16 December 2014

AMA

Ikalawang Misa de Gallo
Mt 1:1-17 (Gen 49:2, 8-10 at Slm 71)


Kahapon po ay pinasimulan nating muli ang napakaganda nating tradisyon ng pagmi-Misa de Gallo.  Sa aking homilya, ipinaalala ko po sa inyo na ang Misa de Gallo ay isang nobena, kaya binubuo po ito ng siyam na araw.  Kung seryoso talaga tayo sa debosyong ito, pagsisikapan po nating tutoo na kumpletuhin ito.

Sinabi ko rin po sa ating pagninilay kahapon na ang bawat-isang araw ng ating pagmi-Misa de Gallo ay napakamakahulugang sumasagisag sa bawat-isang buwan ng pagdadalantao ng Mahal na Birheng Maria kay Jesus.  At sa ating pagmi-Misa de Gallo, sinasamahan po natin ang Mahal na Ina at sinasamahan din naman niya tayo.  Sapagkat ang ipinagdalantao niya ay ang nagkatawang-taong Salita ng Diyos, binigyang-diin ko rin po na dapat gising tayo habang sinasamahan natin ang Mahal na Inang Maria nang marinig natin ang Salita ng Diyos.

Kahapon, ibinatay po natin ang ating pagninilay sa isang salita na bagamat napakaigsi lang ng Ebanghelyo ay napakalimit naman banggitin doon.  Tinanong ko po kayo kung anong salita iyon.  Dahil wala pong nakasagot, ako na rin ang sumagot.  Ang pinakamaraming beses na binanggit sa Ebanghelyo kahapon ay ang katagang “patutoo”.  Kaya nga po ang hamon sa atin ng Salita ng Diyos sa una nating pagmi-Misa de Gallo ay, katulad ni Juan Bautista, tayo ay maging mga patutoo ng katotohanan.  At ang Katotohanang ito ay si Jesukristo mismo, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao sa sinapupunan ni Maria.

Ngayong ikalawang araw ng Misa de Gallo, hindi ko na po kayo tatanungin kung ano ang salitang pinakamaraming beses na binabanggit sa Ebanghelyo natin ngayon.  Sasabihin ko na po: ama.  “Ama” po ang isang salita sa Ebanghelyo na napakaraming beses na binabanggit.  Ang tanong ko po sa inyo ay ito: Ilang beses binabanggit ang salitang “ama” sa narinig ninyong Ebanghelyo ngayong ikalawang Misa de Gallo?

Tatlumpu’t apat na beses.  Biruin ninyo, ang Ebanghelyo po ngayong araw na ito ay binubuo lamang nang labimpitong bersikulo pero doble noon ang beses ng pagbanggit sa salitang “ama”.  Ibig sabihin, napakahalaga ng katagang ito.

Napakahalaga po talaga ng ama para sa mga Judyo.  Sa unang pagbasa pa lang po natin ngayong araw na ito, kitang-kita na natin iyan: binabasbasan ni Jacob ang kanyang mga anak.  Napaka-importante po ng basbas ng ama sa kanyang mga anak.  Halos may kapangyarihan po ang anumang sambitin ng ama sa kanyang mga anak.  Kaya nga po si Esau at Jacob, pinag-aagawan ang basbas ng ama nilang si Isaak, hindi ba?

Kung kayo ay ama, binabasbasan n’yo pa po ba ang inyong mga anak?  Baka naman po, sa halip na basbasan ay minumura n’yo na po sila.  At bilang mga anak, kinasasabikan n’yo pa po ba ang basbas ng inyong ama?  Alam po natin, may mga anak na kung lapastanganin ang kanilang ama.

Wala pa din pong mga apelyido noon, kaya kung tukuyin ang mga tao noon ay batay sa kanilang pinagmulan.  At may dalawa pong pinagmumulan ang tao, ayon sa kulturang Judyo: ang kanyang lugar at ang kanyang ama.  Halimbawa po si Judas Iskariote ay si Judas na taga Karioth.  Si Simon bar Jonah naman po ay si Simong anak ni Jonas.  Kaya nga po, sa Mt 13:55, sinasabing nakilala si Jesus bilang Anak ng karpintero sapagkat karpintero si Jose na, sa mata ng batas ng tao, ay siyang ama Niya.

Siguro gusto ng Salita ng Diyos na alalahanin natin ang ating mga ama ngayong araw na ito.  Ano po bang pangalan ng ama ninyo?  Ano ang kanyang hanapbuhay?  Paano n’ya po kayo binuhay?  Kumusta ang kanyang pagka-ama?  Talaga po bang mahalaga siya sa buhay ninyo?  Ipinakikita n’yo po ba o ipinadarama sa kanya ang inyong pasasalamat sa kanya?  Kung siya naman ay sumakabilang-buhay na, ipinagdarasal n’yo po ba siya?  Binibisita n’yo po ba ang puntod niya?

Patriyakal po ang lipunan, relihiyon, at kulturang kinamulatan ni Jesus kaya po mabigat ang diin sa mga kalalakihan.  Kapag tala-angkan ang pinag-usapan, lagi pong nakabatay sa mga ama ang listahan.  Iyan nga po ang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon.  Bagamat may ilang mga kababaihang binabanggit, noventa y nueve porsiyento ng mga pangalang binabanggit ay mga pangalan ng lalaki.  Sila po ang mga kaama-amahan ni Jesus.

Naalala ko lang po bigla, noong bata pa ako, may pelikula si Vilma Santos: “Wanted: Perfect Mother”.  Hindi ko po napanood iyon, pero naalala ko ang titulo kasi walang perfect father sa mga kaama-amahan ni Jesus.  Sa katunayan, ang buo Niyang tala-angkan – ibig sabihin, kasama ang mga kaina-inahan Niya – ay hindi perfect.

Isipin po ninyo iyon, kahit pala ang Panginoon ay walang perfect na angkan.  Eh bakit po kaya meron sa atin, kung pintasan ang sariling mga magulang, kung hamakin ang sariling mga kapatid, kung lait-laitin ang sariling mga kamag-anak.  May mga kabataan pa nga napakasakit magsalita sa sariling ama at ina: “Sana hindi na lang kayo ang naging tatay at nanay ko!”  Pero, mas masakit din po kung magsalita ang mga magulang sa sariling anak kung minsan: “Kung alam ko lang na magiging ganyan ka paglaki mo, sana hindi na lang kita binuhay!”

Isipin po ninyo, kung dahil walang makita ang Diyos na perfect na kaama-amahan at kaina-inahan para sa Kanyang Bugtong na Anak na si Jesus ay nagbago Siya ng pasiya at hindi na lang Niya Siya ipinagkaloob sa atin.  Kung sinabi kaya ng Diyos, “Wait lang, hintay muna tayo ng perfect na mga ninuno para sa Aking Anak bago Ko Siya ipagkaloob sa inyo,” palagay n’yo po maisisilang pa si Jesus para sa atin?  Malamang hindi sapagkat kahit kailan walan naman pong perfect father at wala rin namang perfect mother.  At kung walang perfect father at perfect mother, magtataka pa ba tayo kung bakit wala ring perfect son at perfect daughter?

Pero kahit na hindi perfect ang kaama-amahan ni Jesus, isinilang pa rin po Siya.  Ganyan po kung kumilos ang Diyos, hindi ba?  May kasabihan pa nga po, “God writes straight with crooked lines.”  Kaya sa susunod po na nasusuya tayo o nawawalan na kaya ng pag-asa dahil hindi tayo isinilang sa perfect na pamilya, hanapin natin sa pamilya natin si Jesus kasi malamang naroroon din Siya sapagkat hindi rin perfect ang angkang pinagmulan Niya.

Ang “word of the day” po natin ngayong ikalawang Misa de Gallo ay “ama”, at tatlumpu’t apat na beses po itong binabanggit sa Ebanghelyong binasa ngayon.  At bagamat hindi perfect ang mga amang binabanggit, bahagi pa rin po sila ng tala-angkan ni Jesus sapagkat nananaig lagi ang grasya ng Diyos.  Sana hayaan din po nating manaig lagi ang grasya ng Diyos sa buhay at bahay natin, sa puso at pamilya natin, sapagkat ang Diyos – na Siyang Ama ng lahat ng mga ama – ay nagbasbas na sa atin kaya may Pasko.



1 Comments:

At 5:17 PM , Anonymous Anonymous said...

salamat po Panginoon, na dahil sa pagmamahal mo sa amin, pinadala mo ang iyong bugtong na Anak para kami ay maligtas

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home