06 December 2014

MAKINIG!

Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Mk 1:1-8 (Is 40:1-5, 9-11 / Slm 84 / 2 Pd 3:8-14)


Naranasan na po ba ninyong bigla-bigla na lang ay hindi na kayo kinausap ng inyong matalik na kaibigan?  Hindi ninyo alam kung bakit.  Wala kayong maisip na dahilan.  Basta na lang hindi na niya kayo kinibo.  At kahit ano pang gawin ninyo, talagang ayaw niya kayong pinapansin.  Ano pong pakiramdam?

Naranasan po iyan ng mga Judyo.  Nang pumanaw na ang pinakahuli sa mga propetang sumulat, nanahimik ang Diyos.  Tila tumigil na Siyang magsalita: hindi na kinausap ang Kanyang Bayang Israel.  Hindi na po Siya kumibo.  Wala na rin pong narinig na pahayag ng propeta na dapat ay tagapagsalita ni Yahweh.  Tuyot na tuyot ang diwa ng pagpopropesiya.  Pero, hindi po tulad ng karanasan ninyo sa isang kaibigang basta na lang hindi kayo kinibo, alam na alam po ng mga Judyo kung bakit hindi na sila kinausap ng Diyos.

Wala po kasing patid ang pagtataksil nila sa Diyos.  Sa lahat po ng dako at aspeto ng kanilang pamumuhay, maging mismo sa Templo at sa pagsambang nagaganap doon, naging talamak ang katiwalian.  Para pong nagsawa na ang Diyos sa pagsuyo sa kanila na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, magbalik-loob sa Kanya, at mamuhay nang matuwid.  Kaya, nanahimik nga po Siya.  Hindi na kumibo.  Tumigil magsalita.  At kakaibang-kakaiba po ito sa pagkakakilala nila sa Diyos sapagkat ang Diyos na nagpakilala sa kanila ng Kanyang sarili ay Diyos na nakikipag-usap.  At ang Kanyang salita ay walang kaparis sa kapangyarihan (dabar Yahweh).  Sa unang aklat pa lang ng Mga Banal na Kasulatan, ang Genesis, nagsasalita na ang Diyos: nilikha Niya ang lahat sa pamamagitan ng Kanyang salita (Tg. Gen 1:1-31).

Sapagkat napakahalaga nga po ng salita, sa Banal na Bibliya, napakahalaga rin po ng tinig, lalong-lalo na ang tinig ng Diyos.  Para sa mga Judyo, ang mismong tinig ng Diyos ay kaluwalhatian ng Diyos.  Kapag hindi po naririnig ang tinig ng Diyos, sinasabi nilang nililisan ng kaluwalhatian ng Diyos ang Kanyang Bayan.  Halimbawa po, sa 1 Sam 3:1, nasusulat, “Noong mga araw na iyon, bibihirang mangusap ang Panginoon at napakadalang ng mga pangitain.”  Sa umpisa, bibihira lang mangusap pero sa kalaunan ay tuluyang hindi na po kinausap ng Diyos ang Kanyang Bayan.  Sa loob ng napakahabang panahon, hindi na Siya kumibo at ang Kanyang kaluwalhatian ay lumisan sa sambahayan ng Israel.

Sa 1 Sam 4:21-22, nang pumanaw na si Eli, ang pari sa Templo na nagpalaki kay Propeta Samuel, nagdalantao raw po at nagsilang ng isang anak na lalaki ang manugang niyang si Phinehas.  Ang pangalang ibinigay ni Phinehas sa anak niya ay “Ikavod”.  Ang ibig-sabihin po ng ikavod sa wikang Hebreo ay “walang kaluwalhatian”.  Ipinahihiwatig ng pangalan ng anak ni Phinehas ang kalagayang kinasasadlakan ng Bayang Israel noon: nilisan ng kaluwalhatian ng Diyos.  At hindi po roon nagtapos ang mapait na sinapit ng Bayang nilisanan ng kaluwalhatian ng Diyos: naagaw pa ng mga kaaway nila, ang mga Filisteo, ang Kaban ng Tipan, at makailang beses din po silang napatapong-bihag sa mga bayan ng mga hentil.

Wala nga pong kasimpait ang sinapit ng Bayan ng Diyos.  Parang pinabayaan na lang sila ng Diyos sa kanilang kasamaan at tuluyan na silang nasadlak sa dusa, kahihiyan, at kalungkutan.  Ganyan po talaga ang mangyayari sa sinumang lisanan ng kaluwalhatian ng Diyos.

Sabi ni San Ireneo, “Gloria Dei vivens homo” (“The glory of God is man fully alive”).  Ang kaluwalhatian daw po ng Diyos ay ang taong buhay na buhay.  Kaya naman, ang sinumang hindi na pansinin ng Diyos at tuluyang hindi na panahanan ng Kanyang kaluwalhatian ay hahantong sa kamatayang walang-hanggan.

Subalit hindi naman po basta-basta na lang tayo nililisanan ng kaluwalhatian ng Diyos.  Palibhasa, ang nais po ng Diyos ay manahan hindi lamang sa piling natin kundi sa atin mismo.  Kalooban po Niyang makabahagi tayo sa Kanyang buhay at kaluwalhatian.  At bagamat hindi tayo pinipilit ng Diyos kung ayaw po natin sa Kanya, ipinaaalala naman sa atin ni San Pedro Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon na “binibigyan ng Diyos ang lahat ng pagkakataon na magkapagsisi at magbalik-loob sa Kanya sapagkat hindi Niya nais na mapahamak ang sinuman.”

Siguro kaya po minsan tumatahimik na lang ang Diyos, kasi nais Niyang marinig natin nang buong linaw ang ating sarili at nang matauhan tayo sa mga pinipili nating kapalit Niya.  Siguro kaya minsan hindi Siya kumikibo kasi gusto po Niyang maramdaman natin na ang tunay na pinananabikan ng ating puso ay Siya at hindi ang kung sinu-sinong tao o kung anu-anong bagay sa mundo.  Siguro nga po kaya hindi nagsasalita ang Diyos ay para marinig natin ang tinig na sumisigaw sa ilang ng ating buhay.

Sa atin pong unang pagbasa, ipinahihiwatig ni Propeta Isaias na muli nang magsasalita ang Diyos.  Kakausapin na Niyang muli ang Kanyang Bayan.  “O Jerusalem,” wika ng Propeta, “mabuting balita ay iyong ihayag.  Ikaw, Sion, umakyat ka sa tuktok ng bundok.  Ikaw ay sumigaw, huwag kang masisindak, sabihin sa Juda, ‘Narito ang iyong Diyos!’”  Ah, hindi naman po pala sila iniwan ng Diyos.  Hindi naman pala Niya sila pinabayaan.  Nanahimik lang Siya.  At ngayong “…nagbayad na sila nang ibayo sa pagkakasalang ginawa” nila sa Kanya, muli na Niya silang kakausapin, kikibuin, lalambingin.  At napakagandang balita po niyan sapagkat binubuhay nito ang kanilang pag-asa sa Diyos.  Kaya naman po, ang bungad ng Propeta sa unang pagbasa ngayon: “’Aliwin ninyo ang Aking bayan’, sabi ng Diyos.  ‘Aliwin ninyo sila.’”  Babasagin na ng Diyos ang Kanyang napakatagal at nakababahalang katahimikan!

Nang simulang basagin ng Diyos ang Kanyang katahimikan, natupad po ng isinulat ni Propeta Isaias: isang tinig sa ilang ang sumisigaw.  “Ihanda ninyo ng daraanan ang Panginoon,” sigaw ng tinig na ito, “tuwirin ninyo ang Kanyang mga landas!  Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.”  Ayon po sa ating Ebanghelyo ngayon, si Juan Bautista ang tinig na iyon at ang panawagan niya ay maghanda sa pagsapit ng Panginoon, magsisi sa mga kasalanan, at magsimulang mamuhay muli nang tuwid.

Sa paglitaw ni Juan Bautista, nagbabalik na ang kaluwalhatian ng Diyos.  Hayan, nagsisimula nang makipag-usap muli ang Diyos sa Kanyang Bayan!  At ang mga unang binibigkas ay salita ng mapagpatawad na pag-ibig.  Tinitiyak ni Juan Bautista sa mga tao: Patatawarin kayo ng Diyos!

Ang rurok na kaganapan ng muling pakikipag-usap na ito ng Diyos ay mararanasan ng lahat ng tao sa mismong pagkakatawang-tao ng Kanyang Salita.  Hindi na po pala kontento ng Diyos na basta bumigkas-bigkas lang ng mga salita.  Gagawin Niyang laman, buto, tao ang Kanyang Salita!  Hindi na po pala Siya kontentong makipag-usap lang sa atin.  Makikipamuhay na Siya sa atin!  Magiging kapit-bahay natin Siya.  Magiging kapit-buhay sapagkat si Jesus, ang Kanyang Bugtong na Anak at Walang-Hanggang Salita, ay magiging tulad natin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan.  Magiging tao ang Diyos!  At kaya nga po may Pasko.

Ang Adbiyento ay natatanging panahon ng taus-pusong pakikinig sa Diyos.  Baka hindi na po natin Siya pinakikinggan.  Baka hindi na po Siya ang pinakikinggan natin.  Baka hindi na Siya nagsasalita.  Kung hindi nga Siya nagsasalita sa atin, pagnilayan po natin nang masinsinan kung bakit at baka tuluyan na rin tayong lisanin ng Kanyang kaluwalhatian.

Bakit kaya napakatahimik ang Diyos sa buhay ko ngayon?  Bakit kaya hindi ko Siya marinig?  O baka naman, gustung-gusto ng Diyos na makausap ako pero wala naman pala akong panahon para sa Kanya.  Kung meron man, baka mga tingi-tingi lang ng oras ko ang ibinibigay ko sa Kanya.  Isinisingit ko na lang ba sa napaka-abala ko nang buhay ang pakikinig sa Diyos?  Paningit na lang ba talaga ang Diyos para sa akin?

Baka naman nagsusumigaw na pala ang Diyos pero hindi ko pa rin Siya narinig-rinig.  Bakit kaya?  Baka napakaingay ko na kasi.  Sa sobrang kadaldalan ko, pati Diyos hindi na makasingit-singit.

Kaya, matuto po sana tayong makinig sa tinig ng Diyos.  Tutoong makinig.  At tugunin po natin ang panawagan ng tinig sa ilang ng ating buhay: paghandaan ang pagdating ng Panginoon, pagsisihan ang ating mga kasalanan, at mamuhay tayong matuwid.  Kinakausap po tayo ng Diyos.  Hihintayin pa po ba nating lisanin din tayo ng kaluwalhatian ng Diyos bago natin Siya pakinggan?

Ang mga ayaw makinig, baka masigawan ng Diyos.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home