HINDI TUNGKOL SA PAG-AASAWA
Ikatatlumpu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang
Panahon
Lk 20:27-38 (2 Mcb
7:1-2, 9-14 / Slm 16 / 2 Tes 2:16-3:5)
Katatapos lang po ng Undas. At bahagi ng Undas ang paggunita natin sa mga
kaluluwa ng ating mga mahal na yumao.
Ang unang araw ng Nobyembre ay Dakilang Kapistahan ng Lahat ng Mga Banal
samantalang kinabukasan naman po nito ang araw ng Paggunita sa Mga Tapat na
Yumao.
Nakakatawa. Ang tawag po ng iba sa a-dos ng Nobyembre ay
Pista ng mga Patay. Biro n’yo, patay na
nagpi-piyesta pa! May nadaanan nga po
akong sementeryo, nasobrahan naman po yata ng gayak, parang karnabal kuntodo
may mga banderitas pa. Pista raw po kasi
ng mga patay. Walang pista ang mga
patay. Sa tutoo lang po, parang ang mga
buhay ang nagpipista kapag a-dos ng Nobyembre, di ba? Nagiging picnic ground ang mga puntod ng mga
labi ng mga yumao, mukhang may food festival sa loob ng sementeryo, may
kantahan pa, at, kung makakapuslit, may tong-its pa. Natatanong ko po palagi sa sarili ko, ano ba
talaga ang pinupunta ng mga tao sa sementeryo?
Maliwanag naman pong hindi ang mga patay ang mga nagpipista. Ang mga buhay ang nagpipista. At ang masama pa nga, parang pinagpipistahan
ng mga buhay ang mga patay.
Nakakaasar. Ang bukambibig pa ng iba, ang buwan ng
Nobyembre raw ay buwan ng mga patay.
Sino po sa inyo ang birthday ay sa buwan ng Nobyembre? Isinilang kayo sa buwan ng mga patay – payag
po kayo? Ano ang zodiac sign n’yo? Bungo!
Nakakaasar, di ba? Sino po sa mga
mag-asawa rito ang ikinasal nang buwan ng Nobyembre? Ayan, patay kayo! Buwan ng mga patay ang Nobyembre – tama po ba
ito? Hindi. Wala pong buwan ang mga patay dahil dapat
ipinagdarasal natin ang mga kaluluwa nila araw-araw, hindi lang kapag
Nobyembre.
Nakaka-engot. Iyan po ang tanong ng mga Saduseo kay Jesus sa
Ebanghelyo ngayong Linggong ito. May
pito raw pong magkakapatid na lalaki at napangasawa nilang lahat ang iisang
babae – hindi naman po sabay-sabay, one
at a time lang. Ayon po kasi sa
batas ni Moises, kapag ang isang lalaki ay mamatay nang walang naiwang anak,
ang kapatid nito ay dapat pakasalan ang nabiyudang asawa sa pag-asang
mabibigyan nito ng anak ang pumanaw na kapatid.
Eh namatay daw po ang lahat ng pitong magkakapatid na lalaki nang walang
naiwang anak sa iisang babae, kaya ang tanong ng mga Saduseo sa Panginoon ay,
sa magmuling-pagkabuhay, kaninong asawa raw po ang babaeng napangasawa ng
pitong magkakapatid na lalaki.
Sino po ba ang mga Saduseo?
Ang mga Saduseo ay ma-impluwensya sa
buhay-relihiyoso at buhay-pulitika ng Judaismo.
Malaking bilang sa kanila ay mula sa hanay ng mayayaman, mga opisyal,
mga mangangalakal, mga may-ari ng mga lupain, at mga saserdote. Ang mga Saduseo ay natatangi at pribilehiyong
partido sa lipunan ng mga Judyo at mula sa kanila pinipili ang mga pinuno ng
kanilang bansa.
Kapalit ng pananatili nila sa
kapangyarihan sa Templo at sa Sanhedrin, tanggap ng mga Saduseo ang pananakop
ng mga Romano. Galit din po ang mga
Saduseo sa mga makabayan at nakikibaka para sa kasarinlan ng Israel dahil
niyayanig nito ang sarili nilang puwesto sa kapangyarihan. Kaya naman, ang tingin po ng marami sa kanila
ay mga traydor at mga kasabwat sila ng mga dayuhang mananakop. At dahil mayayaman na nga sila, ang mga
Saduseo po ay hindi naghihintay sa pagdating ng Mesiyas na magpapalaya mula sa
lahat ng pagdurusa. Bukod sa hindi nila
paniniwala sa mga anghel at mga espiritu, hindi rin po naniniwala ang mga
Saduseo sa magmuling-pagkabuhay ng mga patay.
Sa halip, naniniwala sila na ang lahat ng tao, matuwid at masama, kapag
namatay, ay napupunta sa isang maaninong daigdig na tinatawag na Sheol. Dahil sa paniniwalang ito, ayos lang sa
kanilang magpasasa sa kasalukuyang pamumuhay at hindi dapat iniisip ang buhay
sa kabila. May pagka-Saduseo rin po ba
tayo?
Natatandaan
n’yo po ba si Caiaphas, ang punong saserdote noong panahon ni Jesus? Tulad ng iba pang mga punong saserdote, si
Caiaphas po ay isang Saduseo sagad-sa-buto.
Sa moro-morong paglilitis kay Jesus ng Sanhedrin, si Caiaphas po ang
nagsabing, “Mga hangal kayo! Hindi n’yo
tanto na higit na mabuting mamatay ang isang tao para sa bayan kaysa ang buong
bayan ang mapahamak” (Jn 11:50). Ang
dating pa niya ay nagmamalasakit siya sa kanyang mga kababayan, hindi po
ba? Ngunit ang tutoo, ang sariling
kapakanan nilang mga Saduseo talaga ang gustong protektahan ni Caiaphas. Mawawala sila sa puwesto kapag nagalit ang
mga Romano. Kaya isinakripisyo nila si
Jesus. Buhay pa po ba si Caiaphas sa
katauhan natin?
Nakakatuwa. Ito
naman po ang pitong anak na lalaki ng isang ina sa unang pagbasa natin
ngayong Linggong ito. Nakakatuwa ang
halimbawa ng kanilang katatagan sa pananampalataya. Minatamis pa nilang mamatay kaysa sumamba sa
mga diyus-diyosan. Sa halip na
isakripisyo ang kanilang pananampalataya sa tunay na Diyos, isinakripisyo nila
ang kanilang sarili. Kahanga-hanga hindi
lamang po ang bawat-isang anak na ito kundi ang mismong ina nila; pinalaki sila
nang mabuti nito: may takot sa Diyos.
Tayo po, paano tayo pinalaki ng ating mga magulang? Mga magulang, paano ninyo pinalalaki ang
inyong mga anak? At ano naman po ang
kinatatakutan natin: ang mamuhay nang sumasamba sa diyus-diyosan o ang mamatay
dahil sa pananamapalataya sa tunay at nag-iisang Diyos?
Sa mundong
ito, wala pong katiyakan ang buhay: ngayong taong ito, tayo ang dumalaw sa puntod
ng mga mahal nating yumao, bukas-makalawa baka puntod na po natin ang dadalawin
ng iba. Kapag nangyari iyon, hindi po tayo
magpipista. Baka tayo naman po ang pagpistahan
nila. Pero matitiyak ng mga ayaw maniwala
na walang buwan ng mga patay sapagkat hindi tayo patay kasi ang Diyos natin ay hindi
Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay dahil sa Kanya ay buhay ang lahat. Kaya, hanggang may panahon pa po tayo, hubarin
natin ang ating pagka-Saduseo at ilibing na po natin ang Caiaphas ng ating pagkatao.
Hindi
tungkol sa pag-aasawa ang Ebanghelyo ngayon. Tungkol ito sa buhay sa langit na dapat ay pagsikapan
ko at pagsikapan n'yo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home