MERON AKONG KUWENTO: SI MARYA
Misa de Gallo 5
Lk 1:26-38 (Is 7:10-14
at Slm 23)
Aba, nandito pa po kayo? Salamat naman. Good morning po! Kalahati n’yo na po ang Misa de Gallo. Congratulations! Ngayong umagang ito, itinatawid po natin ang
ating sinimulan noong nakaraang Lunes.
Nasa kalagitnaan na po tayo ng Misa de Gallo.
Alam n’yo po ba na may natatanging tawag sa Misang
ito? Ito po ang Misa Aurea. Sino rito ang favourite subject sa eskuwela ay chemistry? Alam n’yo po ban a si Pope Francis ay isang chemist?
Kabisado ba ninyo ang periodic
table? Ano ang element na ang atomic number ay 79 at ang symbol ay Au? Gold! Eh bakit po Au, di ba dapat ay Go? Kaya po Au kasi aurea na ang ibig-sabihin sa wikang Latin ay “ginto” o gold.
Ang Misa pong ito, ang panlima at gitna ng Misa de Gallo, ay “Ginintuang
Misa”.
Bakit tinatawag na “Ginintuang Misa” ang Misa sa
pangitnang araw ng Misa de Gallo? Kasi
po sa araw na ito, ang kuwento ay tungkol na sa pagkakatawang-tao ng
Itinakda. Ibig-sabihin, malapit na malapit
na talaga Siyang isilang. Kaya nga po napakahalaga
ng araw na ito, nakapa-espesyal, parang ginto kumbaga. At ito po ang kuwento ko sa inyo ngayong
umagang ito.
Pero bago po ako magkuwento ulit, mabanggit ko lang
po: Napansin ko, kayang-kaya n’yo palang magsimba ng alas-tres nang umaga kahit
araw-araw! Ano po kaya, gawin na natin
itong permanenteng iskedyul ng Misa sa ating parish church? Kahit tuwing
Linggo lang po. Ano pong tingin
ninyo? Sang-ayon ba kayo? Sino pong sang-ayon, pakitaas ang kamay. Meron po bang nagtaas ng kamay? Palagay ko, may insomnia ‘yan. Pero wala pong halong biro, hindi ko talaga
maintindihan kung bakit may mga taong kayang-kayang magsimba nang sunud-sunod
na madaling-araw pagsapit ng panahon ng Misa de Gallo pero hindi naman nagsisimba
kapag araw ng Linggo. Sana po, simula
ngayon, lahat kayo ay magsisimba na tuwing Linggo para madalas ko kayong
makuwentuhan. Alam n’yo po, may kuwento
ako linggu-linggo!
O, heto na po ang kuwento ko ngayong araw na ito
para sa inyo. Noong panahong iyon, may
isang dalagang taga malayong probinsya.
Ang pangalan niya ay Marya. Sa
mata ng mga tao, pangkaraniwang babae lang siya. Pero sa puso ng Diyos, napaka-espesyal n’ya
pala. Napakaganda po nitong si Marya, sa
loob at labas. Kaya naman po, hindi
kataka-takang marami siyang mga manliligaw.
Pero, sorry na lang sa kanila,
kasi iisa lang po talaga ang type ni
Marya: ang Diyos. Kaya, bata pa lang daw
po ay itinalaga na ni Marya ang buo niyang sarili sa Diyos. Mahal na mahal ni Marya ang Diyos.
Pero hindi po uso ang hindi nag-aasawa noon. At parang hindi nga po maganda ang tingin ng
mga tao sa hindi pag-aasawa. Bakit
po? Kasi po kapag hindi ka nag-asawa,
hindi ka magkaka-anak, at kapag hindi ka magka-anak, wala kang ambag sa
ikadarating ng Itinakda. Siguro po para
sa atin, ang tinatawag na mga “modernong tao”, katawa-tawa naman ang kaisipang
iyan, hindi ba? Kung noon po ay hindi uso
ang hindi pag-aasawa para magka-anak, ngayon naman po kasi ay usung-uso na ang
nanganganak nang hindi nag-aasawa. Sa
mapantayan ng modernong mundo, laos na po sa uso ang mga pagpapahalaga ng mga
sinaunang tao. Nakakabagabag, hindi po
ba? Habang umaansenso ang buhay ng tao,
nalulugi naman ang kanyang pagkatao.
Pataas ang pagka-moderno pero pababa naman ang pagkamaka-Diyos. Huwag po tayong magbingi-bingihan; may naririnig
po tayong munting tinig sa kalooban natin na nagsasabing may malubhang
pagka-hindi tama sa ganitong pagbabago.
Balik po tayo kay Marya. Mahilig pong magdasal itong si Marya: ang
pagdarasal ay buhay niya. At tulad ng
lahat ng mga taong madasalin noon, laging kasama sa dasal ni Marya ang pagdating ng Itinakda. Marami rin pong babae noong panahong iyon na nangangarap
na maging ina ng Itinakda. Pero hindi po
kasama si Marya sa mga babaeng iyon. Sa kanyang
kababaang loob, ni hindi nga po sumagi sa isip ni Marya na i-presenta ang sarili sa Diyos para maging ina
ng Itinakda. Pero, hindi niya alam, siya
pala talaga ang napupusuan ng Diyos.
Siya po pala ang nakatakdang magiging ina ng Itinakda. Alam n’yo, magandang gabay po iyan sa pagpili
ng taong bibigyan ng mataas na posisyon at malaking pribilehiyo: dedmahin ang
atat na atat sa kapangyarihan; ang pansinin ay ang walang ka-ambi-ambisyong
pumusisyon. Ganyan po kadalasan ang gawi
ng Diyos, hindi ba?
Bueno, sa kabila ng kanyang pribadong pagtatalaga
ng sarili sa Diyos at manatiling birhen, ito pong si Marya, gaya ng lahat ng
mga dalaga noong panahong iyon, ay naitakdang pakasal kay Jose. Opo, kay Jose nga po! Natatandaan n’yo po ba siya? Siya po iyong pinagkuwentuhan natin noong
kamakalawa. Opo, siya nga po “Ang Karpintero”! Siya po iyong tahimik, matuwid, mabait, at
mababang-loob na ilang beses kinausap ng Diyos sa panaginip para bigyan ng
mahahalagang misyon sa buhay ng Itinakda.
Siya nga po ang pinalad na masungkit ang matamis na “oo” ni Marya. Sabihin po ninyo: “Jose, ikaw na!” Alam n’yo po ang sagot ni Jose? “Hindi, Tito Boy, hilaw pa.” Huh?
Bakit hilaw pa? Kasi po, nabatid
niya, kung kelan ikakasal na sila ni Marya, na buntis na pala itong si Marya at
hindi kanya ang bata! Pero sa kabila
noon, pinakasalan pa rin niya si Marya at, ayon po sa kuwento, hindi niya ito
ginalaw. Sa kabila noon, ibinuhos ni
Jose ang buo niyang sarili sa pagkalinga, pagtataguyod, at pagpoprotekta kay
Marya at sa Itinakda. Siguro, kaya po mahal
na mahal ni Jose si Marya kasi mahal na mahal si Marya ng Diyos. Ganun naman po talaga dapat, hindi ba? Kung talagang mahal mo ang Diyos, mamahalin
mo rin ang mga minamahal Niya. Tingnan
n’yo po ang katabi n’yo. Mahal na mahal
iyan ng Diyos. Mahal n’yo rin po ba
siya? Sa mga mag-asawa, ganyan din po dapat. Mahalin n’yo po ang asawa n’yo dahil mahal na
mahal iyan ng Diyos.
Naku po, palagay ko, hindi iilan sa mga kabarangay
ni Marya ang tumuring sa kanya bilang disgrasyada. Alam n’yo naman po, may mga taong kegagaling
humusga sa kapwa na para bang kelinis-linis nila. Ang bilis makakita ng disgrasya sa buhay ng
iba pero bulag sila sa sariling grasa. At
marammi rin pong mga tsismoso at tsismosa kahit noong unang panahon pa. Ang hindi lang po alam ng mga kabarangay ni
Marya, ang ipinagdadalantao niya ay hindi disgrasya kundi grasya. Sabi nga po ng anghel na isinugo kay Marya,
“Napupuno ka ng grasya!” Kecharitomene. Full of
grace. Siya pa nga po ang magdadala
ng grasya sa mga nagmamagaling humusga sa kanyang disgrasyada siya.
Pero hindi po naging madali ang lahat para kay
Marya. Bukod sa hindi siya makapaniwala
sa Grasyang dumating sa buhay niya, marahil nanginig din siya sa hamon ng
pagiging ina ng Itinakda. Ang hindi rin
naman po alam ni Marya, bago pa siya isinilang, nasa puso na siya ng Diyos at
inihanda na siya para sa napakalaking misyong ito. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang inang si
Ana, si Marya ay pinag-umapaw na ng Diyos ng grasya kaya hindi po siya
nabahiran ng anumang grasa. Gayunpaman,
hindi po iyon nangahulugang walang nang sariling pasya itong si Marya. Opo, inihanda nga siya ng Diyos pero inihanda
pa rin ng Diyos ang Kanyang sarili anuman ang magiging sagot ni Marya sa
Kanya. Lagi pong malaya si Marya. Ang ganda nga po ng tagpo sa kuwento ngayon:
parang tumigil ang lahat, nabalot ng nakabibinging katahimikan ang buong mundo,
at kinakabahang naghintay ang sankatauhan sa isasagot ni Marya sa panliligaw ng
Diyos sa kanya. At nang ibigay na ni Marya
sa anghel ang sagot niya sa Diyos, ito ang kanyang sinabi: “Ako’y alipin ng
Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong
sinabi.” Palakpakan!
Alam ninyo may lihim po ang kuwento ko. Iisa lang ang sekreto nitong si Marya: ang
pananampalataya niya sa Diyos.
Napakalakas, napakawagas, napakalalim, napakatibay, napakabuo, at
napakamababang-loob ng pananampalataya niya sa Diyos. Nagbunga po ang pananampalatayang ito ng pagtitiwala
at pagtalima ni Marya sa Diyos, kahit hindi niya maunawaang ganap ang lahat,
kahit isuko pa niya ang kanyang sariling mga plano sa buhay, kahit ipain pa
niya ang sariling katawan, kahit pag-isipan pa siya ng masama ng kapwa, kahit
husgahan pa siya nang mali ng mga tao. Talagang
wala pong karibal ang Diyos sa buhay ni Marya.
Tayo po, may karibal ba ang Diyos sa buhay natin? Sino?
Ano? Ah, kung meron po, tayo ang
disgrasya.
Tatapusin ko na po muna ang kuwento ko bago pa ako
madisgrasya. Pero ihinga ko lang po ito
sa inyo bago ako maupo: medyo balisa ako sa wakas ng kabanatang ito eh. Pansinin po ninyo, sabi ni Lukas na nagsulat
ng kuwentong ito, pagkatapos daw pong makuha ng anghel ang matamis na “oo” ni
Marya sa Diyos, nilisan nito si Marya, iniwan nito si Marya. Ah, eh, sa tindi ng hinihingi ng Diyos kay
Marya, hindi po kaya dapat hindi na umalis ang anghel sa tabi n’ya? Tutal siya na nga po ang ina ng Itinakda, bakit
pa siya iniwan ng anghel? Dapat pa nga
po tumawag ang anghel ng re-inforcement
eh: marami pang mga anghel para maging bodyguards
ni Marya. Di ba ganun ang marami sa mga
pulitiko natin? Kahapon lang nga po,
balitang-balita yung tungkol sa isang mayor na “utak wang-wang” pa rin. Napakabata pa namang mayor.
Nilisan daw ng anghel – ganun? Hindi po ba puwedeng sumama na lang si Marya
sa anghel para mas ligtas siya? Ah, kung
tayo po ang susulat ng kuwentong ito, malamang ganun nga po ang ending. Pero hindi po kasi tayo ang sumulat eh. Ang Diyos.
At salamat, hindi tayo ang sumulat ng kuwentong ito, kundi baka walang
Pasko.
Sa palagay ko po, kaya lumisan na ang anghel kasi
hindi na siya talaga kailangan ni Marya.
Bakit? Nandoon na si Jose para
alagaan siya. Ganoon din po sa atin:
ipinagkakatiwala tayo ng Diyos sa isa’t isa.
Umaasa po ang Diyos na hindi natin pababayaan ang isa’t isa. Pero higit pa po kay Jose, nasa sinapupunan
na ni Marya ang Diyos, hindi ba? Nilisan
nga siya ng anghel pero nililiman naman siya ng Diyos. Iniwan nga siya ng anghel pero nanahan naman
sa kanya ang Diyos. Tayo po kaya –
nakaninong lilim tayo? Sino o ano ang
nananahan sa atin? Sana po lagi ang
Diyos.
O paano po, napahaba na naman ang kuwento ko. Dito na lang po muna ulit ha. Huwag po kayong mag-alala, hindi pa tapos. Bukas ulit. May sequel
pa po ang kuwento tungkol kay Marya. Bukas
may pupuntahan siya. Huwag po kayong mawawala
ha, sasamahan natin si Marya bukas maglakbay. May bibisitahin po tayo bukas!
1 Comments:
Hello FrBobby!
Very inspiring reflection.
God bless you always!
Merry Christmas!
Love,
Don & Gigi (Yebra)
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home