BINUHAY PARA BUMUHAY
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Jn 11:1-45 (Ez
37:12-14 / Slm 129 / Rom 8:8-11)
Hindi pa tayo namamatay
pero namatayan na po tayong lahat. Alam
na alam na po natin ang karanasan ng namatayan.
Nililikha ng pagpanaw ng isang minamahal ang malaking puwang sa ating buhay,
puwang na maaaring sinlaki ng buong mundo.
Labinlimang taon na po ang nakalipas nang pumanaw ang tatay ko, pero
hanggang ngayon miss na miss ko pa rin siya. Simula nang siya’y pumanaw, hindi na po ulit
naging kumpleto ang pamilya namin.
Laging may wala. Wala na si Daddy.
Sa pagpanaw ng isang
minamahal, higit din pong tumitingkad ang mabubuti niyang katangian. Kaya nga po, nagigising tayo sa masakit na
katotohanang, kahit anong mangyari, wala talagang puwedeng pumalit sa kanya sa
buhay natin. Ang nanay ko po, hindi na
ulit nag-asawa matapos mabiyuda. Ang
Tita Linda ko po, 30 años lang nang mabiyuda, pero hindi na rin po nag-asawa
ulit.
Sa ating mga Pinoy, isang
taon matapos ang pagpanaw ng yumao babang-luksa na po. Subalit may mga taong ang buong-buhay po nila
ay pagluluksa. Mas mahal ang pumanaw,
mas malalim ang pagdadalamhati, mas masakit ang pangungulila, mas matagal ang
pagluluksa.
Ngayong ikalimang Linggo ng Kuwaresma, may patay: si Lazaro – kapatid
nila Marta at Maria. At sapagkat ang
tatlong magkakapatid na ito ay matatalik na kaibigan ni Jesus, damang-dama po
ni Jesus ang matinding lungkot ng pagpanaw ni Lazaro. Ayon sa Ebanghelyo, gayon na lamang po ang
pagtangis ni Jesus anupa’t masabi ng mga Judyo, “Talagang mahal na mahal Niya
si Lazaro!”
Pero tama po si
Marta! Kung naroroon lang sana si Jesus
nang may sakit pa lang si Lazaro, hindi po sana ito namatay. O, hindi nga kaya? Bakit po kasi naman hindi agad pinuntahan ni
Jesus ang minamahal na kaibigan nang ipaalam sa Kanya na ito ay may sakit?
Ang isip ng tao ay hindi isip ng Diyos.
Minsan ang pamamaraan ng Diyos para iligtas tayo ay kabaliktarang-kabaliktaran
po ng pamamaraan natin. Kapag
inililigtas tayo ng Diyos, hindi Niya po kinukuha ang krus sa ating balikat at sinasabi,
“Akin na ‘yan. Ako na lang ang
magbubuhat para sa iyo.” Sa halip,
sinasabi po Niya sa atin, “Wala namang nagsabing buhatin mong mag-isa ‘yan. Halika, tutulungan kita. Pasanin nating dalawa ang krus mong mabigat." Kasama po natin si Jesus sa ating
pinagdaraanan. At sa mga sandaling ubod
na ng bigat ang ating dala-dala kaya’t ni hindi na po tayo makatayo at
makalakad, kinakarga tayo ni Jesus sa ating paglalakbay. Katuwang at kaagapay po natin Siya sa tuwina,
maliban sa paggawa ng kasalanan. Hindi
po ba si Jesus ang “Emmanuel, na ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”?
Kaya, kahit pinuntahan pa
agad ni Jesus ang agaw-buhay na si Lazaro at kahit tunay pong may kapangyarihan
Siyang hadlangan ang kamatayan ng minamahal Niyang kaibigan, hindi pa rin po
tayo nakasisigurong hindi mamamatay si Lazaro.
Sa katunayan, sinadya po talaga ni Jesus na hindi agad puntahan si
Lazaro. Ibang-iba po talaga ang paraan
ng Diyos. Hindi po ba tutoo, masakit
magmahal ang Diyos? May kurot.
Ayon kay Jesus, mamatay
man si Lazaro, hindi pa po iyon ang huling pahina ng kanyang talambuhay. Sa halip, iyon ay isa lamang kabanata sa
buhay ni Lazaro. At ang lahat po ay
mauuwi sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya’t
nang pasabihan siya ng mga kapatid na babae ni Lazaro, “Panginoon, ang Iyong
minamahal ay may sakit,” ang tugon ni Jesus ay “Ang karamdamang ito ay hindi
magtatapos sa kamatayan kundi sa kaluwalhatian ng Diyos, at sa pamamagitan nito
ay luluwalhatian ang Anak ng Diyos.”
Samakatuwid, patungo at alang-alang sa higit na dakila, pagdaraanan lang
ni Lazaro ang kamatayan.
May nabasa po ako na ang
sabi, “Kung may pinagdaraanan ka, daanan mo lang.” Oo nga naman po, daanan mo lang, huwag mong
istambayan; kaya nga “pinagdaraanan” ang tawag eh. Move
on, move on din pag may time; at
kung walang time, gumawa ka ng time para maka-move on ka. May
pinagdaraanan po ba kayo? Baka time to move on na! To move
on with Jesus.
Sa simula ng Ebanghelyo
ayon kay San Juan, ganito po ang nasusulat: “Ang lahat ng umiral ay nagkabuhay sa Kanya at ang buhay na yaon ay
ang liwanag ng sangkatauhan, liwanag na tumatanglaw sa
kadiliman, liwanag na hindi kayang magapi ng kadiliman” (Jn 1:4-5). Kaya
nga po, maging ang kadiliman ng libingan ay hindi kadiliman para kay Jesus:
Siya mismo ang Liwanag na umaakit sa atin palabas ng ating mga libingan.
Matapos
manalangin, tinawag ni Jesus si Lazaro mula sa libingan: “Lazaro, lumabas ka!” At lumabas nga po ang apat na
araw nang nakalibing.
Tinawag ni Jesus ang patay? Narinig ng patay si Jesus? Na bumangon ang patay at lumabas ito mula sa
libingan ay hindi po sintindi ng himalang narinig nito ang tawag at utos sa kanya: “Halika! Lumabas ka!”
Ang Ebanghelyo po natin ngayong araw na ito ay hango sa ikalabin-isang kabanata
ni San Juan, subalit sa ikalimang kabanata pa lang, Jn 5:25, sinabi na ni
Jesus, “Tunay na tunay Kong sinasabi sa inyo, darating ang oras at ngayon na
nga, maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at silang mga
nakaririnig ay mabubuhay.”
Mabuti pa po ang patay,
ano? Naririnig ang tinig ng
Panginoon. Tayo po kaya, naririnig din
ba natin ang tinig ng Diyos? Baka hindi
na po natin naririnig ang tinig ng Panginoon.
Bakit po kaya?
Pero ang naririnig ay hindi po kapareho ng nakikinig. Maaaring naririnig nga natin ang tinig ng
Diyos, pero nakikinig po ba tayo?
Samantalang dapat munang naririnig ang tinig ng Panginoon bago po natin
masabing nakikinig tayo sa Kanya, hindi naman po lahat ng nakaririnig sa Kanya
ay nakikinig talaga. Talaga po bang
nakikinig kayo sa tinig ni Jesus? Baka
hindi po. Baka naririnig n’yo lang Siya
pero hindi naman po kayo nakikinig. Baka
rin po ang tinig ng Panginoon ay isa lamang sa mga naririnig nating tinig, pero
hindi naman talaga tayo sa Kanya nakikinig.
Baka lang naman po.
Si Lazaro, bagamat patay, narinig at nakinig sa tinig ni Jesus. Tunay nga po siyang kabilang sa kawan ng
Panginoon. Sa Jn 10:27 sinabi ni Jesus
na ang Kanyang mga tupa ay silang nakikinig sa Kanyang tinig, kilala Nya sila,
at sumusunod sila sa Kanya. Kabilang na
kabilang si Lazaro sa kanila. Kayo po,
kabilang rin ba kayo sa kawan ng Mabuting Pastol?
Natanggap ni Lazaro ang panibagong buhay sapagkat nakikinig po siya kay
Jesus. Makinig tayo kay Jesus; tanggapin
po natin ang pinagpanibaaong-buhay na ibinibigay Niya sa bawat-isa sa
atin. Huwag natin siyang dedmahin. Bumangon tayo at lumabas sa ating mga
libingan.
Sa pagwawakas, minsan pa
po nating tingnan si Lazaro nang siya ay lumabas na ng libingan: “napupuluputan
ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang
kanyang mukha.” Sa madaling-sabi, buhay
nga si Lazaro pero nakatali naman. Kaya
sinabi ni Jesus sa mga nakapalibot sa kanila ni Lazaro, “Kalagan ninyo siya, at
nang makalaya.” Aha! Isinasangkot ni Jesus ang mga tao sa
pagbibigay-buhay kay Lazaro. Hindi lang
pala sila mga nagdadalamhati o nakikidalamhati.
Mga kaagapay sila ng Panginoon sa pagbibigay-buhay at pagpapalaya sa
kapwang bumangon.
Ang tunay na alagad ni
Jesus ay hindi puwedeng usisero lang.
Kasangkot siya, kaagapay, katulong ni Jesus para ang kapwa ay mabuhay at
lumaya. Kaya, kung tunay tayong mga
alagad ni Jesus, huwag po tayong mga usisero, huwag po tayong makontento sa
panonood lang, at huwag po tayong manhid.
Hindi lang tayo tagapalakpak kapag may bumabangon sa pagkakarapa;
tagapagkalag po tayo ng kanyang tanikala.
Hindi po sapat ang sabihin lang natin, “Ang galing! Ang galing!”
Dapat natin siyang pagalingin.
Hindi po kumpleto ang himala hanggang si Lazaro ay hindi natin
pinalalaya.
May tatlong hamon po sa
atin ang Ikalimang Linggo ng Kuwaresma.
Una, magtiwala sa Diyos: ang pamamaraan Niya ay iba sa ating
pamamaraan. Ikalawa, hindi po sapat ang
naririnig lang ang tinig ng Panginoon: nakikinig ba tayo sa Kanya? At ikatlo, kalagan po natin ang mga Lazaro
binuhay na muli ni Jesus.
Hindi pa tayo namamatay
pero namatayan na po tayong lahat.
Naranasan n’yo na po bang bumuhay?
Binuhay tayo ng Diyos para bumuhay.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home