Pahayag 5:11-14)

Noong unang beses ko pong makarating nang New York, sinigurado kong makapanood ng mga paborito kong musicale sa Broadway.  Isa po sa mga paborito kong musicale ang “Fiddler On The Roof”.  Ang “Fiddler On The Roof” ay kuwento po ng isang ama na ang pangalan ay Teyve at ang kanyang pakikibaka sa mga modernong pagbabago sa lipunang kinalalakhan ng kanyang apat na anak na babae, samantalang dinaranas ng kanilang pamilya ang pait ng pagkakatapon ng mga pamilyang Jewish Russians na kinabibilangan nila.  Sabi ni Teyve, ang nagpapatibay daw po ng kani-kanilang pamilya ay ang kanilang tradisyong Judyo.  Kapag binalewala o tuluyang binura ang mga kaugaliang Judyo, para raw po silang “fiddler on the roof” – manunugtog ng violin sa tuktok ng bubong.  At tiyak, mawawalan ng balanse ang fiddler at mahuhulog ito mula sa bubong.  Patay.

Subalit, isa-isa pong hinahamon ng makabagong panahon ang kinagisnan na nilang tradisyong Judyo.  At isa po sa hirap na hirap si Teyve na unawain at tanggapin ay ang pamimili ng kanyang mga dalaga ng kani-kanilang mapapangasawa.  Sa kanila po kasi, ang mga magulang ang pumipili ng mapapangasawa ng kanilang anak.  Pero biglang nagtanan ang isa sa mga anak ni Teyve: sumama po sa isang banyagang rebolusyonaryo.  Tapos ang isa naman, nakipagtipan sa isang pobreng sastreng Judyo na ang pangalan ay Perchik.  Uutal-utal man at mahina ang loob, humingi naman po ng persmiso si Perchik kay Teyve para magking katipan ang anak nitong si Hodel.  Ang pag-uusap po ni Teyve at Golde, mga magulang ni Hodel, ang isa sa mga paborito kong eksena sa dulang ito.  Sabi po ni Tevye sa asawa niyang si Golde:   "Golde, I have decided to give Perchik permission to become engaged to our daughter, Hodel."


Golde:               "What???  He's poor!  He has nothing, absolutely nothing!"



Tevye:   "He's a good man, Golde.  I like him. And what's more important, Hodel likes  

    him. Hodel loves him.  So what can we do? 

    It's a new world...  A new world.  Love.  Golde...  Do you love me?”


Golde:   “Do I what?”


Tevye:   ”Do you love me?”



Golde:   “Do I love you?  With our daughters getting married.  And this trouble in the

     town.  You're upset, you're worn out.  Go inside, go lie down! 

     Maybe it's indigestion.”


Tevye:   “Golde, I'm asking you a question... Do you love me?”


Golde:   “You're a fool!”



Tevye:   "I know... But do you love me?”



Golde:   “Do I love you?  For twenty-five years I've washed your clothes, cooked your

     meals, cleaned your house, given you children, milked the cow.  After twenty-  
     five years, why talk about love right now?”


Tevye: “The first time I met you was on our wedding day.  I was scared.”

Golde:   “I was shy.”



Tevye:   “I was nervous.”



Golde:   “So was I.”



Tevye:   “But my father and my mother said we'd learn to love each other.  And now   

                 I'm  asking, Golde: Do you love me?”

Golde:   “I'm your wife!”

Tevye:   “I know....  But do you love me?”


Golde: “Do I love him?  For twenty-five years I've lived with him,
                  fought him, starved with him.  Twenty-five years my bed is his
                  If that's not love, what is?”



Tevye:   ”Then you love me?”



Golde:   ”I suppose I do.”



Tevye:   “And I suppose I love you too.”



Both: ”It doesn't change a thing. But even so, after twenty-five years
               it's nice to know.”


Naalala ko po ang tagpong ito sa tuwing binabasa ko ang kuwento ng ating Ebanghelyo ngayong Ikatlong Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay.  Tanong ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba Ako?”  Pero hindi po ito after twenty-five years na gaya ng kay Teyve at Golde, kundi after three years lang.  Baka nga po less than three years pa, dahil edad 30 na si Jesus nang simulan Niya ang Kanyang public ministry at tawaging isa-isa ang labindalawang apostol, at 33 años na Siya ngayon.  Pero kasimbigat kundi man mas mabigat pa ang dating ng tanong ni Jesus kay Simon Pedro, sapagkat marahil three days or so ago lang nang three times din niyang tinatwa si Jesus.  Halos umaalingawngaw pa po ang taginting ng pagtanggi ni Simon Pedro na kilala niya si Jesus.  At sa Mt 26:74, nasusulat pa na matapos daw po ng ikatlong pagtatwa ni Simon Pedro, nagmura siya’t sinumpa ang sarili bilang patunay na wala siyang kaugnayan kay Jesus: “Then he began to invoke a curse on himself and to swear, ‘I do not know the man.’  And immediately the rooster crowed.

Kung ako po si Simon Pedro, mamimilipit, mangliliit, matutunaw po ako sa harap ni Jesus at malamang ay hindi ko masasagot ang tanong Niya.  Pero si Simon Pedro, likas na mapusok – nagsasalita at kumikilos bago mag-isip, sagot agad: “Opo, Panginoon, nalalaman Mong iniibig kita!”  At nakadalawang beses pa!  Noong ikatlo na, sabi ng Ebanghelyo, nagdamdam na siya sapagkat makaikatlong beses siyang tinanong ni Jesus kung iniibig niya Siya.  Siya pa po ang na-hurt ha!  Hindi po ba dapat si Jesus?  Puwede sanang sumbatan ni Jesus si Simon Pedro at sabihin, “Sinungaling!  Plastik!”

Subalit sa halip na sinumbatan, sinugo siyang magmuli ni Jesus: “Pakanin mo ang Aking mga tupa.  Alagaan mo ang Aking mga tupa.”  Kung ako po si Jesus, baka hindi ko na ulit pagkatiwalaan pa si Simon Pedro.  Hindi po ba, bukambibig natin, “Ikaw kasi, wala kang kadala-dala!  Minsan ka nang niloko, nagtiwala ka pang ulit.  Sige, magpaloko ka pa, tanga!”  Ngunit si Jesus, hindi nawalan ng tiwala kay Simon Pedro sa kabila ng malaking atraso nito sa Kanya, sa kabila ng maraming mga kahinaan si Simon Pedro.  Sa halip, ipinagkatiwala pa nga Niya kay Simon Pedro ang buong Santa Iglesiya.

Subalit sadyang ganyan ang Panginoon, lagi Niya po tayong binibigyan ng pagkakataong makabawi.  Hindi Niya po agad sinasara ang aklat natin.  Lagi po Siyang umaasang magbabalik-loob tayo at sa kabila ng lahat ng ating mga atraso sa Kanya ay, sa tutoo lang, iniibig natin Siya.  Sana po huwag nating sayangin ang mga pagkakataong ito.  Sana po huwag nating paasahin nang paasahin lang si Jesus.  Sana po magsikap na tayong tutoo na maging karapat-dapat sa Kanyang pagtitiwalang muli.

Sa kabila po ng maraming mga pagtatatwa at pagkakanulo natin kay Jesus, ni minsan hindi Siya naging bitter.  Lagi Siyang sweet!  Hindi Siya “ampalaya”.  Sa halip na maging bitter ang relationship natin sa Kanya, naging better pa nga!  Hindi na lamang po tayo mga tagasunod Niya; ginawa pa Niya tayong mga isinugo Niya.  Sa paraan at bahagdang naayon sa kani-kaniya, maaari po nating sabihin ang sinabi ni San Pablo sa 2 Cor 5:20: “Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Kristo, na waring namamanhik ang Diyos sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Kristo, na kayo'y makipagkasundo sa Diyos.”  We are ambassadors of Christ despite the fact that our only credential is that we are sinners but loved.

Sana tularan din po natin si Jesus.  Huwag na tayong bitter; sa halip, lagi po tayong magsikap na maging better.  Tama na ang “ampalaya”!  At gamitin po natin ang lahat ng ating mga karanasan – lalong-lalo na yaong mapapait at masasakit (na kadalasan ay nagmumula at sinasanhi ng mga taong mahal na mahal natin at mga taong akala nating nagmamahal sa atin pero hindi pala) para tayo ay maging higit na mabubuting tao at mabubuti sa lahat ng tao.  Isinusugo tayo para alagaan ang iba tungo din sa kanilang higit na ikabubuti.

Minsan nanaginip po ako.  Niyaya raw ako ni Jesus na maglakad sa dalampasigan.  Kalmado ang dagat at banayad ang hangin.  Magtatakipsilim noon.  Naupo Siya sa isang malaking bato at sabay turo sa tabi Niya – pinauupo Niya ako.  Pag-upo ko po, inakbayan ako ni Jesus.  Magkatabi kaming nakatingin sa lumulubog na araw.  Habang nakapako ang tingin sa araw na tila nilulunod ng dagat, tinanong ko po si Jesus, “Jesus, Anak ng Diyos, iniibig Mo ba ako?”

“Oo, Bobby,” sagot ni Jesus na nakatingin din sa lumulubog na araw, “alam mong iniibig kita.”

Bigla ko pong naalala ang mga kapalpakan ko sa buhay, mga kayabangan, mga kasalanan.

Tinanong ko Siyang muli, “Jesus, Anak ng Diyos, iniibig Mo ba ako nang higit sa mga kahinaan ko?”

Muli po Siyang sumagot, “Oo, Bobby, iniibig kita.”

Makaikatlong beses – gusto kong makasigurado (baka nalimutan Niya lang kasi ang mga atraso ko sa Kanya) – muli ko po Siyang tinanong, “Jesus, Anak ng Diyos, iniibig Mo ba ako talaga?”

Tinanggal ni Jesus ang Kanyang tingin sa dapithapon at marahang bumaling sa akin.  Tinitigan ako sa mata nang may ngiti sa Kanyang mga labi.  “Oo, Bobby,” sagot ni Jesus, “NALALAMAN KO ANG LAHAT NG BAGAY; PERO MAHAL NA MAHAL PA RIN KITA.”


(Sana masabi rin po natin iyan sa isa’t isa.)

03 April 2016

DUDA

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 20:19-31 (Gawa 5:12-16 / Slm 118 / Pahayag 1:9-11, 12-13, 17-19)

Kay rami pong mga kaduda-duda ngayon.  Kung talagang nag-iisip po tayo, tiyak magdududa talaga tayo.  Pasintabi po, ilang halimbawa.  Madalas ko pong marinig ngayon – at masakit na nga sa tainga – sa loob daw po ng anim na buwan, wala nang kurapsyon, kriminalidad, at katiwalian sa Pilipinas.  Siyempre, gustong-gusto po natin iyan.  Pero, sa tutoo lang po, posible ba talagang malilinis ang bulok na sistema ng bansa sa loob lamang ng anim na buwan?  Napakalalim po ang ugat ng katiwalian at kriminalidad sa sistema ng ating lipunan; nangangailang ito ng napakalalim ring pagpapanibago sa isip at puso ng bawat Pilipino.  Heto pa po, magiging libre raw ang pagpapagamot, pag-aaral, at kung anu-ano pa – dahil kung nagawa sa Makati, eh kayang-kaya rind aw gawin sa buong bansa (at aalis na raw ang buwis sa kumikita nang tatlumpung libong piso lamang o mababa kada buwan.  Maganda po iyan, pero posible ba talaga?  Iyong isa naman po, panay ang sabing hindi raw siya ang kahapon (tinutukoy ang rehimen ng kanyang ama) pero hindi naman tayo bobo para maniwalang hindi siya nakinabang sa kahapong iyon.  At sa katunayan, wala po siyang ngayong kung wala ang kahapong iyon.  Hindi n’yo po ba pagdududahan ang motibo n’ya?  Meron pa po akong naririnig na hindi n’ya raw tayo bibigyan ng drama, trabaho lang.  Pero pikon naman.  Pumapatol sa drama ng iba.  May nangangako pa ng isang gobyernong may puso pero nasa Pilipinas po ba talaga ang puso n’ya kung mismong asawa at anak niya ay hindi siya maiboto dahil pusong Kano.  Maniniwala ka ba talaga?  At meron pang malusog daw siya para tumakbong pangulo pero kitang-kita namang nanghihina na siya.  Nakakaduda kung bakit pa siya tatakbo, hindi ba?  Hay, naku!  Mga pulitiko nga naman, kahit ano ipapangako, makapuwesto lang.  Ah, meron pa gustong maging senador pero apat na beses pa lang pong pumasok sa kongreso!  Kaduda-duda po talaga.  Wala kang mapili.  Lahat kaduda-duda, hindi ba?

Tayo po kaya, kaduda-duda rin?  Ano po ba ang kaduda-duda sa atin.  Magaling po kasi tayong magduda pero galit na galit tayo kapag tayo ang pinagdudahan.  Kailangan din po nating tanungin sa ating sarili kung may tutoong batayan ang pagdududa ng iba sa atin.  Dapat po nating harapin ang pagdududang iyan sa pamamagitan ng katotohanan.

Ang sagot po sa pagdududa sa atin ng iba ay hindi paghahamon ng suntukan o kaliwa’t kanang paninira sa pagkatao ng nagdududa sa atin.  Katotohanan ang sagot sa pagdududa kaya nga po kung may nagdududa sa atin dapat tayong magbigay-patutoo.  Patotohanan po natin na mali ang kanilang pagdududa.  Ipakita po natin sa gawa ang kamalian ng kanilang pag-aalinlangan.

Sa nagdududang Tomas, nagpakita ang magmuling-nabuhay na Jesus.  Ang mga sugat Niya sa Kanyang mga kamay at tagiliran ang patutoong si Jesus nga po ang kaharap ni Tomas.  Ngunit ang hayaan pa po ni Jesus na mahawakan ni Tomas ang mga marka ng mga pako sa Kanyang mga kamay at maipasok ang kamay sa tagiliran Niyang sinibat ay patunay na hindi multo, hindi guni-guni, at hindi kathang-isip ang magmuling-pagkabuhay ni Jesus.

Tayo po ba, paano natin pinapawi ang pagdududa ng iba sa atin?

Ngayong ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon ay siya ring Linggo ng Awa o Divine Mercy Sunday.  Higit pa pong tumitingkad ang Linggong ito ng Awa samantalang tayo ay nasa Extraordinary Jubilee of Mercy.  Sana po, maawa rin tayo sa mga nagdududang Tomas sa ating buhay.  Sa halip na hamunin sila ng away o gawan ng kung anu-anong kuwento para sila rin ay pagdudahan, mahinahon po sana natin silang akaying makita ang kamalian ng kanilang pagdududa sa atin.  Pagharian po nawa ang ating sambayanan ng tunay na awa at hindi away.

At sakali pong tayo naman ang nagdududa, huwag naman po sana tayong magpadalus-dalos sa paghusga sa pagkatao ng ating pinagdududahan.  Huwag po nating isasara ang aklat ninuman at sabihing “Ganyan talaga siya!  Walang pagbabago.  Sinabi ko na sa inyo, kaduda-duda ang taong iyan.”  Sa halip, sakaling, katulad ng nangyari kay Tomas, tayo po ay mapatunayang nagkamali sa ating pagdududa, sana marunong din tayong tumanggap ng ating pagkakamali at pagsikapang buuing muli ang ating pagtitiwala.

Napakarami na pong kaduda-duda sa mundo.  Lubhang kailangan ng lahat ang awa ng katulad kay Kristo.  Tanging ang pagkamaawain po natin sa isa’t isa ang hihilom sa ating mga sugat at papawi ng ating mga pagdududa.  Sa ating pananampalataya sa magmuling-pagkabuhay ni Kristo tayo po nawa ay magmuling-maging kapani-paniwala at magmuling-magtiwala sa isa’t isa.  Maawa na po tayo sa mga pinagdududahan natin: huwag natin silang ibilang sa mga patay gayong sila ay nagsisikap nang magmuling-mabuhay.  At sa mga nagdududa naman sa atin, maawa rin tayo: ipakita po natin sa kanila ang ating mga sugat sapagkat ito ang katotohanan.