BAKA MASULOT!
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Mt 3:1-12 (Is 11:1-10
/ Slm 71 / Rom 15:4-9)
“Love,” sabi ng nobyo sa kanyang
nobya, “pupunta ako ng Maynila.
Matagal-tagal din akong mawawala.”
“Huh?
Bakit?” tanong ng nobya.
“Doon na kasi ako mag-aaral,” sagot ng
nobyo.
“Gaano katagal ka roon?” tanong ulit
ng nobya.
“Mga limang taon hanggang anim,” sagot
ulit ng nobyo.
“Hala, ang tagal naman!” sabi ng
nobya. “Bakit ang tagal?”
“Kasi nga mag-aaral ako roon. Kukuha ako ng engineering.” sagot ng nobyo.
“Naku naman, ang layu-layo ng
Maynila. Tapos ang tagal-tagal pa. Baka makalimutan mo na ako,” sabi ng nobya.
“Hindi, Love,” sabi ng nobyo. “Hindi kita kalilimutan. Promise.
Sa katunayan, araw-araw kitang susulatan.”
“Talaga?” paninigurado ng nobya.
“Oo, Love, araw-araw akong susulat sa
iyo para patunayan sa iyong hindi kita nakalilimutan,” sagot ng nobyo.
“O, sige,” sabi ng nobya. “Basta ha araw-araw kang susulat. Araw-araw kong hihintayin ang sulat mo.”
“Yes, Love,” sabi ng nobyo.
At umalis ang binata patungong Maynila
para roon mag-aral ng pagiging engineer. Tinupad niya ang pangako niya sa nobya:
araw-araw nga niya itong pinadalhan ng love
letter. Araw-araw din namang
hinintay ng dalaga ang kartero at sabik na sabik sa sulat ng nobyo.
Lumipas ang mga taon at nang
maghahalos anim na taon na ay pauwi na ang binata. Tapos na siyang mag-aral at, sa wakas, isa na
siyang engineer. Pakakasalan na niya ang
nobya. Pero laking gulat niya pagdating
niya sa kanila. Kinasal na pala ang
dalaga! Sa kartero ng mga love letters niya.
Ano po ang ipamamagat ninyo sa
kuwentong ito? “Ang Sinulot”, “Ang
Sinulutan”, “Ang Nasulot”, “Ang Panunulot”, “Ang Sulutan”, “Ang Nagpasulot” o
“Kapag Minalas Ka Nga Naman at Nasulot”?
Maaari pong natatawa tayo, pero hindi ba ganyang-ganyan ang ginagawa
natin kay Jesus kapag tinatanggal natin Siya sa mga maabalang paghahanda natin
para sa Pasko?
Nariyan
ang nasusulutan Siya ni Santa Claus. Ang
Pasko ay hindi po tungkol kay Santa Claus.
Hindi po birthday ni Santa Claus ang Pasko. Hindi po si Santa Claus ang dumating noong
unang Pasko. Eh bakit si Santa Claus ang
hinihintay ng maraming bata? Tinuruan po
kasi natin sila. Kung tinuruan nga natin
ang mga bata na si Santa Claus ang hintayin sa Pasko, iwasto po natin ang
maling itinuro natin. Hintayin si
Jesus. Birthday po ni Jesus ang
Pasko. Si Jesus po ang dumating noong
unang Pasko. Kaya paghandaan po natin si
Jesus.
Ang
mga nakatatanda naman, kung sinu-sino at kung anu-ano ang hinihintay at
pinaghahandaan para sa Pasko. Ang mga
may puwesto sa mall: malaking benta. Ang
mga empleyado: bonus. Ang mga
estudyante: bakasyon. Ang mga may
kamag-anak na ibang bansa: balikbayan (at…balikbayan boxes!). Ang mga kabataan:
Simbanggabi. Ayos na sanang Simbanggabi
ang inaabangan eh, kaso marami rin sa mga kabataan ginagawang date ang pagsisimbanggabi. Sana kung date
with the Lord, kaso date with one
another kaya kung anu-anong milagro ang nangyayari sa tabi-tabi riyan.
Huwag
po nating hayaang masulutan si Jesus. Si
Jesus ang dahilan ng Pasko. Siya po ang
nagpapadala sa atin ng love letter. Ang lahat ng mga palamuti, mga kaugalian, at
mga tao – tutoo man o kathang-isip lang – ay mga kartero lang. Hindi po sila ang dapat nating pakasalan. Si Jesus.
Ngayong
ikalawang Linggo ng Adbiyento, ipinakikilala po sa atin ng Ebanghelyo ang
dakilang kartero ni Kristo: si Juan Bautista. Napakalinaw po kay Juan ng papel niya sa kuwento
ng Adbiyento at Pasko: hindi siya ang bida, supporting
actor po siya; hindi po siya ang nobyo, siya nga ang kartero. Halimbawa po siya sa atin ng pananatili sa tamang
lugar. Hindi po siya mahilig mang-agaw ng
eksena. Tularan po sana natin lagi hindi
lamang ang tapang ni Juan Bautista kundi pati rin ang kanyang kapakumbabaan. “…ang dumarating na kasunod ko,” wika ni Juan,
“makapangyarihan kaysa akin, hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng Kanyang panyapak.”
Maliwanag po tagadala lang siya ng love letter hindi po tagadala ng panyapak
ng nobyo.
Siya po ang unang naghahatid sa atin ng love letter ni Jesus na nagsasabing malapit nang dumating si
Jesus. Kaya naman po ang panawagan ni
Juan Bautista sa lahat ay maghanda. Ang
paghahandang ito ay sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga kasalanan at
pagbabalik-loob sa Diyos. Noong panahon
po ni Juan Bautista, ang tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob na ito ay ang
pagpapabinyag sa kanya. Para sa atin
naman po ay pangungumpisal. Subalit
mariin po ang isa pang paalala ni Juan Bautista sa lahat: “Ipakilala ninyo sa
pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y nagsisisi.”
Tama,
mangumpisal nga po tayo at tanggapin ang kapatawaran ng Diyos upang kung
paanong nililinis natin ang bahay natin kapag may darating na napakahalagang
bisita ay malinis din natin ang buhay natin para patuluyin si Jesus na hindi
lamang bumibisita kundi nananahan sa atin.
Pero hindi po dapat matapos lamang sa pagsisisi ang ating
pagbabalik-loob sa Diyos at mauwi lamang sa ritwal ang ating paghingi ng tawad
sa Kanya. Kailangang makita ng Diyos sa
ating pamumuhay na iwinawasto natin ang minali ng ating pagkakasala,
pinagsisikapang buuing muli ang winasak ng ating pagkakamali, at tapat tayo sa
pangako nating magbabagong-buhay na.
“Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y
nagsisisi,” wika ni Juan Bautista, ang dakilang kartero ni Kristo.
Ngayon,
maaari po nating sabihin kay Juan, “Kartero ka lang. Hindi ikaw ang nagpadala ng love letter, tagapagdala ka lang. Manahimik ka nga riyan!” Ang problema po, ang nakababagabag na
isinisigaw ni Juan Bautista sa ilang ang siyang nilalaman ng love letter ni Jesus sa atin
ngayon. Hinihingi ng love letter ni Jesus sa atin na
paghandaang tutoo ang Kanyang pagdating.
Darating na Siya – malapit na! – kaya dapat po nating ihanda ang ating
sarili para sa Kanya. Paghandaan natin
Siya. Kung talagang mahal natin si
Jesus, pananabikan po natin Siya tulad ng pananabik sa pagdating ng isang
minamahal. Kung talaga naman pong
pinananabikan natin Siya, ihahanda natin ang ating sarili gaya ng paghahanda sa
pakikipagkita sa isang minamahal.
Period.
Samantalang
pumapasok tayo sa linggong magdadala sa atin sa kalagitnaan ng Adbiyento, higit
po nating ituon ang ating pansin kay Jesus. Pakinggan po natin ang mga kartero Niya sa buhay
natin. Pero huwag po tayong ma-in love sa kartero ha. Manatili tayong in loved kay Jesus. Patunayan
po natin ang love na ‘yan hindi lang sa
salita kundi pati rin sa gawa. Huwag na pong
magpalusot, baka pa masulot!
1 Comments:
Nice reflection father. . . Thank you so much. God bless you.
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home