19 December 2013

MERON AKONG KUWENTO: ANG KULANG

Ika-apat na Misa de Gallo
Lk 1:5-25 (Hkm 13:2-7, 24-25 at Slm 70)


Good morning po!  Gising pa po ba kayo?  Apat na araw na po tayong puyat.  Palagay ko po nagsisimula na tayong mabawasan.  Siguro marami na pong wala, absent, hindi na nagising nang maaga para mag-Misa de Gallo ngayon.  Kulang na po tayo.

Ginigising po tayo ngayong umagang ito ng isang kakulangan.  May kulang.  May kulang na po sa atin.  Maaaring wala na o wala pa ang ibang mga kasama nating nagsimula ng Misa de Gallo noong nakaraang Lunes.  Kulang na po tayo.

May kulang din po sa dalawang pagbasa natin sa Misang ito.  At ito po ang kuwento ko sa inyo ngayong umagang ito.  Meron akong ano?  Meron akong kuwento.  May kulang po sa kuwento ko, pero hindi kulang ang kuwento ko.  Gets n’yo?  Opo, hindi kulang ang kuwento ko pero may kulang sa kuwento ko.  Nalito po ba kayo?  Ah, ganito na lang po, ikukuwento ko na lang sa inyo.

Noong Martes, pinag-usapan po natin ang ilang babae sa buhay ng Bida ng kuwento ko.  Ngayong umagang ito naman po, pag-usapan natin ang dalawang lalaking bahagi rin ng kuwento ko.  Sila po si Manoah at Zekarias.  May malaking kuang po sa buhay nilang dalawa.  Kapwa sila nakapag-asawa ng mga baog.  Kaya kahit anuman pong gawin nila Manoah at Zekarias, hindi sila mabigyan ng kahit isang anak ng kani-kanilang misis.

Alam po ninyo, noong panahon nila Manoah at Zekarias, malaking kahihiyan ang walang-anak.  Inaakala po ng marami na pinarurusahan ka ng Diyos kapag hindi ka magka-anak-anak.  Iyan po ay maling akala.  Ganun pa man, mababa ang tingin ng mga tao sa mga mag-asawang hindi magka-anak-anak.  Iniisip po nila na may malaking kasalanan ang mga mag-asawang gayun kung kaya’t minamalas o isinumpa ang kanilang pagsasama.  Kasi po kapag ang mag-asawa ay walang anak, lalo na kung walang anak na lalaki, wala po silang ambag sa ikadadali ng pagdating ng Mesiyas.  Ang kabaliktaran naman po niyon ay malaking karangalan.  Laging malaking kagalakan ang pagkakaroon ng anak.  Ganito pa rin po ba ngayon?

Gusto ko pong linawain, hindi si Manoah at Zekarias ang mga baog; ang mga misis nila.  At ito pa nga pong misis ni Zekarias, na Elizabeth ang pangalan, ay ketanda-tanda na.  Ah, nga pala po, itong si Elizabeth ay pinsan ni Mariang ina ng Itinakda; kung kaya’t si Zekarias at Elizabeth ay tiyo at tiya ng Itinakda.  Pero, tingnan ninyo ha, kahit mga kamag-anak po sila ng Itinakda, dumaan din sila sa matinding pagsubok at kahihiyan.  Walang kama-kamag-anak.  Walang kai-kaibigan.  Pananampalataya ng lahat ay sinusubukan.

Bueno, alam n’yo po, sa tingin ko, nadamay lang naman po talaga itong sina Manoah at Zekarias eh.  Nadamay sila sa kakulangan ng kanilang mga asawa.  Walang maibunga ang sinapupunan ng kanilang mga asawa kaya’t para tuloy kulang ang pagkalalaki nitong si Manoah at Zekarias.  Mabuti na lang po at hindi sila naghanap ng kulasisi para patunayan lang ang pagkalalaki nila!  Eh sa ating panahon po, nangyayari iyan.

Sa palagay ko rin po, kung naiba ang mga misis nitong sina Manoah at Zekarias, malamang hindi sila naging mahahalagang tauhan sa kuwento ng aking Bida.  Lagi pong may kapalit na sakripisyo ang pribilehiyo, di ba?

Sa kabila ng kulang sa buhay-magasawa nila Manoah at ng kanyang asawa at nila Zekarias at Elizabeth, nanatili raw po silang tapat sa Diyos.  Lalo na po itong sina Zekarias at Elizabeth!  Matutuwid daw po sila, may takot sa Diyos, at nananalangin din para sa pagdating ng Itinakda.  Pari pa nga po sa Templo itong si Zekarias eh!  Mabait na mag-asawa ang dalawang pares na ito.  At ang kabaitan nila ay hindi nakasalalay sa pagkakamit o hindi pagkakamit nila ng kanilang hinihingi sa Diyos.  Sa madaling-sabi, mabait talaga kasi hindi mga manunuhol.  Meron din po kasing mga tao na pati Diyos sinusuhulan na para bang masusuhulan nila ang Diyos.  Ang gayong mga tao ay nagbabait-baitan lang.  Kaya nga po mapupuno’t mapupuno rin sila ng hinanakit, galit, sama ng loob, tampo, at para po silang bulkang sasabog isang araw at wawasakin ang iba pati na rin ang sarili nila.  Ah, hindi po ganyan si Mr. and Mrs. Manoah at si Mr. ang Mrs. Zekarias.  Talagang pong mababait sila.  Banal talaga.

Pero, alam n’yo po, kahit banal, kahit mabait, kahit matuwid, tao pa rin kaya may kahinaan.  Minsan nadarapa, nagkakamali, nagkakasala.  Minsan nag-aalinlangan, nag-aatubili, nagdadalawang-isip.  Ganyan nga po ang nangyari rito kay Zekarias.  Kaya naman po kung si Jose na ikinuwento ko po sa inyo kahapon ay tutoong tahimik, ito naman pong si Zekarias ay sadyang pinatahimik.

Ano pong tingin n’yo, hindi ba parang nakakatawang-nakaka-inis itong si Zekarias?  Pangarap niyang magka-anak.  Dasal po nang dasal sila ni Elizabeth na magka-baby.  At sana nga ay lalaki.  Tapos, nang sabihin ng Diyos “approve”, nagduda naman itong si Zekarias.  Pero hindi ko rin po siya masisi kasi maging ako rin po paminsan-minsan ay nakararanas ng pagdududa, lalo na kapag sobrang tagal ko nang kinakausap ang Diyos pero parang hindi Niya ako pinapansin.  Sumasagi rin sa isip ko kapag gayon na baka hindi ako talaga ganun kahalaga sa Diyos, baka mas importante sa Kanya ang iba kaysa sa akin, baka bale-wala ako sa Kanya.  Minsan din po, naiisip ko, baka nagsawa na ang Diyos sa kakukulit ko sa Kanya, baka naiinis na Siya, baka galit na.  At sa isang pagtingin, parang pareho rin kami ni Zekarias – siya pari sa Templo, ako pari ni Kristo.  Walang ligtas sa tukso ng pagdududa; kahit pari ay dinadalaw din nito paminsan-minsan.  Lahat tayo ay may kulang.

Pakitingnan n’yo nga po ang katabi ninyo.  Sa tingin n’yo po may kulang ba sa kanya o kulang-kulang siya?  Ano po sa palagay ninyo ang kulang sa kanya?  Eh, sa sarili po ninyo, anong kulang sa inyo?

Ito po ang ipagdasal natin ngayong umagang ito: punuin sana tayo ng Diyos; pag-umapawin po sana tayo ng Diyos.  Puwede po bang bumaling kayo sa katabi ninyo ngayon at sabihin sa kanya, “Ipagdarasal kita.  Huwag kang mawawalan ng pag-asa.”  Tapos, pakihiling din po sa kanya, “Ipagdasal mo rin sana ako.  Umaasa ako sa ‘yo.”

Ang Pasko ay pagpuno ng Diyos sa ating kakulangan.  Dahil po sa Pasko maaari na rin nating tingnan ang anumang kulang sa atin hindi bilang kamalasan o kapansanan kundi grasya pa rin sapagkat ito ang paraan ng Diyos para tayo ay punan.  Ang sabi po ng marami ang isang baso raw pong may lamang tubig hanggang kalahati nito ay maaaring sabihing kalahating-puno o kalahating-kulang.  Pero ang masasabi ko po ay ito: may laman ang baso.

O, bukas ko na lang po ulit itutuloy ang kuwento ko.  Alam n’yo po, bukas ang pinakamagandang kuwento natin bago isilang ang itinakda.  Bukas po ang tinatawag na Misa Aurea o “Ginintuang Misa” sapagkat ang kuwento bukas ay tungkol na sa pagdadalantao sa Itinakda.  Ang ganda!  Huwag po kayong mawawala ha.  Mangangalahati na po ang aking kuwento.

P. S. (Pahabol Sermon?)

Alam po ninyo, may kulang pa!  Hindi lang po kulang sa anak at paniniwala si Zekarias.  Kulang din po ang ritwal niya.  Dahil hindi na nga po siya makapagsalita paglabas niya sa mga tao mula sa Kabanal-banalang Dako ng Templo, pansin n’yo ba, wala rin pong huling pagbabasbas ang pagsambang pinasimulan n’ya.  Aha, bitin ang liturhiya!  Nakabitin na. Alam n’yo po kung bakit?  Kasi nasa wakas ng kuwento ng buhay ng Itinakda ang pagbabasbas.  Ang Itinakda po ang magbabasbas bago Siya umakyat sa langit.  Siya po ang magtatapos ng sakripisyo.  Siya po ang pinakadakila at pinakaganap na pari.  Kasi hindi lang po Siya tagabasbas, Siya po mismo ang pagbabasbas.  Ang Itinakda po mismo ang bendisyon.

Kayo po at ako, baka basbas lang po tayo nang basbas.  At nalilimutan nating maging mismong pagbabasbas, mismong bendisyon, mismong blessing ng Diyos sa lahat ng tao. Ah, kapag ganyan, kulang talaga.

O siya, ang dami kong kuwento!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home