03 July 2010

NAKASULAT SA LANGIT

Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 10:1-12,17-20

Mahilig ba kayo sa mga kuwento ng pakikibaka? Maraming kuwento ng pakikibaka ang nabubuo dahil sa hindi pagkakuntento sa buhay. Kung anuman ang hinahanap ng bida, alam niyang hindi niya ito matatagpuan sa kanyang kinaroroonan. Ang dito at ngayon ay hindi sapat. Halimbawa, kapag sinabihan tayong hanapin ang langit, ipinapalagay nito na ang langit ay wala sa kung saang lugar at panahon tayo naroroon ngayon. Kailangang magpasiya: manatili sa kinaroroonan at matutong makuntento o iwan ang kinamihasnang mundo para hanapin ang pinapangarap? Malaki ang nakataya sa pasiyang dapat gawin. Kung hindi mananatili sa kabila ng malakas na udyok na umalis, maaaring ang buhay ay maging mahabang panahon ng panghihinayang sa pinalampas na mga pagkakataon. Kung aalis naman, maari ring mawala ang lahat. Napakahalaga ng tensyong nililikha ng pagpapasiyang ito sapagkat kung wala ang tensyong ito, maraming tao – hindi lang kuwento – ang hindi man lamang magsisimula. Kung tutuusin, ang pagiging hindi kuntento ay maaaring maging napakabuting karanasan: maari nitong itulak ang tao para hanapin at pagsikapan ang pinakamabuti.

Kadalasan, kapag lilisanin ang mundong kinamishnan, nararamdaman nating hindi pa tayo handa para sa paglalakbay na kailangang gawin. Malakas ang tuksong bitbitin ang higit sa talagang kayang dalhin. Pero kapag dadalhin natin ang lahat ng meron tayo, matatauhan na lamang tayo, isang araw, sa napakahalagang aral na kung tutuusin ay alam na natin bago pa tayo nagsimulang maglakbay: Ang sinumang may pinakamaraming bibit at kakaunti ang iniwan ay nananatili pa ring kung ano siya bago umalis; ibig sabihin pa, kakaunti ang posibilidad na makita niya ang kanyang hinahanap dahil hindi naman siya talaga umalis. Upang makita ang hinahanap, kailangang ganap na lisanin ang pinagmulan. Kapahamakan ang nag-aabang sa sinumang namamangka sa dalawang ilog ng dito at doon, ng ngayon at noon.

Ang puso ng mensahe ni Jesus sa ating nagsasabing nais sumunod sa kanyang mga yapak ay ang radikal na hamong iwan ang lahat, bitiwan ang lahat, ipaubaya ang lahat, itaya ang lahat. Ipinakikita sa atin ng ebanghelyo sa araw na ito na naniniwala si Jesus na kaya nating harapin at gawin ang pagtatayang ito alang-alang sa paghahari ng Diyos.

Nang isugo ni Jesus ang Pitumpu’t Dalawang binabanggit sa ating ebanghelyo ngayon araw na ito, marahil ay nagtataka tayo kung gaano sila kahanda para sa mahigpit na hinihingi ng gawaing naghihintay sa kanila. Nakikita ba ninyo rito ang isang larawan ni Jesus na kailangang magtiwala sa Kanyang mga alagad kung ang Kanyang pakay ay tunay na dapat makaabot sa higit na maraming tao? Kailangan Niyang mag-organisa ng isang kilusan dahil kapos ang Kanyang panahon sa mundo. Dahil tatlong taon lamang ang Kanyang tinatawag na public ministry o hayagang paglilingkod, kailangang umasa si Jesus sa iba’t ibang kakayahan ng Kanyang mga alagad, sa kanilang pag-unawa sa Kanyang aral, sa kanilang pasyang maunawaan ito at maipalaganap. Marahil, kung tayo ang humuhubog sa Pitumpu’t Dalawang ito, hindi pa sila graduate hanggang ngayon. Subalit malinaw na may pagmamadali sa atas na dapat nilang tupdin: Wika ni Jesus, “Humayo kayo!”

Walang halong ilusyon ang bilin ni Jesus sa Pitumpu’t Dalawa. Isinusugo Niya sila gaya ng mga kordero sa piling ng mga asong-gubat. Ipinasasabuhay Niya sa kanila ang radikal na pamumuhay ng mangangaral na iniwan ang sariling tahanan, pamilya, at mga ari-arian. Hindi sila dapat magdala nang labis at hindi rin dapat hihinto sa daan para lamang makipaghuntahan. Kapag pumasok, ika, sila sa isang bahay, dapat nila itong pagpalain ng kapayapaan; at kung sila ay tanggapin, hindi sila dapat mapili sa pagkaing ihahain sa kanila o kaya ay ayusin para sa sarili ang higit na mainam na mapagpapahingahan. Ang lahat ng mga kaabalahang ito ay sagabal lamang at nakapagpapabagal sa pagtupad ng Pitumpu’t Dalawa sa gawaing iniaatas ni Jesus sa kanila.

Kapalit ng paglaya nila sa lahat ng posibleng maging hadlang sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos, sinasabi ni Jesus sa Pitumpu’t Dalawa na ang tangi nilang dapat kapitan ay ang shalom o kapayapaang baun-baon nila saanman sila pumunta. Ang shalom na ito ang siyang kapayapaan ng Kaharian ng Diyos. Sa shalom na ito lamang sila dapat umasa at ito rin ang sukli nila sa sinumang tumanggap sa kanila.

Sa kanilang pagbabalik, matapos ang unang pagmimisyon, galak na galak ang mga alagad dahil umubra ang kanilang pagsisikap. Ipinakikita ng kanilang malaking kagalakan na marami rin namang mga tao ang tumatanggap sa salita ng Diyos na hatid nila at na ang salita ng Diyos ang tunay na bukal ng kanilang misyon. Napansin ba ninyong sinabi ni Jesus sa kanila na dapat nga silang magalak subalit hindi dahil tagumpay ang kanilang misyon kundi dahil ang kanilang mga pangalan ay nakasulat sa langit? Kung ang kanilang kagalakan ay nakabatay sa tagumpay ng kanilang misyon, paano na kapag bigo sila sa misyong ito? Ganito rin ang dapat nating unawain. Ang ating kagalakan ay hindi dapat nakasalalay lamang sa tagumpay ng ating mga adhikain – gaano mang kadakila, kabuti, o kabanal ang mga adhikaing iyon. Tagumpay man tayo ngayon, posibilidad pa rin palagi ang kabiguan bukas. At paano na ang kagalakan natin kapag pumapalpak na tayo?

Ayon sa unang pagbasa ng Misang ito, mula sa ika-animnapu’t anim na kabanata ng aklat ni Propeta Isaias, ito ang nating mapanghahawakang katiyakan sa lahat ng panahon, lugar, at sitwasyon: “Ang makakatulad mo ay sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina. Aaliwin Kita tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak. Ikaw ay magagalak pag nakita mo ang lahat ng ito, ikaw ay lalakas at lulusog, sa gayon, malalaman mong Akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa Akin.” Alam na alam natin, dahil makailang beses na rin naman nating naranasan, hindi ba? Sa ating pakikibaka para sa paghahari ng Diyos, may mga panahong nakakagat tayo ng mga alakdan at nasasakmal tayo ng mga asong-gubat. Sa mga panahong yaon, higit nating kailangang manalig sa sinasabi ni Jesus sa atin: na ang ating mga pangalan ay nakasulat sa langit. At doon, sa langit, walang sinumang makabubura ng pangalan natin.

2 Comments:

At 6:37 PM , Anonymous tsy said...

hello father,
nakakalungkot ngayong araw na ito.
2 ang binagsak ko. pero naiisip ko na may dahilan si Bro at alam kong hindi niya ako papabayaan. salamat father sa mga reflections niyo po. God bless

 
At 4:02 PM , Anonymous Anonymous said...

amen with this.this really inspired to everybody especially today na puno ng pighati't lungkot nararanasan sa sobrang dami ng mga makamundong pangyayari..the important is not to give up whatever struggle may come to us,laging isipin si Jesus na ready to catch us, to guide and to comfort.tnx father..godbless

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home