HAPLOS SA HIWAGA NG PAGHIHIRAP NG TAO
Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 1:40-45 (Lev
13:1-2, 44-46 / Slm 31 / 1 Cor 10:31-11:1)
Noong nakaraang Linggo, nangusap po sa
atin ang Panginoon tungkol sa hiwaga ng paghihirap ng tao. Ngayong araw na ito, patuloy Siyang
nagsasalita sa atin tungkol dito.
Noon pong nakaraang Linggo, may
mukha ang paghihirap ng tao: Job ang pangalan niya. Si Job ay matuwid na tao subalit labis-labis
siyang nagdusa hanggang sa mistulang isang hibla na lang ang natitira sa
kanyang pananamapalataya sa Diyos. Si
Job ay isa pong malinaw na halimbawa ng taliwas sa pangkaraniwang pananaw ng
mga tao sa Lumang Tipan na ang paghihirap ay parusa ng Diyos. Si Job ay isang malakas at nakababagabag na
sigaw nating lahat at hindi masagot na katanungan sa buhay, maging ng Bibliya:
“Bakit ang matutuwid na tao ay naghihirap samantalang ang masasama ay
nananagana?” Magpahanggang ngayon, ang
karanasan ni Job ay naririnig pa rin sa tanong nating lahat, lalung-lalo na
kapag tayo ay nagsisikap mamuhay nang matuwid subalit dumaranas ng matinding
pighati: “Bakit ako nagdurusa? Bakit, sa
dinamirami ng mga tao sa balat ng lupa, ako pa?” Subalit sa kabila ng hindi matinag-tinag na
pananampalataya ni Job sa Diyos, hindi nasagot ang mga katanungan niya tungkol
sa pagdurusa ng taong matuwid. Tunay po,
sa katapusan ng kanyang kuwento, nakamit muli ni Job ang mga nawala sa kanya
subalit nanatiling mga katanungan ang mga tanong niya tungkol sa paghihirap ng
tao, lalung-lalo na ng taong matuwid.
Maging ang Ebanghelyo noong
nakaraang Linggo at maging ang buong Bibliya ay walang sagot sa mga tanong
natin tungkol sa mga paghihirap ng tao.
Sa Kanyang mga pangangaral, paglalakbay, at paglilingkod, nakatagpo ni
Jesus ang hindi lamang iisang Job. At
hindi lamang po kitang-kita natin, bagkus ay damang-dama rin, na lubhang nababagbag
ang damdamin ni Jesus sa napakarami at tila walang katapusang pagdurusa sa
Kanyang paligid. Maging Siya po mismo ay
nakipagbuno sa katotohanan at hiwaga hindi lamang ng paghihirap sa mundo kundi
pati na rin ng kamatayan ng tao. At sa
sariling sukdulang pagdurusa, ayon sa Mt 27:46 at Mk 15:34, maging sa mga labi
ni Jesus ay namutawi ang tanong ng ikadalawampu’t dalawang Salmo, “Diyos Ko,
Diyos ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”
Sinagot po ba si Jesus ng Kanyang
Ama? Opo. Subalit ito po ang sagot sa Kanya: hinayaan
Siyang mamatay upang magmuli Siyang buhayin sa ikatlong araw. Binigyang-liwanag ni Jesus ang hiwaga ng
paghihirap at kamatayan ng taong matuwid sa pamamagitan ng sarili Niyang
paghihirap at kamatayan. Ang sagot kay
Jesus ng Kanyang Ama ay ang maluwalhating tagumpay ng
magmuling-pagkabuhay. Sabi po ni San
Juan Pablo II sa kanyang Liham Apostoliko na pinamagatang “Salvivici Doloris”,
sapagkat pinasok ni Jesus ang karanasan natin ng paghihirap magpahanggang
kamatayan, ang atin daw pong paghihirap ay nagkaroon ng bagong kahulugan:
maaari itong maging bukal ng hindi malirip na grasya.
Sa aklat na “The Brothers
Kamarazov”, isinasalaysay ng may-akdang si Fyodor Dostoevsky ang isang tagpo sa
concentration camp sa Auschwitz. Tatlong bihag na Judyo raw po ang binitay sa
harap ng madla. Isa raw po sa mga binitay
ay isang batang labis-labis ang paghihirap bago tuluyang malagutan ng hininga. Sukdulan daw po ang paghihirap ng batang nakabigti
kaya’t isa sa mga nakamasid ang sumigaw, “Nasaan ang Diyos ngayon?” At narinig daw po ni Elie Wiesel, isa sa mga
tauhan sa nobela, ang isang tinig mula sa kanyang kaloob-looban na nagsasabing,
“Nasaan ang Diyos? Hayan ang Diyos –
nakabigti.”
Kakaiba po ang mga paraan ng Diyos,
hindi ba? Minsan po tahasan Niyang
inaalis ang anumang nagpapahirap sa atin para tayo ay guminhawa. Pero madalas po ang paraan Niya ay ang
pakikisalo sa ating paghihirap, pakikiranas sa ating pagdurusa, pakikisama sa
ating matinding pinagdaraanan. At dahil
kasama natin Siya, karamay natin Siya, kasalo natin Siya sa ating pighati, maging
sa karanasan ng pagkamatay, nababago hindi lamang ang ating pagtingin at pakiramdam
sa ating pasan-pasan kundi pati rin ang ibinubunga nito sa atin: ang kahinaan ay
nagiging kalakasan; ang kahihiyan ay nagiging kapakumbabaan; ang karamdaman ay nagiging
kaligtasan; ang kamatayan ay nagiging simula ng buhay na walang hanggan.
Kapag
hirap na hirap na po tayo, huwag nating hanapin si Jesus sa kung saan o kung
kanino. Kasama natin Siya. Tayo po mismo Siya. Naghihirap.
Nagdurusa. Namimighati. Mapagtiwalang naghihintay na ibabangon tayo ng
Ama Niya at atin ding Ama.
Inaabot po tayo ni Jesus. Hinahawakan.
Hinahaplos. Kung nagawa ito ni
Jesus sa maraming mga ketongin sa Ebanghelyo, gagawin at ginagawa rin po Niya
ito sa atin magpahanggang ngayon. Hindi Siya
nagdadalawang-isip kung karapat-dapat man tayo o hindi. Hindi nandidiri sa ating mga sugat. Hindi namumuhi sa ating marupok na pagkatao. Hindi nahihiya na baka may masabi sa Kanya ang
iba kung makitang kasa-kasama natin Siya.
Hindi natatakot kahit na ano pa at sino pa ang humahadlang.
Ang hamon po sa atin ay hindi lamang
maging matatag sa gitna ng ating kani-kaniyang mga paghihirap kundi tumulad din
kay Jesus sa Kanyang pakikipag-kapwa sa mga nagdurusa. Hindi po ba sinasabi nating mga alagad tayo
ni Jesus? Kung gayon tularan natin Siya
na marunong mahabag at wagas kung magmalasakit sa mga namimighati. Sa pagpapadama po natin ng habag at malasakit
sa mga nagdurusa hindi pa rin natin nasasagot ang tanong tungkol sa paghihirap
ng tao sa mundo, subalit sinasabi po sa kanila ng ating kongkretong pagtulad sa
mahabagin at mapagmalasakit na Jesus na hindi nila kailangang tiising mag-isa
ang kanilang pinagdaraanan, may katapusan ang lahat, at, kung paanong kasama
nila si Jesus sa kanilang pagdurusa, kasama rin naman sila ni Jesus sa Kanyang
maluwalhating tagumpay.
Ang paghihirap ng tao ay hiwaga,
hindi problema. Naghahanap po ng
solusyon ang problema. Ang hiwaga, katulad
ng ketongin sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, ay naninikluhod at nakikiusap ng
kaliwanagan. Tanging ang haplos ni Jesus
ang nagbibigay-kaliwanagan sa hiwagang ito.
Nawa,
ang bawat-isa po sa atin ay maging maraming haplos ni Jesus sa taong nagdurusa. Opo, kahit pa bawal haplusin ang taong “ketongin”, gaya ng ginawa ni Jesus.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home