MACHO
KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK
Mt 2:13-15. 19-23
Natitiyak kong kung itatanong ko sa inyo kung ano ang pinakamahirap sa buhay ng isang pari, marami sa inyo, kundi man lahat, ang isasagot ay “chastity”. Kaugnay kasi ng chastity ang celibacy, pero higit na malawak ang chastity sapagkat kahit na ang may asawa ay kailangang mamuhay ng malinis ang puso. Katapatan o fidelity, sa palagay ko, ang isa pang maaaring itawag sa chastity dahil kung tapat ka hindi mo durungisan ang sinumpaan mong pag-ibig. Ang celibacy naman po ay partikular na paraan ng chastity sa pamamagitan ng hindi pag-aasawa alang-alang sa Kaharian ng Diyos.
Labinlimang taon na rin po akong pari at ito ang masasabi ko: ang pinakamahirap sa buhay ng pari ay ang pangako ng pagtalima o obedience. Hindi naman po sa pinahihirapan kami ng aming obispo. Pero talaga naman pong kahit hindi ka pari, may mga pagkakataong sadya nga namang hindi madali ang sumunod. Dahil kinakailangan ng pagtalima ang ipailalim ang sariling kalooban sa kalooban ng nakasasakop o nakatataas, higit na lantad ang karanasan ng pagkamatay sa sarili. Sa aking buhay bilang pari, makailang ulit na rin po akong namatay sa aking sarili. Hindi ko po ito sinasabi dahil nagyayabang ako. Sa halip, sinasabi ko ito bilang pasasalamat sa Diyos na kung wala ay hindi ko kakayaning mamatay sa sarili at mabuhay nang magmuli.
Sila lamang mga may tunay na kababaang-loob ang marunong tumalima. Hindi po katangian ng mayayabang ang pagkamasunurin. Ang mayayabang, panay ang mando. Ang mabababang-loob, nagsisikap sumunod. At tanging ang mga mapagtalima lamang ang nakaaalam kung ano ang kahulugan ng kaligayahan.
Ngayong Kapistahan ng Banal na Mag-anak, lumilitaw na naman ang isang napakagandang katangian ng ating patrong si San Jose. Opo, siya nga po ay tahimik, matuwid, at manggagawa. Pero siya rin po, gaya ng nakikita natin sa ebanghelyo ngayong kapistahang ito, ay masunurin.
Sa ating makabagong mundo, iniiwasan ng mga lalaki ang tawagin silang “masunurin”. Tinatawag pa nga silang “macho” at pinagtatawanan, dahil ang ibig sabihin pala ng “macho” ay “machunurin”. Sinasabing ang lalaking asawa ay mapagmahal, maalalahanin, masipag, responsable, makisig, pasensyoso, tahimik, mabait, pero bihirang-bihira – kung meron man po – ang lalaking sinasabihang “masunurin”. Palibhasa, ang ibig sabihin sa “masunurin” dito ay pagiging “under the saya” kay misis. Iyon nga po kasi ang kahulugan ng pagkamasunurin: pagpapailalim ng sarili sa iba.
Si San Jose po ay “macho”. Opo, “machunurin” nga si San Jose. Hindi lang siya San Joseng Manggagawa, San Jose Masunurin din po siya. “Machunurin” siya sa Diyos. Ilang beses din po itong inilalarawan sa ebanghelyo. Ang una ay nang tanggapin niya si Maria at pakasalan, bagamat ang ipinagdadalantao nito ay hindi kaniya. “Machunurin” siya hindi kay Maria kundi sa Diyos dahil ang Diyos po ang nagpaliwanag sa kanya, sa pamamagitan ng isang anghel sa panaginip, kung ano talaga ang pagdadalantao ni Maria at ang Diyos din ang nag-utas sa kanya na tanggapin ito at pakasalan. Ngayong kapistahang ito naman po, nakikita natin muli si San Jose na dagling sinunod ang bilin ng Panginoon sa pamamagitan ng anghel na dalhin ang kanyang mag-ina sa Ehipto dahil hinahanap ni Haring Herodes ang sanggol na Jesus para patayin. Pagkatapos mamatay ni Herodes, inutusan ulit ng Panginoon si San Jose sa pamamagitan ng anghel sa panaginip na iuwi na ang kanyang mag-ina sa Israel dahil namatay na si Haring Herodes. At dahil ang anak pala ni Herodes ang humalili sa trono sa Judea, sinunod niya muli ang bilin sa kanya sa panaginip at sa rehiyon ng Galilea niya dinala ang kanyang mag-ina at doon nga po sa Nazareth niya binuo ang kanilang pamilya. Napakahalaga po talaga ng pagka-“macho” ni San Jose!
Dahil sa pagkamasunurin sa Diyos nitong si San Jose, nakaligtas ang Banal na Mag-anak sa tiyak na kamatayan. Biruin po ninyo, kung nagkataon, naisilang nga ang Manunubos pero napatay naman. Disgrasya po talaga, hindi ba?
Sabi po nila, kung ano raw ang puno, siya ang bunga. Kaya pala hindi nakapagtataka na si Jesus ay lumaking mapagtalima rin. Hindi po ba, si Jesus ay napakamasunurin hindi lamang kay Jose at Maria, kundi, unang-una sa lahat, sa Diyos na Kanyang Amang tunay? Kaya pala!
Kaya pala mabait ang anak n’yo kasi mababait na magulang kayo. Kaya pala magaganda ang mga anak n’yo kasi magandang mga magulang kayo. Kaya pala masipag ang anak n’yo kasi napakasipag ninyong mag-asawa. Kaya pala…kaya pala…kaya pala…. Masasabi rin po kaya na kaya pala masunurin sa Diyos ang mga anak n’yo kasi kayong mga magulang nila ay masunurin din sa Diyos?
Ibalik po natin sa ating pamilya ang pagiging “macho”. Opo, pagiging “machunurin” sa Diyos. Ipasailalim natin ang ating pamilya sa kalooban ng Diyos. Magpasakop po tayo sa Diyos. Hindi po iyan palaging madaling gawin, pero hindi imposibleng ugaliin. Ngunit, wala pong mangyayari kung hindi ito pasisimulan ng mga magulang. Kailangang nakikita at naririnig ng mga anak na ang kanilang mga magulang ay palagiang nagsisikap tumalima sa kalooban ng Diyos. At mula sa pagkakita at pagkarinig, maranasan ng mga anak na bahagi sila sa pasya ng kanilang mga magulang na magpasailalim sa kalooban ng Diyos.
Maraming paraan ang Diyos para ipahayag o iparamdam sa atin ang Kanyang kalooban. Para kay San Jose, ito ay sa pamamagitan ng mga panaginip. Ngunit kahit po sa pamamagitan ng panaginip ipabatid sa atin ng Diyos ang Kanyang kalooban, hindi rin natin ito makikilala kung hindi natin palagiang pinagninilayan ang Kanyang salita at kung hindi tayo nagdarasal. At ito po ay dapat na unang natututunan sa loob ng tahanan, dahil kung hindi, baka hindi ito na tuluyang matutunan. Kahit po ako, natuto akong tumalima dahil sa tatay at nanay ko. Tumpak nga po ang bukambibig na nagsasabing “The family that prays together stays together.” Ito po ang sekreto ng tunay na maligayang pamilya.
Ang Pasko ay hindi lamang pambata. Ang Pasko ay pang-matanda rin. Ang Pasko ay para kay Tatay, Nanay, Kuya, Ate, at Bunso. Ang Pasko ay para sa buong pamilya upang sa pagsasariwa nila sa pamilya nila Jesus, Maria, at Jose, higit nilang matutunan na ang wagas na kaligayahang inaasam nila bilang pamilya ay nasa pagtalima sa kalooban ng Diyos.
Maligayang Pasko! Maligayang pamilya.
3 Comments:
Sa loob ng mahigit tatlumpung taon, akala ko si papa ay naging tapat kay mama at wala ni anumang bisyo. Nakakalungkot na sa tagal ng kanilang pagsasama ay duon pa s’ya gumawa ng pagtataksil kay mama. Ganunpaman, patuloy pa rin kami na nananalangin na malinawan at magbalik ang matinong kaisipan ni papa. Ipinauubaya na po namin s’ya sa Diyos.
Kaya ang pagtatatag ng isang pamilya ay hindi biro. Ang mag-asawa ay kailangan na maging kawangis ni Maria at Jose (na bukas sa kalooban ng Diyos) upang magbunga ng isang magandang pagsasama.
Ang mga anak ang mga biktima ng paghihiwalay ng mga magulang. Pangarap ng isang ina na buo ang pamilya ngunit kung ang asawa ay isang abusadong asawa, ang tanging paraan ay ilayo sa kapahamakan ang bata. Kasalan ba kung kailangan ilayo ng ina ang mga bata sa ama? Kung ang dahilan ay di nararapat sa mga bata nakikitang sinasaktan ng ama ang ina, minumura ng ama ang ina, di kaya ipangtanggol ng ama sa mga pang-aapi ng mga "in-laws". Karapatan ng mga bata manatili sa tahanang mapayapa. Paano na kung ang ina ay isang imahe ni "Maria" ngunit ang ama ay taliwas sa imaghe ni "Jose"?
Masakit sa isang ina ang ilayo ang mga anak sa ama ngunit sakripisyo ang kailangan gawin upang ipadama sa mga bata na di tama na apihin ang ina at yurak yurakan ng sino man. Marami pa rin ang nagbubulagan ang nagbibingihan sa mga pangaabuso ng isang ama sa ina sa harap ng mga bata. Isang pangarap na lang sa mga bata makita ang pagbabago sa kanilang mga ama. Ito ang taging dasal na sana ang mga ama na minsan naligaw ng landas ay muling magabayan sa tunay na pagmamahal ng ama sa ina at ama sa mga anak. Ito magsisumula sa pagmamahal sa sarili nila at muling mamulat sa katotohanan kung paano ipadama sa tunay na pagmamahal sa pamilya. Ang tunay na pagtanggap na sila'y nagkasala at maging tunay na lalaki na humingi ng kapatawaran sa asawa at anak.
Sa kaso po namin, hindi naman naging malupit si papa sa amin. Lagi lang niya sinasabi na kapag nakatapos na kami ng pag-aaral, kami na ang bahala sa buhay namin. Marahil dahil sa kanyang mga pangaral ay nakatapos kaming lahat sa pag-aaral at nagkaroon kami ng magandang hanap-buhay. Tanggap at mahal naman namin si papa. Pero ang nakakalungkot lang ay ang paglilihim nya kay mama sa pagbibigay ng financial support sa ibang pamilya. Ngayon pa nasa 65 anyos na s’ya, meron pa s’yang pinagkakagastusang iba. Samantalang si mama, hindi man lang mabilhan ng isang pares ng tsinelas. Sabi ko nga po kay mama, kung ako yun hihiwalayan ko na s’ya. Dahil mahirap makipag-ugnay sa mga taong hindi tapat. Andito naman kami nakasuporta kay mama. Pero gusto niya na isalba ang moralidad ni papa. Hindi ko lang alam kung hanggang kailan ipagpapatuloy ni mama ang laban.
Kung alam n’yo lang po ang mga napagdaanan ni mama simula pagkabata hanggang ngayon, haaay… parang tele-novela. Ang dami na ring mga miracles mula kay Hesus ang naranasan namin.. Almost 10 years ago, nahulog si mama mula sa bubong ng bahay namin. Ang kwento ni papa nung nasa hospital sila, nung natutulog daw si mama, nakita nya na iba ang mukha niya, ang kinis daw ng mukha at ang ganda-ganda. After 3 days sa hospital, pina uwi na s’ya at wala ni anumang pilay.
Ngayon, ang kanilang relasyon mag-asawa ay sinusubok.
Gaano man kasalimuot ang pinagdadaanan, mahalaga ang bawat pagbangon at ang matatag na pananampalayata sa Diyos. Sa kabila ng lahat, masaya pa rin mabuhay lalo na’t kasama mo S’ya, sa hirap at ginhawa, hindi ba?
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home