BAYANG PINILI – BAYANG PUMILI SA DIYOS
Ikadalawampu’t Isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Jn 6:60-69 (Jos 24:1-2a, 15-17, 18b / Slm 33 / Ef 5:21-32)
Ang mga pangunahing tauhan sa sinaunang bahagi ng kasaysayan ng Israel, tulad nila Abraham, Isaac, Jacob, at Moises, ay mga taong lagalag. Kung saan may mainam na pastulan, doon sila naninirahan pansamantala. Wala silang permanenteng tahanan at sa mga tolda lamang sila nakatira. Kaya naman napakahalagang pagbabago sa buhay nila nang magsimula silang manatili sa iisang lugar at magtayo nang mga kongretong bahay para sa kani-kanilang pamilya. Hindi lamang nila kailangang itiklop na nang tuluyan ang kanilang mga tolda; ang kanilang kaseguruhan, na dati ay nakasalalay sa kanilang pagiging kabilang sa isang pamayanang naglalakbay, ay nagsimulang sumentro sa pagkaka-ugat nila sa lupa. Nag-umpisa silang magmay-ari ng mga lupain. Sa gitna ng pagbabagong ito sa kanilang kasaysayan, naroroon si Josue, ang humalili kay Moises bilang pinuno ng Israel – ang Bayang Pinili ng Diyos.
Matapos pumanaw si Moises nang hindi nakapapasok sa Lupang Pangako, ang kanyang pangunahing alagad at chief-of-staff, si Josue, ang nagpatuloy ng pamumuno sa mga Israelita sa kanilang mga digmaan, lalo na laban sa mga taga-Canaan, at nagtawid sa kanila sa Ilog Jordan upang makapasok sa Lupang Pangako. Nang masakop na nila ang Canaan, hinati ni Josue ang Lupang Pangko at binigyan ng kani-kaniyang distrito ang bawat tribo ng Israel. Bayani si Josue para sa mga Israelita.
Sa ating unang pagbasa ngayong Linggong ito, matanda na si Josue at napahinga na rin sa wakas ang Bayang Israel sa mga pakikipagdigmaan. Tinipon niya ang mga lipi ng Israel, sa pangunguna ng matatanda ng bayan, mga pinuno, mga hukom, at mga eskriba, at binigkas niya sa kanila ang kanyang “Mi Ultimo Adios”. Subalit sa kanyang huling pamamaalam, hindi niya ipinaalala sa kanila ang mga tagumpay niya sa digmaan ni hindi niya hiniling sa kanilang pahalagahan ang mga ginawa niya para sa kanila. Sa halip, hinamon niya silang magpasiya kung sino ang kanilang paglilingkuran: ang Diyos ba na ng kanilang mga ninuno o ang mga diyus-diyosan sa lupaing kanila ngayong pinananahanan.
Kahanga-hanga itong si Josue. Nais niyang maalala siya ng kanyang mga kababayan hindi bilang isang magiting na heneral na namuno sa kanila patungong tagumpay kundi bilang isang dakilang propetang humamon sa kanilang magmuling-piliin ang Diyos. Bago pa siya pumanaw sa lupang ibabaw, isa pang digmaan ang kaniyang nais pagtagumpayan. Ang digmaang ito ay hindi nakikita ng mga mata sapagkat ang digmaang ito ay nagaganap sa kalooban ng bawat-tao: ito ang digmaan ng pananampalataya. Bago siya lumisan sa buhay na ito, pinagkalooban ni Josue ang kanyang mga kababayan ang pagkakataong isara ang aklat ng kahapon at magmuling italaga ang kanilang sarili sa Diyos ng Israel.
Sana tulad ni Josue, ipanalo natin ang laban ng Diyos. Sana laging tagumpay ang Diyos sa atin at maging daan tayo ng tagumpay ng Diyos sa buhay ng ating kapwa-tao. Malaon pa, gaya rin Josue, sa halip na ibilanggo natin ang ating kapwa sa kanyang kahapon, tulungan natin siyang lagyan ito ng closure at alalayan siyang makapagpanibago sa kanyang pananalig sa Diyos. O baka tayo naman ang hadlang para makapagsimulang muli ang ating kapwa at magmuling-magtiwala sa Diyos? Panalo ba sa atin ang Diyos o talo?
Sa ating unang pagbasa, pagod na si Josue; matanda na siya at halos nakatitig na sa kanya ang kamatayan. Lubhang maraming dugo na ang nakita niyang dumanak at nasayang para masabi niyang mabuti ang pakikipagdigmaan sa kapwa-tao. Paano pa niya masasabing may nananalo sa digmaan gayong napakarami na niyang nakitang mga bayang nawasak, mga mag-anak na nagkawatak-watak, mga taong walang-awang pinatay? Sa kanyang katandaan, ang kaabalahan ni Josue ay hindi ang iba pang mga lupaing puwede pa sana niyang sakupin kundi ang mga pusong dapat pang pasakop sa Diyos.
Tayo kaya, habang tayo ay tumatanda, ano ang ating kaabalahan? Ano pa ang gusto nating sakupin? Mahalaga ring malaman natin kung ano ang sumasakop sa ating puso. Sa taunang pagtatapos sa Ateneo de Manila University noong 2003, sinabi ng panauhing tagapagsalita, ang butihing namayapang Kalihim Jesse M. Robredo, “Later on in life, you will realize that it is neither your successes nor your conquests that will give you satisfaction. It is your contribution that really matters – paying back what you owe the community that nurtured you.” So, I ask each of us now, what gives us satisfaction as we grow old? When it is our time to go, what can we consider to be our greatest conquest, our contribution to the world? Before we close our eyes so as to open them in eternity, will we be able to say that we have paid back the community that nurtured us? And do we not owe everything from God Himself? Even now, therefore, what do we do to pay Him back and how do we do it?
Dahil sa hamon ni Josue, ang ganda ng nangyari sa Israel: ang Bayang Pinili ng Diyos ay naging Bayang Pumili sa Diyos! Tunay na mabuting pinuno sa pagiging uliran para sa lahat, si Josue ang unang nagpahayag ng kaniyang pasiya: “…ako at ang aking angkan ay sa Panginoon lamang maglilingkod.” Sumagot naman ang bayan: “Wala kaming balak na talikuran ang Panginoon at maglingkod sa mga diyus-diyosan. …kaya’t kami rin a sa Panginoon maglilingkod. Siya ang ating Diyos.”
Sana ganyan din tayo: tayo at sampu ng ating angkan ay sa Panginoon lamang naglilingkod. Pero ganyan nga ba tayo talaga? Ganyan pa ba talaga ang ating mga mag-anak? Talaga bang walang karibal ang Diyos sa buhay natin? Talaga bang hindi pa pinagpapalit ng ating mga pamilya ang Diyos para sa mga makabagong diyus-diyosan tulad ng salapi, kapangyarihan, karangyaan, at iba pang mga iniaalok ng mapanlinlang na mundong ito? Baka hindi na. Samantalahin natin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Salita n Diyos ngayong araw na ito, sagutin po ninyo ako nang malakas: Para kanino kayo – sa Diyos o sa mundo? Ang pamilya po ninyo, para kanino – for the Lord or for the world?
Basahin po ninyong muli at pagnilayan ang ikalawang pagbasa ngayong Linggong ito at kayo na po ang kumilatis kung makikita sa inyong pamilya ang mga katangiang binabanggit ni San Pablo Apostol na dapat na tinataglay ng tunay na para kay Kristo. Ang ating ikalawang pagbasa ay mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso 5:21-32.
Ang ating mga pagpili ay nangangailangan ng pana-panahong pagpapanibago. Kilala natin ang ating sarili. May karupukan tayo at hindi iilan sa atin ang napakadaling magbago ng isip, manlamig, makalimot, at tuluyang tumalikod. Kaya’t tila inaalingawngaw sa atin ng ebanghelyo ngayon ang hamon ni Josue sa kanyang mga kababayan noon. Sa ebanghelyo, malayang pinagpapasiya ni Jesus ang Kanyang mga alagad kung nais nilang manatiling kasama Niya o sumama na rin sa mga tumalikod sa Kanya dahil sa hirap tanggapin ng Kanyang aral. “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa Inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang-hanggan,” sagot ni Simon Pedro sa ngalan ng Labindalawa. Ito rin po ba ang sagot natin kay Jesus? Naniniwala rin ba talaga tayo at ngayo’y natitiyak natin, gaya ng sinabi ni Simon Pedro, na si Jesus ang Banal ng Diyos? Kung “oo” ang sagot natin, ipakita po natin nang malinaw sa ating araw-araw na pamumuhay.
Hindi tulad ng mga pangunahing tauhan sa sinaunang bahagi ng kasaysayan ng ating kaligtasan, may mga permanente na tayong tahanan. Hindi na tayo lagalag sa ilang. Naka-ugat na tayo sa sariling bayan. Ang Diyos may permanente bang tahanan sa ating puso? Naka-ugat ba ang ating pamilya sa Diyos? Tayo ang makabagong Bayang Pinili ng Diyos. Eh, ang Diyos po, pinipili rin ba natin?