DALAGA
Ikalimang Misa de Gallo
Lk 1:26-38 (Is
7:10-14 at Slm 23)
Ano po ang isang salita na parehong
lumilitaw sa unang pagbasa at Ebanghelyo at pareho rin pong tumutukoy sa iisang
tao?
“Dalaga” – iyan po ang ating word for the day. Ang sabi ni Propeta Isaias sa unang pagbasa:
Isang dalaga ang maglilihi at manganganak ng lalaking tatawaging Emmanuel. Sa Ebanghelyo naman po ay nasusulat: Isinugo
ng Diyos si anghel Gabriel sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangalan
ay Maria. Si Maria po ang dalagang
katuparan ng pahayag ni Propeta Isaias.
Si Maria po ang dalagang ipinasadya ng Diyos sa anghel Gabriel. Si Maria po ang dalagang ipinasadya.
Ang ganda po ng katagang “sinadya”,
hindi ba? Marami itong kahulugan. Halimbawa, kapag sinabi ko po sa inyong
“Sinadya ko kayo”, ang gusto kong sabihin ay talagang kayo ang pakay ko. Puwede rin pong ang kahulugan ng “sinadya” ay
“kinusa”, hindi “nagkataon lang”. Kaya
nga po kapag sinabing “ipinasadya”, ang gustong ipahiwatig ay “espesyal”. Kapag ipinasadya, ibig sabihin natatangi,
hindi pangkaraniwan. Hindi basta-basta;
bagkus ay ipinasadya.
“Ang ganda naman ng damit mo. Pasadya ba ‘yan?” tanong ng kumare mo sa
iyo. Wala pong pangit na
ipinasasadya. Wala pong nagpapasadya ng
pangit. Kaya ipinasasadya kasi gustong
maganda.
Si
Maria ang dalagang ipinasadya ng Diyos.
Ubod po siya ng ganda. Pero higit
sa lahat, bukod siyang pinagpala. Sa
sinapupunan pa lang ng kanyang ina, iniligtas na siya: wala siyang bahid ng
anumang kasalanan. Kaya nga po, siya ay
ipinagdalantaong walang bahid dungis.
Talaga naman po, ipinasadya ng Diyos ang dalagang ito.
Dahil
napaka-espesyal niya sa Diyos kaya naman po napaka-espesyal din ni Maria sa
atin. Ang Diyos ang unang nagtanghal sa
kanya kaya’t kapag minamahal natin si Maria, hindi lamang tayo sumasang-ayon sa
pasya ng Diyos bagkus tumutulad din po tayo sa Kanya.
Ipinasadya
ng Diyos ang dalagang ito hindi lamang sapagkat pinapuntahan Niya siya kay
anghel Gabriel kundi dahil din sa siya ang katuparan ng pahayag ni Propeta Isaias. Ipinasadya ng Diyos si Maria sapagkat si
Maria ang pasya ng Diyos na maging ina ni Jesus, ang Kanyang bugtong na Anak.
Subalit,
minsan kahit ipasadya natin, hindi pa rin maganda ang kinalalabasan, hindi po
ba? “Hay, naku,” buntong-hininga ni ate,
“sayang naman ang damit na ‘to.
Pinasadya ko pa naman pero hindi pa rin maganda ang tabas.” “Itong sapatos ko,” sabi naman ni kuya,
“pinasadya ko, pero ang sikip-sikip pa rin.”
Minsan, hindi porke pinasadya, nasusunod po talaga ang gusto ng
nagpasadya, hindi ba? Minsan palpak pa
rin ang resulta; hindi natutupad ang binalak.
Ngunit
kay Maria ganap pong natupad ang kalooban ng Diyos. Kung ano ang nais ng Diyos, siya ring
nangyari sa dalagang ito. Sabi nga po ng
mga Fathers of the Church, si Maria
ang “blueprint of creation”. Ibig sabihin po, kung gusto nating makita at
malaman kung ano ang kalooban ng Diyos sa Kanyang nilikha, tumingin tayo kay
Maria. At ano po ba ang nakikita natin
sa dalagang ito?
Una,
si Maria po ay napupuno ng grasya. Sa
Griyego, ang orihinal na wika ng Bagong Tipan, “kecharithomene” ang ginamit na kataga sa Ebanghelyo; at hindi
lamang po iyon nangangahulugang si Maria ay napupuno ng grasya kundi
nag-uumapaw pa siya sa grasya.
Inilalarawan po ito sa pahayag ng anghel sa kanya nang sabihin nito,
“Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos.” Iyan
din po ang balak ng Diyos sa ating lahat: ang mapuspos tayo ng grasya. Hindi man po tayo bukod na pinagpala tulad ni
Maria, kinalulugdan pa rin tayo ng Diyos at pinagpapala Niya.
Grasya
ang pakay ng Diyos sa buhay natin, hindi po disgrasya. Ang nais po ng Diyos para sa bawat-isa sa
atin ay ang maging kalugud-lugod sa Kanya.
Nag-uumapaw
sa grasya, si Maria mismo ay naging pagpapala ng Diyos sa sankatauhan sa
pamamagitan ng kanyang isinilang.
Katulad niya, gusto po sana ng Diyos na tayo rin ay maging mga grasya,
hindi disgrasya, sa lahat ng tao.
Kayo
po ba ay grasya o disgrasya sa buhay ng iba?
Sa kalikasan, kayo po ba ay grasya o grasa? Sapat na po ba sa inyo na kayo ay pagpalain
ng Diyos at “bahala na Batman” sa iba?
Ang
tumanggap ng biyaya sa Diyos ay hindi lamang pribilehiyo. Hamon din po ito sa tumanggap. Kaya ka binibiyayaan ng Diyos ay upang
biyayaan mo rin ang kapwa mo. Kaya ka
pinagpapala ng Diyos ay upang ikaw mismo ay maging pagpapala sa iba. Ganito si Maria, ang katuparan ng dalagang
inihula ni Propeta Isaias, ganito rin po sana tayo upang, tulad sa Ebanghelyo,
maganap ang kalooban ng Diyos. Magsilbi
tayong blessings ni Lord.
Ikalawa,
nakikita rin po natin kay Maria ang kahandaan para sa Diyos. “Ecce
ancilla Domini,” dasal po natin sa Angelus (“Narito ang lingkod ng
Panginoon”). Naroon si Maria para sa
Diyos. Narito pa rin siya para sa
Diyos. At, sapagkat maging sa atin ay
nagsilbi siyang mapagmahal na ina, laging kumakalinga, gumagabay, at umaalalay,
maaari rin po nating sabihing naririto si Maria para sa atin. Laging handa ang dalagang ito para maglingkod
alang-alang sa ikatutupad ng kalooban ng Diyos.
Kayo
po, handa ba kayo? Handa po kayo para sa
ano, para kanino? Sana bago po natin
isipin kung may handa tayo sa Pasko, isipin muna natin kung handa talaga tayo
para sa Pasko. Baka marami nga po tayong
handa sa lamesa pero hindi naman pala handa ang puso natin para kay Kristo.
Mga
anak, handa ba kayong sundin ang mga magulang ninyo? Handa ba kayong unawain sila, kalingain sila,
pagsilbihan sila sa kanilang pagtanda?
Handa ba kayong patawarin sila sa kanilang mga pagkukulang sa inyo?
Mga
magulang, talagang may panahon po ba kayo para sa mga anak ninyo? Baka naman po may panahon nga kayo para sa
kanila pero hindi naman quality time. Handa po ba kayong pakinggan sila bago ninyo
pagalitan? Handa po ba kayong unawain
sila sa kanilang mga pinagdaraanan sapagkat pinagdaanan din ninyo iyon nung
inyong kabataan?
Mga
mag-asawa, handa po ba kayong makailang ulit na patawarin ang isa’t isa? Handa po ba kayong alagaan at mahalin ang
isa’t isa magpahanggang kamatayan? Handa
po ba kayo gawin ang lahat para mapanatili ang inyong pagsasama at hindi
mawasak ang inyong tahanan o pinaghahandaan na ninyo ang paghihiwalay ninyo?
Baka
handang-handa na po ang gayak Pamasko ng ating mga bahay, pero may mga taong
hindi tayo handang tanggapin sa ating buhay.
Baka lagi nga po tayong handang magsimba, pero hindi naman pala tayo
handang tumulong sa ating simbahan.
Ikatlo
at panghuli, nakikita po natin ang tingin ni Maria sa sarili niya. “Ako’y alipin ng Panginoon,” wika niya sa
anghel. Dalagang alipin o handmaid – ito po ang turing ni Maria sa
kanyang sarili. Subalit ang pagiging
aliping ito ay hindi tulad ng aliping binubusabos ang sarili dahil mababa ang
sariling tingin sa sarili. Hindi po ito
katulad ng nakatatandang kapatid sa Talinhaga ng Alibughang Anak na kaya pala
punung-puno ng galit sa kapatid na nagbalik-loob at hinanakit sa amang
mapagpatawad ay sapagkat kaya pala siya masunurin sa kanyang ama ay dahil
alipin at hindi anak ang tingin niya sa kanyang sarili.
Dahil
malinaw po para sa kanya kung sino at ano siya sa harap ng Diyos, taus-puso ang
kababaang-loob ni Maria. Alam niya ang
kanyang lugar. At bagamat, kung
tutuusin, napakataas ng pinaglagyan sa kanya ng Diyos nang gawin Niya siyang
ina ng Kanyang bugtong na Anak, nanatili pa ring mababang-loob si Maria. Ina na nga siya ng Diyos pero alipin pa rin
ang turing niya sa sarili. Matapos siyang
pagpahayagan ng anghel Gabriel na siya nga ang magiging ina ng Anak ng Diyos,
naglingkod siya agad. Sa Lk 1:39,
nasusulat na nagmamadali siyang nagpunta sa kaburulan ng Judea, sa tahanan ni
Zekarias, upang damayan ang asawa nito at pinsan niyang si Elizabeth na
nagdalantao sa kabila ng kanyang kabaugan at katandaan.
Nais
din po ng Diyos na lagi tayong maging mababa ang kalooban. Gaano man kataas ng ating marating, kinalulugdan
tayo ng Diyos kapag nananatiling nakalapat sa lupa ang ating mga paa. Gaano man kalayo ng ating marating, kababaang-loob
ang marunong pa rin tayong lumingon sa ating pinanggalingan. At anumang posisyon ng kapangyarihan ang meron
tayo ay entrustment at hindi entitlement, hindi sila karapatan kundi pagtitiwala.
Tayo ay mga lingkod, mga katiwala, ng Diyos.
Kung si Maria ay alipin ng Panginoon, ano
na lang po kaya tayo?
Mapuspos
ng grasya, handa para sa Kanya, at laging mapagkumbaba – ito ang kalooban ng Diyos
para sa atin. Natupad ang lahat ng ito kay
Maria – ang dalagang “bumihag” sa puso ng Diyos. Tumingin
po tayo sa kanya at tumulad. Maganap po nawa
sa atin ang kalooban ng Diyos.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home