17 December 2014

KATAHIMIKAN

Ikatlong Araw ng Misa de Gallo
Mt 1:18-24 (Jer 23:5-8 at Slm 71)


Ikatlong umaga na po ng Misa de Gallo!  At sa bawat pagmi-Misa de Gallo meron po tayong “word for the day”, hindi ba?  Noong unang araw ang ating word for the day ay “patutoo”.  Kahapon naman po ay “ama”.  Ngayong araw na ito, heto po ang ating word for the day…. (Uupo at mananahimik nang mga limang minuto).

(Pagkatapos nang limang minuto, magpapatuloy sa pagninilay….)  O kuha n’yo po?  Ano ang ating word for the day ngayon?  Iyan na nga po ang problema ng marami sa atin.  Hindi tayo mapakali kapag tahimik na.  Parang dapat laging may sabihin, laging may komento, laging may ibibida.  Yung iba pa nga hindi lang daldal nang daldal, sigaw pa nang sigaw.  Kaharap lang ang kausap pero parang tatlong bundok ang layo kung magsalita.  Meron pa, basta may maibida lang, kahit imbento o kalahating tutoo – kalahating mali, ibibida.  Basta masabi lang siya ang unang nakapagkuwento, magkukuwento.  Kahit pa tutoo ang kuwento, hindi lahat ng alam dapat ikuwento kung hindi naman talaga kailangan; pero sige pa rin sa kakukuwento.  Kahit sa pakikipag-ugnayan natin sa Diyos, marami sa atin ang hindi komportableng manahimik lang sa isang tabi at pakiramdaman ang Diyos.  Kawawa naman ang Diyos, sa kadadaldal natin, pati Siya hindi makasingit.  Tapos, magtatanong: Bakit kaya hindi ako pinapansin ng Diyos?  Bakit kaya hindi Niya ako kinakausap?  Bakit kaya hindi Siya sumasagot?  Paano makasasagot ang Diyos eh kahit sa panalangin dada tayo nang dada.

Iyan po ang word for the day natin ngayon: katahimikan.

May game show po si Richard Gomez at Kaye Brosas sa channel 5, anong pamagat?  “Quiet Please!  Bawal ang Maingay!”  Para po manalo ang kontestant kailangang matapos nila ang mga pinagagawa nang walang ingay.  Palagay ko po, talo tayong lahat doon kung sasali tayo.  Mahihirapan po tayong maging mga “quietors”.  Ang madali sa atin, maging mga “emoteros”; marami kasi po sa atin magaling mag-emote.

Pero may kilala po akong numero unong “quietero”: si Jose, ang kabiyak-puso ni Maria.  Napakatahimik po kasi niya.  Kahit isa man lang, wala pong naitalang sinabi niya sa Ebanghelyo.  Tahimik lang siya, pero sigurado po akong hindi siya pipi sapagkat narinig po nating lahat sa Ebanghelyong binasa ngayon na pinangalanan niya ang Sanggol na isinilang ni Maria ng “Jesus”.  Quiet siya pero kapag kailangan naman pong magsalita ay nagsasalita rin siya.  Napakatahimik nga po niya pero siya po ang nagpangalan sa ating Panginoon: “Jesus” na ang kahulugan ay “Nagliligtas ang Diyos”.  Walang naisulat na sinabi niya pero sinabi niya ang lahat: “Jesus!”

Kayo po, mahilig ba kayong magsalita?  Bakit po kaya?  Ano naman ang mga salitang namumutawi sa mga labi ninyo?  Mahahalaga rin po ba, gaya ng kay Jose?

O baka naman po tahimik nga kayo pero dahil sa hindi maganda o mabuting dahilan.  Baka hindi naman talaga kayo tahimik, nananahimik lang kasi may masamang binabalak.  May mga tao po kasing tahimik nga pero kumukulo na pala ang dugo, tapos bigla na lang silang sasabog.  May mga tao ring tahimik nga ang bibig pero maingay naman po sa isip.  May mga tao rin pong kaya pala tahimik ay dahil walang pakia-alam o talagang walang kaalam-alam.  At meron din pong natatahimik kasi may ginagawang hindi kanais-nais.  Hindi po basta tahimik ang isang tao ay mabuting tao agad.

Hindi po ganyan si Jose.  Tahimik na tao si Jose dahil lagi siyang nakikinig at nakikiramdam sa Diyos.  Matuwid siyang tao, at ang tao ay hindi maaaring maging tunay na matuwid nang hindi muna siya maka-Diyos.  Tahimik si Jose para  magkapuwang ang Diyos sa buhay niya.  At dahil may puwang ang Diyos sa buhay niya, ginamit siya ng Diyos para matupad ang napakaganda Niyang balak para sa ating lahat: naisilang si Jesus.  Dahil marunong manahimik si Jose, nakapagsalita ang Diyos: ang Salita ng Diyos ay nakapagpatuloy magkatawang-tao sa sinapupunan ni Maria.

Kayo po, quietero rin ba kayo, tulad ni Jose?  Marunong po ba kayong manahimik?  May puwang din po ba ang Diyos sa buhay n’yo?  Ano ang ibinubunga ng pananahimik ninyo?

Muli nating diskubrihin at hasain ang kakayahan nating manahimik at makinig tayong lagi sa Diyos.  Sabihin po ninyo sa katabi n’yo: “Quiet please!  Bawal ang maingay!”

Noong unang araw ng Misa de Gallo, ang word for the day natin ay “patutoo”.  Noong ikalawa naman po ay “ama”.  Ngayong ikatlo, heto… (Uupo ulit at tatahimik bago ituloy ang Misa.)



2 Comments:

At 5:26 PM , Anonymous Anonymous said...

Diyos ama, turuan mo kaming makinig sa iyo sa mga oras na tahimik kami at turuan mo kaming tumahimik sa mga oras na maingay kami at magulo ang aming isipan...Salamat po

 
At 5:26 PM , Anonymous Anonymous said...

Diyos ama, turuan mo kaming makinig sa iyo sa mga oras na tahimik kami at turuan mo kaming tumahimik sa mga oras na maingay kami at magulo ang aming isipan...Salamat po

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home