MAGING HANDA, MAGING MABUTING KATIWALA
Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang
Panahon
Lk 13:35-40 (Kar
18:6-9 / Slm 32 / Heb 11:1-2, 8-12)
Ngayon lang po tumaas ang aking
presyon. Siguro nga po dahil sa
pagod. Sabado pa lang ay medyo kakaiba
na ang pakiramdam ko. Kinabukasan,
bumangon ako at ginawa ang karaniwan ko pong ginagawa kapag Linggo, pero parang
may hindi normal sa akin. Pakiramdam
ko’y parang lumulutang ako, medyo masakit ang ulo, parang namamaga ang mukhang
namumula, at medyo nanghihina. Pero,
sige pa rin po, dinasal ang brebiyaryo, nag-Misa, nagpakumpisal, pinulong ang
Parish Pastoral Council, hinarap ang mga kailangan sa opisina, naghapunang
kasama ni Bp. Broderick Pabillo habang tinatalakay ang bibiling lote para sa
parokya, at nag-Misa po ulit nang alas-otso nang gabi. Dahil nalaman po ng nanay ko na parang may
simtomas ako nang mataas na presyon, hindi niya ako tinigilan hanggang hindi
ako nagpapakuha ng BP. Wow, 145/115 ang
BP ko, sabi ng sphygmomanometer!
Matigas po ang ulo ko pagdating sa
gamutan, kaya’t wala pong naka-awat sa aking mag-Misa pa nang alas-otso nang
gabi. Sobrang tigas nga po siguro ng ulo
ko kaya hindi ako agad nagpunta sa duktor kinabukasan. Dahil may naka-schedule pa po akong pulong sa Miyerkules kay Cardinal Chito Tagle
para sa loteng bibilhin ng parokya, Huwebes na ako nagpakita sa duktor. At nang tingnan po ng duktor ang aking
presyon, 140/115. Dahil hindi po iyon
karaniwan para sa akin, nagulat ang duktor at hindi na ako pinauwi.
Salamat naman po sa Diyos at pinayagan
ako ng duktor na umuwi bago mag-Linggo.
Pero sunud-sunod ang maraming procedures
na ginawa sa akin sa Cardinal Santos Medical Center. Kailangan ko pa pong bumalik sa Martes para
basahin sa akin ang kumpletong resulta ng mga procedure, pero sa ngayon ang sabi ng duktor ay nangangapal ang walls ng puso ko at marami raw
cholesterol sa extremities. Binigyan na rin ako ng pang-maintenance ng
presyon.
Naisip ko po, kung tuluyan nang hindi
ako nagpunta sa duktor, baka may masama nang nangyari sa akin. At kung mangyari iyon, handa na ba talaga
ako?
Kayo po, handa na ba kayo?
Dahil alam ng duktor ko na matigas ang
ulo ko at ayaw na ayaw kong magpapa-check-up,
kaya marahil ay naisip niyang baka hindi na ako magbalik sa kanya sa Martes,
medyo nakakatawang-nakakatakot ang sinabi niya sa akin bago ako lumabas ng
ospital: “Kung gusto mo pang mabuhay nang matagal, Father, bumalik ka sa
Martes.”
Babalik po ako. Promise.
Si Jesus po, babalik din. Malinaw na malinaw pong ipinaaalala sa atin
ng Ebanghelyo ang katotohanang ito. Pero
kung kailan Siya babalik ay hindi natin alam.
Kaya nga po inihahalintulad ang pagbabalik ng Panginoon sa pagdating ng
magnanakaw. “Tandaan ninyo,” wika Niya,
“kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang
magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay.” Kaya naman po, ang bilin Niya sa ating lahat:
“Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi
ninyo inaasahan.” Pakisabi n’yo nga po
sa katabi ninyo: “Humanda ka!”
Minsan po nakakatakot kapag sinabihan
ka ng “Humanda ka!”, hindi ba? Opo,
medyo bibilis ang tibok ng dibdib mo kung hindi ka handa kasi hindi mo nga po
alam kung kailan pero tiyak na tiyak ay darating ang dapat mong paghandaan. Kaya, ang tanong, naghahanda po ba kayo? Sino po rito ang handa na?
Kung tiyak po natin ang seguridad ng
ating tahanan, masarap ang tulog natin.
Pero kapag hindi, mababaw ang tulog natin o tuluyang hindi tayo
makatulog. Kakaba-kaba tayo. Nangangamba.
Balisa. Ito nga po ang punto ng
Ebanghelyo ngayong araw na ito. Hindi na
po mahalagang hindi natin alam kung kailan babalik ang Panginoon. Sa katunayan, kahit bago pa po Siya bumalik
sa wakas ng panahon, maaaring dumating Siya sa atin at sunduin na tayo, hindi
ba? Kaya’t lubhang napakahalaga talaga
na handa tayo.
Paano nga po ba tayo dapat
maghanda? Ano nga po ba ang
pinakamabuting paghahandang dapat nating gawin?
Sa unang pagbasa po natin, mula sa
Aklat ng Karunungan, ang sabi ay dapat tayong mamuhay nang matuwid, tapat na
mga anak ng Diyos, at nagsisikap sumunod sa Kanyang utos bilang nagkakaisa
Niyang Bayan. Ganyan po ba tayo?
Binibigyang diin naman po ito ng
Salmong tugunan natin ngayon. Mula sa
ikatatlumpu’t dalawang Salmo, inilalarawan sa atin ang kapalaran ng mga taong
namumuhay nang matuwid. At ang saligan
daw po ng pamumuhay nang matuwid ay ang tamang pagkatakot at pag-asa sa
Diyos. Sa tutoo lang po, may takot pa ba
tayo sa Diyos? At sa dami ng ating mga
pinagkakapitan, baka naman po maluwag na ang pagkakakapit natin sa Diyos,
anupa’t hindi na Siya ang ating inaasahan?
Baka isa na lang po Siya sa marami nating inaasahan. Dapat po Siya lang.
Sa ikalawang pagbasa po, napakagandang
inilalahad sa atin ng may-akda ng Sulat sa Mga Hebreo ang halimbawa ng mga
ninuno natin sa pananampalataya. Tanging
ang Diyos ang kinapitan ni Abraham at Sara, ni Isaac, Jakob, at iba pang “mga
tao noong una”. Ang Diyos lamang ang
kanilang Pag-asa. At dahil po sa
kanilang pananalig sa Kanya, sila ay kinalugdan Niya at pinagpala. Maaari po ba tayong humanay sa kanila dahil
may pananalig tayo sa Diyos na tulad ng sa kanila?
Pamumuhay nang matuwid, tapat at
mapagtalima sa Diyos at may takot sa Kanya, tanging ang Diyos ang pag-asa
kaya’t matibay ang pananalig sa Kanya – ang mga katangian pong ito ay mga
katangian ng mabuting katiwala. At iyon
nga po ang dapat nating gawin bilang paghahanda sa pagdating ng Panginoon:
maging mabuting katiwala ng Diyos.
Ang lahat po nang meron tayo at tayo
mismo ay biyaya ng Diyos. Wala po tayong
maipagyayabang na biyaya na hindi natin tinanggap mula sa Kanya. At ang mga biyayang meron tayo ay
ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Tayo
nga po ay mga katiwala Niya. Pinagkakatiwalaan
Niya tayo. Iyan po ay pribilehiyo at
responsibilidad. Pananagutan natin sa
Diyos ang anumang gawin natin sa mga ipinagkakatiwala Niya sa atin.
Kumusta
po kayo bilang katiwala ng Diyos? Ano po
bang ginagawa ninyo sa mga biyayang ipinagkakatiwala Niya sa inyo? Itinuring po ba ninyong ang lahat ng meron
kayo, maliban sa kasalanan, ay mga biyayang ipinagkakatiwala ng Diyos sa
inyo? Sakaling dumating si Jesus at
sunduin kayo ngayong gabi rin mismo, makahaharap po ba kayo sa Kanya nang hindi
nahihiya dahil hindi natin winaldas o pinabayaan o inabuso o sinarili lang ang
mga biyayang ipinagkatiwala Niya sa atin?
Sana po, magsikap tayong lahat na maging mabubuting katiwala ng Diyos.
May nagbiro po sa akin nang malamang
145/115 ang BP ko pagkatapos naming mag-usap ni Bp. Pabillo. “Ano bang pinag-usapan ninyo at biglang taas
ng presyon mo?” tanong sa akin ng kaibigan kong pari. Wala pong kinalaman ang pag-uusap namin ni
Bp. Pabillo sa biglang pagtaas ng blood
pressure ko. Sa katunayan,
napakaganda nga po ang bunga ng pag-uusap naming iyon dahil na-aprubahan ang
hiling ko na bilhin ng Arkediyosesis ang loteng katabi ng kasalukuyang properties
ng parokya rito sa Manuguit. Pero maganda
po ang paalala sa akin ni Bp. Pabillo kanina paglabas ko ng ospital: “Ingat ka lang
at alagaan ang kalusugan mo AS A GOOD STEWARD OF GOD’S GIFTS.” Kayo rin po ha!
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home