MERON AKONG PANAGINIP: ANG KUWENTO KO
Ikapitong na Misa de Gallo
Mt 1:18-24 (Is
7:10-14 / Slm 23 / Rom 1:1-7)
Good morning! Gising na ba kayo? Napagod po ba kayo sa biyahe natin
kahapon? 144.7 kilometro – biro ninyo,
nilakad natin, kasama ni Marya. At
ngayon, nandito na po tayo kina Zabeth para, kasama ni Marya, damayan
siya. Awa ng Diyos, maliban sa
napakahiwagang pagbubuntis ni Zabeth, mukha naman pong normal ang lahat. Malapit na siyang magsilang! Excited na ba kayo? Iyon nga lang, pipi at bingi pa rin itong si
Zekarias. Sana gumaling na siya; ang
hirap pong makipag-usap sa pipi at bingi eh.
Pero mas mahirap po ang makipag-usap sa nagbibingi-bingihan, hindi
ba? Mas mahirap maintindihan ang
nagpipipi-pipihan.
Teka lang po. Parang may nakakalimutan tayo. Parang may naiwan po tayo sa Nazareth. Meron nga po: si Jose! Naku, ang layo-layo pa naman ng Nazareth
dito. Naiwan po natin si Jose…natutulog…na
naman! O, huwag n’yo pong iisiping tamad
si Jose ha. Hindi po siya tamad, pagod
lang siguro. Napakasipag niyang
karpintero.
Ano, balikan po ba natin si Jose? Babaybayin po ba natin ulit ang 144.7
kilometro pabalik sa Nazareth para sunduin si Jose? Huwag na po.
Nakapagpaalam naman si Marya kay Jose.
Si Marya po ang may gustong makapag-isa silang dalawa para
makapag-isp-isip. Alam n’yo naman po ang
krisis nila, hindi ba?
Bago pa tayo umalis ng Nazareth,
nakahalata na po si Jose na buntis si Marya.
Eh nakatakda pa naman po silang ikasal.
Naku po, patay kang Bata ka!
Hindi lang po iyong Bata, pati ang ina – patay kung susundin ni Jose ang
batas nila. Iniuutos po kasi ng batas na
ang mga babaeng ang ipinagdadalantao ay hindi sa kanilang asawa ay dapat
kaladkarin patunong liwasang-bayan at pagbabatuhin hanggang mamatay. At taong matuwid po itong si Jose:
ibig-sabihin, diretso ang pamumuhay dahil masunurin sa batas. Eh kaso, sa pagkakataong ito, hirap na hirap
po si Jose na sundin ang batas hindi lamang dahil mahal na mahal niya si Marya
kundi dahil rin sa napakalaki niyang takot sa Diyos.
Mabuti pa po si Jose, ano? May takot pa sa Diyos. Ilan pa po kaya rito ang may takot sa
Diyos? Hindi po iyong mapang-aliping
takot ha, kundi ‘yung takot na nararapat sa isang anak para sa kanyang
magulang. Kayo po, may ganyang takot pa
ba kayo? Ang mga kabataan natin, may
takot pa bang ganyan?
Minsan
nakarinig po ako, sumisigaw ang kapitbahay, “Kahit pa sinong iharap mo sa akin,
hindi ko uurungan! Wala akong
kinatatakutan!” Dito lang nga po sa
tapat ng simbahan natin, halimbawa, halos mapaaway na ang mga naging sacristan
mayor natin kasi kapag may Misa nilalagyan nila ng harang ang kalye para wala
munang magdaang mga sasakyan. Paano po
ba naman, minsan parang sinasadya talaga, lalo na ng mga naka-motor, kung kelan
nasa harap sila ng simbahan, habang nagmi-Misa tayo, tsaka sila
humaharurot. Eh ang damirami naman pong
kalyeng puwedeng daanan. Balita ko nga
po, itong kalye sa likod ng ating simbahan ginawang one-way eh. O, puwede naman palang ganun eh. Noong kamakalawa nga raw po, bago magsimula ang
Simbanggabi nang alas-otso nang gabi, nakaayos na ang mga upuan sa tapat ng
simbahan, inalis daw po ng tsuper ng isang kotseng gustong dumaan. Okay, hindi po naman natin pagmamay-ari ang
kalye, di ba? Pero pagkaraan niya, basta
na lang nagpatuloy sa biyahe, hindi na ibinalik sa ayos ang mga silya. Madalas pong mapagalitan ang mga staff natin
ng mga nagpupumilit dumaan.
Nakakapangilabot pa nga ang sabi ng ilan sa kanila: “Walang Misa-Misa sa
akin.” Iyong isa pa nga po pulis
eh. Kahit respeto sa Banal na Misa, wala
na yata. Pagharap po nila sa Diyos,
masasabi pa kaya nila sa Diyos, “Hindi kita kinatatakutan!”
Pero, ito po ang sasabihin ko sa inyo,
ang problema ni Jose ay hindi lang ang malupit na hinihingi ng batas na gawin
niya kay Marya. Mas pinoproblema po ni
Jose ang hindi niya maubos-isiping magiging amain siya ng Anak ng Diyos. Siya ang tatayong ama sa Itinakda. Sa kanyang matututunan ng Itinakda hindi
lamang ang magpakalalaki kundi, higit sa lahat, ang pagpapakatao. Paano nga po ba magpalaki ng Diyos? Ano ang dapat mong gawin? Ano ang kailangan mong sabihin? Ano pa ang maituturo mo sa Anak ng
Diyos? Alam po ni Jose na hindi lang si
Marya ang tinatanggap niya sakaling ituloy ang kasal nila. Aakuin din niya ang ipinagdadalantao ni Marya,
ang Itinakda, ang Anak ng Diyos mismo.
Wow! Bukod sa tanong kung
karapatdapat ba siya, natindi ang pakikipagtungali ni Jose sa takot na baka
hindi niya iyon kaya.
Ilang araw na ring ganyan si Jose,
kaya po siguro nakatulog sa sobrang pagod.
Kayo, pagod ba kayo? Bakit po
kayo pagod? Anong pinagpapaguran
ninyo? Sa ano po ninyo ibinubuhos ang
lakas at panahon ninyo? Sa ano po ninyo
inuubos ang maghapon ninyo? Saan
napupunta ang buhay n’yo? Kung lagi
kayong pagod, bakit? Kung lagi kayong
inaantok, bakit? Bakit po kayo tulog?
Minsan inihambing po ni Pope Benedict
XVI ang pagtulog sa pagpanaw ng tao. Ang
pagtulog daw po ay parang pagpanaw.
Kapag natutulog tayo para tayong namamatay. Di ba sabi pa nga natin, pagsilip natin sa
kabaong, “Ay, ang ganda naman n’ya, parang natutulog lang.” Pero yung iba riyan ha, natutulog lang pero
mukhang patay na. Ang paliwanag po ni
Pope Benedict XVI, kapag natutulog daw po tayo isinusuko natin sarili sa
kawalang-malay. Tama po, hindi ba? May natutulog bang may malay? Nagtutulug-tulugan lang ‘yon! Kahit po mababaw lang ang tulog,
pasulpot-sulpot lang ang malay. Kapag
hindi po natin isinuko ang sarili sa kawalang-malay, insomniac ang labas nating lahat.
Ganun din daw po sa ating pagpanaw: kailangan ng pagsuko. Ang kamatayan nga raw po ang pinakamatinding
pagsuko natin. O, ayan, ang mga may
problema sa pagtulog, isa lang po ang gamot d’yan: sumuko.
Alam n’yo, ang ganda-ganda po ng bahaging
ito ng kuwento ko. Nang isuko ni Jose
ang sarili sa kawalang-malay, naisuko niya ang kanyang kamalayan sa kalooban ng
Diyos. Naliwanagan si Jose sa mga
bagay-bagay at nagkaroon siya ng kailangang lakas upang gawin ang tama. Hindi si Marya ang isinuko ni Jose. Ang sarili niya ang kanyang isinuko. Hindi sa di-makatuwirang batas siya
sumuko. Sa Diyos sumuko si Jose. Sana, tularan po natin siya: sumuko po tayo
sa Diyos. Huwag po tayong matakot, walang nagtaya sa Diyos na nalugi.
Natitiyak ko po, pagbalik natin nila
Marya sa Nazareth, gising na si Jose, may bagong kasiglahan, at malalim na
kapayapaan. Pero hindi pa po tayo uuwi
ngayon ha. Dito pa po tayo sa Ein Kerem,
sa bahay nila Zakarias at Elizabeth.
Sasamahan pa rin po natin si Marya hanggang magpasiya siyang bumalik na
kay Jose. Mukhang manganganak na po
itong si Zabeth eh: humihilab na ang tiyan.
Palagay ko po may isisilang bukas at may muling bubukas na lalamunan at
tainga pag nagkataon!
Ngayong araw na ito, hindi po ito ang kuwento
ko. Ito po ang panaginip ko. Ang panaginip ko po ang kuwento ko sa inyo. Sana, matupad.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home