23 November 2013

IISA LANG ANG MATITIRA

Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari ng Sansinukob
Lk 23:35-43 (Sam 5:1-3 / Slm 121 / Col 1:12-20)

Sa ating panahon, bibihira na po ang mga hari.  Ang marami pa po ay hindi mga hari kundi mga naghahari-harian.  Pero may panahon po sa kasaysayan ng sankatauhan na sankatutak ang mga hari at mga reyna, mga prinsipe at mga prinsesa, mga duke at dukesa.  Saksi po ang buong mundo sa pamamayani at pagbagsak ng mga maharlikang angkan.  Subalit karamihan din naman po sa mga bansa ang nagsimulang nagtanong kung bakit nga ba kailanan pang pagharian ang kanilang taumbayan at tuluyan na rin pong nasuya ang mga mamamayan sa mga maharlika.  Gayunpaman, meron pang ilang mga bansa ang pinagyayaman ang kanilang mga maharlika sapagkat bagamat wala nang kapangyarihan ang kanilang mga maharlika, nakakatulong naman daw sa pagkakaisa ng kanilang mga mamamayan ang pananatili ng kanilang mga maharlika.  Isa po sa halimbawang agad na sumasagi sa ating isip ay ang bansang Inglatera na may mga naghahari pang maharlika.  Sinabi nga po ng dating hari ng Ehipto, si Haring Farouk, noong 1950, na darating daw ang panahong lilima na lang ang matitirang mga hari sa buong daigdig: ang apat na hari sa baraha at ang hari ng Inglatera.

Mali po si Haring Farouk.  Hindi lima ang matitirang mga hari sa buong mundo.  Isa lang po talaga: ang tunay na Hari, ang Hari ng mga hari, ang Hari ng sansinukob, si Kristong Hari.  At ngayong araw na ito ay ipinagdiriwang po natin ang Kanyang dakilang kapistahan.  Mabuhay si Kristong Hari!  Pagpugayan natin Siya!  Sambahin natin Siya!  Ialay natin ang ating puso kay Jesus, ang ating Hari!  (Bigyan natin Siya ng masigabong palakpakan.)

Ngunit kakaiba ang Hari natin.  Nakapako sa krus.  Duguan.  Lamog ang katawan.  Mahina.  Agaw-buhay.  Sa pamantayan ng mundo, Siya ay baliw, hindi hari.  Ang paglalarawan sa Kanya ng Bibliya ay ganito: “Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin, walang taglay na pang-akit para Siya ay lapitan.  Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.  Nagdanas Siya ng hapdi at hirap.  Wala man lang pumansin sa Kanya.  Binale-wala na parang walang kabuluhan” (Is 53:2-3).  Akmang-akma sa Kanya ang paglalarawan ng ika-22 Salmo: “Ngunit ako’y parang uod at hindi na isang tao, hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!  Pinagtatawanan ako ng bawat makakita sa akin, inilalabas ang kanilang dila at sila’y pailing-iling” (Slm 22:6-7).  Ito nga po ang ating Hari.  Ito nga po ang ating Kristo.  Ito nga po ang ating Diyos.  “Ang Diyos Ko ay Mahina” – pamagat ng isang tulang binasa sa amin ng gurong Jesuita noong nasa kolehiyo pa kami.  Nakakapangilabot.  Nakakatakot.  Nakakagambala.  Nakakalungkot.  Nakakahiya.  Nakakayanig ng kinagisnang konsepto ng mundo tungkol sa pagkamaharlika.  Sa krus, sa bawat paghugot ng Kanyang hininga, umaalingawngaw ang matamis na tinig ng ating Haring nakapako: “Mahal kita kaya kinalimutan Ko ang Aking pagkamaharlika.  Mahal, halika.  Maharlika.  Mahal kita.  Maharlika.  Ipagpalit ang “maharlika” sa “mahal kita”.

Sa pagitan ng dalawang magnanakaw – ng dalawang pusakal na kriminal – dito ang lugar ng ating Hari.  Kung paano Siya namuhay gayundin naman Siya namatay: sa piling ng mga basura ng lipunan, sa tabi ng mga patapon na ang buhay, sa gitna ng baho ng sankatauhan.  Iyan nga po ang ating Hari; kung gusto mo Siyang sundan, dapat ka ring matagpuan sa Kanyang kinalagyan.

Hindi Niya hiningi sa ating tawagin Siyang “Ang Inyong Kamahalan”, bagkus ay inatas Niya sa ating magmahalan.  Wala Siyang kinuha sa atin maliban sa ating mga kasalanan hindi upang tayo ay parusahan kundi ipagkaloob sa atin ang kapatawaran at kapayapaan ng kalooban.  Ang mga hari ng mundong ito ay pinagbubuwisan ng taumbayan, ang Hari nating si Jesus tayo ang pinagbuwisan ng sarili Niyang buhay.  Ang mga hari ng mundong ito ay papatay huwag lamang mapasok ng iba ang kanyang kaharian, ngunit ang Hari nating si Jesus kahit magnanakaw ay pinapapasok sa Kanyang kaharian.  “Sinasabi Ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso,” wika sa nagtitikang magnanakaw nitong Hari nating si Kristo.  Kaya nga po, sa ikalawang pagbasa ngayong araw na ito, ang pahayag sa atin ni San Pablo Apostol ay ito: “Mga kapatid, magpasalamat kayo sa Ama, sapagkat minarapat Niyang ibilang kayo sa mga hinirang ng kaliwanagan.  Iniligtas Niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng Kanyang minamahal na Anak.  Sa pamamagitan ng Anak, tayo’y pinalaya at pinatawad sa ating mga kasalanan.  Si Kristo ang larawan ng Diyos  na di-nakikita….”

Ang ating Hari ay Pastol tulad ni David sa unang pagbasa ngayon.  At di-hamak na nakahihigit pa Siya kay David, sapagkat si Kristong Hari ANG Mabuting Pastol.  Naparito raw po Siya upang hanapin ang mga nawawalang tupa ng Kanyang kawan (Tg. Ang Talinhaga ng Nawawalang Tupa sa Lk 15).  At Siya ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang Kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami (Mt 20:28 at Mk 10:45).  Hindi Siya naghari, naglingkod Siya.  At nang nakutuban Niyang kukunin Siya ng mga tao para gawing hari, matapos Niyang busugin silang lahat, tumakas Siya sa bundok mag-isa (Jn 6:15).  Ang Kanyang kapangyarihan ay likas na Kanya – hindi Niya ito minana sa pamamagitan ng dugo o tinanggap sa pamamagitan ng halalan – ngunit hindi mapantayan ang Kanyang kababaang-loob.  Kay taas ng Kanyang kalagayan subalit kay lalim ng Kanyang binaba.

Masdan ninyo ang ating Hari.  Hindi Siya artista.  Hindi Siya politiko.  Hindi Siya saserdote sa Templo.  Siya nga po si Jesukristo, ang Anak ng Diyos.  Siya ang ating sinasamba, dinarakila, at tinatalima.  Sana po, tutoong Kanyang-kanya ang ating buong pagkatao.

Nang itatag ni Papa Pio XI noong ika-11 ng Disyembre, 1925, ang Kapistahan ni Kristong Hari sa bisa ng kanyang kauna-unahang Liham Ensiklikal na pinamagatang “Quas Primas”, ito nga po ang layunin niya: “Christ must rule in our minds…in our wills…in our hearts…in our bodies.”  At ngayon taong ito ng pagdiriwang na muli ng dakilang kapistahan na ito, sabay din po nating tinatapos ang Taon ng Pananampalataya na pinasimulan noong nakaraang taon ni Papa Emeritus Benito XVI.  Sa Misa ng Pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya sa Roma, ipinagkakaloob naman ni Papa Francisco ang kanyang kauna-unahang Pangaral-Apostoliko na pinamagatang “Evangelii Gaudium” na sa atin pa ay “Ang Kagalakan ng Ebanghelyo”.  Sa pagdiriwang po nating muli sa Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, pagpanibaguhin natin ang ating pananampalataya sa Diyos na nagmamahal sa atin nang hindi lamang sa higit sa nararapat sa atin kundi nang higit din sa ating inaakala – iyan po ang “Kagalakan ng Ebanghelyo” ang “Evangelii Gaudium.  Let us renew and own again the faith that explains best why Christ rule in our minds, in our wills, in our hearts, and in our bodies, as Pope Pius XI challenged every Christian as the Church celebrated the Solemnity of Christ the King for the first time, eighty-eight years ago.  At sa atin pong pagpapanibago ng pananampalatayang ito, pagsikapan nating hindi lamang tumalima kundi tumulad din po tayo kay Jesus na ating Hari at Panginoon.

Sabi ng dating hari ng Ehipto, si King Farouk, darating daw po ang panahong lilima na lang ang matitirang hari sa buong mundo: ang apat na hari sa baraha at ang hari ng Inglatera. Mali po siya.  Hindi lima.  Isa lang po: si Jesuskristo.  Hindi po kasi Siya naghari-harian. Naglingkod Siya.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home