15 December 2012

MAGALAK HINDI MABALIW HA!

Unang Misa de Gallo
16 Disyembre
Lk 3:10-18 (So 3:14-18b / Is 12 / Fil 4:4-1)

Welcome po sa inyong lahat!  Simula na ulit ng ating pagmi-Misa de Gallo (pagsi-Simbanggabi).  Welcome-in natin ang masayang panahong ito sa pagbibigay ng masaganang palakpakan sa Panginoon!

Biro ninyo, nakaabot tayong muli sa isa pang pagmi-Misa de Gallo (pagsi-Simbanggabi).  Sabihin po nating malakas: “Salamat sa Diyos!”

Welcome po ulit sa inyong lahat.  At mas lalong welcome iyong mga tuwing Misa de Gallo lang (Simbanggabi lang) nagsisimba.  Miss na miss po naming kayo!  Sana, magsimba na sila tuwing Linggo, hindi lang kapag Misa de Gallo (Simbanggabi) o Pasko.  Hindi po araw ng pangilin ang mga araw ng Misa de Gallo (Simbanggabi) pero araw po ng pangilin ang lahat ng araw ng Linggo.

Batiin n’yo po ang mga katabi ninyo ngayon at sabihin ng may matamis na ngiti: “Welcome, kapatid!  Huwag kang a-absent ha!  Kumpletuhin natin ang Misa de Gallo (Simbanggabi).”

Iyon nga po, ang welcome ko sa inyo ay hindi lang para ngayong unang Misa de Gallo (Simbanggabi).  Ang welcome ko po sa inyo ay para na sa buong Misa de Gallo (Simbanggabi) kasi inaasahan kong kukumpletuhin ninyo talaga ang siyam na madaling-araw na (gabing) ito.  Ang Misa de Gallo (Simbanggabi) po ay isang nobenaryo, kaya binubuo po ito ng siyam na Misa.  Nakakatuwa po, kasi sa ating pagmi-Misa de Gallo (pagsi-Simbanggabi) parang sinasamahan natin ang Mahal na Inang Maria sa siyam na buwang pagdadalantao niya kay Jesus.  Ang bawat araw ng ating pagsisimba ay parang katumbas ng isang buwan ni Jesus sa sinapupunan ni Maria.  Ayaw nating maging pre-mature si Jesus, ayaw nating maging kulang-kulang Siya sa buwan, kaya kumpletuhin natin ang Misa de Gallo (Simbanggabi).  Sabihin sa katabi: “Uy, bawal um-absent ha!”

At pagkatapos ng siyam na pagmi-Misa de Gallo (pagsi-Simbanggabi), patuloy nating sasamahan ang Mahal na Inang Maria sa kanyang pagsisilang kay Jesus.  Sa tabi tayo ng ating mahal na patron, si San Jose Manggagawa, na kumalinga sa kanilang dalawa.  Pagsapit ng araw na iyon, si Jesus naman ang we-welcome-in natin at patutuluyin sa ating puso, sa ating buhay.

Alam po ninyo, ang ating unang Misa de Gallo (Simbanggabi) ngayong taong ito ay higit na pinatitingkad ng araw na ito kasi ngayon ay Linggo ng Gaudete.  Magalak daw tayo, sabi ng mga pagbasa.  Nagagalak ba kayo?  Masaya ba kayo?  Mapayapa ba kayo?

Ang “galak” sa wikang Latin ay gaudium at ang anyong pandiwa nito ay gaudare na ang kahulugan ay “magalak”.  Ang ibig sabihin po ng gaudete ay “magalak ka”.  Ang gaudete ay pandiwang pautos.  Inuutusan tayo ng Salita ng Diyos: “Magalak kayo!  Gaudete in Domino semper!  Magalak kayong lagi sa Panginoon.!”

Kaya, pakisabi n’yo nga po sa katabi ninyo, “Uy, magalak ka daw!”  Tapos, utusan n’yo po, “Ngumiti ka!  Bawal ang nakasimangot dito.  Hala, ngiti!”   Ngumiti po ba siya?

Ang hirap ngumiti kapag inuutusan kang ngumiti, ano?  Hindi kasi dapat iniuutos ang pagngiti.  Dapat kinukusa ito.  Natural ang pagngiti para sa taong masaya.  Tingnan n’yo nga po ang katabi ninyo kung masaya siya talaga.  Nakasimangot ba siya o nakangiti?  Baka kaya nakasimangkot kasi hindi mo nginingitian.

Ang ngiti, hindi nga puwedeng iutos, pero nakakahawa, hindi ba?  Ganyan po talaga kasi ang tunay na kagalakan.  Nakakahawa!  Kapag mag-isa kang naglululundag diyan sa kaligayahan, malamang hindi ‘yan kagalakan; baka kabaliwan.  Sinu-sino ang mga baliw dito?  Hala, sige magsilundag kayo!

Kaya rin naman po, dapat ibinabahagi nating kapwa ang kagalakang meron tayo.  Ang makasarili pati sa kagalakan, ang ayaw maging maligaya rin ang kapwa, ang nagsasariling tumawa at ngumiti, nababaliw.  Sa katunayan, baliw na nga.

Tingin po ulit sa katabi.  Tanungin: “Masaya ka ba ngayon?  Masaya ka ba talaga sa buhay mo?”  Ano pong sagot?  Tapos, tanungin ulit: “Eh bakit ka masaya?”  Sana, ang sagot ay hindi katulad ng madalas kong marinig sa mga kabataan: “Wala lang.  Basta, masaya lang ako.”  Ay, baliw!

Sinasabi sa atin ng mga pagbasa ngayong umagang (gabing) ito kung bakit tayo dapat masaya.  Hindi lang basta wala kaya tayo masaya.  Nagagalak tayo, ayon sa mga pagbasa natin ngayon dahil ang Panginoon ay malapit sa atin.  Pansinin po ninyo, hindi na dumarating o parating pa lang ang Panginoon.  Sabi ni Propeta Sofonias, “Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos….”  At hindi lang pala tayo ang nagagalak, pati raw mismo ang Panginoon, ayon sa Propeta, ay makikigalak sa ating katuwaan, babaguhin tayo sa Kanyang pag-ibig, at masaya Siyang awit sa laki ng kagalakan.  Nagagalak tayo kasi kasama natin ang Panginoon.  Nagagalak din pala ang Panginoon kasi kasama natin Siya.  Kaya nga po, kapag malayo tayo sa Panginoon, malungkot tayo.

Kaya rin naman, hinihikayat tayo ni San Pablo Apostol na magalak lagi sa Panginoon.  Malinaw po iyon ha, magalak daw tayong lagi, hindi lamang kapag Pasko kundi lagi.  At matutulungan nating maging magalak din ang iba kung susundin natin ang payo niya: ipadama sa lahat ang ating kagandahang-loob, huwag hayaang lamunin ng pagkabalisa sa anumang bagay, at manalangin nang may pasasalamat.  Ang ibinubunga nito, ayon na rin sa Apostol, ay kapayapaang di-malirip na Diyos mismo ang mag-iingat sa ating puso at pag-iisip.  Kaya nga po, kapag wala tayong kagandahang-loob, kapag balisang-balisa tayo sa mga bagay-bagay, at lalo na po kapag hindi tayo nananalangin tapos panay reklamo pa tayo sa halip na laging magpasalamat, malayo sa atin ang kagalakan at sa halip malapit sa atin ang malas.

Tularan natin ang mga taong nagtanong kay Juan Bautista sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Tanong nila, “…ano po ang dapat naming gawin?”  Hindi po ba tanong din natin iyon?  Gusto kong lumigaya, ano ba ang dapat kong gawin?

Maling-mali iyong kanta  na nagsasabing, “Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, humanap ka ng panget at ibigin mong tunay.”  Bakit naman maghahanap ka pa ng panget, eh nagkalat na kaya sila.  Tingin sa katabi. 

Hindi, ang sabi ni Juan Bautista ang dapat nating paniwalaan at gawin: Hanapin ang pagkamatuwid at pagsikapan mong iyon ang gawin.  Ang taong may dalawang baro raw ay dapat ibigay ang isa saw ala.  Ang may pagkain ay dapat magpakain sa nagugutom.  Ang mga maniningil ng buwis ay dapat sumingil lamang ng nararapat.  Ang mga kawal hindi dapat manghuhuthot.  Dapat daw masiyahan sa sahod na pinagtrabahuhan nang patas.  Maaari nating ilapat ang mga sinabing ito ni Juan Bautista sa marami pang mga halimbawa.  Kung gusto nating sumaya, tupdin natin ang mga gawaing ipinagkatiwala sa atin.  Ang mga mag-asawa, igalang ang sagradong kakayahan nilang magkaroon ng anak.  Ang mga nakatatanda dapat maging mabuting halimbawa sa mga nakababata.  Ang mga nakababata dapat naman gumalang, magpasalamat, at sumunod sa mga nakatatanda.  Ang mga magkakapit-bahay dapat magdamayan at magmahalan.  Kung ikaw ay guro, magturo ka, huwag kung anu-ano ang ibinebenta mo.  Kung ikaw ay duktor, ituring mong pasyente at hindi kliyente ang mga maysakit na nagpapagamot sa iyo.  Kung mamamahayag ka sa mass media dapat katotohanan ang ipinahahayag mo nang walang kinikilingan.  Kung ikaw ay lider, maglingkod ka nang tapat at may tunay na pagmamalasakit.  Kung kawani ka sa gobyerno, huwag kang tiwali.  Kung opisyal ka naman, mas lalong huwag kang tiwali.  Marami pa po tayong puwedeng sabihing halimbawa, ngunit ang suma-total ay nasa pamumuhay nang matuwid.  Mamuhay tayong matuwid.  Ibulong nga ninyo sa katabi n’yo, “Uy, mamuhay kang matuwid ha.”  Ang taong hindi namumuhay nang matuwid, iyan, sila po talaga ang mga panget.  Bakit mo sila hahanapin kung gusto mong lumigaya?  Bakit sa kanila ka sasama kung gusto mong lumigaya?  Bakit sila ang tutularan mo kung gusto mong lumigaya?

Ang kaligayahan ay pasya natin.  Hindi ito bunga ng kayamanang materyal o katanyagan o kapangyarihan, at mas lalo rin naman pong wala lang basta masaya tayo.  Pasiya nating lumigaya kasi pasiya nating manampalatayang matibay na kasama natin si Jesus sa lahat ng sandali sa ating buhay at pasiya rin nating isabuhay ang pananampalatayang ito sa pagsisikap nating laging mamuhay nang matuwid.

Welcome-in po natin ang tunay na kagalakan sa ating buhay: walang iba kundi si Jesus mismo.  Gaudete in Domino semper!  Magalak lagi sa Panginoon. Tandaan ha: “lagi” at “sa Panginoon”.  Huwag mabaliw.  Magalak!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home