GAUDETE…FOR LIFE!
Ikatlong Linggo ng Adbiyento (Linggo ng
Gaudete)
Jn 1:6-8, 19-28 (Is
61:1-2, 10-11 / Lk 1 / 1 Tes 5:16-24)
Malapit na malapit na po ang
Pasko! Ilang tulog na lang. Bukas nga po nang gabi ay Simbanggabi na at
sa madaling-araw naman kinabukasan noon ay Misa de Gallo na. Napakabilis po ng panahon: Pasko na
naman. Ika nga ng isang awit, “O, kay
tulin ng araw!”
Sigurado, marami na po sa inyo ang
nakatanggap ng regalo para sa Paskong ito.
Siguro, nagsimula na rin po kayong magbigay ng Christmas gift sa mga mahal ninyo.
Malapit na nga po kasi ang Pasko.
Kanina, bago ko po simulang buuin ang
homiliyang ito, natanggap ko ang aking unang Christmas gift para sa taong ito.
Galing po ang regalo sa isang parishioner. Hay, salamat, may regalo na sa ilalim ng aming
Christmas tree sa kumbento! Maraming salamat din po sa nagregalo.
Hindi kumpleto ang Christmas tree kapag walang regalo,
hindi po ba? Hindi kumpleto ang Pasko
kapag walang pagbibigayan ng regalo.
Bakit po? Kasi po kaya may Pasko
dahil niregaluhan tayo ng Diyos.
Iniregalo Niya sa atin ang Kanyang sariling bugtong na Anak: si
Jesus. At hindi lang po iyan. Niregaluhan Niya po tayo hindi dahil may
ginawa tayong maganda o kasiya-siya. Sa
kabila ng ating atraso sa Kanya, sa halip na gantihan tayo ng Diyos,
niregaluhan N’ya pa po tayo. Kunsabagay,
ganyan po naman talaga kasi dapat ang regalo: hindi ito pabuya, regalo po ito.
Nagreregalo po tayo kapag Pasko kasi
una na tayong niregaluhan ng Diyos. Kaya
nga po magandang figura si Juan Bautista tuwing Adbiyento. Bago pa isilang si Jesus, ipinaaalala na ni
Juan Bautista na ang napakabait nating Diyos ay nagreregalo sa atin.
Si
Juan Bautista po mismo ay regalo ng Diyos.
Regalo po siya sa kanyang mga magulang, na sa kabila ng kanilang
katandaan at kabaugan ng kanyang ina ay naisilang pa rin siya sa kanila. Regalo rin po siya sa Bayan ng Diyos
sapagkat, sa paghahanda niya ng tuwid at patag na daraanan ang Panginoon,
tinawag niya ang lahat tungo sa pagbabalik-loob Diyos at ipinagkaloob niya sa
mga nagsisi sa kanilang kasalanan ang binyag ng kapatawaran. Tunay nga po, si Juan Bautista ay regalong
mula sa Diyos. Kaya nga po Juan o
Yohanan sa Hebreo ang kanyang pangalan sapagkat ang kahulugan nito ay
“kagandahang-loob ng Diyos”. Puwede rin
pong “regalo ng Diyos”, hindi ba?
“Sinugo
ng Diyos” – ganito po inilalarawan ng Ebanghelyo ngayong araw na ito itong si
Juan Bautista. “Sinugo ng Diyos ang
isang tao na nagngangalang Juan,” bungad po ng Ebanghelyo. At dahil sugo nga, meron po siyang
misyon. “Naparito siya,” patuloy ng
Ebanghelyo, “upang magpatutoo tungkol sa Ilaw at manalig sa Ilaw ang lahat
dahil sa patutoo niya.” Hindi po si Juan
ang Ilaw. Si Jesus ang Ilaw. Ngunit si Juan ang patutoo ng Ilaw. Kung malinaw po sa atin iyan, mas malinaw
iyan kay Juan Bautista. “Sinabi niyang
hindi siya ang Mesiyas,” sabi ng Ebanghelyo.
Siya na rin po ang nagsabi, “Ako, ‘ang tinig ng isang sumisigaw sa
ilang: tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’” Patuloy pa niya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig,
ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako
karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng Kanyang panyapak.” Kaya nga po nang lumitaw na nga si Jesus,
itinuro Siya ni Juan sa mga tao nang sinasabi, “Masdan ninyo ang Kordero ng
Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin,
‘Ang kasunod ko’y nakahihigit sa akin sapagkat Siya’y Siya na bago pa ako’” (Jn
1:29-30).
Si
Juan Bautista ay regalo ng Diyos na nagmagandang-loob upang mapaghandaan ng mga
tao ang Ilaw na dumarating sa sanlibutan, at pagsapit Nito ay makatagpo,
makilala, at mapanaligan nila ang Ilaw na ito.
Si Juan ay regalo. Si Juan ay sugo.
Kung
tutuusin, tayo naman pong lahat ay mula sa Diyos, hindi ba? Anong uring regalo po ba tayo ng Diyos? Kanino Niya tayo regalo? Isinasabuhay po ba natin ang ating pagiging
regalo ng kagandahang-loob ng Diyos?
Kung
tutuusin, mga sugo rin po tayo ng Diyos, hindi ba? Lalo na po tayong mga Kristiyano, mga alagad
ni Kristo. Sa pamamagitan ng Binyag na
ating tinanggap, tinanggap din po natin ang misyon na magpatutoo sa Ilaw na si
Jesukristo. Kumusta na po ba tayo? Baka tayo po mismo ay aandap-andap na. Paano natin isinasakatuparan ang ating
pagiging mga sugo ng Diyos at patutoo ni Jesus?
Sa
unang pagbasa po natin ngayong araw na ito, na hango sa Aklat ni Propeta
Isaias, narinig nating muli ang tanyag na paglalarawan sa sugong Mesiyas ng
Diyos. Siya raw po ay pinuspos ng
Espiritu ng Panginoon, tagapagdala ng magandang balita sa mahihirap,
tagapagpagaling ng sugat ng mga puso, tagapagpalaya ng mga bihag at bilanggo,
at tagapagpahayag ng panahon ng kaligtasan ng Panginoon.
Batid
po nating si Jesus ang katuparan ng paglalarawang ito ni Propeta Isaias tungkol
sa Mesiyas. Subalit kung tutuusin, hindi
man po tayo ang Mesiyas, dapat tayong maging mga kalarawan Niya sapagkat tayo
ay Kristiyano, mga alagad ni Kristo, mga alagad ng Mesiyas. Kaya mabuti pong tanungin natin ang ating
sarili: Ano na ba ang pumupuspos sa akin?
Baka naman kung ano nang espiritu ang sumasanib sa akin. Masasabi ko pa ba nang buong katotohanan na
magandang balita ang dala-dala ko, lalong-lalo na sa mga dukha? Tunay bang tagapagpagaling pa ako ng mga
sugatang puso o baka naman sugatan na nga ang puso ng kapwa ko pinipiga ko pa,
winasak ko pa, hinahamak ko pa. Talaga
bang daan ako ng kaligtasan ng Panginoon upang ang iba ay lumaya sa anumang
pagkakabihag, pagkakabilanggo, at pagkakaalipin nila? Baka naman ako pa promutor o kasabwat kaya sa
paglapastangan, pagpapahirap, at pagsasamantala sa iba. Hindi kaya?
Kaya
po may Pasko dahil niregaluhan tayo ng Diyos.
Kaya naman, wika ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon,
“Magalak kayong lagi!” Batay sa kanyang
isinulat, ito raw po ang mga palatandaan ng taong nagagalak: matiyaga sa
pananalangin, mapagpasalamat sa lahat ng pangyayari, hindi hinahadlangan ang
Espiritu Santo, pinupulot ang mabuti at lumalayo sa kasamaan. Kapag ganito raw po ang ating pamumuhay, pababanalin
tayo ng Diyos, bibigyan ng kapayapaan, at pananatalihing walang kapintasan ang
ating buong katauhan. At gagawin daw po
ng Diyos ang mga bagay na ito sapagkat Siyang tumawag sa atin ay laging tapat
sa atin.
Ngayong
Linggo ng Gaudete o Linggo ng
Kagalakan, ipanalangin po nating maisabuhay natin ang ating pagiging mga regalo
at sugo ng Diyos nang may tunay na kaligayahan.
Sa tuwina, pagsikapan nating maging mga regalo ng Diyos na
nakapagbibigay-kagalakan sa lahat at mga saksi ng kagalakang tanging Diyos
lamang ang nakapagbibigay. Sa diwa ng
pangaral ni Papa Francisco, ilagay po natin lagi sa ating kamalayan na tayo ay mga
sugo ng Ebanghelyo ng kagalakan (Evangelii
Gaudium) sa lahat ng tao at maging sa buong sanilikha.
Magalak
po tayo hindi lang dahil malapit na ang Pasko. Magalak tayo sapagkat may Pasko dahil sumapit na
ang Ilaw sa mundo nang isinilang si Jesus. Magalak po tayo sapagkat kahit ngayon pa lang ay
maaari na nating tanggapin si Jesus sa Banal na Eukaristiyang ito. Magalak po tayo sapagkat balang-araw ay babalikan
tayo ni Jesus upang isama tayo sa Kanyang kaluwalhatian.
Ngayong
araw pong ito ay Linggo ng Gaudete hindi
dahil tumanggap na tayo ng mga nakabalot na regalo at may Christmas gift na sa ilalim ng ating mga Christmas tree. Magalak po tayo
sapagkat niregaluhan tayo ng Diyos, sa kabila ng ating mga kasalanan. Magalak po tayo sapagkat ang regalo Niya sa atin
ay ang sarili Niyang bugtong na Anak.
Magalak
tayo sapagkat kayganda ng kalooban ng Diyos sa atin. Magalak tayo sapagkat Siya ay laging tapat sa atin.
Magalak
po tayo at maging kagalakan tayo ng lahat ng tao.
Ngayon
nga po ay Gaudete Sunday. Pero ang gaudete
ay hindi lamang pan-Sunday. Para sa ating mga Kristiyano, ang gaudete ay for life!
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home