MGA PANTAS NI JESUS
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng
Panginoon
Mt 2:1-12 (Is 60:1-6
/ Slm 71 / Eph 3:2-3,5-6)
Simula nang magkamuwang ang tao, binabasa na niya ang kalangitan. Naghahanap siya ng mga tanda at kinikilatis ang mga ipinahihiwatig nito na may kinalaman sa kanyang buhay at sa iba’t ibang bagay-bagay sa mundo. Likas sa tao ang paniniwalang may nakahihigit sa kanya na hindi lamang nagpapairal at nagsasa-ayos ng mga tala kundi nagpapahayag din ng mga mensahe sa pamamagitan nila.
Ngayong araw na ito, ipinagdiriwang natin ang pag-akay ng Diyos sa mga pantas mula sa Silangan patungo kay Jesus, ang bagong silang na Hari ng mga Judyo, sa pamamagitan ng isang tala. Nagbunyag ang Diyos sa kanila sa tulong ng isang tala.
Inakay nga sila ng Diyos subalit hindi ito nangahulugang naging madali at mabilis ang paglalakbay ng mga pantas na ito. Bagkus, malamang ay mabagal ang kanilang paglalakabay at maraming mga pagsubok sa kanilang dinaanan. Naghanap sila. At ang tanging gabay nila ay isang tala.
Sinu-sino ba ang gumabay sa atin para matagpuan ang Diyos? Sinu-sino silang nagsilbing gabay natin sa pagtuklas at higit na pagkilala kay Kristo? Magandang alalahanin natin sila ngayong araw na ito, ipagdasal, at pasalamatan. Sila ang mga tala ng Diyos sa buhay natin.
Lalo na ngayong Taon ng Pananampalataya, nararapat na sariwain natin ang ating naging paglalakbay tungo sa una nating pakikipagtagpo kay Jesus. Gunitain natin nang may taus-pusong pasasalamat ang mga naging kasangkapan ng Diyos para mayakap natin ang Pananampalatayang Kristiyano. Tiyak, maraming mga tao sa landas ng pananampalataya na ating tinahak at patuloy pang tinatahak: ang ating mga magulang, kabiyak-puso, mga kapatid, mga kamag-anak, mga kaibigan, ang guro sa paaralan, ang pari sa simbahan, ang katekista, at marami pang iba. Ipanalangin natin sila sa Banal na Misang ito.
Ang mga pantas na ginabayan ng tala ay hindi matatagpuan si Jesus kung hindi nila nilisan ang kani-kanilang pinagmulan. May tala ngang gabay mula sa Diyos pero kung hindi sila mismo naglakbay, hindi pa rin nila makikita si Jesus. At para makapaglakbay, kinailangan nila iwan ang kani-kaniyang comfort zone, ang kapaligirang pamilyar sa kanila. Sa kanilang paglalakbay, ginagabayan lamang ng tala, nagtaya sila ng maraming bagay sampu na ang sariling buhay. May nilisan sila kay may narating sila. May binitiwan sila kaya nakapitan nila si Jesus.
Ano kaya ang pinabibitiwan sa atin ng Diyos para higit tayong makakapit kay Jesus? Kaya ba nating talikuran ang hinihingi ng paglalakbay na dapat gawin upang higit tayong makalapit kay Jesus? Ano ang comfort zone na hihingi ng Diyos sa ating ipagpalit para sa abang Belen ni Jesus? Ano ang itataya natin para kay Jesus?
Dahil sa pagtataya ng mga pantas nang sundan nila ang tala patungong Belen, ang pagsilang ni Jesus ay nahayag hindi lamang sa Kanyang mga kababayang Judyo kundi pati na rin sa mga hentil. Noong mismong gabi nang Siya ay isilang, minarapat ni Jesus na ang mga pastol na Kanyang mga kababayan at kapwa dukha ang unang makakita sa Kanya. Ngayon naman, ang mga hentil, mga hindi Judyo, katulad natin, ang tinulungan Niyang matagpuan Siya. Malinaw ang mensahe ng Linggong ito: Ang Pasko ay para sa atin din! Ito ang ating Pasko. Ngayon ang Pasko nating mga hindi Judyo. Isinilang si Jesus para sa atin din.
Kanino naman kaya natin isisilang si Jesus?
Nang matagpuan ng mga pantas si Jesus, hindi nila Siya kinuha. Maaaring kinalong nila Siya, pero hindi nila Siya kinuhang pagmamay-ari nila na parang gantimpala matapos ang malayo, mapanganib, at napakahirap na paglalakbay. Hindi ginawang "finder's keeper" si Jesus ng mga pantas na naghirap maghanap sa Kanya. Sa halip, sila pa nga ang naghandog sa Kanya. Tatlong uri – hindi tatlong piraso – ang kanilang mga handog: ginto na sagisag ng pagiging hari ni Jesus, kamanyang na simbolo ng Kanyang pagka-Diyos, at mira na paalala ng sasapitin Niyang pagdurusa at kamatayan alang-alang sa sankatauhan. Sila ang nagbigay. Hindi sila ang binigyan. Sapat na sa kanila ang makita at makasamba kay Jesus.
Ang Pasko ay pagtanggap natin kay Jesus. Ano naman ang handog natin sa Kanya? Ngayong Pasko binigyan tayo, pero tayo nagbigay ba? Ano ang ibinigay natin? At kung sa kabila ng tumanggap na nga tayo ay hindi pa tayo kuntento, ano ba talaga ang sapat na para sa atin tuwing sasapit ang Pasko? Patapos na nga ang Pasko, baka nakalilimutan pa rin natin na hindi natin birthday ito. Birthday ito ni Jesukristo. Ano ang handog natin sa Kanya? Kanino kaya natin ibinigay ang dapat ay kay Kristo ngayong kaarawan Niya?
Dahil sa nabatid nilang malagim na balak ni Herodes, ang mga pantas ay hindi na nagbalik sa kanya. Sa halip, nag-iba sila ng daan pauwi sa kani-kanilang bayan. Nag-iba sila ng daan. Malamang kung binalikan pa nila si Herodes para iulat kung saan nila eksaktong natagpuan si Jesus, hindi natin ipagdiriwang taun-taon ang Pasko, baka ipagluluksa natin. Subalit nag-iba nga sila ng daan pauwi.
Hanggang sa darating na Sabado na lamang ang Kapaskuhan. Pagsapit ng susunod na Linggo ay Kapistahan na ng Pagbibinyag sa Panginoon, at iyon din ang Unang Linggo sa Karaniwang Panahon. Namamaalam na nga ang panahon ng Pasko. Matagal nang nagsiuwian ang mga namamasko. Umuwi na rin ang mga bakasyonista. Uuwi rin tayo, hindi sa anumang lugar o bayan, kundi sa ating kani-kaniyang pangkaraniwang pamumuhay sa araw-araw. Paano tayo uuwi? Handa ba tayong magbago ng daang pauwi, katulad ng mga pantas, kung kinakailangan? O balik tayo sa dati nating gawi? Para sa ating ikabubuti, may binago ba sa ating pag-uugali ang namamaalam nang Kapaskuhan? O katulad pa rin tayo nang dati? Ano nga kaya ang kailangan nating baguhin sa ating “pag-uwi”?
Magsilbi rin nawa tayong tala ng Diyos para sa mga naghahanap sa Kanya, para sa mga nagtataya para sa Kanya, at para sa mga nais maghandog sa Kanya. Akayin din nawa natin ang marami pa patungo kay Jesus sa pamamagitan ng ating matingkad na mga halimbawa sa salita at gawa. At sakaling kinailangang magbago rin tayo ng daan pauwi, sana ang pagbabagong ito ay tunay na para sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos at ikabubuti natin at ng ating kapwa. Sa taun-taon nating pagdiriwang ng Kapaskuhan, harinawa’y maging mga pantas din tayo ni Jesus.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home