27 February 2016

IKAW LAGI KA BA NIYANG KASAMA?

Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Lk 13:1-9 (Ex 3:1-8, 13-15/Slm 130/1 Cor 10:1-6, 10-12)

Ang ganda po ng pangalan ng Diyos.  Isang pangungusap! Siya lamang po ang may ganyang pangalan. “Kapag tinanong po nila sa akin kung sino ang nagsugo sa akin,” tanong ni Moises sa tinig na nagmumula sa halamang- nasusunog-ngunit-hindi-natutupok, “ano po ang isasagot ko?”  “I AM WHO AM,” tugon ng tinig kay Moises. “Sabihin mo sa kanila na isinugo ka ni I AM WHO AM. Maliban po sa Diyos, may kilala ba kayong tao na may ganyang pangalan? Wala, dahil iisa lang ang Diyos. Wala, dahil isang kataga lang ang ipinapangalan sa tao, hindi isang pangungusap. Isipin po ninyo kung ganyan ang pangaln ninyo at may magtanong sa inyo, “Anong pangalan mo?” Tapos ang isasagot n’yo ay “Ako si I Am Who Am.” O kaya po kapag unang araw sa paaralan at pinagpapakilala kayo sa klase, tatayo kayo sa harapan at ipakikilala ang sarili nang ganito, “Magandang umaga sa inyong lahat. Ako po si I Am Who Am.” Para po sa atin, mga tao, ang pangungusap ay pangungusap; ang pangalan ay pangalan. Pero para po sa Diyos, ang pangalan Niya ay isang pangungusap. Siya si “I AM WHO AM.”

Kung literal po ang salin sa Tagalog, ang “I AM WHO AM” ay “AKO AY AKO NGA”. Pasensya na po, konting review lang upang higit nating makita ang kagandahan ng pangalan ng Diyos. Ang “am” ay simpleng pang-isaha’t pangkasalukuyang pandiwa na mula sa infinitive verb na “to be”. Ito po ay tumutukoy sa nagsasalita at ang pangnagdaang anyo nito ay “was” samantalang ang panghinaharap naman ay “will be”. Pagpangmaramihan na, ang “am” ay nagiging “are” na nagiging “were” kapag pangnagdaan na. Ano po ang punto ko? Nang magpakilala ang Diyos kay Moises, hindi Niya po sinabing Siya ay “I AM WHO I WAS” o kaya ay “I AM WHO I WILL BE”. Ang sabi Niya, “I AM WHO I AM”. Bukod sa ipinahihiwatig ng pangalan ng Diyos na Siya po ay iisa, binibigyang-diin din nito na Siya ay laging pangkasalukuyan. Opo, naroroon Siya sa kahapon ngunit hindi Siya bilanggo nito. Opo, naroroon din Siya sa bukas pero hindi Siya wala pa ngayon. Ang Diyos ay lagi pong ngayon. Ang Diyos ay nasa ngayon. Hindi po Siya nawawala sa anumang panahon.

Dahil hindi Siya nawawala sa anumang panahon, lagi po natin Siyang kasama. Napakaganda at napakahalaga pong katotohanan ito tungkol sa Diyos para sa atin sapagkat tayo, hindi tulad ng Diyos, ay nawawala at dumarating sa panahon. Meron po tayong kahapon at bukas. Nakasama po nating ang Diyos sa ating kahapon at makakasama pa rin natin Siya sa ating bukas kung paanong kasama natin Siya sa ating ngayon. Sumasaatin Siya: kasama at karamay.  Sa Is 7:14, wika ni Propeta Isaias, “Isang dalaga’y maglilihi. Batang lalaki ang Sanggol. Tatawagin Siyang Emmanuel na ang kahuluga’y ‘Nasa atin ang Diyos.’”

Ang Diyos ay hindi lamang nating kasa-kasama. Aktibo Siyang nakasubaybay sa atin at sangkot na sangkot Siya sa ating buhay. Kara-karamay po natin Siya sa bawat sandali at lahat ng ating karanasan. Lagi po Siyang naririyan at naririto.

Ang pagpapakilala ng Diyos kay Moises sa unang pagbasa po natin ngayon ay pinatunayan Niya sa buong kasaysayan ng Bayang Kanyang pinili. Ginabayan, pinagtanggol, inaruga, at hinubog po Niya ang Bayang Kanyang pinalaya sa pagkakaalipin sa Ehipto patungong Lupang Pangako. At ipinaaalala po ito sa atin ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa natin upang makita natin na kung sino ang Diyos at Kanyang mga ginawa sa Bayang Israel ay humantong sa sukdulang kalubusan sa kung sino si Jesus at Kanyang mga ginawa sa Bagong Israel – tayo na nananalig sa Kanya. Subalit kaakibat ng paalalang ito ng Apostol ang hamon at babala sa atin: hamong mamuhay ayon sa binyag na tinanggap natin kay Kristo Jesus at babalang may likas na masamang kahihinatnan ang mamuhay nang taliwas sa ating pananampalataya.

Kapag tinanggihan natin ang Diyos at mabulid tayo sa impiyerno, hindi po tayo minamalas. Ang impiyerno ay pagtanggi sa Diyos na kusang pinapasya ng tao at hindi pamparusa ng Diyos sa tao. Kapag ikaw ay pumatay, nahuli, at nakalaboso, hindi ka minalas. Kapag ikaw ay tiwali at nangulimbat ka ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan kaya ka nakulong, hindi ka minalas. Kapag nawasak ang iyong pamilya at napariwara ang iyong mga anak dahil nangaliwa ka’t nakisama sa iyong querida, hindi ka minalas. Kapag ngayo’y nakaratay ka sa banig ng malubhang karamdaman at bilang na ang iyong mga araw dahil naging sugapa ka sa iba’t ibang mga bisyo, hindi ka minamalas. Inaani mo ang iyong mga itinanim. At walang kinalaman ang Diyos sa anumang masamang itinanim mo. Bagamat lagi nga Siyang naroroon, hindi mo naman Siya pinapansin. Bagamat kasa-kasama mo nga Siya sa tuwina, hindi mo naman Siya pinakikinggan. Bagamat karamay mo nga Siya sa bawat sandali, tinanggihan mo naman Siya. Hindi ka pinarurusahan ng Diyos. Hindi ka minamalas. Inaani mo ang iyong mga itinanim.

Subalit tanong sa atin ng Ebanghelyo ngayon, yung mga binanggit ni Jesus na mga Galileong minasaker ni Pilato at yung labinwalong taong nabagsakan at namatay nang gumuho ang tore sa Siloah – bakit? Hindi ba sila minalas? Kaya ba sinapit nila ang kahindik-hindik na kamatayan ay sapagkat masasama rin sila?

Hindi po natin alam. Ngunit ang alam natin ay ang babala ni Jesus. Huwag nating tingnan ang iba na higit na masama o makasalanan kaysa sa atin kaya sinapit nila ang sinapit nila. Sa halip, tingnan po natin ang ating sarili at hanapin ang ibinubunga ng ating pananampalataya sa Diyos. Sapagkat darating ang araw, wala pong patumpik-tumpik na ipinahihiwatig ito ni Jesus, na magsusulit tayo sa Diyos: hahanapan Niya tayo ng mabubuting bunga.

Habang may panahon, samantalahin po natin, gaya ng ginawa ng lalaki sa talinhagang nagtatapos sa ating Ebanghelyo ngayon. Nakiusap siya sa may-ari ng bukid. “Bigyan pa po natin ng isang taon upang mabungkal ko ang lupa sa paligid at malagyan ng abono; marahil mamumunga pa po ang puno ng Igos na ito. Kapag hindi, sige putulin n’yo na lang po.” Bagamat ang pagbabalik-loob sa Diyos at pagsisikap na mamuhay nang may kamalayang kasa-kasama natin Siya ay dapat na araw-araw na gawain natin, ang Kuwaresma po ay katangi-tanging panahon para dito. Huwag po sana nating sayangin ang masaganang biyaya ng panahong ito.

Ang Diyos ay si “AKO AY SI AKO NGA”. Lagi mo Siyang kasama. Ikaw kasama ka ba Niya? Tingnang mabuti at usisain ang sarili. Magnilay at magbantay. Baka kaya wala kang maibunga para sa Diyos ay dahil hindi Siya ang sinasamahan mo. Ang masama pa, baka dino-diyos mo pa.

Ngayon pong Extraordinary Jubilee of Mercy, hanapan natin ang ating pamumuhay ng mga bunga ng awa at habag at hayaan nating pitasin ito ng mga dukha at mga nangangailangan ng ating kapatawaran.