TIPAN
Ikawalong Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:57-66 (Mal
3:1-4, 23-24 at Slm 24)
Wow,
big deal! Ang daming imbitado: mga
kapitbahay at mga kamag-anak nandoon silang lahat! Community
affair! Community celebration!
Sigurado may inuman at salu-salo pa! Ano po ang okasyon? Pagtutuli.
Big
deal po talaga sa mga Judyo ang pagtutuli ng sanggol. Ginagawa ito sa ikawalong araw matapos
isilang ang bata. Dito rin po siya
binibigyan ng pangalan. Hindi lang basta
tinutuli, may dasal-dasal pa, may seremonya, may ritwal. At imbitado buong barangay! Mabuti na lang po, sanggol pa lang.
Bakit po ganun? Kasi po, para sa mga Judyo ang pagtutuli ay
hindi lamang gawing pankalinisan kundi dikta ng Banal na Tipan. May kinalaman po ito sa kanilang ugnayan sa
Diyos. Nang makipagtipan po ang Diyos
kay Abraham, ang ama sa pananampalataya ng mga Judyo, mga Kristiyano, at mga
Muslim, isinasalaysay po sa ika-17 kabanata ng Aklat ng Geneis, iniutos ng
Diyos na tuliin ang lahat ng mga lalaki bilang tanda ng kanilang pagiging
kabilang sa Banal na Tipan. Matapos
palitan ng Diyos ang pangalan ni Abram ng “Abraham” at bigkasin ang pangakong
mga anak at lupain, winika ng Diyos kay Abraham ang ganito: “Sa ganang iyo
naman ay tutuparin mo ang Aking tipan, ikaw at ang iyong mga inanak na kasunod
mo sa kanilang sali’t saling lahi. Ito
ang Aking tipan na iyong tutuparin, ikaw at ang iyong mga inanak na kasunod
mo. Ang lahat ng lalaki sa inyo ay
tutuliin. Tutuliin ninyo ang laman ng
prepusyo na siyang magiging tanda ng ating tipan. Ang may walong araw na gulang sa inyo ay
tutuliin, ang lahat ng lalaki sa inyong mga sali’t saling lahi, sampu ng aliping
ipinanganak sa inyong bahay, o binili ng salapi sa isang dayuhan, na hindi sa
inyong sariling lahi. Oo, ang
ipinanganak sa iyong bahay at ang binili ng iyong salapi ay kapwa
tutuliin. Ang Aking tipan ay mapapasa
inyong laman bilang walang hanggang tipan.
Kung may isang lalaking hindi tinuli ang laman ng kanyang prepusyo, ang
taong iyon ay ihihiwalay sa kanyang bayan, sapagkat nilabag niya ang Aking
tipan” (Gen 17:9-14). Wow, big deal talaga!
Para sa mga Judyo, ang pagtutuli ay ang
pag-uukit sa laman ng kanilang pakikipagtipan sa Diyos. Talaga pong napakahalaga kung gayon na ang
sanggol na lalaki ay matuli hindi lamang para maging malinis o bigyan ng
pangalan kundi, higit sa lahat, para mapabilang siya sa Bayan ng Diyos. Kaya nga po nang nagsisimula pa lang ang
sambayanang Kristiyano – na lahat naman po ng mga unang kasapi ay mga Judyo –
napakalaking usapin ang pagtanggap sa mga hindi Judyong nais umanib sa
sinaunang Iglesiya. Sinanhi nga po ng
isyung ito ang pagsasagawa ng kauna-unahang malaking pagpupulong ng Santa
Iglesiya, ang “Council of Jerusalem”. Sa
ika-15 kabanata ng Aklat ng Mga Gawa ng Mga Apostol, isinasalaysay ang mainit
na debate sa konsilyong ito: Ano ang dapat gawin sa mga paganong gustong
magpabinyag – tutuliin ba sila o hindi?
At nang magsalita po si Simon Pedro, sinabi niyang ang pananampalataya
ang nagpapalinis sa tao at hindi ang anumang rituwal. Sabi pa niya, wala raw pong itinatangi ang
Diyos: niligtas din Niya ang mga hindi tuli kung paanong iniligtas Niya ang mga
tuli. Nang magkagayon, tumayo po si
Santiago Apostol at sinabi, “Nagsalita na si Pedro (Peter has spoken).” At nalutas ang usapin ngunit po naging madali sa
lahat ang pagtanggap sa naging resolusyon: huwag piliting magpatuli ang mga paganong
nais mapabinyag at umanib sa sambayanang Kristiyano. Sa kalaunan, nang sumulat na po si San Pablo
Apostol, sinabi pa po niya sa Rom 2:25-29, “Tunay, ang pagtutuli ay
pinakikinabangan kung tinutupad ang batas; ngunit kung nilalabag mo ang batas
magpatuli ka man ay tulad ka rin ng hindi tuli.
Kaya kung ang isang hindi tuli ay tumutupad sa mga ipinag-uutos ng
batas, hindi ba siya aariing tuli sa kabila ng kanyang pagiging hindi
tuli? Kung magkagayon, ang isinilang na
hindi tuli at tumutupad sa batas ay siyang hahatol sa iyo, na sa kabila ng
kasulatan at pagtutuli ay lumalabag naman sa batas. Ang tunay na Judyo ay hindi iyong nahahayag
sa labas, at hindi tunay na pagtutuli iyong nakikita sa laman, saubalit ang
tunay na Judyo ay nasa loob at ang tunay na pagtutuli ay nasa puso….” Wow,
big issue po talaga, hindi ba?
Kaya ang word for the day po natin ngayon ay…”Tipan”. Akala n’yo po siguro “tuli”, ano? Mahalaga lamang ang pagtutuli alang-alang sa
pagiging kabilang sa tipan. At, ika nga
po ni San Pablo Apostol, ang kalinisan ng puso at pagtalima sa batas ng Diyos,
hindi ang pagiging tuli, ang tunay na nagpapabilang sa Kanyang Tipan.
“Tipan” – iyan po ang ating word for the day ngayong ikawalo nating
pagmi-Misa de Gallo. At ang tipang ito
ay ang tipanan po ng Diyos at ng Kanyang Bayan.
Meron po ba kayong katipan? Sino?
Kumusta po ang tipanan ninyo?
Tapat ba siya sa tipan ninyo? Eh
kayo, tapat naman po ba kayo? Iyan pong
ka-holding hands n’yo ngayon, katipan
n’yo ba talaga ‘yan o querida?
Kabilang po tayo sa Bayan ng Diyos sa
Bagong Tipan. At hindi na po pagtutuli
ang batayan ng kung sino sa atin ang kabilang at hindi kabilang sa tipang ito
kundi ang binyag na ating tinanggap at siyang sanhi ng ating pagiging sangkap
ng Katawang mistiko ni Kristo.
Kumusta po ba kayo bilang katipan ng
Diyos? Tapat po ba kayo o
salawahan? Mainit na katipan o
malamig? Mapagmahal o mapanlinlang? Katipan po ba kayo o kalaro lang?
Kaya tinuli si Juan ay upang mai-ukit
sa kanyang laman ang tipan ng Diyos at mapabilang siya sa Kanyang Bayan. Samantalang tinatanong daw po ng lahat, ayon
sa Ebanghelyo, kung ano magiging itong si Juan paglaki niya, batid nating siya
ang magiging tinig na sumisigaw sa ilang, tinatawag ang mga naliligaw na
magbalik-loob sa Diyos at mapabilang muli sa Kanyang tipan.
Ang Pasko po ay bahagi ng masalimuot
ngunit napakagandang pagsasakatuparan ng Diyos sa Kanyang pakikipagtipan sa
atin. Kaya po may Pasko dahil tapat ang
Diyos sa bahagi Niya sa ating tipanan.
Ito po ang maririnig nating aawitin ni Zekarias bukas, ang panghuling
Misa de Gallo. Tayo po, tapat ba tayo sa
bahagi natin sa tipan na iyan?
Ngayong Pasko, maganda pong balikan
nating muli ang pakikipagtipan ng Diyos sa atin. Hindi na po ito nasusulat sa laman. Sa halip, nagkalaman ang tipan na ito sa
katauhan ni Jesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak. Tapat pa po ba talaga tayo sa Kanya? Baka po ang katapatan natin kay Jesus ay nakadepende
sa kung sino at ano ang katapat.
Mahalaga po ba talaga para sa atin ang relasyon natin sa Diyos? Baka rin po mas pinahahalagahan pa natin ang
mga bagay na panlabas. Sa simbahan,
hindi po ba minsan ang pinag-aawayan natin o pinagmumulan ng mga samaan ng loob
ay mga walang katorya-tory: ano ang isusuot sa Poon; paano ang porma ng kamay
ng Mahal na Birhen; saan ilalagay ang koro – sa choirloft ba o sa baba, kasama ng mga nagsisimba; sino ang para kay
Fr. X at sino naman ang kay Fr. Y; kanino mangungumonyon – sa pari ba o sa lay
minister; ang mga liturgical ministers naman – sino ang magbubukas ng
tabernakulo, sino ang thurifer o
taga-insenso, sino ang maglalakad sa gitna para dalhin sa altar ang love offering, sino ang mag-aabot kay
Father ng kalis; dapat bang maghawak-kamay o hindi pagkanta natin ng “Ama
Namin”; kailangan pa bang pumalakpak pagkatapos ng Misa o dapat sumabay sa
pag-awit ng koro; dapat bang pagsuotin ng sutana ang mga sakristan o hindi; at
marami pa pong ibang isyung kuwestiyonable ang importansya pero hinahayaan pa rin
nating hatiin tayo, galitin tayo, at patayin tayo sa sama ng loob. Minsan natatakpan na po ng mga mali nating
pagpapahalaga ang dapat talaga nating atupagin.
Abot-tanaw
na po natin ang Kapaskuhan. Atupagin
naman po natin ang tunay na mahalaga: ang pakikipagtipan natin sa Diyos. At pagpasiyahan po natin, simula ngayon,
hinding-hindi na natin pababayaan ang ating relasyon sa Diyos. Padaluyin din po natin ang ating pagiging mabuting
katipan ng Diyois patungo sa pagiging mabuting kapwa natin sa isa’t isa.
Mahalaga po para sa mga Judyo ang
pagtutuli; kaya tinuli si Juan. Maging
si Jesus po, nasusulat sa Lk 2:21, ay
tinuli rin. Hindi naman po tayo mga
Judyo, kaya ayos lang kung meron diyang hindi tuli. Pero hindi po ayos kung meron diyang ang
kabanalan ay panlabas lamang. Hindi po
ayos kung meron diyang binyagang Kristiyano nga pero pagano ang pamumuhay. Hindi po ayos kung pinahahalagahan natin ang
kalinisang panlabas pero nanlilimahid naman pala sa dumi ang kalooban.
Huwag po nating kalimutan ang tipan
natin ng Diyos. Kaya may Pasko kasi po
hindi ito kinalimutan ng Diyos.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home