27 December 2010

NAIPIT SA GITNA NG PALITAN NG PUTUKAN

Kapistahan ng Ninos Inocentes

Mt 2:13-18

Sa anumang digmaan, walang panalo. Lahat talo. At may ilang mga taong namamatay sa gitna ng palitan ng putukan. Ngayong araw na ito, ginugunita natin ang mga sanggol na naipit sa gitna nga palitan ng putukan.


Gustong patayin ni Herodes si Jesus dahil natatakot siya na baka maagawan siya ng trono. Palibhasa, ang sabi ng mga hula ng mga propeta, ito raw pong si Jesus ang bagong silang na Hari ng mga Judyo. Biro ninyo, handang-handa si Herodes na pumatay mapanatili n’ya lang ang kapit n’ya sa trono. Baliw! Gawa po talaga ‘yan ng diyablo.


Subalit kinakatawan ni Herodes tayong lahat kapag inilalagay natin sa panganib ang ibang tao para lamang sa sariling kapakanan. Ang ilan sa atin ay handa pang pumatay ng kapwa para lamang sa mga makasariling layunin.


Ngayong araw na ito, alalahanin natin ang mga taong isinakripisyo natin o naisakripisyo natin – kahit pa hindi sinasadya – para sa ating mga pansariling kapakinabangan. Pagsisihan natin ang ating mga ginawa o nagawa at bumawi tayo ng kabutihan sa kanila.


Ang Pasko ay hindi tungkol sa pagsasakripisyo ng kapwa para sa sarili. Sa halip, ang Pasko ay ang pagsasakripisyo ng sarili para sa kapwa. Habang minamasdan natin ang Belen, nakikita natin si Jesus na dumating sa piling natin na parang isang korderong pansakripisyo, nakahiga sa sabsaban. Dapat ipaalala sa atin ng Pasko na ang bawat-isa sa atin ay tinatawag na isakripisyo ang sarili para sa iba, na mamatay sa sarili para ang kapwa ay mabuhay.


Ang minasaker na mga sanggol at mga bata na ating ginugunita, tatlong araw matapos ang Pasko, ay patuloy na umiiyak. At parang tinatarakan tayo sa dibdib ng matalim na punyal. Hindi n’yo po ba sila naririnig? Hindi n’yo po ba nararamdaman?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home