01 November 2014

SI JESUS - ANG BUHAY

Paggunita sa Lahat ng Mga Pumanaw na Kristiyano
Jn 14:1-6 (2 Mac 12:43-46 / Slm 103 / Rom 8:31-35, 37-39)

Ang hirap pong sumulat ng homilya tungkol sa kamatayan.  Marahil, sapagkat iisang panig lang po ang karanasan natin nito.  Tayo pa lang ang namamatayan, hindi pa po tayo namamatay.  Ang anuman pong masasabi natin tungkol sa kamatayan ay laging hindi balanse: lagi tayo ang naiiwan.  At kadalasan po, higit na malungkot ang maiwan kaysa ang mang-iwan.

Kung sabagay, hindi naman po talaga tayo iniwan ng mga mahal natin pumanaw.  Kasa-kasama pa rin po natin sila, ngunit nagbago na ang kanilang pag-iral.  Patuloy pa rin po tayong nabibigkis sa kanila hindi lamang sa pamamagitan ng mga alaala ng ating pinagsamahan kundi, higit sa lahat, sa pamamagitan ng pag-asang bunga ng pananampalataya natin kay Jesus na balang-araw tayo’y magsasama-samang muli at kailanma’y hindi na magkakahiwalay.

Sa liwanag ng ating pananampalatayang Kristiyano, maaari lamang po nating masdan ang kamatayan sa pamamagitan ng mga mata ng pag-asa.  Umaasa po tayong hindi kamatayan ang wakas ng lahat.  Umaasa po tayong may buhay sa kabila.  Umaasa po tayong mabubuhay tayong magpakailanman.  Umaasa po tayong magiging ganap na kaligayahan ang buhay na iyon.  Umaasa po tayong makakasama ang mga nauna sa atin sa kabilang-buhay.  Umaasa po tayong makikita at makakapiling natin ang Diyos at mga banal magpawalang-hanggan.  At ang pag-asa nating ito ay hindi po pag-asa ng mga taong hindi sigurado kung matutupad o hindi ang kanilang inaasahan.  Hindi po ito pag-asang walang-laman.  Hindi po ito pag-asang nakasulat sa tubig.  Hindi pag-asang suntok sa buwan.  Natitiyak po natin ang pag-asang ito at bagamat hindi natin nakikita ang ating inaasahan – sapagkat paano nga ito pag-asa kung nakikita na ito – siguradong-sigurado po tayo sa katuparan nito.

Ang kaseguruhan ng ating pag-asa ay naka-ugat po sa ating pananampalataya kay Kristo Jesus.  Siguradong-sigurado po tayo na may kabilang-buhay, na buhay ang mga mahal nating yumao, na kapiling ng Diyos ang mga nagsikap mamuhay nang matuwid, na pananagutan ng tao ang kanyang naging uri ng pamumuhay, na makikita nating muli ang mga mahal nating pumanaw at, kung mamarapatin, ay makasasama natin silang muli at hindi na magkakawalay pa kahit kailan, hindi sapagkat naranasan na natin ang katotohanan nito kundi dahil sa pagkamakatotohanan ng nagbitiw sa atin ng Kanyang salita.

“Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa Akin.  Sa bahay ng Aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi Ko na sana sa inyo.  At paroroon Ako upang ipaghanda Ko kayo ng matitirhan.  Kapag naroroon na Ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik Ako at isasama kayo sa kinaroroonan Ko,” pangako sa atin ni Jesus.  Nakasalalay ang ating pag-asa sa magagandang bagay na kasalukuyang natatakluban ng kamatayan para sa atin sa ating pananampalataya kay Jesus na laging tapat sa Kanyang salita.  Hindi Niya po tayo lolokohin.  Hindi Niya po tayo binibiro.  Hindi Niya po tayo lilinlangin.  Sa Kanya po mismo nagmula ang katotohanan ng buhay na walang-hanggang.  Hindi Niya lamang po ito ipinangaral; sa halip, Siya po mismo ang unang dumanas nito.  Sa kanyang liham sa mga Taga-Colosas (1:18), winika ni Apostol San Pablo, “Si Jesus ang ulo ng katawan, ang Iglesiya; Siya ang simula at unang binuhay mula sa mga patay….”  Ang sinumang nananalig at nakaugnay kay Jesus bilang kasapi ng Kanyang katawan, ang Iglesiya, ay may buhay na walang-hanggan.  At sa Jn 11:25-26, sinabi pa ni Jesus kay Marta, “Ako ang magmuling-pagkabuhay at buhay.  Ang sinumang nananalig sa Akin ay mabubuhay kahit pa sila ay mamatay; at ang sinumang nabubuhay nang nananalig sa Akin ay hindi mamamatay.”  Ang tanong Niya kay Marta ay tanong po ni Jesus sa ating ngayon: “Pinananaligan mo ba ito?”

Sa araw na ito ng natatanging paggunita natin sa lahat ng mga pumanaw na Kristiyano, sinasariwa po natin ang ating sagot sa tanong ni Jesus.  Tulad ni Marta, sa Banal na Misang ito, sinasabi natin kay Jesus: “Opo, Panginoon, naniniwala kaming Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.”

Mahirap pong sumulat ng homiliya tungkol sa kamatayan.  Kahit ano pong sabihin natin laging kapos ang ating masusulat at masasabi.  Ang hindi po natin masabi sa pamamagitan ng mga salita ay ipahiwatig natin sa liturhiyang ipinagdiriwang natin ngayon.  Si Jesus po mismo ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.  Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Niya.  Hindi po tayo iniwan ni Jesus.  Hinding-hindi.  Kahit kailan.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home