20 December 2012

TUWID NA DAAN


Ika-anim na Misa de Gallo
Lk 1:39-45 (Awt 2:8-14 / Slm 32)

Ika-anim na Misa de Gallo na po natin.  Ayon kay San Lukas, ika-anim na buwan naman ng pagdadalantao ni Elizabeth nang pagpahayagan ng Anghel Gabriel si Maria.  At matapos tanggapin ang misyong maging ina ni Jesus, nagbubukas ang Ebanghelyo natin ngayong umagang ito sa “Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Judea”.  Sa bahay ni Elizabeth siya nagpunta; mga 70 hanggang 80 milya ang layo noon sa Nazareth kung saan naman nakatira si Maria at Jose.  Bagamat sa mga napanood ko nang pelikula tungkol sa tagpong ito sa Ebanghelyo natin ngayong umaga ay mag-isang naglakbay si Maria, hindi iyon nasusulat.  Mahirap isiping mag-isa lang naglakbay si Maria.  Malamang may mga kasama siya dahil lubhang mapanganib ang paglalakbay noon at sadyang napakalayo ng kanyang pupuntahan.  Hindi lamang mga tulisan ang banta sa kaligtasan ng mga manlalakbay noon, mga mabangis na hayop din po.

Hindi naman po talaga nawala ang mga banta sa buhay ng mga nagbubuntis, mas lalo na ng mga ipinagbubuntis, hindi ba?  Hanggang ngayon, hindi pa po natatapos ang kanilang kalbaryo.  Nagkalat pa rin ang mga asong lobo na nakasuot tupa, nangangako ng higit na mabuting kalusugan para sa mga kababaihan ngunit alam naman nilang maraming mapapanganib na side effects – gaya ng cancer – ang ipinagduduldulan nilang mga kontraseptibong artipisyal.  Mas lalong kaawa-awa ang mga ipinagbubuntis po nila: kahit pigilang mabuo, madalas nabubuo pa rin at kapag isinilang na ay may deperensya, kumplikasyon, o kaya ay patay na.  Maraming mga madalas ay pinaniniwalaan agad ng madla na magdadala ng dangal sa mga kababaihan, ng kaginhawaan sa lipunan, at ng mas magandang buhay sa mga sanggol na piniling isilang, pero mga tulisan palang nanakawin – ninanakaw na nga – ang dangal at moralidad nating lahat bilang mga anak ng Diyos.  

Ano kaya ang daang nilakbay ni Maria patungo kay Elizabeth?  Tuwid din kaya?  Mabuti naman at naging ligtas siya, nakarating nang maluwalhati sa bahay ng mag-asawang Zakarias at Elizabeth, at pagkatapos ay nakauwi ring mabuti.  Kasi po, napagtatanto na natin ngayon na hindi pala lahat ng “tuwid na daan” ay ligtas.  May isang “tuwid na daan” na sa dulo pala ay dead end.  Mabuti naman at hindi ito ang daang nilakbay ni Maria; kundi po, wala tayong Pasko, wala tayong Niño Jesus, baka hindi pa tayo ligtas sa kasalanan at kamatayang walang-hanggan.

Ang tunay na “tuwid na daan” ay laging ang daan ng Diyos.  Sa kanyang Liham Pastoral para sa Arkediyosesis ng Lingayen-Dagupan, pinamagatang “Let Us Move On”, sinabi ni Archbishop Soc Villegas: “Daang matuwid without God is a dead end street.”  Tuwid ang daang nilakbay ni Maria hindi dahil sa daan mismo kundi dahil dala-dala niya mismo ang Diyos.  Hindi lamang sa kanyang sinapupunan, bagkus pati rin sa kanyang puso.  Sinabi ni San Agustin, “Mary is the most blessed of all women because she conceived the Word in her heart even before she conceived It in her womb.”  Tutuong-tutoo po iyan!  At dahil d’yan, kahit tayo ay maaaring maglakbay sa buhay nang tuwid kahit pa liku-liko at baku-bako ang daan.  Huwag po nating iiwan ang Diyos.  Huwag natin Siyang ie-etse-puwera sa bawat pasiya natin.  Lagi natin Siyang isasama.  Siya ang tunay na dahilan kung bakit tuwid ang daan at hindi ang kung sino.

Sa tunay na tuwid na daan, ligtas ang ina pati ang anak.  Sa tunay na tuwid na daan, ligtas ang lahat.  Sa tunay na tuwid na daan, isinasaalang-alang ang pangmatagalan at hindi panandaliang kaginhawaan.  Sa tunay na tuwid na daan, itinuturo ang tamang moralidad ng seksuwalidad at hindi lamang ang paggamit nito.  Sa tunay na tuwid na daan, hindi pinadadali ang pakikipagtalik kasi madali namang iwasan ang pagbubuntis.  Sa tunay na tuwid na daan, hindi hinuhubog ang bata sa tamang paggamit sa kanyang katawan kundi sa nararapat na paggalang sa kanyang katawan.  Sa tunay na tuwid na daan, hindi inilalagay sa kamay ninuman ang buhay ninuman, lalong-lalo na yaong mga isisilang pa lamang, dahil ang buhay ay tanging nasa kamay ng Diyos na siyang dahilan kung bakit nga tuwid ang daan.

Ang tuwid na daan ay hindi basta na lang inilalatag sa ating harapan.  Tayo ang gumagawa ng tuwid na daan.  At kung saan hindi tuwid ang daan, tuwirin natin ito.  Hindi po ba ito nga ang panawagan ni San Juan Bautista sa kanyang paghahanda para sa pagdating ng Panginoon?  “Isang tinig sa ilang ang sumisigaw, ‘Ipaghanda ninyo ng daraanan ang Panginoon, tuwirin ninyo ang daraanan Niya” (Mk 1:3).  Tahakin ang tuwid na daan, at kung saan ang daan ay hindi tuwid, ituwid po natin.  Ang mga pagpapahalagang ipinangaral ni Jesus ang natatanging pantuwid ng daang inakalang tuwid ngunit hindi naman pala.

Tunay na kagalakan ang hantungan ng tunay na tuwid na daan.  Ganito ang kagalakang pasalubong ni Maria hindi lamang kay Elizabeth kundi pati rin kay Juan Bautista.  Ayon sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, “napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth” dahil sa pagdalaw ni Maria, at si Juan, na nasa sinapupunan pa lamang ni Elizabeth, ay naggagalaw sa tuwa.  Bakit po gayon ang naging karanasan ni Elizabeth at ni Juan sa pagdating ni Maria?  Kasi hindi lamang si Maria ang dumating; bagkus kasama ni Mariang dumating si Jesus na hindi lamang nasa sinapupunan niya kundi nasa buo niyang pagkatao.

Saanmang dako, kaninumang kapwa-tao, anumang sitwasyon, at sa lahat ng okasyon, lagi nating dadalhin si Jesus.  Siya ang ipansalubong natin.  Siya ang ipanregalo natin.  Siya ang ipamana natin.  Ituwid natin ang daan sa salita at gawa.  Pananagutan nating ituwid ang daan, hindi lang maglakad sa tunay na tuwid na daan.  Pananagutan natin ito hindi lang sa isa’t isa; pananagutan natin ito kay Jesus mismo.  Siya po ang Daan, hindi ba?

Sakaling ginawa na natin ang lahat pero liku-liko pa rin ang paglalakbay ng ilan, malamang wala po sa daan ang problema.  Baka naman po lasing ang naglalakad sa tuwid na daan: lasing sa kayamanan, lasing sa kapangyarihan, lasing sa popularidad, lasing sa ipinagmamalaking sariling karunungan.  Ah, kapag ganyan po, kahit pa tuwid ang daan, kapahamakan pa rin ang daratnan.

Lampas kalahati na po ang ating pagmi-Misa de Gallo.  Huwag po sanang masayang ang ating pagsasakripisyo: pumaparito tayo hindi lamang para may hingin sa Diyos.  Hinuhubog tayo ng Diyos sa ating bawat pagparito.  Sana po mas alam na ninyo ang tuwid na daan.  Sana po mas may loob na kayong ituwid ang daan.  Huwag sana kayong maliligaw: si Jesus ang tuwid na Daan.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home