14 December 2013

GAUDETE!

Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Mt 11:2-11 (Is 35:1-6, 10 / Slm 145 / Snt 5:7-10)


Nasa kalagitnaan na po tayo ng ating Adbiyentong paglalakbay.  Ikatlong linggo na po ng Adbiyento.  Ito po ang tinatawag na “Linggo ng Gaudete”.
Ang ugat na kataga ng gaudete ay gaudium.  Ang ibig sabihin po ng gaudium ay kagalakan o joy.  Ito po ay noun o pangalan.  Ang pandiwang infinitibo o infinitive verb po ng gaudium ay gaudare, na sa atin pa ay “magalak” o to be joyful, puwede rin pong to rejoice.  Kapag ginawa pong pandiwang pautos o imperative verb ang gaudare, ito ay nagiging gaude; kaya po ang gaudete ay “magalak ka” o “you rejoice”.  Ang Linggo ng Gaudete ay Linggo ng Kagalakan.  Pero ang kagalakang ito ay may diin sa pagka-iniutos.  Inaatasan po tayong magsaya.  Dapat daw po tayong magalak.  Bakit?  Malapit na po kasi ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoon.  Ilang tulog na lang!
Sabi po ng mga dalubhasa, tuwing natutulog daw po tayo, lagi tayong nananaginip.  Iyon nga lang po, hindi natin naaalala ang lahat ng ating napapanaginipan.  Ang mga naaalala lang daw po natin ay yaong napapanaginipan  natin kapag malapit na tayong magising.  Kaya kung gusto nating maalala ang isang magandang panaginip, dapat tayong gumising.  Kung masama naman ang panaginip, baka hindi na tayo magising kasi binabangungot na pala tayo.
Ganun din po ang pangarap, hindi ba?  Ang magagandang pangarap natin sa buhay ay matutupad lamang kung tayo ay titigil sa pananaginip, gigising sa realidad, at magsisikap na marating o makamit ang ating inaasam-asam.  Ang taong nangangarap nang tulog ay nananaginip lang.  Pero ang taong gising na may pangarap sa buhay ay nagsisikap at may mas may posibilidad na magtagumpay kaysa sa taong tulog.
Ang unang pagbasa po natin ngayong Linggo ng Gaudete ay pangarap nating lahat na makamit at malasap.  Ayon kay Propeta Isaias, ang lupaing matagal nang tigang ay sasaya, mananariwa, at mamumulaklak muli.  Aawit daw po sa tuwa ang ilang at muli itong gaganda at mamumunga nang masagana.  Makikita raw po ng lahat ang maningning na kapangyarihan ng Panginoon dahil darating na Siya upang tayo ay iligtas.  Kaya ang mga bulag ay makakikita, ang mga bingi ay makaririnig, ang mga pilay ay lulundag, at aawit sa galak ang mga pipi.  Mapapalitan daw po ng walang-hanggang tuwa at galak ang lungkot at dalamhati ng mga tinubos ng Panginoon. Wow, ang ganda-ganda po, hindi ba?
Opo, napakaganda nga po ng pangitain ni Propeta Isaias tungkol sa mararanasan nating ganap na masagana at mapayapang buhay balang-araw.  Pero hindi po iyon panaginip lang.  Iyon po ay pangarap nating lahat.  Kaya naman, kailangan po tayong gumising o gisingin upang, sa tulong ng Diyos, ay pagsikapan nating dalhin sa katuparan ang pangarap nating ito.  Layunin din po ito ng Adbiyento, kaya napakahalaga po talaga ng panahon ng Adbiyento ito.
Sa ating paggising, gawin po natin ang mga bilin ni Apostol Santiago sa ikalawang pagbasa ngayon.  Magtiyaga raw po tayo.  At dapat hindi po ningas-kogon lang ang pagtitiyaga natin kundi nagpapatuloy hanggang sa pagdating ng Panginoon.  Tibayan daw po natin ang loob natin, ika ng Apostol.  Ang dahilan pa rin po ay ang nalalapit na pagdating ng Panginoon.  Huwag daw po tayong maghinanakitan sa isa’t isa.  Anong dahilan?  Ang nalalapit pagdating ng Panginoon pa rin.  At tularan din daw po natin ang mga propetang nagtiis ng kahirapan alang-alang sa Salita ng Panginoon.  Alam po natin, hindi natin magagawa ang lahat ng ito kung tayo ay tulog.  Kaya nga po, ginigising tayo ng Adbiyento.
Nasa kalagitnaan na tayo ng Adbiyento.  Gising na po ba kayo?  Baka hindi pa.  Malapit-lapit na po ang Pasko.  Gising pa po ba kayo?  Baka hindi na.  Magsisimula na po ang mga Simbanggabi at Misa de Gallo.  Magigising po kaya kayo?  Eh, ano naman po kaya ang mukha ninyo paggising n’yo?  Baka malungkot.  Baka nakasimangot.  Baka hindi maipinta.  Baka nakabusangot ang mukha.  Kaya, ipinaaalala ngayon sa atin ng ikatlong Adbiyento na ngumiti-ngiti naman po tayo pag may time.  Sana po palagi tayong may time ngumiti para sa Panginoon.  Malapit na ang birthday ni Lord!  At dahil hindi rin po natin alam kung kailan Siya babalik, lagi po nating ituring na  malapit na ang Kanyang muling-pagdating.  Gaudete!  Magalak ka!
Ngunit huwag lang po si Jesus ang ngingitian natin ha.  Ngitian natin ang lahat ng tao.  At bawal po ang “ngiting aso”.  Dalhin po natin sa lahat ng nakakasalamuha natin sa mundong ito ang sinasabi ni Papa Francisco na “Evangelii Gaudium” o ang “Kagalakan ng Ebanghelyo”.  Sabi po ni Papa Francisco, ang Evangelii gaudium ay walang-iba kundi si Jesus mismo.  Sa pamamagitan ng ating pagmamalasakit sa ating kapwa, dinadala po natin si Jesus sa kanila.  Sa tuwing tayo ay nagpapatawad sa mga nagkakasala sa atin, tayo po mismo ang nagiging ebanghelyo sa kanila.  Kapag tinutulungan po natin ang mga dukha, ipinagtatanggol ang mga api, isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga maysakit at may-kapansanan, kinakalinga ang inang kalikasan, itinataguyod ang katarungan, katotohanan, dangal pantao, at kapayapaan, at nagsisikap mamuhay bilang mabubuting anak ng Diyos at katiwala ng Kanyang kaharian, wari baga’y isinisilang nating muli’t muli si Jesus, ang mismong Kagalakan ng sanlibutan.
Pero mahirap pong ngumiti kapag may dinaramdam ka, hindi ba?  Mahirap magsaya kapag, tulad ni Juan Bautista sa Ebanghelyo ngayon, ikaw ay nakabilanggo.  Kaya minsan kailangan pong ipaalala sa atin o iutos pa ang kagalakan: Gaudete!  Magalak ka!  Kailangan po nating pag-aralang ngumiti nang wagas kahit sa gitna ng paghihirap.  Kailangan nating harapin ang mga pagsubok nang may katatagang nagmumula sa katiyakang kasama natin ang Panginoon.  Kailangan po nating labanan ang kawalang-pag-asa na pilit na umaagaw sa disin sana’y likas nating kagalakan.  Likas po sa atin ang kagalakan.  Wala pong sanggol na isinisilang nang malungkot.  Pero habang tayo ay lumalaki, tumatanda, natututo po tayong maging malungkot.  Kapag marami na tayong gusto na hindi naman natin makamit, natututo po tayong maingit tapos malungkot.  Kapag tayo ay pinagtaksilan, sinaktan, o pinabayaan, natututo po tayong malungkot.  Kapag tayo ay binigo, iniwan, o pinagdamutan, natututo po tayong malungkot.  Tinuturuan po tayo ng mundo kung paanong malungkot at madali po natin itong natututunan.  Pero lahat po tayo ay masayang nagmula sa Diyos, likas sa atin ang kagalakan.  Masdan po ninyo ang bagong silang na sanggol: nakahahawa ang ngiti, wagas ang tawa, kaya tayo ay natutuwa – ipinaaalala niya sa atin ang kagalakang dati ay atin ngunit marahil ay napalitan na ng kalungkutan.
Huwag po tayong matakot tanungin ang Panginoon kung may mga pag-aalinlangan tayo, kung may mga hinanakit tayo, kung may pagdududa tayo, kung may pagkalito tayo tulad ni Juan Bautista na nagtanong kung si Jesus nga ba ang kanilang hinihintay o hindi.   Pagsapit ng Kanyang sandali, maging si Jesus ay may mga tanong sa Kanyang Ama.  Sa Mt 27:46, hiniram ni Jesus ang mga kataga ng ika-22 Salmo nang Kanyang idaing: “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”  Opo, pero hindi agad.  Hinayaan muna Siya ng Kanyang Ama na mamatay.  Baka po nakakalimutan natin: hahantong ang Adbiyento at  Pasko sa sandaling iyon sa Kalbaryo.  Pagsapit noon, magmimistulang bangungot ang magandang panaginip ngayon.  Subalit, mula sa libingan, ginising ng Ama si Jesus at si Jesus ay bumangon, magmuling-nabuhay, maluwalhating nagtagumpay laban sa kamatayan, at naging Gaudium nating lahat.  Kaya, huwag na huwag po nating isusuko ang kagalakang kaloob Niya sa atin, ang kagalakang di-kayang ibigay ni nakawin ng mundo sa atin.
Sa kabila po ng pagiging Linggo ng Kagalakan ngayon, ang entablado ng ating Ebanghelyo ay isang madilim at mabahong piitan.  Hinahamon po tayo ng Salita ng Diyos na dalhin sa mga piitan ng ating buhay ang kagalakang kaloob ni Kristo Jesus.  Malaya po ba talaga tayo?  Baka mas preso pa po tayo kaysa sa mga nasa bilangguan.  Sinabi nga po ni Beato Juan Pablo II, ang tunay na piitan daw po ay hindi ang bakal na bilangguan kundi ang saradong puso.  Marahil malaya nga po tayong nakakapunta saan man natin gustong magpunta, gawin ang gusto nating gawin, maging kung anong gusto nating maging, pero, sa tutoo lang, baka bilanggo naman po tayo ng pagkamakasarili, pagka-inggit, pagkamahalay, pagkasinungaling, pagka-materyoso, pagkamapagsuspetsa sa kapwa, pagkamapagpuna, pagkamatamad, pagkamapagreklamo, pagkamapagmura, pagkamapagmataas, pagkamapanlait, pagkasuwail, pagkamapansamantala, pagkamanhid, pagkamagagalitin, at iba pa.  Kahit na, at lalung-lalo pa nga, sa mga piitang ating kinasasadlakan, panatilihin po nating maningas ang apoy ng pag-asa sa ating puso tulad ng ikatlong kandila ng Adbiyento.
Gaudete!  Magalak ka!  Puwede po itong iutos sa atin sapagkat ibinigay na po sa atin ang kagalakang ito.  Si Jesus po mismo ang Kagalakang ito.  Si Jesus ang Kagalakan natin. Siya ang Evengelii Gaudium.  Kung meron po kayong iba, naku po, napakalungkot ninyo talaga!


0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home