NASAAN ANG PUSO MO?
Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon Lk 12:32-48
Isang mayamang negosyante ang nakaratay sa banig ng malubhang karamdaman, naghihingalo. Sa mga huling minuto ng kanyang buhay, nag-roll call sya.
Isang mayamang negosyante ang nakaratay sa banig ng malubhang karamdaman, naghihingalo. Sa mga huling minuto ng kanyang buhay, nag-roll call sya.
“Dear? Dear?” bulong niya. “Yes, Dear,” sagot ng asawa, “nandito ako sa tabi mo.”
“Junior? Junior?” bulong ulit ng naghihingalong mayamang negosyante. “Yes, Dad,” sagot ng panganay na anak. “Nandito po ako sa tabi ninyo.”
“Baby? Baby?” napakahina na ng boses ng ama. “Po, Dad? Nandito po ako sa tabi ninyo,” sagot ng bunsong anak na babae.
“Inday? Inday?” halos hindi na marinig na sambit ng naghihingalong lalaki. “Sir? Yes, Sir?” sagot ni Inday. “I’m here po sa tabi ninyo, Sir.” Biglang bukas ng mga mata at halos bumalikwas mula sa pagkakahiga, napasigaw ang naghihingalong mayamang negosyante: “Aba, anak ng putakte, bakit nandito kayong lahat? Sinong nagbabantay ng tindahan natin sa baba?”
Mayaman ba kayo? Ano ang kayamanan ninyo? Ang kamayaman ay mabuting alipin ngunit masamang amo. Kayo ba ang nagmamay-ari sa yaman ninyo o pagmamay-ari na kayo ng inyong kayamanan?
Lahat tayo ay mayaman. Pakisigaw: “Mayaman ako!” Ang kayamanan ay hindi lamang salapi, ginto, alahas, o mga materyal na ari-arian. Kayamanan din ang talino, mga kaibigan, panahon, kakayahan, pananampalataya, at maging kabanalan. Dahil sa lahat naman tayo ay may kayamanan. Huwag na nating ulit-ulitin pang tanungin kung mayaman tayo. Sa halip, higit na mahalagang sagutin ang dalawang katanungang ito. Una, saan galing ang yaman ko? At, ikalawa, paano ko ginagamit ang kayaman kong ito?
Maraming maaaring pagmulan ng kayaman natin, ngunit dalawang uri lamang ang iba’t ibang posibleng pinagmumulan nito: mabuti o masama. Ang pagnanakaw ay masamang pinagmumulan ng kayamanan. Maaari ka ring yumaman sa panlalamang o panlilinlang ng kapwa pero, alam nating lahat, na yaon ay masamang ugat ng kayamanan. Mabuting pinagmumulan naman ng kayamanan ang pag-aaral, pagsisikap, at pagiging patas. Ang Diyos ang pinakamabuting bukal ng yaman.
Kung paanong marami at iba’t iba ang pinagmumulan ng kayamanan, gayundin naman ang paggamit dito. Hindi masama ang yumaman, basta’t galing sa mabuti ang kayamanan mo. Higit pang mabuti ang yumaman dahil higit ding maraming kabutihan ang maaari mong gawin. Subalit anumang mabuting yaman – materyal man o hindi – ay hindi mapasasaatin kung hindi ito ipinahihintulot ng Diyos. Dahil sa katotohanang ito, ang lahat ng mabuting kayamanang meron tayo ay galing sa Diyos. Ipinagkakaloob sila ng Diyos para sa mabuti ring layunin. Samakatuwid, tayo ay mga katiwala ng Diyos. Sa tutoo lang, hindi tayo ang mayaman. Ang Tatay natin talaga ang mayaman; ang Tatay natin ay ang Diyos. Pakisabi po sa katabi: “Rich ang Papa ko!”
Bilang mga katiwala ng Diyos, magsusulit tayo sa Kanya kung paano natin ginamit ang mga kayamanang ipinagkatiwala Niya sa atin. Tanungin ang katabi: Matalino ka ba? Ginagamit mo ba ang talino mo o tatanga-tanga ka lang? Wais ka ba para sa mabubuting gawain o wais ka ayon sa pakahulugan ng mundo? Tanungin ulit: Malusog ka? Masipag ka ba kung gayon o tatamad-tamad lang? Isang beses pa, tanungin ulit: Mapera ka ba? Bueno, bukas-palad ka naman ba o kuripot ka? Kung ayaw sumagot ang katabi mo, tingnan mo na lang mula ulo hanggang paa. Madali kasing makita kahit sa panlabas pa lamang na anyo kung ang tao ay inaalipin na ng kanyang kayamanan sa halip na ang kayamanan ang maging alipin niya. Sabi ng guro ko: “God gave us things to use and people to love and not people to use and things to love.”
Sa paggamit natin sa anumang kayamanang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, isa sa mahahalagang panuntunan ng pagsisikap nating maging mabuting katiwala ay ang tingnan lagi kung ginagamit na natin ang tao at minamahal ang mga bagay-bagay sa halip na gamitin ang mga bagay-bagay at mahalin lagi ang tao.
Huli na po, tanungin ulit ang katabi: Maganda ka? Sa tingin mo, maganda ka na niyan? Akala mo lang iyon; mas maganda ako sa iyo. Makisig ka? Makisig ka na niyan? Maaagnas ka rin!
Paumanhin po, alam kong brutal at morbid ang dating, pero tutoo po, hindi ba? Ang lahat ng kayamanan ay naglalaho. Ang lahat ng kasikatan ay lumilipas. Ang lahat ng lakas ay humihina. Ang lahat ng talino ay pumupurol. Ang lahat ng salapi ay maaaring manakaw o mawalan ng halaga (dati ang singko sentimos mo ay makabibili pa ng kendi, ngayon kahit sa grocery hindi na ito tinatanggap; sa koleksyon sa simbahan na lang yata ito nakikita). Ang lahat ng kagandahan at kakisigan ay kumukupas. Ang lahat ng tao ay namamatay. Una-una lang yan. At sa pagpanaw natin mula sa buhay na ito, haharap tayo, isa-isa, sa ating Manlilikha at sasagutin ang tanong Niya: Paano mo ginamit ang ipinagkatiwala ko sa iyo? Dumarating sa buhay natin ang iba’t ibang sandali kung kailan, magbingi-bingihan man tayo, naririnig natin ang katok ng Diyos sa pinto. Papasukin na natin Siya ngayon at huwag na nating hintayin pa ang huling katok Niya. Sa huling katok ng Diyos sa buhay natin, hindi na mahalaga kung ano ang mga kayamanan natin. Ang mananatiling mahalaga ay kung saan galing ang kayamanan natin at kung paaano natin ito ginamit. Ngayon pa lang, lubusan at makatotohanan na nating papasukin si Jesus sa buhay natin, at sa Kanya natin ilagak ang ating puso. Sapagkat kung nasaan ang kayamanan natin, naroroon din ang puso natin. Sa tutoo lang, na kay Jesus ba talaga ang puso mo?
1 Comments:
Dear Fr.Bob,
ang ganda ng mga reflections na nabasa ko.puide po bang e print namin ang mga ito sa aming local magazine dito sa abroad? kong ok lang sayo pls reply in my email.
ursly19@hotmail.com
godbless po.
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home