30 November 2013

PAGSASAYANG NG PANAHON (a translation into Tagalog)

Unang Linggo ng Adbiyento
Mt 24:37-44 (Is 2:1-5 / Slm 121 / Rom 13:11-14)

Bagong taon po ngayon sa Santa Iglesiya.  Happy New Year po!  Ngayong unang Linggo ng Adbiyento, pinasisimulan po natin ang bagong taong liturhikal.  Nagsisimula po tayong magbilang muli ng mga araw, mga linggo, at mga panahon sa buhay nating bilang Iglesiya.  Ang a-primero ng Enero ay Bagong Taon sa lipunang sibil, samantalang ang unang Linggo ng Adbiyento naman po ang para sa sambayanang pang-Iglesiya.

Sa kasawiampalad, ang Adbiyento ang pinakahindi popular na panahon ng taon.  Hindi po ito gusto ng mundo.  Sadyang nilalaktawan.  Para sa mundo – at para sa mga makamundo! – walang Adbiye-Adbiyento.  Pasko agad.  Sa Pilipinas nga po, halimbawa, bagamat ipinagmamalaki nito ang pagiging Kristiyanong bansa sa Dulong Silangan, lahat yata ng tao ay tila patangay na lang po sa agos ng rumaragasang daloy ng kapaskuhan sin-aga ng Setyembre.  Saan na po napunta ang Adbiyento?  Ano na pong nangyari sa panahon ng Adbiyento?

Ang Adbiyento ay natatanging panahon para sa paghihintay.  At bago po natin isiping hinihintay lang natin ang araw ng Pasko, itinutuon ng panahon ng Adbiyento ang ating mapagbantay at malikhaing paghihintay hindi lamang sa kaarawan ng Panginoon kundi pati rin sa Kanyang muling-pagbabalik sa wakas ng panahon.  Sa katunayan nga po higit na mahalaga ang paghahanda para sa pagbabalik ng Panginoon sa wakas ng panahon kaysa sa paghihintay natin sa pagsapit ng a-bentesinko ng Disyembre.  Kaya nga po, bagamat ang panahon ng Adbiyento ay nahahati sa dalawang bahagi, ang malaking bahagi nito ay abala sa paghahanda natin para sa ikalawang pagdating ni Kristo sa mundo.  Dumating na si Jesus noong araw ng Pasko.  Maghanda po tayong mabuti upang ipagdiwang ang Kanyang kaarawan.  Darating muli si Jesus sa wakas ng panahon.  Maghanda po tayong mabuti para salubungin Siya.

“Time is gold” – “Ginto ang oras,” ika ng kasabihan.  Maaga po tayong tinuruang huwag magsasayang ng oras, huwag kukupad-kupad, huwag magpabukas-bukas, at samantalahin ang panahon (“Carpe diem!”).  Sapagkat madalas po tayong mapatapon sa gitna ng buhay na parang karera ng mga daga, marami po sa atin ang tingin sa paghihintay ay pag-aaksaya ng panahon.  Ito po marahil ang dahilan kung bakit hindi pinapansin ng mundo ang Adbiyento.  Ito po siguro ang dahilan kung bakit sa maraming mga tao ay hindi popular ang Adbiyento.

Ngunit ang Adbiyento ay hindi pagsasayang ng panahon.  Sa halip pa nga, tinuturuan po tayo ng Adbiyento na pahalagahan ang panahon.  Dinidisiplina po tayo nito sa paghihintay sa tamang panahon.  At kapag ang tamang panahon ay dumating na, talaga naman pong higit tayong handa sapagkat naghintay nga po tayo.  Ang nagmamadali ay nakikipagharutan sa panganib.  Nililigawan ng nagmamadali ang kabiguan.  Inililigtas po tayo ng paghihintay mula sa panganib at nababawasan nito nang malaki ang posibilidad ng kabiguan.

Ang panahon ng Adbiyento ay hindi pagwawaldas ng oras.  Sa halip, inuungkat po ng panahon ng Adbiyento sa atin kung ano ang ginagawa natin sa oras natin.

“Kumusta ba ang buhay ng isang tambay,” natanong ko po minsan sa kanto boy.

“Naku, Father, napakahirap pong maging tambay!” sagot sa akin.  “Araw-araw na lang po tanghali ka nang gigising, may hang-over pa.  Paggising mo po, wala nang pagkain.  Inubos na nila.  Kaya lalabas ka po at, dito nga po sa kanto, kailangan mong magdelihensya.  Maya-maya po darating na rin ang iba pang mga tambay.  Dito po kami sa kanto maghapon.  Kailangan naming pag-usapan ang lahat ng mga dumaraan habang nag-iinuman.  Madalas pa po dapat naming aluking uminom din ang mga kakilala naming dumaraan.  Anong malay mo, Father, baka balang araw maging tambay din sila.  Kapag wala na po kaming mapag-usapan, paminsan-minsan puwede rin pong magsuntukan, magmurahan, at, kapag minamalas-malas ka, magsaksakan para lang po may magawa naman kaming iba.  For a change ika nga.  Kapag pagod na po kaming tumambay, isa-isa na po kaming uuwi (kung kaya pang umuwi).  Tapos, Father, pagdating mo ng bahay, tulog na po silang lahat.  Mag-isa ka na lang dilat.  Naku, Father, napakalungkot po ng buhay ng tambay.  At kapag minalas-malas ka pa, may nag-aabang pa sa yong machine gun si misis.  Biro mo ‘yun, Father, lasing ka na nga, pagod ka na ngang tumambay, bubungangaan ka pa!  Anong pong akala mo sa buhay ng tambay, Father, madali?  Naku, hindi po, Father!  Napakahirap kaya ng buhay ng isang tambay.  Gusto mo pa, Father, minsan sumama ka po sa aming tumambay para malaman n’yong ang hirap-hirap talagang maging tambay.”

“Ah, eh, hindi, okay na ako.  Thank you na lang,” sagot ko po.

Ang pa-ista-istambay ay pagwawaldas ng panahon.  Ang pagpupuyat nang walang kapararakan at paggising kinabukasan kung kelan tirik na ang araw ay napaka-iresponsableng paggamit ng oras.  Pag-aaksaya rin ng panahon ang pakikipag-tsismisan.  Ang pamumuhay sa panghihinayan ay pagwawaldas din po ng panahon.  Pagsasayang din po ng pagkakataon ang pag-antala sa paggawa ng kabutihan, pagsasabi ng kabutihan, at pag-iisip ng kabutihan.  Pero, kailanman, ang paghihintay po ay hindi pagsasayang ng panahon dahil ang paghihintay po ay hindi naman nangangahulugang wala tayong ginagawa.

Ngayong panahon ng Adbiyento, isa po sa maraming bagay na maaari nating gawin para sa mapagbantay at malikhaing paghihintay ay ang tanungin ang sarili, “Anong ginagawa ko sa panahong kaloob sa akin ng Diyos?”  Puwede po ba huwag tayong magsinungaling sa sagot natin?  Sapagkat ang bawat-isa sa atin ay mananagot sa Diyos kung paano natin ginamit ang oras, panahon, at pagkakataong ibinigay Niya sa atin.

Napakahalaga po ng panahon dahil limitado lang nito ang meron tayo.  May dalawampu’t apat na oras lamang ang isang araw.  May pitong araw lang po ang isang linggo.  May apat na linggo lang po ang isang buwan.  May labindalawang buwan lang po ang isang taon.  May sampung taon lang po ang isang dekada.  At ilang dekada naman po kaya ang meron tayo para mabuhay – isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo?  Iilan lamang po ang nakalalampas nang nobenta.  Dahil napakahalaga ng panahon, kailangan po nating regular at makatotohanang suriin kung paano natin ito ginagamit.  Tinutulungan po tayo ng panahon ng Adbiyento sa napaka-importante at personal na gawaing ito.  Ang paghihintay ay hindi po pagsasayang ng oras; sa halip, inilalagay nito ang oras sa tama nitong perspektibo.  At inilalagay din po tayo nito sa dapat nating kalagyan.

Ipinahihiwatig po sa atin ng lahat ng mga pagbasa ngayong araw na ito, ang unang Linggo ng Adbiyento, ang Bagong Taon sa Santa Iglesiya, ang palagiang paalala sa atin ng Salita ng Diyos: Maghanda!  Sa unang pagbasa po, sinasabi ni Propeta Isaias na ang mga araw ay darating kung kailan tutupdin ng Panginoon ang Kanyang pangako ng kapayapaan sa Israel.  Ipinahahayag naman po ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa, ang kanyang Liham sa Mga Taga-Roma, na ang panahon ng Panginoon ay naririto na, nagbubukang-liwayway sa lahat ng sanilikha.  Si San Matero naman po sa Ebanghelyo ay ipinaaalala sa atin ang mga sinabi ni Jesus tungkol sa Kanyang pagbabalik sa oras na hindi natin inaasahan.  Sa katuparan ng pangako ng Panginoon, sa pagkanaririto na ng panahon ng Panginoon, sa pagbabalik ni Jesus – handa po ba tayo?  Naghahanda po ba tayo?  Pinalalakas ng tatlong pagbasa ang loob ng mga naghahanda upang manatili silang mapagbantay sa kanilang paghihintay, samantalang ginigising naman nito ang mga nalango na sa kaaliwan ng mundo bago maging huli na ang lahat para sa kanila.

Patuloy po nating ipaalala sa mundo na may panahon ng Adbiyento.  Huwag po nating hayaang lunurin ng mga sigaw ng konsumerismo ang katahimikan ng paghihintay ng Adbiyento.  Huwag po tayong pumayag na makaladkad tayo sa pagmamadali ng marami sa pagdiriwang ng Pasko kapalit ng nararapat na panahon ng Adbiyento.  Turuan po nawa natin ang mundo na maghintay sa Panginoon nang mulat at malikhain.  Kasabay ng apoy na pumapailanlang mula sa unang kandila ng Adbiyento na ating sinindihan ngayong araw na ito ay ang ating panalangin: Nawa, ang liwanag ng pagdating ni Jesus ay painitin ang mga pusong nanlalamig at bigyang-kaliwanagan ang mga buhay na walang pag-asa.  Sa pamamagitan ng ating panalangin puspos ng pananampalataya magtanod po tayo at sa pamamagitan naman ng kongkretong mga gawa ng pagmamalasakit sa kapwa ipagpatuloy po natin ang ating paghihintay sa Panginoon.  Tayo po mismo ang magsilbing mga kandila ng Adbiyento para kay Jesus at para sa isa’t isa.

Opo, ang Adbiyento ay hindi nga pagsasayang ng panahon.  Pero, ngayo’y sinasabi ko, “Pagsasayang din!”  Ang Adbiyento ay pagsasayang natin ng panahon sa Diyos.  At palagi pong karapat-dapat ang Diyos na pag-aksayahan natin ng panahon.



0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home