23 December 2013

MERON AKONG TULA: ANG KUWENTO KO

Ikasiyam na Misa de Gallo
Lk 1:67-79 (Sam 7:1-5, 8-12, 14, 16 at Slm 88)

Magandang morning po sa inyong lahat!  Ayan na!  Heto na!  Ito na nga po ang ikasiyam na Misa de Gallo ngayong taong ito.  Ang lahat ng mga nakakumpleto, binabati ko po kayo ng isang masigabong congratulations!  Sa sa inyo pong lahat na nagparanas sa akin ng pitong Kapaskuhan dito sa Manuguit, maraming, maraming salamat po.  Pero, teka lang po, hindi pa ito ang mismong araw na pinakahihintay natin ha.  Bukas pa po!  Pero magsisimula na ang napakasaya’t napakabanal na panahon ng Kapaskuhan mamayang gabi sa pagdiriwang natin ng Christmas Eve Mass.  Baka naman po, nakumpleto nga ninyo ang Misa de Gallo pero makalimutan ninyong magsimba sa mismong birthday ng Itinakda.  Huwag naman po sana.

Saan na nga po ba tayo sa kuwento ko?  Ah, nandito pa po tayo sa bahay nila Zekarias at Zabeth.  Katutuli lang ni Yohanan, ang mahiwagang anak nila.  Salamat sa Diyos, nabuksan nang muli ang lalamunan at mga tainga ni Zekarias.  At umawit pa!

Alam ninyo, nagduda man noong una itong si Zekarias tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos, hindi naman po siya masamang tao.  Napakamaka-Diyos nga po nila ni Zabeth eh.  Sadyang hindi lang po siya talaga makapaniwala noong una niyang marinig ang ipinasabi sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ng anghel.  Hay, naku, ganyan po talaga ang Diyos, hindi ba?  Mahilig manggulat.  Ang mga grasya Niya ay bumubulaga sa atin.  Kaya dapat pagsikapan nating laging mulat sa mga pagkilos ng Diyos sa buhay natin ha.

Tara, magpaalam na po tayo kina Zekarias at Zabeth.  Hindi ko na po ipaliliwanag pa ang kinanta ni Zekarias ha.  Ipinaliliwanag ba ang kanta?  Hindi.  Inaawit ang kanta.  Isinasabuhay din, kaya nga po may mga kantang tinatawag na theme songs.  Kayo po, ano ang theme song ng buhay n’yo?

Pabalik na po tayo ni Marya sa Nazareth.  Excited ba kayo?  Malapit nang isilang ang Itinakda.  Pero tiyak ko po, mag-uusap muna nang masinsinan itong si Marya at si Jose.  Huwag po kayong mag-alala, mauuwi sa mabuti ang lahat.  “God works for good for those who love Him,” sabi ni Ka Pablo sa Rom 8:28.  Hindi pinababayaan ng Diyos ang mga tapat sa Kanya.  At wala naman pong kaduda-duda, tapat na tapat sa Diyos itong si Jose at Marya.  Tayo po, tapat ba tayo sa Diyos?  Sana, katulad po ni Jose at Marya, walang katapat ang Diyos sa buhay n’yo.

Wala po akong balak tapatan si Zekarias ha, kaya hindi na po ako kakanta.  Tutula na lang.  Opo, itutula ko ang kuwento ko sa inyo ngayong umagang ito.

Mga minamahal kong madlang Faithful ni Kristo,
binabati ko po kayo nang tagos sa buto
‘pagkat inyo nga pong tunay na nakumpleto
ang siyam na araw ng pagmi-Misa de Gallo.

Kung wala ang Poon, hindi natin kakayanin
ang siyam na umagang pagpupuyat natin.
Kaya naman po mahal na Poong butihin
Sa masigabong palakpakan ay pasalamatan natin.

Nitong walong araw na mabilis na nagdaan,
akin pong ikinuwento sa inyo ngang tanan,
batay sa ‘king alam at abang kakayahan,
ang tungkol sa Itinakdang isinilang para sa tanan.

Lahat ng paraan akin pong sinubukan:
nangusap, kumanta, at nakipagbiruan
para lamang ako ay huwag ninyong tutulugan
at iwang mag-isang sarili ang kakuwentuhan.

Ngayong ikasiyam sa ating huntahan,
paglalahad ko po’y sa makatang paraan.
Pagpasensyahan n’yo sana ang aking nakayanan:
parangal sa Itinakda at Inang matimtiman.

Noong unang araw, si Juan Bautista ang salaysay.
Siya raw po ay ilaw na maningas na tunay.
Nangaral at nagbinyag na ang nag-iisang pakay
tuwirin ang daraanan ng Itinakdang mabubuhay.

Nang kinabukasan, ang kuwento ko po naman
Ay tungkol sa mga babaeng  mula sa tala-angkan
ng Itinakdang gagapi sa lahat ng kasalanan
ngunit minarapat mapabilang sa angkang may kahinaan.

Ikatlong araw ng huntahan, atin pong pinag-usapan
ang magiging ama-amain ng Itinakdang isilang.
Jose ang pangalan, karpintero pong tinuran,
matuwid at tahimik na kay Marya ay katipan.

Ikaapat na kuwentuhan, si Zekarias po ang tauhan,
asawa ni Elisabeth na baog at may katandaan
subalit pinagdalantao ng Diyos na makapangyarihan.
Silang dalawa nga po mga magulang ni Yohanan.

Ikalimang araw naman po nang itinanghal si Marya,
huwaran ng kapakumbabaan, pananalig, at pagtalima.
Siya po ang babaeng pinag-umapaw ng Diyos sa grasya
upang sa Itinakada ay maging marapat na ina.

Noong ika-anim na araw, tayo po ay naglakbay,
sinamahan si Marya upang sa pinsan ay dumamay.
‘pagkat baog man at matanda tunay pa ring nanganay
itong misis ni Zekarias na Zabeth nga ang palayaw

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento ang ikapitong araw ng aking kuwento.
Dapat daw nating muling tingnan si Jose, ang sabi ng liturhiya po.
Tulog pa rin po sa sobrang pag-iisip at pagtatrabaho
ngunit napaliwanagan din ng Diyos itong si Joseng karpintero.

Sa ikawalong araw ng ating kuwentuhan
Ang paksa po ay tungkol sa masayang kapanganakan
at kung bakit nga po ang ibinigay na pangalan
sa anak ni Zakarias at Zabeth ay Yohanan o Juan.

Ang araw pong ito ang ikasiyam na kabanata
sa kuwento ko sa inyo na tutoong mahiwaga.
Pagsilang ng lubhang makapangyarihang Itinakda
ay di na magtatagal at bukas na bukas na nga.

Ang dating pipi ay bigla pong nagkapagsalita,
yayamang natupad na ang ipinasabi sa kanya.
Si Zakarias, ama ni Yohan, nakalagan nga po ang dila,
at, nagpupuri sa Diyos, umawit siyang karakaraka.

May dalawa pong bahagi ang matimyas n’yang kanta:
ang una ay paglingon, pagtanaw naman ang ikalawa.
Inawit ni Zekarias ang mga dati nang ginawa
at mga gagawin pa ng Diyos na tapat sa mga pangako Niya.

Dalawa man ang bahagi, iisa lang po ang pakay
ng mapagpalang pagkilos ng mabathalang kamay
sa buong kasaysayan ng bayan Niyang tinawag, pinalaya, at inakay
para maging lahing kabibilangan ng Itinakdang magtatagumpay.

Katapatan sa pangako – ito ang buod ng aking kuwento
Na pinagsikapan ko pong isalaysay araw-araw sa inyo.
Katapatan sa pangako – ito ang aral na tutoo
Na hatid sa atin ng Itinakdang naparito.

Ang Diyos ay tapat sa Kanyang salita.
Pangakong binibitiwan tinutupad N’ya pong talaga.
Gaano man katagal at kamasalimuot ng mga kabanata,
Katapatan ng Diyos ay mananaig na dakila.

Yayamang laging tapat ang Diyos na mahiwaga,
tunay na dapat sa Kanya lagi tayong manalig at umasa.
At kapag bahagi natin ay tunay po nating ginagawa,
ang Dakilang Itinakda sa tuwina’y ating kasama.

Sa gitna ng kadilimang pasakit ng kasalanan,
nagbubukang-liwayway sa buong sankatauhan
ang matinding pag-ibig sa atin ngang tanan
ng Diyos na tapat at tunay na maaasahan.

Ang Bukang-liwayway ay ang Makapangyarihang Itinakda,
Siyang Evangelii Gaudium, ika ni Francisco na Papa.
Jesus ang ngalan, kagalakan ng Mabuting Balita
at Mabuting Balitang kagalakan ang sa lahat ay dala.

Salitang katuparan ng Diyos na Ama,
sa lubhang katapatan ay nagkatawang-tao na nga.
Kagalakan ng pag-ibig na higit po sa ‘ting inaakala:
sa kabila ng mga sala, biyaya pa rin ating napala.

Bagamat ang Itinakda ay isinilang sa sabsaban
Ang puso naman natin ang nais Niyang maging tahanan.
Ito po lagi ang regalong sabik Niyang inaabangan
mula sa ating lahat na Kanyang pinag-alayan.

Siya po ay nakibahagi sa ating pagkatao
Upang sa Kanyang pagka-Diyos makabahagi tayong tutoo.
Sa ating kaibuturan nananahan ang Kanyang Espiritu
upang tayo rin naman ay maging kagalakan ng mundo.

Ito po ang aking kuwento na kuwento rin ninyo.
Kuwento ito ng Diyos at atin rin pong kuwento.
Patuloy nating ikuwento sa lahat ng mga tao
sa pamamagitan ng salita at pamumuhay natin po.

Hindi pa po tapos ang aking pagkukuwento.
Sana po kayo ay magbalik kahit tapos na ang Misa de Gallo.
Ang aking salaysay ay di lamang tungkol sa Pasko;
kaya’t aasahan ko po kayo sa Misa ko linggu-lingo.

Sa iisang Diyos na may tatlong pagka-persona,
at ang sa aking kuwento ang tunay na may-akda,
ang lahat ng papuri, pasasalamat, at pagsamba
noon at ngayon at magpasawalang-hanggan.  Siya nawa.


0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home