17 December 2013

MERON AKONG KUWENTO: SI JOSE

Ikatlong Misa de Gallo
Mt 1:18-24 (Jer 23:5-8 at Slm 71)

Magandang umaga po!  Kumusta na kayo?  Pangatlong Misa de Gallo na natin.  Kaya pa ba?  Pakitanong n’yo po ang katabi n’yo: “Kaya mo pa?”  Ano pong sagot?  Kaya pa?  Pakisabi n’yo po ulit sa kanya: “Tukuran mo.”  Anong tutukuran?  Ang mga mata.  Tukuran ang mga mata para hindi bumagsak.

Ang haligi – tukod din po iyon, hindi ba?  Napakahalagang tukod dahil kapag wala niyon ang tahanan, tiyak, babagsak ang bahay.  Kumusta naman po kaya ang mga haligi ng inyong tahanan?  Matibay ba?  Baka inaanay na.  Kung yari sa bato, baka naman po tapyas-tapyas na.  Sino po ang haligi ng tahanan?  Ang tatay.

Iyan po ang kuwento ko sa inyo ngayong umagang ito: ang tatay ng Bida ko.  Well, paano ko ba po ito sasabihin?  Hindi niya po talaga Anak ang Itinakda, pero itinuring, minahal, itinaguyod, at inalagaan niya Ito na parang galing talaga sa kanya.  Para rin pong ako at si Pipo, pero parang hindi rin dahil hindi naman po kasi si Pipo ang Itinakda.

Handa na po ba kayo sa kuwento ko?  Baka may natutulog na sa inyo.  Nagsisimula pa lang ako, tulog na?  Ah, baka maka-masa!  Maka-masa po ba kayo?  “Huwag matakot, makibaka.  Maki-baka, huwag magbaboy!”  Alam n’yo po ba kung ano ang ibig-sabihin ng “masa”?  MASAndal lang, tulog!  Maka-masa ba kayo?  Ang katabi n’yo po, mukha bang maka-masa?  Sino ang may katabing maka-masa?  Hayaan n’yo lang po siya.  Kung tulog, huwag n’yong gisingin.  Konting konsiderasyon naman diyan sa mga taong puyat.

Nakakatawang nakaka-inis, hindi po ba?  Magsisimba pala ng Misa de Gallo, kaso nagpuyat naman kagabi kalalaro ng “Bejeweled”.  Kaya, hayan, late nang nagising kanina, nagmamadaling nagpunta rito sa simbahan, hinahabol ang Misa de Gallo, magsisimba raw, pero ayan, tulog.  Biro n’yo, nagpunta pa ng simbahan para matulog!  Amazing!  Paggising n’yan “bejeweled” na “bejeweled” ang mga mata n’yan: maraming muta.  Ha n’yo na po, total tulog din nama po ang ikukuwento ko sa inyo ngayon.

Alam po ninyo, tuwing ikinukuwento ko ang kuwento ko, hindi puwedeng hindi ko ikuwento ang kuwento ng isang taong tulog.  Siya po si Jose – ang tatay-tatayan ng aking Bida.  Ang laking pong pribilehiyo, hindi ba?  Ang laki ring responsibilidad.  Kaso po, parang hindi patas ang mga kuwentu-kuwento tungkol sa kanya eh.  Bakit ka n’yo.  Kasi po kapag ikinukuwento siya, kadalasan tulog siya.  May ilan din naman pong kuwento tungkol sa kanya na gising siya, gaya nang maglakbay sila ni Maria patungong Bethlehem, nang itakas niya ang kanyang mag-ina patungo namang Ehipto, nang bumalik na sila sa Nazareth, at nang hanapin nilang mag-asawa at – salamat sa Diyos – nakita rin naman ang Itinakdang nag-paiwan sa Templo.  Kaya lang po iba talaga ang diin ng mga kuwento tungkol sa kanyang pagtulog.  Kasi po siguro, sa mga kuwento tungkol sa pagtulog niya, tuwing natutulog siya, kinakausap siya ng Diyos sa pamamagitan ng anghel: ngayon pong umagang ito sa Mt 1:20, pagkatapos ng pagdalaw ng mga mago sa Mt 2:13, at sa pagkamatay din po ni Herodes sa Mt 2:19.  Tsaka, alam po ninyo, pagkatapos noon, hindi na siya binanggit ulit sa kuwento ng Itinakda, maliban na lang po sa Mt 13:55 nang sukatin ng mga ka-barangay ng Itinakda ang pagkatao Nito: “Hindi ba ito,” sabi nila, “ang Anak ng karpintero?”

Ah, siya na po pala, karpintero si Jose.  Ang galing po, hindi ba? Sa pagkakasabi ng mga ka-barangay nila, “Hindi ba ito ang Anak ng karpintero” parang kilalang-kilala talaga si Jose bilang “ANG karpintero” nila.  Siguro po, talagang mahusay siyang karpintero, kaya ganun.  Siguro po, talagang mabait siyang karpinetero, kaya ganun.  Siguro po, masipag siya, hindi sobra-sobra maningil ng bayad, at pulidong gumawa, kaya nang kilalanin nila ang Itinakda bilang Anak niya, wala nang tanung-tanong pa kung sinong karpintero ang tinutukoy nila: ang Anak NG karpintero.  Parang tatay ko!  Ganun din po kasi ang tatay ko eh – hindi siya karpintero pero puwedeng tumakbong punong-barangay kasi madaling lapitan, pala-kaibigan, patas maghanap-buhay, at mapagmalasakit sa kliyente n’ya.  Tatay ko kaya si Jose?  Opo, tatay n’yo rin siya!  Hindi po ba bahay din niya itong ginagamit natin araw-araw para magkuwentuhan?  Siya po si Joseng Manggagawa.

Ah, baka po kaya palaging sa panaginip siya kinakausap ng Diyos – kasi laging pagod.  Kayo po, gusto n’yo pagtulog n’yo mamayang gabi, kausapin din kayo ng Diyos?  Ano naman po kayang sasabihin n’ya?  “Hi!  Halika ka na, anak, sinusundo na kita.”  Mas maganda po sana kung ang sasabihin ng Diyos sa inyo, kapag napanaginipan n’yo Siya ay “Hi, anak!  Humayo ka.  Isinusugo kita.”  Mas maganda po iyon kasi ibig sabihin noon ay misyon.  Binibigyan ka ng Diyos ng mahalagang misyon.  Katulad po ni Jose, tuwing napapanaginipan niya ang Diyos, binibigyan siya Nito ng misyon: pakasalan si Maria, pangalanang “Jesus” ang Itinakda, itakas ang mag-ina kay Herodes, iuwi ang mag-ina sa Nazareth.  Pero, hindi po nanatiling mga panaginip ang pakikipag-usap ng Diyos kay Jose.  Gumigising po si Jose pagkatapos niyang mapanaginipan ang Diyos at pinagsisikapan n’ya pong tupdin ang misyong ibinilin sa kanya ng Diyos.  Tayo po kaya, gumigising din o nananaginip lang?  Tandaan n’yo po ang sinabi ko na noong unang Misa de Gallo: ang taong hindi gumigising kapag nanaginip ay binabangungot.

Hindi po madali ang mga pinagdadaanan nitong si Jose sa tuwing bago at pagkatapos niyang mapanaginipan ang Diyos. Para matupad n’ya po ang misyong kaloob sa kanya ng Diyos, parating hinihinging kapalit ang kakaunting kaginhawahang meron siya.  Pati nga po pagtulog n’ya kailangang isakripisyo n’ya dahil dapat nang bumangon at gawin ang sabi ng Diyos.  Para maganap ang kalooban ng Diyos, isinakripisyo ni Jose ang sarili n’ya.  Para matupad ang pangarap ng Diyos, isinakripisyo ni Jose ang sariling mga pangarap niya.  Naku po, muntik-muntikan na nga pong hindi matuloy ang Pasko, hindi ba?

Tayo po kaya?  Isusuko po ba natin ang ating mga pangarap sa buhay para matupad ang pangarap ng Diyos?  Sa tutoo lang po.  Isasakripisyo po ba natin ang sarili alang-alang sa Diyos?  Sa tutoo lang po.  Huwag magsisinungaling.  Hindi natin po natin maloloko ang Diyos.

Hingin po natin ang tulong ni Jose.  Ituro n’ya po sana sa atin ang tamang pagsasakripisyo ng sarili para matupad ang kalooban ng Diyos – pagsasakripisyong may wagas na kababaang-loob, matibay na pagtitiwala sa Diyos, at tahimik na pagkabukas-palad.  Ipanalangin n’ya po sana tayong lahat.

Hayan, paganda nang paganda po ang kuwento ko sa inyo.  Nagsimula po tayo kay Juan – ang maningas na ilaw ng Itinakda.  Tapos kahapon naman po ay ke-aga-aga nating pinagkuwentuhan ang ilang mga babae sa buhay ng Itinakda.  At ngayon po ay babaunin ninyo ang kuwento ni Jose – ang karpintero, ang tumayong ama sa Itinakdang isinilang ni Maria.  Bukas, may ikukuwento po ulit ako sa inyo.  Kung ngayon po ay tungkol kay Joseng napakatahimik, bukas, abangan n’yo po, may pinatahimik!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home