DEAL OR NO DEAL?
Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 11:1-13 (Gn
18:20-32 / Slm 137 / Col 2:12-14)
Sigurado po ako na kilala ninyong lahat si
Banker. Pero wala pa ni isa sa atin ang
nakakita kung sino talaga itong si Banker.
Deal or no
deal?
Ang “Deal or No Deal” ay napakapopular na laro sa
telebisyon bago ito po itigil at pagkatapos ay ibalik muli. Bukod po sa inaabangang naggagandahang “26-K”
at makukulay na gown ni Kris noon at ngayon naman ay ang mahusay na pagho-host ni Luis Manzano, nanggigigil ang mga
contestant, pati lahat ng mga manonood
sa studio at sa kani-kanilang
telebisyon, sa posibleng mapanalunang tumataginting na tatlong milyong piso. Marami po ang pinalad na makapaglaro (ang iba,
mga pari pa nga), pero mabibilang lang sa mga daliri ang mga nakapag-uwi na ng
tatlong milyong piso.
Deal or no
deal?
May kuwento ang mga Judyo tungkol sa isang taong
nakipag-deal-or-no-deal sa Diyos. Isang araw, sa loob ng isang sinagoga, gayun
na lamang ang pagdarasal ni ng isang taong nagngangalang Ben Ezra. Napansin daw po ng isang rabbi itong si Ben
Ezra na parang nakikipag-away sa Diyos, kaya nilapitan niya ito at nababahalang
kinausap, “Uy, Ben Ezra, kanina pa kita pinagmamasdan. Nagdarasal ka ba o nakikipag-away sa
Diyos. Ano bang sinasabi mo sa Diyos?
Sumagot si Ben Ezra, “Mahal kong rabbi, ito po ang
panalangin ko sa Diyos. O Yahweh,
Maylikha ng sansinukob, ito lang po ang masasabi ko sa Inyo. Inaamin ko po, napakarami kong mga
kasalanan. Nakikipagtalo ako sa asawa
ko, pero kilala naman po Ninyo si misis!
Nauubusan din po ako ng pasensya sa mga anak ko, pero may magulang bang
hindi kahit minsan? Pasensya na po Kayo,
nakapandaya rin ako sa trabaho, pero konti lang. O, Yahweh, napakaliit po ng mga kasalanan ko,
hindi ba? Pero inaamin ko, mga kasalanan
ko nga po ang lahat ng ito.”
“Ngayon, tingnan naman po natin ang mga kasalanan
Ninyo, Yahweh,” mapangahas na sabi ni Ben Ezra.
“Minsan po ikinakandado Ninyo ang pintuan ng kalangitan at nagkakaroon
nang matinding taggutom sa lupa dahil walang ulan kaya’t natutuyo ang kabukiran
at namamatay ang aming mga pananim.
Tapos, kapag sawa na po Kayo sa tagtuyot, bigla-bigla naman po Ninyong
pinakakawalan ang rumaragasang tubig. Ni
hindi pa namin naaayos ang mga butas-butas naming bubong o nalilinis ang bara
ng mga estero. Maging sa loob ng aming
pamamahay, lumalangoy kami. Binabaha po ang
mga bukid at mga lansangan, inaanod ang aming mga pananim, mga hayop, at maging
mga mahal sa buhay. Tapos, hindi po kayo
natitinag kahit pa kami ay magpatayan.
Hindi po Ninyo hinahadlangan ang mga krimen, mga karahasan, at mga
digmaan. Ang aming mga anak ay
nilalapastangan at pinapatay. Pero may
mga sinapupunan din naman pong hinahayaan Ninyong matuyot at hindi
makapagsilang kahit man lamang isang sanggol.
May mga isinisilang din naman pong mga sanggol na walang liwanag ang mga
mata at habambuhay na siyang bulag. May mga
walang taginting sa tainga o mga lakas sa bisig at mga paa. May mga tahanan din pong hinahayaan Ninyong
mawasak. Tapos, kinukuha po Ninyo ang
mga mahal namin sa buhay at pinanonood lamang Ninyo ang aming pagdadalamhati
hanggang sa kami ay mamatay na rin. Iyan
po ang mga kasalanan Ninyo, Yahweh. At
pagkalaki-laki nila, hindi ba? Pero may
alok po ako sa Inyo. Patawarin po Ninyo
ako sa aking maliliit na kasalanan at patatawarin ko rin naman po Kayo sa
malalaki Ninyong kasalanan.”
“Iyan po ang dasal ko sa Diyos,” wika ni Ben
Ezra. Kung kayo po ang Diyos, Rabbi, ano
ang sagot n’yo: deal or no deal?”
Matagal
daw pong nag-isip ang rabbi, tapos ay sumagot: “No deal!”
“Huh? Bakit po, Rabbi?” tanong ni Ben Ezra.
“Napakaliit
naman kasi ng offer mo!”, sagot ng
rabbi. “Sa laki ng sinabi mong mga
kasalanan ng Diyos, sana hiningi mo na sa Kanya ang Mesiyas!”
Sa unang pagbasa po natin ngayong araw na ito,
hindi na si Ben Ezra, kundi si Abraham ang lakas-loob na nakikipagtawaran sa
Diyos. Ang isyu po ay kung ilang matutuwid
na tao ang kailangan para hindi na wasakin ng Diyos ang Sodom at Gomorrah. Parang auction
ang tagpo. ‘Yun nga lang, pababa nang
pababa ang presyo – limampu, apatnapu’t lima, tatlumpu, dalawampu, sampu. “Deal!”
sagot ng Diyos. Sa isang banda po, si
Abraham ay larawan ng isang marunong tumawad. Sa kabila naman, ang Diyos ay larawan ng isang
mapagpasenyang mangangalakal na hindi naman pala mahirap kausapin gaya ng
inaakala ng maraming tao. Talaga namang
binarat ni Abraham ang Diyos, pero sumang-ayon naman po ang Diyos sa itinawad
ni Abraham. Ngunit, wala pa rin natagpuan
ang Diyos na kahit sampung matutuwid na tao sa Sodom at Gomorrah, kaya’t natuloy
pa rin ang pagkawasak ng mga bayang ito. Tanging si Abraham at ang kanyang sambahayan lamang
ang naligtas. Aha, pinatawad ng Diyos
ang marunong tumawad!
Sa sulat naman po ni San Pablo Apostol, ang larawan
ng Diyos na mapagbigay ay muling lumilitaw.
“Pinatawad ng Diyos ang lahat ng ating mga kasalanan at binura ang bawat
tala ng utang na dapat sana nating bayaran,” wika ni San Pablo Apostol. Ginawa raw po ito ng Diyos, ayon sa Apostol,
sa isang napakadramatikong paraan: Ang ating mga utang ay ipinako ng Diyos sa
krus ni Jesus. Napakaganda po ng
imahe! Wari baga, sa krus, nakikita ng
Diyos ang kuwento ng pag-ibig ni Jesus sa halip na kuwento ng mga kasalanan natin.
Sabi po ng rabbi kay Ben Ezra, sa kuwento ko
kanina, dapat daw ay nilakihan pa ni Ben Ezra ang hiningi niya sa Diyos. Dapat daw po, ang Mesiyas na ang hiningi niya kay
Yahweh. Bilang mga Kristiyano, ito nga
po mismo ang pinaniniwalaan natin na ginawa ng Diyos. Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang
sariling bugtong na Anak, ang Mesiyas.
At ibinigay po Niya Siya sa atin kahit bago pa man natin Siya hiningi sa
Kanya. Ni hindi na nga po natin
kinailangan pang hingin si Jesus sa Diyos.
Tayong tumatawad sa Kanya ay Kanya na nga pong pinatawad sa pamamagitan
ni Jesus.
Karamihan po sa atin ay hindi nahihirapang maniwala
na ang Diyos nga ay bukas-palad, mapagpatawad, at mabait. Pero, batid po natin, may mga taong hirap na
hirap pa ring tanggapin na ganito nga ang Diyos. Kahit nga po tayo, minsan, inaakala pa rin
nating mahirap Siyang kausapin; kaya kung anu-anong pinaggagawa natin sa pag-aakalang
mas pakikinggan Niya tayo, mas patatawarin Niya tayo, mas pagbibigyan Niya
tayo, mas mamahalin Niya tayo. Pero
nagkakamali po tayo dahil ang sabi ni Jesus, ang Diyos ay Tatay natin.
Nang turuan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na
manalangin, pinagdiinan po Niyang tawagin at ituring nila ang Diyos bilang Ama,
na lapitan at kausapin Siya nang may pagtitiwalang tulad ng sa batang
nakatitiyak na pagmamahal ng kanyang magulang.
At ito po ay hayagang ginawa ni Jesus sa gitna ng isang kultura at
relihiyon na nagsasabing ang Diyos ay hindi lamang ibang-iba kundi
malayung-malayo sa tao, na kalapastanganan ang banggitin man lamang ang
pangalan ng Diyos, at hindi maaaring mamasdan ng tao ang Diyos at manatiling
buhay. Kaya nga po gustung-gusto ng mga
Pariseo, eskriba, at matatanda ng bayan na patahimikin si Jesus. Ang ilan pa nga sa kanila ay nagkuntsaba para
iligpit Siya. Ngunit, magpahanggang sa
krus, sa tuwing tinatawag Niya ang Diyos sa pagitan ng Kanyang paghihingalo, bukambibig
pa rin ni Jesus ang Abba, na sa atin
pa po ay “Tatay”. Ang unang huling wika
po Niya ay “’tay, patawarin Mo po sila sapagkat hindi nila nalalaman ang
kanilang ginagawa”. At ang huli naman ay
“’tay, sa mga kamay Mo po inihahabilin Ko ang Aking kaluluwa.”
Ito po ang offer
ni Abba sa atin: si Jesus, ang Mesiyas, ang sarili Niyang Anak. At ito naman po ang offer sa atin ni Jesus: kapatawaran at kaganapan ng buhay. Pilit pong tinatapatan ng mundo ang offer na
iyan ng Diyos sa atin. Ang offer po ng mundo sa atin: kayamanan,
katanyagan, at kapangyarihan kahit sa anumang paraan. Ano pong sagot ninyo sa offer ng mundo: Deal or no deal? No deal?
Eh, bakit po kaya marami pa ring nagde-deal?
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home