CONDOLENCE O CONGRATULATIONS?
Ikatlong Misa de Gallo
Mt
1:18-24 (Jer 23:5-8 / Slm 71)
Kahapon,
sinabi ko pong hindi ko muna kayo babatiin ng “congratulations” kasi pangalawang Misa de Gallo pa lang natin
noon. Pero ngayon po ay pangatlo na,
tatlong araw na po kayong nagpupuyat, nagdarasal, nagsasakripisyo, kaya, “Congratulations!” Batiin po ninyo ang katabi ninyo ng “Congratulations!” Sa mga nahuling dumating ngayong umaga, better late than never daw po, kaya, “Congratulations!” pa rin. Pero sa mga bukas pa darating kasi hindi sila
nagising, bukas na lang din naming kayo babatiin ng “Congratulations!” At sa mga
hindi na magigising, si Lord na lang ang babati sa inyo ng “Congratulations!”
Congratulations! – ‘yan po ang pagbati
sa mga magiging magulang. “Pare, congrats, tatay ka na!” ang bati ng
magkakaibigan. “Wow, mare, congrats sa bago n’yong baby ni pare!”
masayang batian ng mga magkakaibigan.
Dapat ngang i-congratulate ang
mga magulang na may bagong baby. Sa katunayan, kahit hindi pa ipinanganganak
si baby, kino-congratulate na natin ang mga magiging magulang niya, hindi po
ba? Ang mga anak kasi ay mga
biyaya. Hindi sila mga problema na pilit
na iginigiit ng mga nagsusulong ng RH Bill.
Mga biyaya ang mga anak hindi lamang sa kanilang mga magulang kundi sa
buong sankatauhan. Nabasa ko po sa isang
poster ang ganito: “Every child comes with the message that God is not yet
discouraged of man.” Nakakatakot po
talaga ang pangitain na ang panukalang batas ng Reproductive Health na
isinusulong ngayon ng ilang mga mambabatas natin at ng mismong Pangulong
iniluklok nating mamuno sa atin ay tiyak
na hahantong sa pamamayani ng kulturang laban sa buhay. Kapag magkagayon, mabilis din nating
malilimutan ang napakahalagang mensaheng “Every child comes with the message
that God is not yet discouraged of man.”
Kahit ngayon pa lang, kitang-kita na nga nating namamayani sa ilan ang
diwa na bagamat God is not yet
discouraged of man, man is already discouraged of his fellowman, even his
fellowman who is not yet born. Hindi
kaya, kasi man is already discouraged of
God? Huwag naman po sana kasi God is always with us to cast away all our
fears and to encourage us to wake up from whatever nightmares we have in life. Kapag tuluyang mawala ang ating
pananampalataya sa katotohanang ito, kapag mawalang tayo ng tiwala pati sa
Diyos, kapag hinayaan nating ituring na problema hindi lamang tayong mga
naipanganak na kundi pati silang ipanganganak pa lang, kapag nagpalinlang
tayong ang RH Bill ay tutoong maka-babae, maka-sanggol, at maka-dukha, hindi magtatagal
at darating ang araw na hindi na congratulations
ang bati natin sa isa’t isa. Mabilis
itong mapapalitan ng condolence. Kayo po, anong gusto n’yo: congratulations o condolence?
Muntik-muntikanan
na, mabuti’t hindi nauwi sa condolence
ang bati kay Joseng kabiyak-puso ni Maria.
Kung susundin po kasi ang batas nila noon, si Maria ay dapat kaladkarin
palabas ng bayan at batuhin hanggang sa mamatay. Iyan po ang napakalupit na parusa sa mga
babaeng ipinagdadalantao ang binhi ng hindi nila tunay na asawa. At, sabi nga po sa atin ng Ebanghelyo ngayong
araw na ito, bago pa nga raw ikasal itong si Maria at Jose, si Maria ay
natagpuang nagdadalantao. Kung sinunod
ni Jose ang mahigpit na hinihingi ng batas, dalawang tao ang mamamatay: si
Maria at si Jesus na nasa sinapupunan ni Maria.
Walang Merry Christmas. Anong “Maligayang Pasko? Walang maligayang Pasko! Ang meron: Condolence po!
Matuwid na tao si
Jose, sabi pa, kaya isipin na lamang ninyo ang paghihirap ng kanyang puso’t
isipan. Masunurin siya sa batas ng Diyos
at ng tao. Ngunit ang partikular na
batas na ito ng tao ay malupit; matuwid nga pero malupit. At kapag malupit, kahit pa batas, ito ay
imoral. Baka lang po nalilimutan natin,
hindi lahat ng legal ay moral. Kapag ang
RH Bill ay maisabatas, ang ibig sabihin lamang noon ay legal na ito pero hindi
kailanman ito magiging moral. Mabuti na
lang at hindi lamang matuwid na tao ang ating patrong si San Jose Manggagawa;
moral din siya. Ayaw niyang mapatay si
Maria at si Jesus. Kahit hindi niya maunawaan
kung paano at bakit nangyari sa kanila ng pinakamamahal niyang si Maria ang
mabigat ng suliraning ito, hindi siya nagpadalus-dalos, hindi nagpadala sa
bugso ng damdamin, hindi nagpaalipin sa malupit na batas, sa imoral na batas. Palagay ko po, nanalangin siya bago siya
natulog sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.
Palagay ko po kasi palaging nananalangin itong si Jose kung kaya’t
palagi rin siyang bukas sa Diyos at sa kalooban Nito. Palagay ko po tunay na taong madasalin ang
mahal nating patrong si San Jose Manggagawa kung kaya’t mapagtalima rin siya sa
kalooban ng Diyos kahit pa ito ay masakit tanggapin at mahirap tupdin. Tunay ngang larawan si San Jose ng taong may
wagas na pananalig sa Diyos at matingkad siyang huwaran para sa ating lahat
lalung-lalo na ngayong nasa loob tayo ng Taon ng Pananampalataya.
Matuwid si
Jose. Moral si Jose. Madasalin si Jose. Mapagtalima si Jose. Matibay ang pananampalataya ni Jose sa
Diyos. Ngunit, gaya nating lahat, may
takot din siya.
Meron po bang
naririto ngayon na nagsasabing, “Wala akong kinatatakutan”? Ang problema sa mga taong ganyan, madalas
pati sa Diyos walang takot. Naku po,
napakalaking kapahamakan ang nakaamba sa mga taong ganyan! At marami ring napapahamak dahil sa mga taong
ganyan. Tingnan n’yo nga po ang katabi
ninyo. May takot ba siya o nakakatakot
siya? Ang mga taong tunay na nakakatakot
ay iyong mga taong nagsasabing wala nga raw silang kinatatakutan. Kapag pati sa Diyos walang takot, hindi
magdadalawang-isip ang taong iyan na pumatay ng kapwa. Hindi po ba parang ganyan ang RH Bill? Isa itong panukalang batas na tuwirang
lumalapastangan sa Diyos na tanging may kapangyarihang magpasya kung sino at
hindi sino ang dapat mabuhay at kung kailan dapat magsimula at kailan dapat magwakas
ang buhay na kaloob Niya.
Nakapangingitlabot, hindi po ba? Kapag
inilagay natin sa ating mga kamay ang kapangyarihang iyan na dapat ay
natatanging sa Diyos lamang, iyan ng kawalang-takot sa Diyos?
Ang ating patrong si
San Jose Manggagawa ay may takot sa Diyos.
Napakalaki ng takot niya sa Diyos.
Takot na hindi takot ng alipin sa kanyang amo kundi takot ng isang
magalang, mapagmahal, at masunuring anak ng Diyos. Ang takot ni Jose ay hindi lamang para sa
kaparusahang nakaamba kay Maria ayon sa batas nila. Ang takot niya ay hindi lamang para sa pasiya
niyang hiwalayan na lamang si Maria nang palihim. “Jose, anak ni David,” sabi ng anghel sa
kanya, “huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria….” Pansinin po ninyo, hindi sinabi ng anghel kay
Jose na huwag siyang magalit o huwag siyang mahiya o huwag ka nang
magtampo. Ang sinabi po ng anghel kay
Jose ay huwag daw siyang matakot tuluyang pakasalan si Maria.
Kung hindi dahil sa
parusang kamatayan para kay Maria at hindi rin sa pasiya niyang hiwalayan si
Maria, bakit natatakot si Jose? Ano ang kinatatakutan ni Jose? Ang
dahilan po ng takot niya ay binabanggit ng anghel sa mga sumusunod na sinabi
nito: “…sapagakat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y
pangangalanan mong Jesus, sapagkat siya ang magliligtas sa Kanyang bayan sa
kanilang mga kasalanan.” Bilang Judyo,
batid ni Jose ang ibig sabihin nito at kung gaano kaseryoso ng misyong
iniaatang ng Diyos sa kanyang mga balikat: siya ang tatayong ama sa lupa ng
walang-iba kundi ng Mesiyas na hinulaan ng mga propetang gaya ni Jeremias na
narinig natin sa unang pagbasa ngayon. Aba, talagang hindi po biro iyon!
Napakabigat na responsibilidad.
At kasama pa ng nakasisindak na pananagutang ito ay ang damdamin ng
pagiging hindi karapat-dapat, na pangkaraniwan maging sa atin kapag tinatawag
tayo ng Diyos para sa isang napakahalagang misyon. Ang maging tatay ng Anak ng Diyos – hindi po
ba nakakatakot iyon?
Subalit, ibinigay
din ng anghel kay Jose ang dahilan para huwag na siyang matakot: ang anak na
ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanya ay tatawaging Emmanuel na ang kahulugan ay
“Kasama natin ang Diyos”. Opo, mabigat
na responsibilidad ang iniaatang ng Diyos sa mga balikat ni Jose pero hindi
siya iiwan ng Diyos: kasama niya ang Diyos.
Opo, nakalulunod ang katotohanang hindi siya karapat-dapat sa misyong
ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos pero hindi iyon hadlang para samahan siya ng
Diyos. Opo, napakahirap ng hinihingi sa
kanya ng Diyos pero kakayanin niya ito.
Bakit? Dahil isisilang sa kanyang
tahanan, sa kanyang pamilya, sa kanyang buhay ang Emmanuel na ang kahulugan nga
ay “Kasama natin ang Diyos”.
Sa gitna ng maraming
suliranin at hamon sa buhay, lalong-lalo na ngayong may mga taong isinisisi ang
kahirapan natin sa mga anak na isisilang pa lang, napakahalagang aral nito: Huwag
kayong matakot. Kasama natin ang Diyos. Kakayanin natin ang lahat basta’t kasama natin
ang Diyos. Pero kung hindi tayo naniniwalang
kasama natin ang Diyos at kung talagang hindi na nga natin Siya kasama kasi ayaw
natin sa Kanya, kahit pa tayo gumawa ng isang libong batas para lutasin ang ating
kahirapan, condolence pa rin ang aabutin
natin at hindi congratulations.
Ano pong gusto ninyo,
condolence o congratulations?
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home