20 December 2014

TAHANAN

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento at Ika-anim na Misa de Gallo
Lk 1:26-38 (2 Sm 7:1-5, 8-12, 14, 16 / Slm 88 / Rom 16:25-27)


Ang unang pagbasa po nating ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento ay nagsisimula sa pagsasalaysay sa atin ng kung ano gustung-gustong gawin ni Haring David para sa Diyos.  Gusto  niyang ipagpatayo ng nararapat na tahanan ang Kaban ng Tipan.  Nakokonsensya po kasi siya: “Nakikita mong nakatira ako sa tahanang sedro,” wika niya kay Propeta Nathan, “ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.”  “Sige,” sagot ng Propeta kay Haring David, “gawin mo po ang gusto mong gawin, mahal na hari.”

Kaya lang po, kinagabihan din nang araw na iyon, kinausap ng Diyos si Propeta Nathan.  Iba po pala ang gusto ng Diyos.  Hindi pala si Haring David ang magtatayo ng maringal na tahanan para sa Diyos; bagkus, ang Diyos pala ang magtatayo ng matatag na sambahayan para kay David.  Ipinasabi ng Diyos sa hari sa pamamagitan ng Propeta: “Ipagpapatayo mo ba Ako ng tahanan?  Akong Panginoon ay nagsasabi sa iyo: Patatatagin Ko ang iyong sambahayan.  Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sayo.  Patatatagin Ko ang kanyang kaharian.  Kikilanlin Ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya.  Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa Aking paningin at mananatili ang iyong trono.”  At gayon nga po ang nangyari, at ang nagtayo ng maringal na tahanan ng Diyos, ang Templo sa Jerusalem, ang anak ni Haring David na si Haring Solomon.  Bukod pa po roon, maliban kay Haring Saul, ang kauna-unahang hari nila, ang lahat ng mga naging hari ng Israel ay mula sa lahi ni Haring David, kabilang po ang Hari ng mga hari, si Jesus na Taga-Nazareth.

Napakaganda po talaga ng balak ng Diyos para kay Haring David.  Sayang po kung ipagpipilitan ni Haring David ang gusto niya.  Mabuti na lang, hindi.

Mabait naman po kasing tao itong si Haring David.  May mga kahinaan siya.  Sa katunayan, siya ay may dalawang pagkalaki-laking kasalanan: nakiapid po siya sa asawa ng kanyang napakatapat na kawal na si Urias at, nang magkabunga ang kanyang ginawa, siya mismo ang nagplano at nag-utos para mapatay itong si Urias sa digmaan.  Opo, napakalubha ng mga kasalanan ni Haring David, subalit, sa kanyang kaibuturan, siya ay tunay na taong mabait.  Kaya nga po nang ipaunawa sa kanya ni Propeta Nathan ang kalubhaan ng mga kasalanang kanyang ginawa, taus-pusong nagsisi si Haring David at nagbalik-loob sa Diyos.  Ito po ang dahilan kung bakit, bukod sa ang Diyos kasi ang pumili sa kanya, si Haring David ay tinatawag sa Banal na Bibliya bilang “a man after the heart of God” o “isang taong naaayon sa puso ng Diyos.”

Kayo po kaya, naaayon ba kayo sa puso ng Diyos?  Talaga po bang mabait kayo?  Talaga po bang masunurin kayo sa Diyos?  Sino ang nasusunod sa buhay ninyo?  Ang Diyos po ba talaga?  Baka naman po ang sinusunod n’yo ay ang nilikha ninyong konsepto tungkol sa Diyos at hindi ang Diyos talaga.  Paano po kung iba ang gustong mangyari ng Diyos sa gusto n’yong mangyari?  Paano kung taliwas ang kalooban ng Diyos sa kalooban n’yo?  Lahat po tayo ay makasalanan – hindi na ‘yan ang dapat nating pagdiinan pa – pero may Haring David po ba sa puso ng bawat-isa sa atin?

Hindi pala magarang palasyo o maringal na templo o magandang bahay ang nais ng Diyos para Kanyng maging tahanan.  Ang hanap po pala ng Diyos ay pusong mabait, mapagkumbaba, at masunurin.  Ito nga po ang panalangin ni Haring David sa Diyos, matapos niyang matanto ang kalubhaan ng kanyang mga pagkakasala: “Sapagkat hindi Mo kinalulugdan ang mga hain; mag-alay man ako ng isang susunuging handog ay hindi Mo tatanggapin.  Ang aking hain, O Diyos, ay isang kaluluwang nagsisisi; ang pusong nagsisisi at nagpapakumbaba, O Diyos, ay hindi Mo sisiphayuin” (Slm 50:16-17).

May puso po ba tayong ganyan?  Ganyan din po ba ang kaluluwa natin?  Puwede po kayang manahan sa atin ang Diyos?

Kay Maria natagpuan ng Diyos ang tahanang higit pa sa Templong nais sanang ipatayo ni Haring David para sa Kanya.  Si Maria po ang unang buhay na tabernakulo ng Diyos.  Si Maria ang katangi-tanging tahanan ng Diyos: siya ay Domus Dei et Porta Coeli o “Bahay ng Diyos at Pinto ng Langit”.  Si Maria ang hinirang Niyang maging ina ng Kanyang Anak na si Jesus.  Subalit kailangan Siyang patuluyin ni Maria, sapagkat hindi po gawi ng Diyos ang ipilit ang Kanyang sarili kaninuman.  Kaya Siya ay kumatok.  At pinagbuksan po siya ni Maria.  May Pasko tayo.

Iisa lamang po ang maaaring maging ina ng Diyos, subalit kumakatok din ang Diyos sa puso ng lahat ng tao.  Kumakatok po Siya sa puso ninyo.  Kumakatok Siya sa bahay at buhay ninyo.  Pagbubuksan n’yo po ba Siya?  Patutuluyin n’yo ba?

“Tao po!” – katok ng Diyos sa atin.  Naghahanap ang Diyos ng tao!  Parang umaalingawngaw po ang kuwento sa Genesis 3 ng pagtatago ng tao sa Diyos at paghahanap ng Diyos sa kanya.  Sa Gen 3:9 nasusulat ang unang tanong ng Diyos sa tao: “Nasaan ka?”

“Tao po!” – katok ng Diyos sa atin.  Tao pa po ba talaga tayo?  Pasensya na po sa tanong ko.  Minsan kasi parang hindi na nga tayo tao.  Kung murahin natin ang isa’t isa: “Anak ka ng tupa!”  Kung lait-laitin natin ang kapwa: “Hayop!  Hayop ka!  Animal!  Ang baboy-baboy mo!  Huwag kang maki-aso!  Ulupong!  Ahas!  Uod ka lang!  Dugyot!  Titirisin kita na parang kuto!  Para kang tagak na nakatungtong sa kalabaw!  Mga buwaya kayo!  Mga buwitre! Mga kalapating mababa ang lipad!” at sa Ingles meron pa tayong tinatawag na “black sheep”.  Minsan pa nga po ni hindi hayop ang tawag at tingin natin sa isa’t isa: “Mga hampas-lupa kayo!  Mga patay-gutom kayo!  Mga salot kayo ng lipunan!  Mga demonyo!”  Ang sakit-sakit pong pakinggan, hindi ba?  Sana, ngayong Pasko, sa gitna ng lahat ng mga ito, marinig po nating muli ang munting tinig ng Panginoon na kumakatok sa ating mga puso – “Tao po!” – at maalala nating hindi pala tayo mga hayop, hindi pala tayo mga bagay, hindi pala tayo ang masasakit na pantawag at panturing natin sa isa’t isa kundi mga tutoong tao po pala tayo.

“Tao po!” – katok ng Diyos sa atin.  Hindi lamang po Siya naghahanap ng tao.  Inaanunsyo N’ya po pala kung ano ang kumakatok: ang nais makituloy sa atin ay hindi lamang pala Diyos kundi Diyos-Na-Naging-Tao.  Gusto po ng Diyos na maging tao upang higit natin Siyang maunawaan, maramdaman, makaisa sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan.  Hindi lamang po Siya nagkatawang-tao na parang nag-anyong tao lang pero hindi naman pala.  Ang Diyos ay naging tao.  At hindi lamang Siya naging kapitbahay natin.  Ang Diyos ay kapitbuhay po natin.

Nang kumatok ang Diyos kay Maria, pinatuloy niya Siya.  Ang Salita ng Diyos na malaon na pong namumuhay sa puso ni Maria ay nanahan sa kanyang sinapupunan.  Siya ay naging tagapagdala ng Diyos (theotokos sa wikang Griyego).  Sana po, patuluyin din natin si Jesus sa ating buhay at bahay, at maging mga tagapadala rin Niya tayo sa isa’t isa at sa lahat ng sanilikha.

Hindi kailangan ng Diyos ng magagarang Templo.  Ang gusto po Niya ay mga puso – opo, gaano man ito kasugatan – na maaari Niyang panahanan, pagharian, at pag-alabin para sa sanlibutan.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home