AMOY-PATAY?
Ang Salita ng Diyos po ay buhay at nagbibigay-buhay. Ngunit nangangamoy patay ang mga pagbasa natin ngayong Linggong ito. May tatlong patay.
Sa unang pagbasa, tila napakalubha pong karamdaman ang dumapo sa anak na lalaki ng isang babaeng balo. Nauwi mo ito sa kamatayan. At nangyari pa po ito matapos magmagandang-loob ang balong babaeng ito kay Propeta Elias: pinatuloy ang Propeta at, bagamat sa kanilang mag-ina ay kulang na kulang na ang meron sila, pinakain din ang Propeta. Kaawa-awang babae sapagkat bukod sa siya ay balo na, nag-iisang anak na lalaki n’ya po itong pumanaw. Walang-wala na siya talaga. Naglibing na nga siya ng asawa at ngayong nama’y maglilibing siya ng kaisa-isang anak. Walang-wala na nga siya.
Subalit sadya pong may pagkiling ang puso ng Diyos sab mga walang-wala na ngunit patuloy na nakakapit sa Kanya. Sabi sa unang pagbasa, hindi po pinahintulot ng Diyos na mauwi sa paglilibing ang kamatayang ito. Bagkus, sa pakiusap ni Propeta Elias sa Diyos, ang binawian ng buhay ay binuhay muli. Sinagip ng babaeng balo si Propeta Elias sa matinding gutom at binawi naman po ng Diyos ang anak nito sa kamatayan. Tunay nga, sinusuklian ng Diyos ang kabutihang-loob natin sa ating kapwa. At madalas labis-labis pa ang pagsukli Niya sa paraang Siya lamang ang nakagagawa.
Ngunit kung sa unang pagbasa ay hindi natuloy ang libing, ang Ebanghelyo naman po natin ngayon ay naganap sa palilibing. Isa na naman pong babaeng balo; isa ring anak na lalaki. Isa pang ina; isa pang pumanaw na anak na lalaki. Hindi na isinama sa kuwento ang paghahanda o paglalamay, nagpuprusisyon na po patungong libingan. Hindi po mahirap isiping kinakaladkad na lamang ng ina ang kanyang mga paa: hindi dapat naglilibing ng anak ang magulang. Malamang po, madilim ang kanyang isipan, pinagtakluban siya ng langit at lupa sapagkat isa-isang nawala ang tanglaw sa kanyang buhay: una ang asawa ngayon naman ang kaisa-isa niyang anak na lalaki. Wala siyang siyang imik – walang binabanggit sa Ebanghelyo – ngunit ang mga luha po niya ang malakas na nangungusap. Marami nga raw pong nakikipaglibing, sabi ni San Lukas, pero tila hindi niya ito pansin. Baka hindi rin po ito pansin ng mga nakapaligid sa kanya. Ngunit hindi si Jesus na bagamat hindi nakikipaglibing kundi nakasalubong lang ay lubhang nahabag sa pagkakakita sa kanyang pighati.
Isa pang lakaki ang tila patay na: si Saul. Namuhay siya, ika niya, sa kadiiliman. Binulag daw po siya ng kanyang kasidhian sa pagtupad sa Judaismo. Inakala raw po niyang kaaway ng Diyos ang mga alagad ni Jesus; kaya naman wala siyang kapaguran sa pag-usig sa kanila. Binulag siya ng kanyang pagiging fanatiko. Hindi po katakataka na nang salubungin siya ng Liwanag na si Jesukristo sa daan patungong Damascus, pinaliwanag sa Nito sa kanya ang kanyang kabulagan. Nabuwal siya sa kanyang sinasakyang kabayo at, dahil nabulag na nga siya nang tuluyan, kinailangan po niya ang tulong ng iba upang makatayong muli at talagang makakita. At sa kanyang bagong buhay ay bagong pangalan: Pablo. Sa kanyang baong paningin ay bagong misyon: dalhin ang Liwanag na si Kristo Jesus sa lahat ng sulok ng mundo. Mula sa kamatayang espirituwal, hinango si Pablo ng Salita ng Diyos para sa Salita ng Diyos.
Tayo po, awa ng Diyos, buhay na buhay: humihinga pa at ang puso ay tumitibok. Pero posible pong amoy-patay na tayo. Kung tutoo pong seryoso tayo s pagsunod kay Jesus, kailangan natin laging usisain ang ating sarili at tingnan kung saan nagmumula sa ating pamumuhay ang amoy-patay? Baka meron nga pong unti-unti nang namamatay sa dati nating buhay na buhay na pagiging Kristiyano. O baka talagang patay na ng ating pagtulad kay Jesus; anupa’t kumikilos na lang tayo na parang zombies sa pagtupad natin sa ating tinanggap na binyag.
Zombie ba ako? Ang lahat po ng patay dapat inililibing. Dapat na ba akong ilibing? At kung ang aking pagiging Kristiyano ay inilibing, sino ang mga kaawa-awang mauulila ko? Pero kung mistula akong zombie sa pagsasabuhay ng pananampalataya ko, malamang marami akong mabibiktima at mahahawa sa pagiging zombie ko.
Tinatawag po tayong lahat ng Salita ng Diyos. Nais po Niya tayong haplusin at hingahang muli. Gusto Niya tayong buhaying magmuli. Hangad Niya pong pagkalooban tayo ng bagong buhay, bagong paningin at pagtingin, bagong misyon na higit na nakaayon sa kalooban ng Diyos.
Si Jesus po ang Salita ng Diyos. Siya nga po ang Salita ng Buhay. Si Jesus mismo ang buhay. Ito po ang ipinagdiriwang natin sa Banal na Eukaristiya. Siya nga po ang tinatanggap natin bilang pagkain sa Santa Misa. Si Jesus – ang ating buhay.
Kitang-kita po sa Ebanghelyong binasa natin ngayon na si Jesus ay apektado ng ating pagdadalamhati. Kung talagang maglalaan lang tayo ng panahong tumigil sa napakabilis nating pamumuhay, manahimik sa napakaingay nating mundo, at mag-isa sa napakagulo nating kapaligiran para pakiramdaman ang presensya ni Jesus sa ating buhay, mararanasan po natin ang haplos ni Jesus na nagsasabi sa atin, “Anak, bumangon ka!” Kay Jesus nakikita natin na hinahayaan ng Diyos maapektuhan Siya ng anumang pinagdaraanan natin. Kay Jesus nararanasan natin ang Diyos na nagpapaapekto sa atin. Kay Jesus binubuhay tayo ng Diyos nang muli’t muli.
Apektado po ang Panginoon ng mga pinagdaraanan natin sa buhay at apektado rin naman tayo ng nagbibigay-buhay na pag-ibig ng Panginoon. Ang nagbibigay-buhay na pag-ibig na ito ay dapat pong umudyok sa ating gawing nakapagbibigay-buhay din ang pag-ibig natin sa ating kapwa. Matapos siyang pagkalooban ng Diyos ng bagong buhay at bagong misyon, nasabi ni Apostol San Pablo: Caritas Christi urget nos! (2 Cor 5:14). "The love of Christ impells us!"
Laging apektado ang Panginoon ng anumang nangyayari sa atin; sana po, lagi rin tayong apektado ng Panginoon para maapektuhan din tayo ng mga pinagdaraanan ng kapwa-tao natin at, sa awa ng Diyos, maapektuhan naman natin sila ng buhay na tinanggap natin kay Kristo. Sa pamamagitan ng ating pag-ibig na nagbibigay-buhay, mabatid po nawa ng ating kapwa – lalo na po yaong mga agaw-buhay at nawawalan na ng pag-asa sa buhay – na patuloy silang nililingap ng Diyos. Harinawa, maging mga propeta rin po tayo ng buhay, sapagkat, sa ating panahon, meron pa rin mga babaeng balo ng Zarephath. Sana po, maging mga tanglaw din tayo ng Diyos, sapagkat sa mga madilim na suluk-sulok ng mundong ito ay may Saulo pa ring naghihintay na maging Pablo. At higit sa lahat, talagang pagsikapan po sana nating tumulad kay Jesus, sapagkat napakarami pang mga babaeng balo ang naglilibing ng kanilang kaisa-isang anak na lalaki sa Naim at sa iba’t ibang puntod ng buhay.