24 August 2013

ISABUHAY ANG TAMANG SAGOT SA MALING TANONG

IKADALAWAMPU’T ISANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON
Lk 13:22-30 (Is 66:18-21 / Slm 116 / Heb 12:5-7,11-13)

Noong nag-aaral pa po kami sa seminaryo, nabanggit sa amin na itinuturo raw ng teolohiya ang tamang sagot samantalang itinuturo naman ng pilosopiya ang tamang tanong.  Malamang, hindi po nag-aral ng pilosopiya ang taong nagtanong kay Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Gayunpaman, ibinigay pa rin ni Jesus sa kanya ang tamang sagot.

“Ginoo,” may nagtanong kay Jesus, “kakaunti po ba ang maliligtas?”  Alam po ninyo, para sa mga tagapakinig ni Jesus napakahalaga ng tanong na ito dahil hindi maganda ang sagot na natatanggap nila mula sa kanilang mga lider-relihiyoso.  Maraming mga eskriba noong kanilang panahon ang nagtuturo na ang kaligtasan ay hindi para sa lahat ng tao.  Sa halip, ang kaligtasan ay para lamang sa mga Judyo pero marami pa ring mga Judyo ang hindi maliligtas.  Ayon po sa namamayaning katuruan noon, ang maliligtas ay yaon lamang mga Judyong buong higpit na tumutupad sa daan-daang batas na nalikha ng mga eskriba mula sa Sampung Utos na kaloob ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ni Moises.  At lubhang napakabigat po niyon para sa karamihan sa mga Judyo.

Mga Judyo lang daw ang maliligtas, sabi ng mga eskriba.  At maging mga Judyo ay hindi siguradong maliligtas lahat.  Paano pa po kaya tayo?  Hindi tayo mga Judyo.  Para sa mga Judyo, tayo ang mga Hentil.  Kung susundin ng Diyos ang pamantayan ng mga Judyo tungkol sa kaligtasan, impiyerno tayong lahat.

Pero mali po ang tanong.  Hindi na po mahalagang malaman kung kakaunti o marami ang maliligtas.  Ang tunay na mahalaga raw po, ayon mismo sa Panginoong Jesus, ay ang pagsikapan nating pumasok sa makipot na pintuan.  “Sinasabi Ko sa inyo,” patuloy pa Niya, “marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.”  Kapag isinara na rin daw po ang pintong yaon, hindi na ito bubuksan kahit kumatok pa tayo nang kumatok.  At pansinin po ninyo, walang binanggit ang Panginoon na mga Judyo lamang ang maliligtas.  Sa halip, para pa ngang binabalaan Niya ang mga Judyo: “…darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos.  Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”  Samakatuwid, ipinahihiwatig ng Panginoon na ang kaligtasan ay hindi lamang para sa mga Judyo kundi para sa lahat at silang mga Judyong naunang pinagpahayagan ng Diyos ay possible pang mahuli sa langit.  Kaya naman po, ang dapat pagtuunan ng pansin at pagsisikap ng lahat ay ang maligtas at hindi ang malaman kung ilan ang maliligtas.

Ayon po sa 1 Tim 2:4, “Kalooban ng Diyos na maligtas ang lahat”.  Pero may dapat pa rin po tayong gawin.  Ano?  Apat na bagay po.

Una, ang pintuan ng kaharian ng Diyos ay makipot.  Opo, bukas ang pinto, pero masikip daw ang lagusan.  Ang ibig sabihin po ng “pagsikapan” (o strive o try sa pagkakasalin sa wikang Ingles ng Ebanghelyo ngayong araw na ito) ay hindi lamang pagtitiyaga kundi pakikibaka, hindi lamang po simpleng subukang makapasok kundi paghirapang makapasok.  Ito ang madalas nating malimutan o pilit na tinatakasan: ang pakikibaka, ang paghihirap.  Wala pong bayad ang pagpasok sa langit.  Wala pong ticket dapat bilhin para makapasok ka sa kaharian ng Diyos.  Pero, bukod sa awa ng Diyos unang-una sa lahat, kailangan din po natin ng disiplina sa pamumuhay, ng pagsupil sa mga maling hilig, ng paglinang sa mga kakayahang kaloob sa atin ng Diyos, at ng pagkamatay sa sarili na sinasagisag ng pagpasan sa ating krus araw-araw.

Ang sabi po natin, “Kapag maigsi ang kumot, dapat matutong mamaluktot.”  Gayundin naman po, dahil ang pintuan ng kaligtasan ay makipot huwag na po tayong magdala ng kung anu-ano pang mga abubot.  Suriin po natin ang mga kolorete natin sa buhay, ang mga ka-ek-ekan natin, ang mga bagahe natin – talaga po bang nakatutulong ang mga ito sa atin?  Magliligtas po ba ang mga ito sa atin o humahadlang ito para ganap nating masundan si Jesus papasok sa kaharian ng Diyos?

Ikalawa, hindi laging nakabukas ang pinto ng kaligtasan.  Ngayon po ay bukas pa, pero isasara rin ito pagdating ng takdang oras.  Ang Panginoon po mismo ang nagsabi nito sa Ebanghelyo – “Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok.”  Kailangan din po nating gamitin nang mabuti ang panahong kaloob sa atin ng Diyos.  May hangganan ang lahat – ilista po natin isa-isa, ang una sa ating listahan ay ang buhay natin mismo.  Kapag pinagpabukas-bukas po natin ang tunay na mahahalaga para sa ating kaligtasan, kapag nagpa-“bandying-bandying” po tayo, kapag tsaka na lang tayo nang tsaka na lang sa tawag na manalangin tayo, magpatawad tayo, magmalasakit tayo, magsimba tayo, makipagkasundo tayo, magmahal tayo, malamang po aabutan tayo ng pagsara sa pinto nang hindi man lamang natin nasubukang pagsikapang makapasok.  Limitado lang po ang panahon natin.  Huwag sana nating sayangin.

Sabi po natin, “Daig ng maagap ang taong masipag”.  Tama po iyan sa usapin ng kaligtasan.  Bakit po natin ipagpapabukas ang mga bagay na sinhalaga ng ating kaligtasan?  Bakit po natin sasayangin ang pagkakataong kaloob ng Diyos sa atin ngayon gayong hindi naman po tayo talaga sigurado sa bukas?  Mahirap pong kalaban ng kaligtasan ang katamaran, kawalang-pagkabahala, at kawaldasan.  Tamad po ba tayo?  Wala po ba tayong paki?  Waldas po ba tayo?

Ikatlo, pantay-pantay po tayong lahat sa harap ng pintuan ito.  Hindi po ako mauunang pumasok kasi pari ako.  Hindi po porke pari ako ay mas madadalian o mas mabibilisan akong makapasok sa langit kaysa sa inyo.  Hindi po pampadulas sa Diyos ang pasiya kong magpari.  At, kung sa awa ng Diyos at pakikipagtulungan ko sa grasya Niyang kaloob ay makapasok ako sa pintuang makipot bago ito isara, hindi pa rin po nangangahulugang mas maganda ang kalalagyan ko kaysa sa inyo dahil ako ay pari.  Bagamat higit na marunong magpasalamat ang Diyos kaysa sa atin at bukas-palad po Siya sa pagsukli sa ating mga pasiyang ginawa para sa Kanya, pantay-pantay po tayong lahat sa di-malirip na kaloob na kaligtasang handog Niya sa atin.

Wala po tayong maipagmamalaki sa Diyos.  Wala rin tayong dapat ipagmalaki sa ating kapwa para sabihin nating tayo lang ang maliligtas o maliligtas din kayo pero una ako at mataas ang luklukan ko kaysa sa inyo.  Ang lahat ay biyaya, lalung-lalo na po ang ating kaligtasan.  At tayong lahat po sana ay bagsak, pero pinasa po tayo ng awa ng Diyos, hindi ba?  Kaya nga’t wala pong nakapapasok sa langit kundi yaon lamang mga pasang-awa.

Ikaapat, sa kabila ng pintuan ng kaharian ng Diyos ay may mga surpresang naghihintay sa atin.  Ang sabi po ng Panginoon sa Ebanghelyo, “Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”  Kaya huwag po tayong pakaseguro: marami sa ating mga inaakala at mga pagkakalkula ang babaliktarin o tuluyang pawawalang-saysay.  Ang mga dukha sa buhay na ito ay maaring mga maharlika sa kabila.  Ang mga minamaliit sa lupa ay maaaring sa langit ay pinakadakila.  Ang mga makasalanan ay maaaring maging higit pang maningning kaysa mga deboto.  Kaya, huwag pong maging kampante sa mga haka-hakang natutunan natin mula sa mga pamantayan ng mundo.  At hindi rin po natin dapat ituring ang sarili na mas mataas, mas banal, at mas karapat-dapat kaysa iba.  Pagpanaw po natin sa mundong ito, babaliktad ang ating mundo.

Kung gayon, hindi na po natin dapat itanong ang mga hindi mahalagang tanong gaya ng sino ang maliligtas o marami bang makapapasok sa langit.  Sa halip, gawin po nating kaabalahan lagi ang hamon ni Jesus na pagsikapan nating makapasok sa pintuang makipot bago ito isara.  Seryosohin po natin ito.  Tandaan natin, nasa huli ang pagsisisi.  Huwag po nating sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos.  Tutoo po, our God is the God of many second chances but remember there is always a last chance.  At kung nakararanas tayo ng pagdidisiplina ng Diyos, isa-isip po natin ang narinig nating sulat sa mga Hebreo sa ikalawang pagbasa: “Anak, huwag kang magwalang-bahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon, at huwag panghinaan ng loob kapag ikaw ay pinarurusahan Niya.  Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig Niya, at pinapalo ang itinuturing Niyang anak.”

Importante pong itanong ang mga tamang tanong.  Pero huwag lang po tayo tanong nang tanong.  Ngayong ibinigay na po sa atin ni Jesus ang tamang sagot, dapat nating isabuhay iyon.





0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home