05 October 2014

TAYO BA ITO?

Ikadalawampu’t Pitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 21:33-43 (Is 5:1-7 / Slm 79 / Fil 4:6-9)


Sapul pa sa pagkabata, pinag-aaralan na po ng mabubuting Judyo ang kanilang bibliya, ang Lumang Tipan.  Kaya naman po, bihasang-bihasa sila sa mga nilalaman nito, lalung-lalo na ang mga isinulat ng mga propeta.  Kaya nang marinig po ng mga kausap ni Jesus ang unang mga linya pa lang ng talinhaga Niyang binasa natin bilang Ebanghelyo ngayong araw na ito, tiyak po, sumagi agad sa isip nila si Propeta Isaias.

Sa Is 5:1-7, na narinig naman po natin sa unang pagbasa ngayong araw na ito, ang Diyos ay meron daw pong ubasang sinisinta.  Ang ubasang ito ay ang Kanyang Bayang Israel.  Inalagaan daw po nang mabuti ng Diyos ang Kanyang ubasan: mataba ang lupa, inararo, tinanggalan ng bato, mga piling binhi lang ang itinanim, may sariling pisaan ng ani, at tinayuan din ng toreng-bantayan sa gitna ng ubasan.  Subalit pagsapit daw po ng anihan, mga ligaw at mapait na ubas lang ang ibinunga nito.  Kaya’t nagalit ang Diyos.  “…ito ngayon ang gagawin Ko sa Aking ubasan” wika Niya, “papatayin Ko ang mga halamang nakapaligid dito.  Wawasakin Ko ang bakod nito.  Hahayaan Kong ito’y mapasok at sirain ng mga ilap na hayop.  Pababayaan Ko itong lumubog sa sukal, mabalot ng tinik at dawag; di Ko pagyayamanin ang mga puno nito; at pati ang ulap ay uutusan Kong huwag magbigay ng ulan.”  At paliwanag ng Propeta, ang alegoriya pong ito ay pagsasakdal ng Diyos sa Kanyang Bayang Israel.  Bakit daw po, sinasakdal ng Diyos ang Kanyang Bayan?  Sapagkat sa halip na gumawa ng mabuti, naging mamamatay-tao raw po sila, at sa halip na magpairal ng katarungan ay panay pang-aapi sa kapwa ang ginawa.

Tandaan po natin, hindi natin kailangan maging Judyo para masakdal din tayo ng Diyos.  Mamamatay-tao po ba tayo?  Hindi lamang pagkitil sa buhay ng kapwa ang pagpatay.  Marami na rin pong pinatay ang dila natin, hindi kaya?  Marami na rin pong pinatay ang tingin natin, hindi kaya?  Marami na rin po kaya tayong pinatay sa isip natin?  O baka po hindi nga tayo pumapatay ng tao, pero mapang-api naman tayo.  Hindi po kaya sinasakdal din tayo ng Diyos ngayon habang nakikinig tayo sa Kanyang salita?  Baka lang po.

Kung ayaw po nating masakdal tayo ng Diyos, pagsikapan nating gawin ang payo ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon.  “…mga kapatid,” wika ng Apostol, “dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na tutoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.  Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin.  Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”  Subalit sa pagsasabuhay ng mabuting payong ito ni Apostol San Pablo, napakahalaga po ng paggabay ng mga pinuno natin sa sambayan ng Diyos.  At sila nga po ang tahasang kausap ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.

Tiniyak po ni San Mateo na malaman natin agad na ang mga lider-relihiyoso at mga iginagalang sa lipunan ang aktuwal na mga kausap ni Jesus at kinuwentuhan ng Talinhaga ng Mga Manggagawa sa Ubasan.  “Noong panahong iyon,” bungad ng Ebanghelyo, “sinabi ni Jesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: ‘Pakinggan ninyo ang isa pang talinhaga.’”  At nang isalaysay na nga ni Jesus ang talinhaga, hindi maikakailang damang-dama ang tensyon sa pagitan Niya at ng mga kausap Niya, ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan.  Isang malakas na hagupit sa kanila ang kuwento ni Jesus.  Ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan, sa tingin ni Jesus, ay mga katiwalang tiwali.  Hindi lang po nila pinababayaan ang ubasan ng Diyos, ang Bayan ng Diyos; pinagsasamantalahan pa nila ito.

Sapagkat sila po ay mga punong saserdote at matatanda ng bayan, siguradong alam na alam nila ang Mga Banal na Kasulatan, at agad nilang naalala ang isinulat na ni Propeta Isaias tungkol sa ubasan ng Diyos.  Kaya lang po, bahagyang binago ni Jesus ang alegoriya ni Propeta Isaias.  Sa halip na ang bayang Israel, bilang ubasan ng Diyos, ang bumigo sa Diyos, sa talinhaga ni Jesus, ang bumigo sa Diyos ay ang mga pinagkatiwalaan Niyang mangalaga, gumabay, at magmalasakit sa ubasang ito.

Tayo pong lahat, sa malaki o maliit na paraan, ay mga katiwala ng Diyos sa ating kani-kaniyang tahanan, sa lipunan, at sa simbahan.  Tayo pong lahat ay mga pinagkatiwalaan Niya ng pananagutan sa Kanyang nilikha at sa isa’t isa.  Anong uri po tayong katiwala?  Tayo po ba ay mabuting katiwala o katiwalang tiwali?  Mapagmalasakit po ba tayo o mapagsamantala?  Maalaga po ba tayo o pabaya?

Ang tanong ng may-ari ng ubasan sa talinhaga ni Jesus ay tanong din po ni Jesus sa atin ngayon: “Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon (na hindi lamang mga tiwaling katiwala kundi mga mamamatay-tao pa)?”  Alam na alam po natin ang sagot, hindi ba?  Medyo nakakatawa pa nga po sapagkat ang sumagot din sa tanong ni Jesus ay silang mga pinatatamaan Niya, ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan.  “Lilipulin niya,” sagot nila kay Jesus, “ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.”  O, iyon naman po pala eh, alam.  Bakit hindi magsikap maging mabuting katiwala?

Magsikap po tayong lahat at magtulungan na maging mabubuting katiwala ng Diyos.  Batid po ng Diyos na sa kaibuturan ng ating kani-kaniyang puso, nais nating maging karapatdapat sa Kanyang pagtitiwala; subalit, dala ng iba’t iba, marami, at kadalasan ay kumplikadong mga kadahilanan, di miminsan na nating nabigo ang Diyos at sa halip na maging mabuting katiwala ay naging katiwala tiwali na rin tayong lahat.  Buong kababaang-loob at taus-puso po tayong humihingi ng awa at kapatawaran sa ating katiwalian.  Subalit tunay din naman po tayong magsikap, sa tulong na rin ng Diyos, na maging mabubuting katiwala Niya.  At sa ating pagbangon, itayo po nating muli ang ating buong pagkatao sa Panulukang-Batong si Jesukristo.  Siya, na “Batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang Siyang naging Batong Panulukan,” ay hindi nagbabago, ayon sa Heb 13:8, noon, ngayon, at magpakailanman.

Sa pagtatapos ng ating pagninilay, hindi po natin maiwasang hindi banggitin ang kabaliwan ng may-ari ng ubasan.  Sa pagsusugo po niya ng kanyang anak sa ubasang pinagsasamantalahan ng kanyang mga pinagkatiwalaan, hindi lamang siya mistulang tanga kundi lubhang pabaya pa.  Sino po bang magulang ang, matapos makita ang karahasang ginawa ng kanyang mga katiwala sa mga naunang isinugo isinugo niya, ang pati sariling anak ay isugo pa?  Meron po ba?  Wala.  Mali, meron.  Ang Diyos.  “Gayon na lamang kamahal ng Diyos ang sanlibutan kung kaya’t ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang kaisa-isang Anak…” (Jn 3:16).  Hindi po ba dapat nating Siyang pasalamatan at tularan?


0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home