19 December 2012

ANG DIYOS ANG PUPUNO


Ika-apat na Misa de Gallo
Lk 1:5-25 (Hkm 13:2-7, 24-25 / Slm 70)

Ika-apat na araw na po ng pagmi-Misa de Gallo natin.  Aminin po ninyo, pahirap nang pahirap gumising.  Hihirap pa po ito sa susunod na mga umaga.  Kung kumpleto tayo noong unang araw, malamang kulang na tayo ngayon.

Pakitingnan n’yo nga po ang katabi ninyo.  Mukha ba siyang kulang-kulang?  Ano sa tingin ninyo ang kulang sa kanya ngayong umagang ito?  Baka po, kulang sa ngiti, batiin ninyo.  Kung kulang sa tulog, pakigising po ninyo.  Meron ba ritong may katabing kulang sa paligo?

Isa sa mga katotohanan ng buhay sa mundo ang karanasan natin ng pagiging kulang, ng pagkukulang, ng kakulangan.  Minsan narininig natin o bukambibig natin mismo ang ganito: “Hanga talaga ako sa taong iyan.  Nasa kanya na ang lahat.”  Pero sa kabila nito, alam po nating walang tao ang kumpletung-kumpleto na.  Kung susuriin nating mabuti, madidiskubre rin natin kung ano ang kulang pa sa kanya, malalaman din natin ang kanyang mga pagkukulang, makikita rin po natin ang kanyang kakulangan.  At di-miminsang nabibigla tayo kapag natatambad sa atin ang kulang sa taong inakala nating kumpleto na.

Sadyang may kulang sa bawat-isa sa atin.  Meron diyan, pagkaganda-ganda, pero kulang naman sa kagandahang-asal.  Merong pagkayaman-yaman, pero salat naman sa kapayapaan.  May ubod nga ng dunong sa paaralan, pero mahina namang dumiskarte sa buhay.  Meron ding pagkaguwapo-guwapo, pero engot naman.  Merong may magagarang mansyon, pero wala namang nakatira roon.  Meron din pong madasalin, pero kulang naman sa pagmamalasakit sa kapwa.  Meron ding tumanda na, pero wala namang pinagkatandaan.  At meron ding talagang mababait, pero sawimpalad sa buhay.

Si Zakarias, na ayon sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, kasama ng kanyang asawang si Elizabeth, ay “kapwa kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, namumuhay nang ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon,” ay maraming kulang sa buhay.  Sa kabila ng kanyang pagkamatuwid, may tatlong mahahalagang kulang sa kanya.

Kulang si Zakarias ng anak.  At malinaw na sinasabi ni San Lukas na hindi si Zakarias ang baog kundi ang asawa niyang si Elizabeth.  Damay lamang siya kaya kulang siya sa anak.  Ngunit sa kabila noon, patuloy niyang inibig si Elizabeth.  “Sila ay matanda na,” sabi sa Ebanghelyo na nagpapahiwatig magkasama silang tumanda.

Ngayong magkakaroon na nga ng anak itong si Zakarias, dahil nagdalantao na nga ang asawa niyang baog, nagkulang naman siya sa pandinig at pagsasalita.  Nabingi siya at napipi dahil daw, ayon pa rin sa Ebanghelyo, hindi siya naniwala sa mga sinabi sa kanya ng Anghel Gabriel na matutupad pagdating ng takdang panahon.  Ang kakulangang ito ni Zakarias ay sanhi ng kahirapan niyang makipagtalastasan sa iba.  Kaya nga noong naisilang na ang kanilang anak at tutuliin na ito, kinailangan pang isulat ng mga tao ang tanong nila kay Zakarias kung anong pangalan ang nais niyang ibigay sa kanyang anak, at isinulat din naman ni Zakarias ang kanyang sagot.  Hindi siya makarinig.  Hindi rin makapagsalita.  At para sa isang saserdote sa Templo, napakahirap ang kakulangan sa pandinig at pagsasalita.  Paano ka mangangaral ng Salita ng Diyos?  Paano mo pamumunuan ang bayan ng Diyos sa pananalangin?

Kaya umuwi si Zakarias na kulang ang liturhiya.  Paglabas niya mula sa Kabanal-banalang Dako ng Templo, hindi na siya makapagsalita.  Walang bendisyon ang pagsambang sa Templo nang araw na iyon.  Hindi tapos ang liturhiya ni Zakarias.

Kulang sa anak, kulang sa pandinig at pagsasalita, at kulang sa liturhiya – ito ang tatlong kakulangan ni Zakarias kahit wala siyang pagkukulang kahit kanino.  Maliban sa kanyang pag-aalinlangan sa ibinalita ng anghel sa kanya, pinatototohanan ng simula ng Ebanghelyo ngayong araw na ito na sila ng kanyang asawa ay kalugud-lugod sa Diyos at mapagtalima sa Panginoon.

Pero, hindi naman po nanatiling kulang si Zakarias.  Nagka-anak nga po siya: si Juan Bautista.  Nakarinig at nakapagsalita naman siyang muli nang maganap na ang mga bagay na ibinalita sa kanya ng anghel.  At, sa Ebanghelyo ayon kay San Lukas, na pinaghanguan natin ng kuwento ni Zakarias, nabigyang wakas din naman po ang sinimulang liturhiya; ngunit hindi na si Zakarias ang nagtapos kundi si Jesus nang basbasan Niya ang Kanyang mga alagad bago Siya napailanglang sa langit (Tg. Lk 24:51).

Ang Diyos ang nagkaloob ng anak kay Zakarias at Elizabeth.  Ang Diyos ang humirang sa anak nilang ito na maging “tinig sa ilang”, ayon sa hula ni Propeta Isaias (Tg. 40:3), para ihanda ang bayan sa pagsapit ng Mesiyas.  Ang Diyos din naman ang nagtapos ng liturhiyang hindi natapos ni Zakarias.  Ang Diyos ang nagpuno sa kakulangan ni Zakarias kung paanong ang Diyos din, ayon sa mga huling pangungusap ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, ang lumingap kay Elizabeth at nag-alis ng kanyang kadustaan sa harapan ng mga tao.

Napakahalaga pong paalala sa atin ang baunin sana natin pagkatapos ng Misang ito.  Hindi tayo pinababayaan ng Diyos.  Mahal na mahal Niya tayo.  Sa ating mga kakulangan, Siya po ang ating kapunuan.  Kung ano mang kulang sa atin, ang Diyos ang nagpupuno.  At maging sa ating mga pagkukulang, handog Niya lagi ay kapatawaran.

Maniwala tayo sa sinabi ni Sta. Teresa ng Avila:

Nada te turbe,
nada te espante;
todo se pasa,
Dios no se muda.
La paciencia todo lo alcanza.
Quien a Dios tiene nada l falta
solo Dios basta.

Let nothing disturb you,
let nothing distress you;
while all things fade away,
God is unchanging.
Patience overcomes everything.
With God in your heart,
nothing is lacking.
God alone suffices.

Huwag mong hayaang sa iyo ay may gumambala,
Huwag mong hayaang sa iyo ay may bumalisa;
samantalang ang lahat ay nagalalaho,
ang Diyos ay hindi nagbabago.
Napagtatagumpayan ng pagtitiyaga ang lahat.
Kung ang Diyos ay nasa puso mo,
sa anuman ay hindi ka magiging salat.
Ang Diyos lamang ang sa iyo ay sumasapat.

Sa araw na ito, sana paglaanan po natin ng kahit ilang sandali ang pagtingin sa ating buhay.  Pasalamatan natin ang Diyos para sa ating kasaganahan at magtiwala tayo sa Kanya para sa ating kakulangan.  Sabi ng isang kantang ni-record namin noong mga seminarista pa kami at ngayo’y popular na popular: “Manalig ka, tuyuin ang luha sa mga mata.  Hindi Siya natutulog, hindi nakakalimot.  Kay Jesus manalig ka.”  Si Jesus ang patunay na hindi hahayaan ng Diyos Ama na manatili tayo sa ating kakulangan at mga pagkukulang.  Pinuno na Niya tayo at patuloy pang pinupuno.  Sa Roma 8:32, sinasabi ni Apostol San Pablo sa atin, “He who did not spare His own Son, but gave Him up for us all – how will He not also, along with Him, graciously give us all things?”  “Siyang hindi ipinagkait ang sarili Niyang Anak, bagkus ay ipinagkaloob Niya Siya para sa ating lahat – paanong hindi Niya malugod na ibibigay sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng Kanyang Anak?”

May mga kulang ba sa buhay mo?  Ang Diyos ang pupuno sa mga kulang sa iyo at Siya rin ang lilingap sa iyo sa kabila ng mga pagkukulang mo.  Manalig ka!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home